Sa harap ng mga atake at restriksyon ng kampong Marcos-Duterte: Mga manggagawa sa midya, nababahala
Sa Pandaigdigang Araw ng Malayang Pamamahayag, nagpahayag ng matinding pagkabahala ang isang grupo ng mga mamamahayag kaugnay sa mga atakeng nagmumula sa kampo ng tambalang Marcos-Duterte sa panahon ng kampanya.
“Lubos na naaalarma ang FOCAP (Foreign Correspondents Association of the Philippines) sa mga atakeng online laban sa ilan sa aming mga myembro mula sa mga tagasuporta ng kandidato pagkapresidente na si Ferdinand Marcos Jr at ang nakababahalang pagpapahirap para makuha ang kanyang malinaw, nauunawaan at sustantibong mga paliwanag kaugnay sa mga isyung may kabuluhan sa bansa at publiko.”
Kabilang sa mga naging biktima ang korespondent para sa Washington Post na si Regine Cabato, na tinawag ng mga tagasuporta ng tambalan na “whorenalist” (pinagsamang “whore” o puta, at “journalist” o mamamahayag) matapos lumabas ang kanyang ulat kaugnay sa pagrebisa sa kasaysayan ng mga Marcos. Isa pa ang berbal na pang-aabuso at pambabanta ni Larry Gadon, tumatakbo pagkasenador sa ilalim ng tambalan, laban kay Raissa Robles, matapos maglabas si Robles sa Twitter ng impormasyon tungkol sa hatol kay Marcos dulot ng di pagbabayad ng buwis.
Nagpahayag rin ng pagkabahala ang FOCAP sa kawalang akses ng midya kay Marcos Jr. at ang pagtanggi niyang humarap sa isang malaya, bukas at walang sensor na press conference sa buong panahon ng kampanya, gaya ng ginagawa ng ibang kandidato.
“Isang linggo na lamang bago ang eleksyon pero hanggang ngayon, wala pang ibinibigay na akreditasyon ang kanyang tim sa mahigit isang dosenang news agency sa ilalim ng FOCAP,” ayon sa grupo. Hindi tinutugunan ng kanyang kampo ang mga rekwes ng midya para sa pagkober at komentaryo sa mga isyu, at paghingi ng permiso para gamitin ang ilang mga materyal. “May mga pagkakataong binabalya ang mamamahayag na nagtatangkang makalapit sa kanya (Marcos jr.).”
“Ang lahat ng mga rektriksyon na ito ay nagpapahina sa kritikal at malayang pamamahayag sa isang balwarte ng demokrasya sa Asia at nagpapalakas sa pangambang ganito itatrato ang independyenteng midya sakaling maging presidente si Marcos,” ayon sa grupo. Nangako itong hindi mananahimik at lalaban sa mga pananakot at restriksyon, alinsunod sa panata nitong ipagtanggol ang kalayaan sa pamamahayag nang ito’y itayo sa ilalim ng batas militar ni Marcos Sr. noong 1974.
Samantala, muling sumumpa ang mga Pilipinong mamamahayag sa ilalim ng National Union of Journalists in the Philippines na itataguyod ang demokrasya laluna habang papalapit ang eleksyon.
“Determinado ang komunidad ng mga independyenteng mamamahayag na hindi magtatapos ang kanilang gawain sa eleksyon sa Mayo, at magpapatuloy ang kanilang pagtatrabaho kahit sinuman ang mailagay sa pwesto,” ayon sa NUJP.
Anito, sa harap ng walang awat na pagtatangkang tanggalan sila at ang kanilang trabaho ng kredibilidad, at ang mga pagbabanta at harasment na madalas kasunod sa mga kritikal na pag-uulat, natuto ang mga mamamahayag na suportahan at manindigan para sa isa’t isa, at palakasin ang mga diwa ng pagtutulungan at pakikiisa na nagbigay pag-asa sa nagdaaang madidilim na araw para sa pamamahayag sa bansa.
“Nakapagbuo tayo ng mga koalisyon — sa una para sa fact-checking at laban sa disimpormasyon — at mga alyansa ng pagtutulungan at suporta.”
Labas sa sektor, kaisa ang mga mamamahayag sa mga abugado, tagapagtanggol sa karapatang-tao, mga myembro ng akademya at civil society sa pagkwestyun sa mga hakbang na may masasaklaw na implikasyon sa batayang mga kalayaan, tulad ng Anti-Terrorism Law.