Pahayag

Rice Tarriffication Law, ibasura! Bagsak na presyo ng palay sa farmgate, lubos na pasakit sa magsasaka

,

Hindi na makaahon ang mga magsasaka ng palay buhat nang ipatupad ang Rice Tarriffication Law (RTL). Mula 2019, danas nila ang pababa nang pababang presyo ng palay sa farmgate. Ngayong Oktubre, sumadsad pa ang presyo ng palay sa abereyds na ₱8 kada kilo kahit pa pilit ang pagtatakip ng DA. Sa kabila nito, labis pa silang pinababayaan ng rehimeng US-Marcos II.

Sa Timog Katagalugan, naiulat ang sumusunod na presyo ng kada kilo ng palay sa farmgate: ₱9 sa Laguna, ₱10 sa Quezon, ₱5 sa Batangas, ₱8 sa Mindoro at ₱12 sa Palawan. Habang dinaranas ng mga magsasaka ng palay sa buong bansa ang ganitong pambabarat, pakitang tao at pantapal na solusyon lamang ang tugon ni Marcos Jr. Itinakda ng Department of Agriculture ang pinakamababang presyo ng basang palay sa farmgate na ₱17 kada kilo at nagmungkahi ng ₱3-bilyong pondong pambili ng palay at pangrenta ng mga pribadong warehouse. Pinalawig ang rice importation ban sa katapusan ng 2025 subalit labis na itong huli dahil malaon nang di makaahon ang mga magsasaka ng palay dahil sa pagsadsad ng presyo ng palay habang sumisirit ang gastos sa farm inputs. Lalong nawalan ng pangil ang DA sa kalakhan ng negosyante ng palay at bigas nang ipinatupad ang RTL na nagparami sa bilang ng pribadong traders, mamumuhunan at maging mga sindikato ng bigas sa bansa.

Kinunsinti ng reaksyunaryong gubyerno ang pambabarat ng mga negosyante sa palay nang inilabas ng Philippine Statistics Authority na datos na ₱14 kada kilo lamang ang gastos sa produksyon ng palay. Habang tumatabo ng tubo ang mga negosyante ng bigas, kabaliktaran ito sa mga magsasaka na nawalan ng kita at unti-unting pinapatay ng reaksyunaryong batas. Sa isang pag-aaral, umaabot ng ₱250 bilyon ang lugi sa kita ng mga magsasaka ng palay—apat na beses na mas malaki sa pinsalang idinulot ng Bagong Yolanda noong 2012. Daig pa ng bagyo kung humagupit ang RTL sa buhay ng mga magsasaka!

Iniinda ng mga magsasaka ng palay ang kawalan ng subsidyo mula sa reaksyunaryong estado na lalong tumitingkad sa panahon ng mga kalamidad. Kulang ang ayudang nakuha ng mga magsasaka ng palay sa nagdaang mga bagyo at maging noong El Niño. Nagpatupad pa ang estado ng pekeng programa ng ayuda na bandang huli ay programang pautang pala at kailangang bayaran ng magsasaka. Sentimyento ng mga magsasaka ang ayudang matagal nang pangako pero hindi nakakarating sa kanilang mga palad dahil kinukurakot ng rehimeng US-Marcos II at mga lokal na burukrata ang pondo ng bayan. Ayon sa mga magsasaka, kung inilaan sa subsidyo sa agrikultura ang nilustay na pondo ng gubyerno sa proyektong flood control, makakalikha sana ang mga magsasaka ng 12-13 milyong sako ng bigas.

Kung tutuusin, kayang tumindig sa sarili at magprodyus ng palay na nakasasapat sa pangangailangan ng bansa ang Pilipinas. Isang kabalintunaang nangunguna itong rice importer sa buong daigdig gayong itinuring din ang Pilipinas na isa sa mga nangungunang prodyuser ng bigas sa daigdig. Noong 2022, nakapagprodyus ang bansa ng 19.8 milyong metrikong toneladang palay na nagkakahalaga ng ₱344 bilyon. Sadyang malaki ang potensyal ng industriya ng palay sa Pilipinas dahil likas na mayaman at sapat ang lawak ng lupang agrikultural sa bansa. Mayroon pang 2.4 milyong magsasaka ng palay at may 2.7 milyong ektaryang palayan sa buong bansa.

Makatarungan ang nagpapatuloy na pakikibaka ng mga magsasaka ng palay para ibasura ang Rice Tarrification Law dahil ito ay anti-magsasaka at pro-imperyalista. Isa itong neoliberal na patakarang idinikta ng imperyalismo sa balangkas ng Agreement on Agriculture ng GATT-WTO para sa liberalisasyon ng mga produktong agrikultural kabilang ang karne, gulay, isda, at sa balangkas ng RTL—bigas. Pinalala pa ito ng EO 62 ni Marcos na nagpaliit sa taripa ng imported na bigas mula 35% tungong 15%. Higit nitong pinarami ang imported na bigas sa lokal na merkado at pinabagsak ang presyo ng palay sa farmgate.

Ang kalagayan ng mga magsasaka ng palay at ng industriya ng palay at bigas sa bansa ay malinaw na manipestasyon ng patuloy na pagkabulok ng lipunang malakolonyal at malapyudal. Sagka sa kaunlaran ng mga magsasaka ang mga salot na imperyalismong US, pyudalismo at burukrata kapitalismo (IPBK) na nagsasabwatan para manatili ang ganitong kaayusan.

Nararapat buong lakas na gawin ng mga magsasaka ang pakikibaka upang ibasura ang Rice Tarrification Law at iba pang pahirap na mga patakarang neo-liberal sa bansa. Kaakibat nito, dapat nitong ipaglaban ang pagpapataas ng presyo ng palay para tiyaking sapat na kumita mula sa kanilang pinaghirapan at pinagpawisan, ipaglabang ibaba ang mga presyo ng farm inputs tulad ng abono, pestesidyo, gasolina, upa sa makinarya atbp. Hindi dapat maglubay ang batayang saray upang ipaglaban ang pagpapababa ng upa sa lupa, pagpapataas ng sahod ng manggagawang bukid at pagpapababa ng interes sa utang. Kasabay ng lahat ng ito, dapat na makipagkaisa ang masang magsasaka sa iba pang demokratikong sektor at aping uri upang labanan ang kurapsyon at burukrata-kapitalismo. Mga lehitimong kahilingan ang mga nabanggit na kakayaning ipagtagumpay ng lakas ng pagkakaisa at pagkilos ng masang magsasaka.

Mawawakasan lamang ang paghahari ng IPBK sa pagtahak ng mga magsasaka sa landas ng pambansa demokratikong reblusyon (PDR). Sa balangkas nito’y isulong ang programa sa rebolusyong agraryo at pambansang industriyalisasyon. Sa pagsusulong ng PDR, pinapalakas ang rebolusyonaryong kilusang magsasaka upang kamtin ang lupang binubungkal, nang-eengganyo sa paglawak ng kasapian ng NPA at nagpapatatag ng kapangyarihang pampulitika sa kanayunan, ang demokratikong gubyernong bayan.

Sa pagtatayo ng tunay na demokratikong gubyerno ng mamamayan, ipapatupad ang mga patakarang maka-magsasaka kagaya ng pamamahagi ng lupa sa mga wala o kulang ang lupa. Titiyakin ng gubyernong bayan ang libreng irigasyon, imprastraktura, pasilidad para sa produksyon at pagbebenta, subsidyo para sa mga binhi at kasangkapan sa produksyon, seguro sa pananim, pautang at teknikal na suporta sa pamamagitan ng mga kooperatiba at asosasyong magsasaka. Anumang di pantay na kasunduan sa imperyalistang mga bansa ay papawiin kagaya ng GATT-WTO at iba pa.

Kailangang sumalig sa sariling lakas ang mga magsasaka, na bumubuo ng 60% ng populasyon ng Pilipinas upang makaalpas sa kahirapan at wakasan ang pyudal at malapyudal na pang-aalipin. Makipagkaisa sila sa iba pang aping uri at sektor upang padagundungin ang mga pakikibakang anti-pyudal, anti-pasista, anti-burukrata kapitalista at anti-imperyalista.

Bagsak na presyo ng palay sa farmgate, lubos na pasakit sa magsasaka