Taas-singil sa langis, muling binatikos ng Bayan Muna
Nagprotesta ang Bayan Muna sa tapat ng gasolinahan ng Petron sa Commonwealth Avenue, Quezon City noong Mayo 19 para batikusin ang panibagong pagtataas ng singil sa petryolo. Ipinatupad noong Mayo 20, ang ₱1.10 hanggang ₱1.30 kada litrong pagtaas sa gasolina, ₱1.60-₱1.80 sa diesel, at ₱0.95-₱1.40 sa kerosene.
Ayon kay dating Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate, ang malaking pagtaas na ito sa presyo ng petrolyo ay pasakit sa mga konsyumer, mga drayber at opereytor ng pampublikong transportasyon, at karaniwang Pilipino. Dagdag pa niya, tila isa itong “planadong hakbang” kung saan ipinataw matapos ang halalan noong Mayo 12 para hindi maging sentro ng galit ng publiko.
“Ang pinakabagong pagtaas ng presyo ng langis na ito…ay nagpapatunay sa matagal na naming sinasabi: ang mga kumpanya ng langis ay malayang nagmamanipula ng presyo ayon sa kanilang kagustuhan na halos walang pakialam mula sa gubyerno,” ayon kay Rep. Zarate.
Mula Enero, 11 beses nang nagpatupad ng pagtataas sa presyo ng petrolyo ang malalaking korporasyon sa bansa. Samantala, mayroong 10 beses nang pagbaba ng presyo sa parehong panahon. Dahil dito, umabot na sa ₱4 ang netong pagtaas sa singil sa gasolina at ₱3.8 naman sa diesel.
Ayon kay Rep. Zarate, napakahirap tanggapin na pagkatapos ng dalawang linggo ng rolbak ay biglang may malaking pagtaas ng presyo. “Ang mga kumpanya ng langis ay malayang nagtataas at nagbababa ng presyo ayon sa kanilang kagustuhan, habang ang gobyerno ay nanonood lamang,” pagdidiin ni Zarate.
Pinuna rin niya ang pagiging pasibo ng Department of Energy (DOE) sa pagtanggap sa mga paliwanag ng mga kumpanya ng langis tungkol sa pagtaas ng presyo, na idinadahilan ang mga global na salik tulad ng kasunduan sa taripa ng US at China at sangsyon ng US sa kalakalan ng langis ng Iran.
“Dapat mas maging maagap ang DOE sa pagprotekta sa mga konsumer kaysa basta na lang i-echo ang paliwanag ng mga kumpanya ng langis. Nasaan ang independiyenteng pagsusuri ng gobyerno sa pagtaas o baba ng presyo? Nasaan ang transparency sa pagkalkula ng mga pagtaas na ito?” tanong niya.
Dagdag niya, “kung talagang may epekto ang mga internasyonal na salik ay bakit napakabilis ng pagtugon ng mga kumpanya sa pagtaas ng presyo, pero napakabagal naman kapag dapat magbaba ng presyo?”
Muling nanawagan ang dating kongresista at ang Bayan Muna na ibasura ng gubyerno ang Oil Deregulation Law para sa kagalingan ng mamamayan. Ito ang batas na nagpapahintulot sa arbitraryong pagtataas ng singil sa petrolyo.
Hinikayat ni Rep. Zarate ang publiko na maging mapagbantay at sumali sa mga protesta laban sa patuloy na pagsasamantala ng mga kumpanya ng langis.
“Karapat-dapat ang mga Pilipino na magkaroon ng mas mabuting kalagayan kaysa maging alipin ng mga kumpanyang gahaman sa kita. Dapat nating sama-samang ipaglaban ang pananagutan at tunay na reporma sa industriya ng langis,” aniya.