Balita

Walang dapat ipagdiwang sa kampanya laban sa droga ni Marcos Jr, ayon sa Karapatan

“Mula paramihan ng patay to paramihan ng aresto? Walang dapat ipagdiwang sa patakarang paramihan ng aresto sa drug war campaign ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr dahil hindi nito nilulutas ang ugat ng problema sa iligal na droga sa bansa bagkus ay binuksan pa ang pinto para sa mas maraming paglabag sa karapatang-tao, lalo na sa mahihirap.” Ito ang inihayag ng grupong Karapatan kasunod ng direktiba ng rehimeng US-Marcos at pahayag ni Nicolas Torre III, bagong talagang hepe ng Philippine National Police (PNP) hinggil sa kampanya kontra iligal na droga.

Matatandaang nagpahayag si Torre noong Mayo 2 sa isang press conference na isa sa sukatan ng husay sa paggampan ng kapulisan ay sa dami ng mahuhuli nito. Ito ang kanyang sagot nang tanungin siya kung paano niya tutuparin ang utos sa kanya ni Marcos Jr. na habulin ang maliliit na nagbebenta ng droga.

“Kasama sa metrics natin ang dami ng naaresto. Paramihan, paramihan. Kung noon, alam nyo, tinitiyak namin na lahat ay nakaayon sa batas,” pahayag ni Torre.

“Sa halip na tugunan ang ugat ng iligal na bentahan ng droga sa bansa, pinagpapatuloy lamang ng administrasyon ni Marcos ang polisiya at praktika na pinairal noong panahon ni Duterte, na nagbubuo lamang takot sa malawak na mamamayan at nagtitiyak ng impunidad para sa mga pinahintulutan ng estada na grupo ng mga vigilante at operatiba ng pulis na pumapatay sa mga suspek sa droga,” pahayag ni Atty. Maria Sol Taule, ikalawang pangkalahatang kalihim ng Karapatan.

“Habang ang bagong talaga na hepe ng kapulisan ay nagsasabing kinikilala niya ang karaptan ng mga inaresto, ang kanilang planong kampanya laban sa droga ay isang deklarasyon ng panibagong ‘open season’ para arbitraryong arestuhin ang mga tao dahil lamang sa pinagdududahan silang imbwelto sa bentahan ng iligal na droga. Hindi ba ito rin ang parehong nangyari noong gera kontra droga ni Duterte?” tanong ni Taule.

Nagpahayag rin ng pagkabahala ang Commission on Human Rights sa pahayag ni Torre. Ayon kay Beda Epres, Commissioner ng CHR, dapat ay sinusunod ang due process sa lahat ng operasyon ng kapulisan. Hindi dapat maging batayan ng tagumpay ang dami ng huli, kundi ang pagsunod sa tamang legal na proseso.

“Patuloy kaming nananawagan na dapat tugunan ang iligal na bentahan ng droga sa bansa bilang soyo-ekonomiko at pangkalusugan na usapin. Hindi sapat na ipagdiwang na nakakulong ang dating presidente dahil sa kanyang madugong kampanya at pagsawalangbahala sa tunay na ugat ng problema sa droga. Sa pag ulit ng administrasyon ni Marcos Jr sa dati nang polisiya na kontra droga, dapat nating alalahanin ang kasindakan ng gera kontra droga ni Duterte at manawagan na ang mga dating paglabag ay di na sana maulit sa kasalukuyan rehimen,” panawagan ni Taule.

AB: Walang dapat ipagdiwang sa kampanya laban sa droga ni Marcos Jr, ayon sa Karapatan