Balita

Tanggalin ang VAT sa batayang mga bilihin

Nanawagan ang mga kongresista ng Makabayan na tanggalin ang value-added tax (VAT) na nagpapataw ng 12% buwis sa pinakabatayang mga bilihin para bigyan ng bahagyang luwag ang hirap na hirap nang mga Pilipino. Inihapag kahapon ng tatlong kongresista ng Makabayan ang panukalang pag-amyenda sa Tax Reform Act ng 1997 (batas na nagpataw ng VAT) noong Oktubre 13.

Saklaw ng panukala ang mga batayang pangangailangan na “regular na kinokonsumo ng mahihirap na pamilya” tulad ng tinapay, delata, karneng baka, isda at ibang pagkaing dagat, instant nudels, biskwit, asukal, mantika, asin, sabong panlaba, panggatong, uling, kandila at mga gamot na kinategoryang esensyal ng Department of Health.

Ayon Gabriela Rep. Arlene Brosas, ang pagtanggal ng VAT sa mga produktong ito ay makatutulong sa mga mamimili, laluna’t sumirit tungong 6.9% ang tantos ng implasyon noong Setyembre. Malaking bagay ito para maibsan ang paghihirap ng maraming pamilya, aniya.

Suportado ang panukala ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI), isang grupo ng mga negosyanteng Pilipino. Sa panayam sa isang dyaryo noong Oktubre 14, sinabi ni George Barcelon, presidente ng PCCI, na sinusuportahan nila ang pagtanggal sa 12% VAT sa nabanggit na mga bilihin. Aniya, matutulungan nito ang mga mamimili at lokal na mga negosyo para makabenta ng mas maraming produkto. Kung matataas ang presyo, mas kaunti ang binibili ng mga konsyumer at dahil dito papaliit din ang rebenyu ng mga negosyo.

Liban sa mga konsyumer, nakikita ni Barcelon na pinakamakikinabang sa pagtanggal ng VAT ay ang mga negosyong may kaugnayan sa pagkain.

AB: Tanggalin ang VAT sa batayang mga bilihin