Ambus sa PNP-SAF sa Brgy. Putiao, Pilar, Pagpapanagot sa terorismo ng PNP Region V sa mamamayang Bikolano

,

Pagpupugay ang iginagawad ng RJC-BHB Bikol sa Celso Minguez Command – Bagong Hukbong Bayan Sorsogon sa matagumpay na ambus sa mga elemento ng 92nd Special Action Company-9th Special Action Force sa hangganan ng Brgy. Putiao nito lamang 7:00 ng umaga, ika-22 ng Pebrero. Marami ang sugatan sa mga pulis kabilang ang team leader na si MSgt. Osmer Edwin Apa, drayber ng trak na si PSSgt. Arnel Aves at si PCpl. Jeffrey Putian matapos targetin ng command-detonated explosive (CDX) ng BHB.

Ang naturang pananambang ay bahagi ng pagpapanagot sa PNP RO V sa madugong kampanyang kontrainsurhensya ng RTF-ELCAC sa rehiyon. Ang 92nd SAC-9th SAF ay aktibong nananalasa sa mga komunidad ng prubinsya ng Sorsogon kasabay ng mga pwersa ng Armed Forces of the Philippines (AFP). Tampok ang kanilang partisipasyon sa mga estilong Synchronized Enhanced Managing of Police Operations (SEMPO). Kinatatangian ito ng mga military strike operations at ekstrahudisyal na pamamaslang na tumatarget mga sibilyang pinararatangang sumusuporta o di kaya’y kasapi ng rebolusyonaryong kilusan. Kamakailan din ay inatas ni Duterte ang pagbubuo ng mga PNP marshall teams na sa esensya’y riding-in-tandem death squads ng kapulisan.

Patunay ang matagumpay na ambus sa lumalaganap na pagkasuklam ng mamamayang Bikolano sa kriminalidad ar brutalidad ng mersenaryong galamay ng rehimeng US-Duterte. Pinagpupugayan ng RJC-Bikol ang mga naliliwanagang elemento ng pulis at militar na maagap na na nagbibigay impormasyon sa rebolusyonaryong kilusan upang ilantad ang mga tiwaling aktibidad ng PNP at SAF sa kahabaan ng highway ng Sorsogon sa kasagsagan ng pagka-istranded ng ilang mga byahero dahil sa bagyong Auring.

Pagpapanagot din ito sa talamak na katiwalian ng kapulisan sa rehiyon. Para pagtakpan ang kainutilan ng PNP sa naganap na pananambang at maiwasang malantad ang laganap na pangingikil ng mga police checkpoints sa bayan ng Pilar, pinalabas ng PNP na magkokondukta sana ng operasyon ang SAF laban sa mga NPA na nagsasagawa umano ng extortion activities sa lugar. Ito ay sa kabila ng katotohanang nakakalat ang mga tsekpoynt ng pulis sa naturang lugar at walang NPA ang magpaparamdam ng kanilang presensya higit kapag maglulunsad ito ng mga aksyong militar.

Nananawagan ang RJC-BHB Bikol sa kapulisan, higit sa mga nasusuklam sa brutal na gera ng rehimeng US-Duterte: anumang pagsusumikap ng inyong hanay na sinserong harapin ang armadong tunggalian ay walang saysay kung patuloy kayong magpapatali sa dikta ng AFP. Batid na ng publiko ang sumisingaw na kultura ng karahasan at katiwalian sa loob ng inyong institusyon at patuloy itong mananaig kung hindi kayo maninindigan.##

Ambus sa PNP-SAF sa Brgy. Putiao, Pilar, Pagpapanagot sa terorismo ng PNP Region V sa mamamayang Bikolano