Planong tanggalin ang asignaturang Filipino sa SHS, tinutulan
Tinutulan ng Alyansa ng Mga Tagapagtanggol ng Wikang Filipino (Tanggol Wika) ang planong bawasan o tuluyang alisin ang mga asignaturang Filipino sa senior high school (SHS). Ayon sa impormasyong natanggap ng Tanggol Wika, lumitaw ang plano sa kasalukuyang isinasapinal ng Department of Education (DepEd) na bagong kurikulum para sa SHS.
Sa isang borador na natanggap ng grupo, magiging isa mula sa dating tatlo ang rekisitong asignaturang Filipino sa SHS. Samantala, mayroon din umanong iba na nagtutulak na tuluyan nang alisin ang asignatura sa kurikulum.
Naghapag ng 10-puntong paliwanag ang Tanggol Wika kung bakit dapat tutulan ang planong ito. Ayon sa alyansa, taliwas ang plano sa pagtataguyod ng wikang pambansa sa edukasyon.
Lalo umano nitong patitindihin ang krisis na idinulot ng pagtanggal ng asignaturang Filipino sa kolehiyo at sa Grade 1. Sa ilalim ng bagong Matatag kurikulum, tinanggal ang Filipino sa Grade 1. Samantala, sa bisa ng Commission on Higher Education Memorandum Order No. 20, Series of 2013, tinanggal ang Filipino at Panitikan bilang mga rekisitong asignatura sa kolehiyo.
Nang ipataw ang CMO No. 20, S. 2013, humigit-kumulang 10,000 guro ang nawalan ng trabaho, nabawasan ng teaching load at nawalan ng sweldo at kita, natanggal sa pusisyon, o sapilitang inilipat ng lebel o asignaturang itinuturo. Ang iba na lumipat sa SHS, ay muli na namang haharap sa posibilidad na matanggal sa trabaho.
Dagdag ng Tanggol Wika, malaking kasinungalingan ang sinasabi ng rehimen na sasapat na ang paggamit sa Filipino bilang wikang panturo bilang panghalili sa isang asignaturang Filipino. Isinasantabi rin ng plano ang nailahad na sa mga pag-aaral na mahigpit ang ugnayan ng pambansang kaunlaran at matibay at intelektwalisadong wikang pambansa.
“Kung pababayaang bawasan o alisin ang Filipino subjects ngayon sa SHS, hindi malayong dumating ang araw na unti-unti na rin itong alisin at tuluyang tanggalin sa junior high school at elementarya,” ayon sa alyansa.
Sa harap nito, nanawagan ang Tanggol Wika na itigil ang pagbabawas at laluna ang pagtatanggal sa mga asignaturang Filipino sa SHS. Hinahamon ng grupo ang DepEd na konsultahin ang iba’t ibang sektor sa pagpaplano at pagpapaunlad ng kurikulum upang tiyakin tumutugon ito sa pangangailangan ng mga estudyante at komunidad.
Idiniin rin ng alyansa ang pangangailangang magkaisa ang iba’t ibang personahe at grupong nagtataguyod sa wikang sarili para tutulan ang bigwas sa asignaturang Filipino. Matatandaang nagpahayag rin ng pagtutol ang alyansa sa pagkakapasa ng batas na nagbasura sa programang Mother Tongue Based-Multilingual Education.