Rebolusyonaryong propaganda sa Eastern Visayas, pinalalakas
Nagsisikap ang rebolusyonaryong kilusan sa Eastern Visayas na palakasin ang gawain nito sa propaganda para ihatid ang mensahe ng rebolusyon sa masang anakpawis sa rehiyon. Nagpatupad ang kilusan ng mapagpasyang mga hakbang sa gawaing propaganda sa gitna ng higit pang umiigting na focused military operation (FMO) at bweladong kontra-insurhensyang propaganda ng 8th ID sa rehiyon.
Sa nagdaang linggo, inianunsyo ang pagtatalaga ng bagong mga tagapagsalita ng mga rebolusyonaryong organisasyon sa rehiyon.
Itinalaga bilang bagong tagapagsalita ng National Democratic Front-Eastern Visayas si Kasamang Celine Manlimbasog. Pinalitan ni Ka Celine ang dating tagapagsalita ng grupo na si Fr. Santiago Salas (Ka Sanny).
Ang napiling pangalan ni Ka Celine ay hango sa mga pangalan sa pakikibaka ng dalawang minamahal na bayani ng rebolusyong Pilipino sa rehiyon na sina Helenita Pardalis (Ka Elay/Ka Celine) at Antonio Cabanatan (Ka Manlimbasog/Ka Susing). Si Pardalis ay dating kalihim ng Panrehiyong Komite ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) sa Eastern Visayas habang si Cabanatan ay dating kalihim ng Komisyon sa Visayas at naging kagawad ng Komiteng Tagapagpaganap ng Panrehiyong Komite sa Eastern Visayas.
Ayon kay Ka Celine, magsisikap siya at ang NDF-EV Media Office para tuluy-tuloy na maghatid ng balita ng rebolusyon sa mamamayan ng rehiyon at maging sa buong bansa. “Uhaw na uhaw ang masa para sa rebolusyon lalo’t sawa na sila sa kasalukuyang sistema at nakikita na nilang sa pamamagitan lang ng rebolusyon makakamit ang tunay na panlipunang pagbabago,” aniya.
Dagdag niya, malaking hamon ang kanilang haharapin laluna at ginagamit ng 8th ID ang malaking rekurso, mga ahente at impluwensya sa mainstream at social media para busalan ang boses ng rebolusyonaryong kilusan at ng mamamayan.
Nanawagan siya sa mamamayan ng EV na magkaisa at lumaban sa harap ng mga atake ng reaksyunaryong estado. “Kailangan nating palakasin ang ating hanay, mag-organisa, at lumahok sa rebolusyonaryong pakikibaka. Sa ating pagkakaisa, hindi tayo magagapi ng mga reaksyunaryong tigreng papel,” aniya.
Liban sa NDF-EV, nagtalaga rin ng mga bagong tagapagsalita ang mga panrehiyong balangay ng Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid (PKM), Kabataang Makabayan (KM), Makabayang Kilusan ng Bagong Kababaihan (Makibaka) at Katipunan ng mga Gurong Makabayan (Kaguma). Magsisilbing tinig ng PKM si Kasamang Elias Sumuroy, ng KM si Joy Marie del Sol, ng Makibaka si Lorena Banaag at ng Kaguma si Edgar Sarigan.
Samantala, simula noong Oktubre 25 ay muli ring inilathala ng NDF-EV Media Office ang pahayagang Larab. Higit dalawang taon na tigil ang paglalathala ng panrehiyong pahayagan. Kasalukuyan itong naglalabas ng lingguhang isyu. Makukuha ang mga edisyon ng Larab tuwing Sabado sa PRWC o Philippine Revolution Web Central (philippinerevolution.nu).