Sa gitna ng trahedya, Syria binomba ng Israel

,

Binomba ng mga eroplanong Israeli ang isang mataong lugar sa katimugang bahagi ng Damascus, kabisera ng Syria, noong kalagitnaan ng gabi ng Pebrero 19. Ito ay habang lugmok ang bansa sa trahedya at abala sa pagsalba sa mga biktima ng malakas na lindol na tumama dito at sa Turkey noong Pebrero 6.

Ayon sa Syrian Observatory for Human Rights, isang organisasyong nakabase sa United Kingdom, hindi bababa sa 10 ang napatay sa pambobomba, kabilang ang isang babae at isang batang Syrian. Ayon sa grupo, tinarget ng mga bomba ang isang residensyal na erya. Tinarget nito ang isang 7-palapag na gusaling residensyal, isang eskwelahan at mga upisina ng institusyong pangkulutura. Napinsala din nito ang isang makasaysayang gusali (citadel).

Mahigpit na kinundena ng mga upisyal ng Syria ang pang-aatake, lalupa’t isinagawa ito sa panahong “naghihilom” pa ang mga sugat ng bansa dulot ng lindol. Nananawagan ang Syria na kundenahin ng UN ang aktong ito ng Israel. Anila, dapat umano itong ituring na krimen laban sa sangkatauhan.

Daan-daan nang ulit na binomba ng Israel ang Syria nang walang probokasyon sa nakaraang dekada. Madalas na walang inilalahad ang Israel na dahilan ng mga pang-aatakeng ito.

Huling bimomba ng Israel ang Syria noong Enero 2 kung saan pinatamaan nito ang internasyunal na paliparan sa Damascus. Apat na Syrian ang napatay sa pambobomba at dalawa ang nasugatan.

AB: Sa gitna ng trahedya, Syria binomba ng Israel