Protesta kontra-gera at AUKUS, inilunsad sa Sydney

,

Nagmartsa ang iba’t ibang grupo sa pangunguna ng Sydney Anti-AUKUS Coalition (SAAC) sa Sydney, Australia noong Mayo 24 para kundenahin ang militaristang koalisyong AUKUS (Australia, United Kingdom, at United States) at Quad (Australia, India, Japan at United States), at ang pag-uudyok ng mga ito ng gera laban sa China.

Ang kilos-protesta ay isinagawa matapos magpulong ang grupong Quad sa Hiroshima, Japan noong Mayo 20, kasabay ng idinaos doon na kumperensya ng mga G7 sa naturang lugar.

Ayon sa grupo, nababahala sila sa tunguhin ng Quad at G7 na lalong paigtingin ang tensyon sa Asia. Kinastigo nito ang palabas ng Quad bilang isang “partnership” at “susing pundasyon ng patakarang panlabas ng Australia.”

Pinuna ng grupo ang ginawang pag-anunsyo ni US President Joe Biden sa Japan na ibayong palalakasin ang pagtutulungan ng US at Australia sa produksyon ng mga armas pandigma at militarisasyon sa rehiyon sa balangkas ng AUKUS.

Kaugnay nito, maglalaan ng $368 bilyon ang gubyerno ng Australia para bumili ng hindi bababa sa walong nuclear submarine mula sa US. (Ang kontratang ng pagbebenta ng mga submarino sa Australia ay inagaw ng US mula sa France noong 2021.) Giit ng mga grupo na imbes na ilaan ang bilyun-bilyong pondo sa mga nuclear-powered submarine at iba pang armas pandigma, dapat itong ilaan sa serbisyong panlipunan at pangkalikasan.

Sa parehong araw, naglunsad din ng vigil ang mga kasapi ng Anti-War Victoria at Bagong Alyansang Makabayan-Australia sa US Embassy sa Melbourne, Australia. Bahagi ito ng buwanan nilang aktibidad para igiit ang pagkalas ng Australia sa mga digmang pinangungunahan ng US.

AB: Protesta kontra-gera at AUKUS, inilunsad sa Sydney