Abutin ang pinakamalawak na suporta upang ilantad ang walang habas na pambobomba ng 2nd IBPA at Filminera Resources Corporation sa kabundukan ng Masbate

,

Araw-gabi ang ginawang pagbomba ng 2nd Infantry Battalion Phil. Army sa bundok ng Bagulayag, Uac at Irong-irong sa bayan ng Uson, Mobo at Milagros. Una nang winasak ng mga bomba ang Mt. Bagulayag na nagsimula bandang alas-10 ng umaga hanggang 12 ng tanghali at mula alas-7 hanggang alas-8 ng gabi nitong Setyembre 23. Kinabukasan, Setyembre 24, muling binomba sa loob ng halos isang oras ang nasabing bundok na nagsimula ng alas-9 hanggang alas-10 ng umaga. Hindi bababa sa 46 ang pinakawalang bomba ng howitzer mula sa kampo ng militar sa Barangay Panicijan bayan ng Uson.

Putul-putol at nagkandabuwal ang mga puno ng niyog at kahoy na tinamaan ng mga bomba. Maraming mga hayop ang napatay at maraming magsasaka at residente ang halong takot at galit ang naramdaman bunsod ng pagkawasak ng minamahal na kabundukang isa sa pinagmumulan ng kanilang kabuhayan.

Linalayon ng militar na tuluyang itaboy ang mga magsasaka at residente na naninirahan sa mga paanan at gilid ng mga bundok ng Bagulayag, Uac at Irong-irong. Dahil dito, matutuloy ang ekspansyon ng kumpanyang Filminera na walang kahirap-hirap.

Tiyak na matapos ang pagwasak sa kabundukan ay susundan ito ng malawakang operasyong militar kasama ang mga tauhan ng kumpanyang Filminera upang tignan kung anong kayamanan ang kanilang mahuhuthot sa naturang mga bundok.

Sa kabilang banda, maraming magsasaka at residente ang mawawalan o madisloka ang kabuhayan.

Aasahang kung matutuloy ang ekspansyon ng mapaminsalang minang Filminera ay matutulad sa bayan ng Aroroy at Baleno ang kabundukan ng Bagulayag, Uac at Irong-irong. Palaging yayanigin ng mga putok ng mga bomba ang naturang kabundukan habang palaging malalagay sa panganib ang buhay ng mga tao sa lugar. Tiyak na sasahol pa ang karahasan at mga pagpaslang.

Matatandaang bago pa man magsimula ang pagwasak sa mga bundok ay bumakwit na ang mga pamilyang nakatira sa mga gilid at paanan ng bundok Bagulayag at Uac kasama ang kanilang mga alagang hayop upang hindi tamaan ng mga nagliliparang mga bomba.

Tiyak na abot tenga ang tawa ni Masbate Gov. Antonio Kho sa ginawang pagbomba sa kabundukan dahil sa makukuha niyang kurakot at suhol mula sa kumpanyang Filminera.

Walang maaasahan ang masang Masbatenyo laluna ang mga magsasaka at residente sa mga bayan ng Uson, Mobo at Milagros kundi kanilang pagkakaisa, pagtutulungan at sama-samang pagkilos upang hadlangan ang tuluyang pagwasak sa kanilang buhay at kabuhayan.

Kaisa ng masang Masbatenyo ang PKM-Masbate upang ilantad, hadlangan at sa pagsisikap na mapalayas sa prubinsya ang mapaminsalang kumpanya ng Filminera. Hindi tayo dapat tumigil sa pagkilos at paglaban sa anumang paraan na ating makakaya upang mapangalagaan ang ating buhay at kabuhayan.

Nasa ating mga kamay ang kinabukasan ng ating mga anak at susunod na henerasyon. Walang anumang matitira para sa kanila kung hahayaan nating mawasak ang ating minamahal na Masbate. Tayo na at sama-samang kumilos at lumaban!

Abutin ang pinakamalawak na suporta upang ilantad ang walang habas na pambobomba ng 2nd IBPA at Filminera Resources Corporation sa kabundukan ng Masbate