Protesta, ikinasa sa huling araw ng Balikatan 39-24

Ang artikulong ito ay may salin sa English

Nagsunog ng bandila ng imperyalistang US ang mga iba’t ibang grupo sa harap ng hedkwarters ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Camp Aguinaldo, Quezon City ngayong araw, Mayo 10. Bahagi ito ng kanilang protesta sa inilunsad ng US na Balikatan 39-24 na nilahukan ng mga pwersa ng AFP. Kasabay ang protesta sa isinagawang seremonya ng pagsasara ng Balikatan sa loob ng kampo.

Ang Balikatan 39-24 ay sinumulan noon pang Abril 22. Ang seryeng ito ay ika-39 na mula nang una itong ilunsad noong dekada 1990. Itinuring na pinakamalaki sa kasaysayan ang Balikatan 39-24 kung saan lumahok ang 11,000 sundalong Amerikano at 5,000 tropang Pilipino. Pumasok rin sa bansa ang mga kinatawang upisyal militar ng 14 pang dayuhang bansa para lumahok at magsilbing tagapagmasid.

“Itong Balikatan, simbolo iyan, malinaw na halimbawa ng tuwirang pangingialam ng US sa ating bansa. Wala itong pakinabang sa ating bayan, ito ay perwisyo, salot sa ating lipunan,” pahayag ni Raymond Palatino, pangkalahatang kalihim ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan). Iginiit niya na paglulustay lamang ito ng bilyun-bilyong piso mula sa pondo ng bayan na walang ni katiting na kapakinabangan sa mamamayang Pilipino.

Binatikos din nila ang pagkasira sa kabuhayan ng mga komunidad na pinagdausan ng war games at pagkawasak sa kalikasan dulot ng mga pagpapasabog nito. Kabilang sa mga ito ang pagbabawal sa mga mangingisda na pumalaot sa baybayin ng Palawan at kanlurang mga prubinsya ng Luzon dahil sa live-fire exercises ng Balikatan. Libu-libong mga mangingisda ang walang kinita sa loob ng ilang linggo.

Ayon kay Palatino, ginamit ang Balikatan sa mahabang panahon para panatilihin ang pagsalalay at pamamalimos ng AFP ng mga bulok at pinaglumaang armas at kagamitang militar mula sa imperyalistang bayan. Dagdag pa niya, ang mga armas na ito, “ay ginagamit para sa karahasan, para sa pambobomba sa ating mga komunidad.”

Kinundena rin nila ang imperyalistang US sa pagsuporta nito sa kampanyang henosidyo ng Zionistang Israel laban sa mamamayang Palestino at pagpulbos sa Gaza. “Gamit [dito] ang mga armas at bomba na galing sa US,” giit ni Palatino. Habang sinasanay umano ang mga pwersang militar ng US at Pilipino sa pagpapasabog at paggamit ng mga armas pandigma sa Pilipinas, ang katulad na mga armas din ang pumapatay ng libu-libo sa mga pag-atake sa Gaza ng Israel.

“Ayaw nating gamitin ang bansa bilang staging ground ng US para sa kanyang imperyalistang adyenda sa Asia at sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Ang gubyerno ni Marcos Jr, sa halip na unhin ang isyu ng mamamayan—ang kagutuam, [pagharap sa] El Niño, kahirapan sa bayan—inuuna ang interes ng dayuhan, lalung-laluna ng imperyalistang US,” pagdidiin niya.

Nanawagan din si Palatino na ipagpatuloy ang kampanyang propaganda at edukasyon para isiwalat ang mga krimen ng imperyalistang US sa bansa laluna at papalapit ang ika-25 anibersaryo ng pagpirma ng Gubyerno ng Pilipinas sa Visiting Forces Agreement, kasunduan nito sa US, sa darating na Mayo 27.

AB: Protesta, ikinasa sa huling araw ng Balikatan 39-24