Unyon sa Nexperia Philippines, muling nagsampa ng pabatid sa pagwewelga
Bago matapos ang 2024, muling nagsampa ng “notice of strike” ang mga manggagawa ng Nexperia Philipppines Inc sa pangununa ng unyon nitong Nexperia Philippines Inc. Workers’ Union-National Federation of Labor Unions-Kilusang Mayo Uno (NPIWU-NAFLU-KMU) noong Disyembre 10 sa National Conciliation and Mediation Board (NCMB) Region IV-A sa Calamba, Laguna. Tugon ito ng unyon sa isang taon nang pag-antala ng kumpanya at deadlock sa negosasyon para sa bagong collective bargaining agreement (CBA).
“Ang isyu ng deadlock sa negosasyon ng CBA sa pagitan ng unyon at ng Nexperia ay isang malinaw na halimbawa ng pagsasamantala ng mga kapitalista sa kanilang mga manggagawa,” pahayag ng unyon. Noong pang huling linggo ng Enero nagsimula ang negosasyon. Umabot na ito sa ika-21 na serye noong Nobyembre 29 pero hanggang ngayon ay wala pa ring sinasang-ayunan ang kapitalista sa kahingian ng unyon.
“Mula sa simula ng negosasyon, hindi ito (Nexperia) nagbigay ng makatarungang counter proposal. Sa halip, ipinagpatuloy ng kumpanya ang pagtanggi sa mga alok ng unyon,” paliwanag ng unyon. Ilang ulit na rin umanong nag-alok ang mga manggagawa ng “adjustment” sa CBA ngunit nananatiling barat at makunat ang kapitalista ng Nexperia at tumatangging sumalubong sa mga makatarungang pangangailangan ng mga manggagawa.
Ipinako ng Nexperia Philippines sa baryang ₱17 ang alok nito na dagdag sahod kada araw at ₱15,000 na signing Bonus. Ang giit ng unyon, dapat itong itaas tungong ₱50 dagdag kada araw para maging katanggap-tanggap man lamang para sa kanilang kalagayan.
Paulit-ulit na idinadahilan ng kapitalista na “mababa ang bolyum” ng produksyon kaya hindi ito pumapayag sa kahingian ng unyon. “Ang mga aktwal na numero at obserbasyon sa loob ng planta, tulad ng mataas na quota at pagtaas ng pagpasok ng raw materials at mga bagong customer, ay nagpapakita ng kabaligtaran,” pahayag ng unyon.
Liban pa, kabi-kabilang panggigipit at mainobra ang tugon ng Nexperia sa paglaban ng mga manggagawa. Sa nagdaang mga buwan, namalas ng NPIWU ang malinaw na mga hakbang ng kapitalista upang durugin ang unyon. Sinampahan nito ng kung anu-anong mga kaso ang mga upisyal ng unyon tulad ng “obstruction” sa panahon ng pagpapatipon sa mga kasapi nito, pagbabawal na gamitin ang ilang pasilidad para mag-apdeyt sa kasapian at iba pang maniobra.
Tagumpay ng unang planong welga
Matatandaan na nagpasyang magwelga ang mga manggagawa ng Nexperia sa pangunguna ng NPIWU noong Hulyo 29-30 matapos makakuha ng mayorya ng boto para sa welga. Naghain sila noong Hunyo 26 ng “notice of strike” dahil sa hindi makatarungang mga kundisyon sa paggawa tulad ng pagtatanggal sa mga upisyal ng unyon, pansamantalang pagtanggal sa mga kasapi ng unyon at paglabag sa mga prubisyon na nakasaad at napagkasunduan sa dating CBA.
Halos 600 ang mga manggagawang apektado ng naging serye ng mga tanggalan sa kumpanya mula noong 2023. Ginamit na dahilan ng maneydsment ang “automation” at “cost-optimization” para ipatupad ang maramihang tanggalan sa panahong iyon.
Dahil sa kapasyahan ng unyon at mga manggagawa, naitulak nito ang kapitalista na galangin ang unyon at karapatan ng mga manggagawa sa katiyakan sa trabaho. Sa isang kasunduang naabot noong Setyembre 18, nangako ang kumpanya na ibabalik ang mga tinanggal, palalawigin ang mga benepisyo at palalakihin ang separation pay ng mga manggagawa.
Naitulak din ng unyon ang maneydsment na mangakong wala nang magaganap na tanggalan hanggang katapusan ng taon at magtutuluy-tuloy na ang negosasyon para sa panibagong CBA. Dahil dito, iniatras ng unyon ang planong welga na pinagbotohan ng mga manggagawa.
Sa kasalukuyan, determinado ang mga manggagawa na igiit ang makatarungang dagdag sahod at iba pa nilang mga karapatan. Isasagawa ang pag-uusap sa pagitan ng dalawang panig hinggil sa “notice of strike” na pangangasiwaan ng NCMB sa Disyembre 12.
“Ang mga hakbang ng Nexperia ay nagpapakita ng layunin nilang pabagsakin ang unyon at ang mga karapatan ng manggagawa, ngunit ang patuloy na sama-samang paglaban ng mga manggagawa ay mahalaga upang maprotektahan ang kanilang mga karapatan at makinabang mula sa kanilang pagod at sakripisyo sa paggawa,” ayon pa sa NPIWU.
Ang Nexperia Philippines ay subsidyaryo ng kumpanyang Nexperia na nakabase sa The Netherlands. Nagmamanupaktura ito ng mga semiconductor sa mga pabrika nito sa Europe, Asia at US.