Arnel Halum, panibagong biktima ng EJK sa Sorsogon

,

Mariing kinukundena ng rebolusyonaryong kilusan sa Sorsogon ang ekstrahudisyal na pamamaslang kay Arnel Halum kahapon, Nobyembre 5, sa pagitan ng alas 12 hanggang ala-1 ng hapon, sa Sitio Kamandag, Barangay San Pascual, Casiguran.

Si Halum, 42 taong gulang, ay isang magsasaka na residente ng Barangay San Pascual, Casiguran at naging myembro ng NPA noong 2007-2009. Matagal na siyang wala sa armadong kilusan.

Tumutulong siya sa kanyang kapatid sa pagbubunot ng niyog nang pagbabarilin siya ng di kilalang mga indibidwal. Natagpuan na lamang siya ng kanyang kapatid na patay na nang pagbalik niya sa niyugan pagkatapos umuwi upang mananghalian.

Ayon sa pamilya ng biktima, may pumunta na mga di nakikilalang “dating myembro ng NPA” na nagtatrabaho na bilang mga hitman ng AFP sa bahay ng biktima bandang alas 10 ng umaga ng parehong araw.

Ayon sa kanyang pamilya, ilang buwan nang pinipilit ng militar si Halum na “sumurender” siya sa ilalim ng E-CLIP at sumali sa grupo ng mga “rebel returnee.” Tinanggihan niya ang mga pamimilit na ito.

Nananawagan ang rebolusyonaryong kilusan at ang pamilya ng biktima ng hustisya para kay Halum.

Ang pagpaslang kay Halum ay nagpapatunay lamang na hindi ligtas sa pasismo at ekstrahudisyal na pamamaslang kahit ang matagal nang nagpahinga na mandirigma na sibilyan na ang katayuan. Para sa AFP, dalawa lamang ang pwede pagpilian ng mga dating mandirigma—ang “sumurender” sa ilalim ng E-CLIP at magpagamit sa pasismo ng AFP at PNP o kamatayan.

Arnel Halum, panibagong biktima ng EJK sa Sorsogon