Balita

Pondong pambayad-utang, tumaas nang 12% sa panukalang badyet sa 2025

Tumaas pa ang pondong awtomatikong inilaan ng estado para pambayad-utang nito sa susunod na taon. Sa isinumiteng National Expenditure Program (NEP) ng Department of Budget and Management (DBM) kahapon sa Kongreso, inilaan ang ₱876.7 bilyon o 13.8% ng ₱6.352-trilyong panukalang badyet sa pagbabayad ng dambuhalang utang ng Pilipinas. Mas mataas ito nang 12.1% kumpara sa inilaan noong nakaraang taon.

Mapupunta lamang ang pondong ito sa pagserbisyo o pagbayad sa interes ng pautang ang pondong ito (₱848 bilyon). Mas mataas ang halagang ito nang 25.6% kumpara sa ipinambayad sa interes noong nakaraang taon.

Pinalalabas ng DBM na tumaas ang kinailangang alokasyon para sa bayad-utang dahil kinailangan nang bayaran ang milyun-milyong inutang ng rehimeng Duterte gamit ang pag-apula noon sa pandemyang Covid-19. Mula Enero hanggang Oktubre 2020, umabot sa ₱3.2 trilyon ang inutang ni Duterte. Malaking bahagi nito ay mula sa Asian Development Bank.

Lalo pang bumilis ang pangungutang ng Pilipinas sa ilalim ni Marcos. Sa nagdaang dalawang taon, umabot sa P204.7 bilyon kada buwan ang bagong inuutng ng Pilipinas, na dalawang ulit mahigit kumpara sa panahon ni Duterte na P95 bilyon kada buwan. Noong Mayo, umabot na sa P15.35 ang utang ng Pilipinas. Tinatayang sisirit tungong ₱17.35 trilyon sa katapusan ng 2025.

Ang pagtaas ng bayad-utang ay nangangahulugan ng pagkaltas ng badyet sa ibang ahensya at proyektong labis na kinakailangan ng mamamayan. Madalas kinakaltas ito mula sa pondo para sa mga serbisyong panlipunan, tulad ng edukasyon at kalusugan.

AB: Pondong pambayad-utang, tumaas nang 12% sa panukalang badyet sa 2025