Bigyang-pugay ang hindi natitinag na rebolusyonaryong diwa ng Bagong Hukbong Bayan
Nagbibigay-pugay ang Komite Sentral ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) sa Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa okasyon ng ika-56 anibersaryo nito. Ibinibigay namin ang pinakamatikas na saludo sa katapangan at kagitingan ng mga Pulang mandirigma at kumander na patuloy na nagpupunyagi sa pagsusulong ng digmang bayan para ipaglaban ang hangarin ng mamamayang Pilipino para sa pambansang kalayaan at tunay na demokrasya.
Binabati namin ang BHB sa lahat ng mga pinaghirapan nitong makamit sa higit lima’t kalahating dekadang pagsusulong ng digmang bayan. Pinararangalan kayo ng mamamayang Pilipino bilang kanilang pinakamamahal na mga mandirigma. Walang-takot kayong lumalaban para sa mamamayan para wakasan ang pamatok ng imperyalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo, at naglulunsad ng matinding pakikibaka laban sa rehimeng US-Marcos.
Sa mahalagang araw na ito, ang pamunuan at buong kasapian ng Partido ay nagbibigay-pugay sa lahat ng nabuwal na mga bayani ng BHB na nag-alay ng sukdulang sakripisyo sa pagpiling paglingkuran ang sambayanan para labanan ang mga nang-aapi at nagsasamantala sa kanila. Sila ay mga martir ng sambayanan, na nararapat tularan ang buhay ng walang pag-iimbot na dedikasyon sa rebolusyonaryong adhikain.
Pinupuri namin kayo sa inyong matatag na pagtataguyod sa pamumuno ng Partido at aktibong pagsusulong ng kilusang pagwawasto simula noong Disyembre 2023. Sa pagiging kritikal sa sarili at pagwawasto sa nagdaang mga kamalian at kahinaan, hinay-hinay ninyong muling nababawi ang inyong lakas sa batayan ng malalim at malapad na suporta ng masa, at sa paglulunsad ng pakikidigmang gerilya batay sa inyong kakayahan.
Marami ang kailangan pang gawin para mabawi ang nawalang base, muling pasiglahin ang hukbo at ang baseng masa, at muling kamtin ang dating antas ng lakas. Kailangan nating pangibabawan ang maraming balakid at kahirapan. Desperado ang kaaway sa kagustuhang durugin ang Bagong Hukbong Bayan, para mawalan ng tagapagtanggol ang mamamayan at mawalan ng pwersang lalaban para sa kanilang adhikain. Naglulunsad ang kaaway ng malupit at walang-lubag na gera, ngunit sa kasagsagan nito, nagtatagumpay lamang itong udyukin ang mamamayan na lumaban nang may higit na lakas at determinasyon.
Dapat sukdulang magsikap ang buong Partido para palakasin ang Bagong Hukbong Bayan at isulong ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka, na pangunahing armas ng mga Pilipino, hindi lamang sa pagtatanggol sa kanilang mga sarili laban sa mga pasistang nang-aapi at nagsasamantala sa kanila, kundi para kamtin ang kanilang hangarin para sa pambansa at panlipunang paglaya. Ang tungkulin ng pagpapalakas sa BHB ay kasalukuyang pinakanangungunang tungkulin ng Partido, sa kabuuan, at dapat balikatin ng lahat ng kadre at komite, kabilang ang nakabase sa mga syudad, gayundin sa ibayong dagat. Ang pagtupad sa tungkuling ito ay rekisito sa pagsulong ng lahat ng iba pang tungkulin. Dapat magsilbi ang lahat ng iba pang mga tungkulin sa layunin ng pagsusulong ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka.
Kalagayan at mga tungkulin ng Bagong Hukbong Bayan
Ang kilusang pagwawasto na kasalukuyang inilulunsad ng Partido ay patuloy na umuugat, lumalaganap at nagbubunga ng positibong mga resulta, partikular sa larangan ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka. Sa mahigit lamang isang taon mula nang inilunsad ang kilusang pagwawasto, nagkaroon tayo ng puspusang mga pagsisikap sa pagkokonsolida at muling pagpapasigla sa BHB. Sa ilalim ng kilusang pagwawasto, masiglang itinataguyod ng Partido sa hanay ng BHB ang isang panloob na kampanya ng pag-aaral at pagbabalik-aral sa Marxismo-Leninismo-Maoismo, sa batayang mga prinsipyo ng Partido at estratehiya at taktika ng paglulunsad ng matagalang digmang bayan.
Para isulong ang kilusang pagwawasto, naglunsad ng mga kumperensya ang BHB sa antas ng rehiyon at iba pang antas ng kumand para lagumin ang mga karanasan para tukuyin at harapin ang mga kamalian, kahinaan at mga kakulangan sa nakaraan. Pinagtibay, pinalawig at pinalalim ng mga ito ang susing mga kritikal na obserbasyon ng Komite Sentral nang pinasimulan ang kilusang pagwawasto noong Disyembre 2023. Pinagtibay ang mga resolusyon na layuning palakasin ang BHB at komprehensibong itulak paabante ang digmang bayan. Ang mga Pulang mandirigma ng BHB ay higit na determinado na lumaban para sa mamamayan laban sa brutal na paninibasib ng pasista at mapang-aping rehimeng US-Marcos.
Puspusang pinupuna at itinatakwil ng Partido at ng BHB ang nangingibabaw na Kanang oportunistang tendensya na humantong sa mga kamalian, kahinaan at kakulangan, at na nagresulta sa pagkabalaho at pag-atras. Ang mga ito ay pangunahin nasa porma ng konserbatismo at pagbitaw sa gerilyang inisyatiba, kapwa sa gawaing militar at pulitika, na kapwa nagpahina sa BHB at sa baseng masa nito.
Nagresulta ang mga ito sa mga tendensya ng kusang pagpapakitid, katulad ng matagalang pagbabase sa bundok ng mga pormasyon ng BHB at kabiguang palawakin ang erya ng operasyon ng mga yunit ng BHB lampas sa kanilang “paboritong” mga baseng erya. Ibinunga nito ang paghina ng kakayahan ng BHB na makapaglunsad ng sustenido at malawakang panlipunang pagsisiyasat, propaganda at pag-oorganisa sa hanay ng malaking bilang ng masang magsasaka. May ilang yunit ng BHB ang nagsimulang sumalalay sa mga alyadong mayamang magsasaka para pamunuan ang mga pakikibakang masa, sa halip na buuuin ang organisadong lakas, pangunahin ng mahihirap na magsasaka at manggagawang bukid, katuwang ang mababang-panggitnang magsasaka at gitnang-panggitnang magsasaka. Mayroon ding tendensya na sumalalay lamang sa pagbibigay ng mga proyektong sosyo-ekonomiko o pangkomunidad, na naglalayo sa masa sa pangangailangang buuuin ang kanilang organisasyong masa para sa paglulunsad ng makauring pakikibaka para labanan ang pyudal at malapyudal na mga porma ng pang-aapi at pagsasamantala. Nagkaroon ng matagalang pagsasaisantabi sa sistematikong pagsisikap na buuin ang mga yunit milisya at pakawalan ang kanilang inisyatiba sa pakikidigmang gerilya. Bilang resulta ng lahat ng mga ito, namalas natin ang pagkitid at pagbabaw ng baseng masa.
Hindi mahigpit na natanganan ang susing tungkulin ng paglulunsad ng rebolusyong agraryo. Hindi nailunsad ang mga kampanya sa reporma sa lupa na makapagpapakilos sa pinakamaraming magsasaka, sa antas ng lakas at saklaw na katugon sa lumulubha at higit na lumalaganap na mga anyo ng pyudal at malapyudal na pagsasamantala, pagpapalit-gamit ng lupa, at pang-aagaw sa kabuhayan ng milyun-milyong magsasaka, manggagawang-bukid at mangingisda sa kanayunan. Hindi nakonsolida at naitaas ang nagdaang mga tagumpay sa paglulunsad ng reporma sa lupa. Hindi sustenidong naisagawa ang pagpapalakas ng mga lokal na sangay ng Partido at organisasyong masa.
Napansin natin kung paano ang mga kahinaan at kakulangang ito sa pagbubuo at pagpapalawak ng baseng masa ay bumagbag sa kakayahan at kumpyansa ng BHB na maglunsad ng mga taktikal na opensiba na may pangunahing layunin na baha-bahaging durugin ang armadong pwersa ng kaaway, at agawin ang kanilang mga armas. Sa halip, mayroong tendensyang lubhang paburan ang kalat-kalat na harasment at iba pang atritibong taktikal na opensiba, na hindi sistematikong sumisira sa lakas ng kaaway, o nakatutulong sa tuluy-tuloy na pag-iipon ng lakas ng BHB. Higit itong pinatindi ng tendensyang maging pasibo sa harap ng pangmilitar na superyoridad ng kaaway, na resulta ng makitid at isang panig na pagtanaw sa balanse ng mga pwersa, at kabiguan magkaroon ng diyalektikal na pagtanaw sa taktikal na lakas ng kaaway at sa estratehikong kahinaan nito.
Pinalaganap din ng Kanang oportunistang tendensya ang ultra-demokrasya at pinahina ang panloob na disiplinang militar ng BHB, at paninindigang pang-ideolohiya ng mga Pulang mandirigma. Nagbunga ang ultra-demokrasya ng pagpapakasapat, at nag-anak ng “sibilyanisasyon” sa hanay ng mga Pulang mandirigma. Ang batayang mga alituntunin at oryentasyon ay hindi mahigpit na sinusunod sa takbo ng kanilang araw-araw na aktibidad sa kampo, sa pagmamartsa, o sa gawaing masa o gawaing militar. Walang-paltos nitong pinababagal ang mga maniobra, pinipigilan ang inisyatiba, at sa sukdulan ay sumasagka sa kanilang kakayahan na epektibong makipagsagupaan sa kaaway. Nakompromiso ang gerilyang paglilihim sa paggagasgas sa mga linya ng suplay, pagmamaniobra sa lumang mga rutang tukoy na ng kaaway, at pagsasaisantabi sa batayang mga patakaran sa pag-iingat sa paggamit ng kagamitang elektroniko at radyo. Dahil sa kakulangan sa mahigpit na pagtupad sa mga patakaran, nagtagumpay ang kaaway sa ilang pagkakataon na magpasok ng mga GPS tracker na ginagamit para sa tiyak na mga aerial strike.
Iba pang manipestasyon ng ultra-demokrasya ang labis na dispersal ng mga yunit, kakulangan sa matibay na sistema ng kumand at kontrol, kabiguang regular na mag-ulat at makipag-ugnayan sa kanilang nakatataas na kumand, at pagsasantabi sa pagpapaunlad at pagpapalakas ng isang mabilis at maaasahang sistema ng komunikasyon. Nagbigay-daan rin ang Kanang oportunismo sa burukratismo, kung saan bigo ang mga kumand na gampanan ang maagap na pamumuno para bigyang direksyon o tulungang harapin ang mga problema o usapin na kinahaharap ng nakabababang mga yunit. Sa pinakamaluba, naghugis ang burukratismo ng “eksepsiyonalismo” kung saan ang mga patakaran ay hindi patas na ipinatutupad sa mga kumander at mandirigma, dahilan para bagbagin ang panloob na pagkakaisa ng ilang mga yunit ng hukbong bayan.
Napansin din natin ang mga “Kaliwang” oportunistang tendensya bilang sekundaryong kalakaran, kabilang ang asboluto o pinatagal na konsentrasyon ng mga platun at mas malalaking pormasyon, mga taktikang “expansion by fire” na maling naglalantad sa direksyon ng BHB, pagbigwas sa matitigas na target na kaaway, hindi wastong pokus sa mga taktikal na opensibang lakas-kumpanya kasabay ang pagsasaisantabi sa mga maliliit na yunit na taktikal na opensiba, at iba pa.
Ang utay-utay na pagkaagnas ng baseng masa, ang hinay-hinay na pagkabawas ng kakayahan na makapaglunsad ng anihilatibong mga taktikal na opensiba, dumaraming kakulangan sa gerilyang disiplina, at lumalagong burukratismo sa hanay ng BHB ay nag-ambag lahat sa mga kakulangan sa pagtupad ng taktikal na linya ng paglulunsad ng masaklaw at maigting na pakikidigmang gerilya sa batayan na papalawak at papalalim na baseng masa. Nagresulta ito sa pagkabalaho ng matagalang digmang bayan sa panggitnang yugto ng estratehikong depensiba sa mahabang panahon.
Dahil sa mga kahinaan at kakulangang ito, nalagay ang BHB sa bulnerableng pusisyon sa pinaigting na gera ng pagkubkob at paglipol ng kaaway. Simula 2017 at 2018, kinatampukan ito ng walang tigil na nakapokus at sustenidong operasyong militar (FSMO) na nagpapakilos ng ilampung libong tropang panaguba sa buong bansa, para magtalaga ng isa o ilang batalyon kada larangang gerilya. Malupit at walang-tigil na inatake ng kaaway ang baseng masang magsasaka sa pamamagitan ng paghahamlet, saywar, intimidasyon, kampanyang pagpapasuko, pagdukot, ekstra-hudisyal na pagpaslang, masaker, aerial bombing at panganganyon. Sa tabing ng tinatawag na “retooled community support program” (RCSP) o “modified community support program,” permanenteng pinananatili ang mapang-aping presensya ng mga pangkat ng pasistang tropa sa gitna ng sibilyang populasyon.
Dahil sa kusang pagpapakitid, humina ang pampulitikang pusisyon ng BHB, na nagtulak sa maraming yunit sa sitwasyong lantay militar, dahilan na mawala ang kanilang inisyatiba at maging bulnerable sa mga atake. Dahil sa mga ito at iba pang panloob na mga kahinaan at kakulangan, dumanas ang BHB ng signipikanteng pag-atras sa panahon ng 2017-2022 sa pagharap sa malupit na kampanya ng aerial bombing na suportado ng US at mga operasyong panagupa ng rehimeng US-Duterte. Marami sa mga yunit ang maling nagtaya sa itatagal ng kampanya ng kaaway kung saan inisip ng iba na kakayanin nilang “palipasin” ang mga ito. Gayunman, kaiba sa dating mga kampanya ng kaaway na mas maiksi ang siklo na nagtatagal ng ilang linggo hanggang isang buwan, mas malawig ang mga FSMO ng kaaway simula 2017, na umaabot ng ilang buwan hanggang isang taon o higit pa. Nagpatupad ag kaaway ng taktikang “blockhouse” sa pagtatayo ng permanenteng mga kampo militar at detatsment sa mga barangay at komunidad. Sa ilang larangang gerilya, walang-patlang ang mga FSMO ng kaaway na ngayo’y nagtagal na ng 7-8 taon na sa ngayon.
Sa maraming taon na ngayon, ginagamit ng kaaway ang linya sa saywar na nasa landas na ito ng estratehikong pagkapanalo laban sa BHB. Nag-iimbento ito ng pinalaking bilang ng sinasabing “nabuwag” o “pinahinang” larangang gerilya. Ang mga punong upisyal ng AFP ay nagpapalabas ng hibang na mga pahayag na mayroon na lamang isang “pinahinang larangang gerilya” ang BHB, kahit pa hindi nila itinatago ang katotohanan na patuloy itong naglulustay ng bilyon-bilyong piso sa aerial bombing, mga operasyong panagupa at saywar laban sa BHB at laban sa mamamayan.
Sa sulsol ng AFP, ang mga upisyal sa prubinsya at lokalidad ay naglalabas ng mga pekeng deklarasyon na ang kanilang mga prubinsya o bayan ay “insurgency-free” (wala nang NPA), na kalaunan ay mapasisingungalingan sa panahong naglunsad ng taktikal na opensiba ang mga yunit ng BHB. Hindi maitatatwa ng AFP ang reyalidad na patuloy na tumatamasa ang BHB ng malalim at malapad na suporta mula sa mamamayan dahil patuloy nitong ipinaglalaban ang kanilang mga hangarin para sa hustisya at tunay na kalayaan.
Noong 2022 pa lamang, marami sa mga panrehiyong komite ng Partido ang naglagom ng kanilang karanasan na nagtukoy sa mahahalagang kamalian, kahinaan at kakulangan sa paglulunsad ng masaklaw at maigting na pakikidigmang gerilya sa batayan na papalawak at papalalim na baseng masa. Ipinatupad ang kagyat na mga pagbabago sa kondukta ng mga yunit ng BHB para bawiin ang inisyatiba at palawakin ang baseng masa at maglunsad ng mga taktikal na opensiba batay sa kakayahan. Sa paglulunsad ng kilusang pagwawasto noong Disyembre 2023, tinuntungan ng Komite Sentral ang mga inisyal na pagsisikap na ito, mas sistematikong tinukoy ang mga pang-ideolohiyang ugat ng mga kahinaang ito, at mas matalas na tinukoy at pinuna ang iba’t ibang Kanang oportunistang tendensya na nagdulot ng istagnasyon at pag-atras sa paglulunsad ng digmang bayan. Kinikilala ng Partido at ng BHB ang mga hamon na ito, ang bagong sitwasyon at ang bagong hanay ng mga tungkulin na kaakibat nito.
Kasalukuyang nasa proseso ang BHB ng muling pagpapakat at muling pagsasanay ng mga yunit nito alinsunod sa mga rekisito ng paglulunsad ng masaklaw at maigting na pakikidigmang gerilya sa batayan na papalawak at papalalim na baseng masa. Dahan-dahang nakapangingibabaw ang mga larangang gerilya ng BHB sa pasibidad at nakababawi ng inisyatiba. Sa nagdaang taon, naging relatibong matagumpay sila sa pagpepreserba -ng sariling pwersa, at pagbigo sa walang-tigil at pinatinding kampanya ng pagkubkob at paglipol ng kaaway. Ang malawakang-saklaw na mga FSMO ng kaaway ay higit na napapawalang-saysay. Dahil dito, kahit sa panahon ng pinatinding operasyong kombat at pagsuyod ng kaaway noong Disyembre 2024 at hanggang Enero ay nakapaglunsad pa ang BHB ng mga asembleya ng pagkokonsolida at nakapagpaunlak ng ilampung bisita para magsagawa ng mga aktibidad sa edukasyon at pangkultura.
Sa paggamit ng mga taktikang konsentrasyon, dispersal at paglilipat, mabilisang pagkilos, pagpapanatili ng mataas na antas ng paglilihim, at sa pagpapalawak sa kanilang erya ng operasyon, sa kalakhan ay napanatili ng mga yunit gerilya ng BHB na bingi at bulag ang kaaway at pinawalang-saysay ang kanyang mga kampanyang militar at aerial bombing. Sa paglulunsad ng aktibong depensa, tumataas ang kakayahan ng mga yunit ng BHB na pinsalain ang umaatakeng mga pwersa ng kaaway. Ang mga tropang panagupa ng AFP ay ginagamit bilang bala sa kanyon sa mga operasyong kombat na nag-aantay na maambus. Samantala, para panatilihin ang ilusyon na nagawa na nitong “estratehikong matalo ang BHB,” sistematikong itinatago ng AFP ang dumaraming bilang ng mga kaswalti, napaslang at nasugatan, resulta ng mga bigong pag-atake laban sa BHB.
Gayunman, katulad ng idiniin natin noong Disyembre, marami pang kailangang gawin para makita natin ang ganap na pagbunga ng kilusang pagwawasto. Sa okasyon ng ika-56 na anibersaryo ng BHB, muli naming inuulit at ipinaliliwanag ang kagyat na mga tungkulin sa ideolohiya, pulitiko-militar at organisasyon ng BHB at ng bag-as ng Partido kaugnay ng kilusang pagwawasto ng Partido.
Dapat nating itaas ang antas ng teoretikal na pag-unawa ng mga Pulang kumander at mandirigma at ng mga giyang pampulitika. Ibayong pasiglahin ang pag-aaral sa Marxismo-Leninismo-Maoismo at mga batayang prinsipyo ng Partido, sa pamamagitan ng paggamit sa mga ito bilang gabay sa pagtataas at paglalagom sa ating mga karanasan, at sa pagpaplano sa mga hakbangin sa hinaharap. Dapat mabigyan ang mga Pulang kumander at mandirigma ng mga sulating militar ni Tagapangulong Mao Zedong para mapag-aralan at sanggunian. Masikhay na pag-aralan ang Ang mga Partikular na Katangian ng Ating Digmang Bayan ni Amado Guerrero gayundin ang iba pang mga artikulo ng Komite Sentral, para magkaroon ng malinaw na paggagap kung paanong yugtu-yugtong uunlad ang matagalang digmang bayan. Pag-aralan ang huling artikulo ni Ka Joma na “Hindi magagapi ang demokratikong rebolusyong bayan” at mahigpit na gagapin ang mga salik kung bakit hindi magagapi ang Bagong Hukbong Bayan.
Maglunsad ng kampanya sa ideolohiya at kultura para ibayong pandayin ang determinasyon ng mga Pulang mandirigma na maglunsad ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka at palalimin ang kanilang walang pag-iimbot na dedikasyong paglingkuran ang sambayanan. Maglunsad ng mga parangal para alalahanin ang mga bayani at martir ng rebolusyong Pilipino na nagsisilbing mga halimbawang dapat tularan. Ilantad at itakwil ang mga traydor at bayaran na ipinagkanulo ang mamamayan at ang rebolusyon.
Maglunsad ng sustenidong kampanya ng pang-ideolohiyang pagpapanibagong-hubog sa hanay ng mga Pulang kumander at mandirigma ng BHB. Isagawa ang regular na punahan at pagpuna sa sarili, at ebalwasyon. Itaas ang antas ng disiplinang militar at kakayahan ng mga Pulang mandirigma sa pamamagitan ng tuluy-tuloy na pagbabalik-aral sa batayang oryentasyong militar at mga patakaran, pagsasanay, at regular na ehersisyong pisikal. Regular na magsagawa ng mga pag-eensayo para itaas ang kakayahan ng mga yunit na kumilos bilang isa.
Itaas ang pampulitikang kamulatan ng mga Pulang mandirigma sa pamamagitan ng regular na pampulitikang edukasyon tungkol sa maiinit na isyu at sa kabuuang pambansa at internasyunal na sitwasyon. Hubugin ang kanilang kakayahang pampulitika at teknikal sa pamamagitan ng mga pagsasanay tulad ng panlipunang pagsisiyasat, pagsasalita sa publiko, pagsusulat at iba pa.
Maglunsad ng kampanyang rekoberi o muling pagpapakilos, ekpansyon at konsolidasyon sa baseng masa na may layuning magtatag ng lakas-kumpanyang mga larangang gerilya. Patuloy na muling magpakat at muling magsanay nga mga yunit ng BHB alinsunod sa mga rekisito ng paglulunsad ng masaklaw at maigting na pakikidigmang gerilya sa batayan na papalawak at papalalim na baseng masa. Patuloy na magtayo at magpatatag ng mga platun ng BHB bilang batayang yunit, na nagpapanatili ng sentro de grabidad para sa kumand at komunikasyon, pleksibleng nagpapakat at nagkakalat ng mga iskwad at tim nito para sa gawaing masa at mga taktikal na opensibang kaya ng maliit na yunit, nagkokonsentra para sa konsolidasyon, pagsasanay at mas malalaking taktikal na opensiba, at naglilipat para labanan ang pagkubkob ng kaaway at para magpalawak.
Maglunsad ng masisiglang kampanya para magrekrut ng mga Pulang mandirigma mula sa mga lokal na komite ng Partido at organisasyong masa ng mga magsasaka, laluna mula sa hanay ng mga kabataang aktibista na aktibong lumahok sa mga pakikibakang masa sa kanayunan. Ang mga komite ng Partido at organisasyong masa sa mga syudad at sentrong bayan ay dapat aktibong magpropaganda, at maglunsad ng mga kampanya para magrekrut ng mga Pulang mandirigma mula sa mga manggagawa at petiburgesyang intelektwal at iba pang sektor. Ang mga unyon at organisasyong masa ay dapat magplano na regular na magpadala ng maliliit na tim para sa eksposyur o pagtatalaga ng mga tauhan sa BHB.
Maglunsad ng mga pulitiko-militar na pagsasanay para magpalitaw ng bagong mga upisyal na may kakayahang mamuno sa mga tim, iskwad at platun ng BHB sa gawaing masa at kombat.
Isagawa ang panlipunang pagsisiyasat at pagsusuri sa uri sa saklaw ng mga bayan at prubinsya, linya ng mga pananim o industriya, para tukuyin ang pinakakagyat na mga isyu at suliraning sosyo-ekonomiko at pampulitika masa. Sa batayan ng mga ito, dapat tayong magtayo, muling magpakilos, o magpalawak ng mga rebolusyoaryong organisasyon masa ng mga magsasaka, kabataan, kababaihan, mga bata at manggagawang pangkultura. Dapat nating iwasan ang mekanikal na “muling pagsisimula sa wala” na hakbang-hakbang na paraan ng pag-oorganisa na bigong ikunsidera ang rebolusyonaryong kasaysayan ng mamamayan sa mga larangang gerilya o baseng erya. Dapat walang pagod na maglunsad ng propaganda at edukasyon para konsolidahin ang masa at itaas ang kanilang militansya. Magtatag, muling magtatag o muling pakilusin ag mga organo ng kapangyarihang pampulitika sa mga barangay, inter-barangay o sa antas bayan.
Maglunsad ng mga kampanya at pakikibakang masa para pakilusin ang pinakamalaking bilang ng mga magsasaka laban sa pyudal at malapyudal at iba pang porma ng pang-aapi. Isulong ang pakikibaka ng masang magsasaka para sa kahingiang ibaba ang upa sa lupa, pawiin ang usura, magkaroon ng patas na presyo sa pagbili sa kanilang mga produktong pang-agrikultura at iba pa. Pakilusin ang masa laban sa pangangamkam ng lupa at mga operasyon sa mina at iba pang malalaking negosyo na sumisira at lumalason sa kalikasan. Dapat kagyat na magbuo ng plano ang mga organo ng kapangyarihang pampulitika, lokal na sangay ng Partido, mga organisasyong masa, at mga yunit ng BHB para tulungan na makaangkop ang mamamayan sa mga sakunang pangklima, kabilang ang pagsasaayos sa mga sakahan, sistema sa patubig, paghahanap at pagsalba, at pagkuha at paglilibing sa mga namatay.
Maglunsad ng anti-pasistang mga kampanya at pakikibaka. Ilantad ang lalong lumalalang mga pag-abuso, kabuktutan at krimeng isinagawa ng mga yunit ng AFP at mga sundalo nito, kabilang ang mga paglabag sa demokratikong karapatan at internasyunal na makataong batas. Ilantad at batikusin ang lahat ng kaso ng intimidasyon, Red-tagging, arbitraryo at labag-sa-batas na na detensyon, pagdukot, tortyur, ekstra-hudisyal na pagpaslang at masaker. Ilantad ang mga kaso ng aerial bombardment, istraping at panganganyon na nagsasapanganib sa mga sibilyang buhay at ari-arian na labag sa internasyunal na makataong batas.
Dapat aktibong magpropaganda at magkontra-propaganda ang mga kumand ng BHB, hanggang sa antas ng prubinsya at larangan, sa pamamagitan ng kanilang mga tagapagsalita o upisyal sa impormasyon. Dapat nilang gamitin ang lahat ng paraaan para aktibong mulatin ang mamamayan na labanan ang mapang-aping mga patakaran at programa ng pagkamkam sa kanilang kabuhayan, at nagpapailalim sa kanila sa higit na malubhang pagdurusa. Dapat aktibo nilang ilantad ang saywar na kasinungalingan ng kaaway at disimpormasyong ipinakakalat sa masa.
Dapat aktibo at masikhay na itayo ng mga lokal na sangay at komiteng seksyon ng Partido ang mga yunit ng milisyang bayan, kasabay ang mga yunit pananggol sa sarili ng mga organisasyong masa. Higit kailanman, dapat nating idiin, sa teorya at praktika, ang mahalagang papel ng mga yunit milisya ng BHB sa paglulunsad ng pakikidigmang gerilya. Dapat nating pakawalan ang inisyatibang militar ng mga yunit pananggol-sa-sarili ng mamamayan sa pamamagitan ng pagsasanay at paghikayat sa kanila na gamitin ang lahat ng posibleng porma ng armadong paglaban sa kaaway. Ang milisyang bayan ay mahalagang katimbang ng mga pultaym na horisontal na yunit ng BHB. Pinalalapad nila ang saklaw ng digmang bayan para itulak ang kaaway na batakin ang pwersa nito at ilantad ang kanilang mahihinang bahagi.
Maglunsad ng mga taktikal na opensibang naaayon sa kakayahan ng mga tim, iskwad at platun ng BHB. Tuklasin at patamaan ang mahihinang bahagi ng kaaway, kabilang ang mga armadong tauhan nitong sumasakop sa mga barangay sa kanayunan, mga nagrerekorida, nagbabantay sa tsekpoynt, nagsasagawa ng mga operasyong panagupa, at iba pa. Planuhin ang pasamsam sa armas ng kaaway para maarmasan ang bagong mga rekrut. Maglunsad ng daan-daang taktikal na opensibang inilulunsad ng maliliit na yunit para makasamsam ng armas.
Mahigpit na tumalima sa mga patakarang nakadisenyo para tiyakin ang paglilihim at seguridad ng mga gerilyang kampo at pagmamaniobra. Listong magbantay laban sa lahat ng tangka ng kaaway na magpasok ng elektronikong tracker tulad ng mga GPS transmitter, sa pamamagitan ng mga linya sa suplay at iba pang paraan. Tukuyin at tugunan ang lahat ng mga paglabag sa patakarang seguridad na nakapagpapahamak sa gerilyang paglilihim.
Tasahin ang nalikom na impormasyong paniktik ng kaaway at ipawalang-saysay ang mga ito. Buwagin ang network sa intelidyens ng kaaway at itayo ang lokal na lambat paniktik ng BHB at mga yunit milisya. Puspusang ilantad at itakwil ang kontra-rebolusyonaryong mga gawain ng mga bayaran at traydor, at tugunan ang kahingian ng mamamayan na parusahan ang mga aktibong nakikipagsabwatan sa kaaway bilang mga ahenteng militar o espiya.
Magsagawa ng gawaing pampulitika sa hanay ng kaaway. Dapat nating sistematikong likumin ang impormasyon sa internal na sitwasyon, mga hinaing at kontradiksyon sa hanay ng mga platun, kumpanya, batalyon at mas mataas na istruktura sa kumand ng kaaway. Ilantad ang mga pang-abuso laban sa mga rank-and-file na tauhang militar at mga pinilit na magparamilitar. Ilantad ang korapsyon sa hanay ng mga upisyal sa sistema ng pagpapasahod at naaantalang paglalabas ng sweldo at alawans, paghuthot ng pondo para sa tinatawag na mga “balik-loob,” koleksyon ng kikbak sa lokal na mga proyekto (laluna sa ilalim ng Support to Barangay Development Programa ng NTF-Elcac), at iba pa. Ilantad kung paano patuloy na ginagamit ang AFP at PNP ng militar ng US bilang proxy at instrumento sa heyopulitikal na layunin nito, laluna sa pang-uupat ng armadong sigalot sa imperyalistang katunggaling China. Magrekrut ng progresibo at patriyotikong upisyal at tauhan sa Crispin Tagamolila Movement.
Magsagawa ng regular at espesyal na mga kumperensya sa kumand sa antas ng rehiyon at mas mababa pa para suriin ang disposisyon at plano ng kaaway, tiyakin ang wastong distribusyon ng ating mga pwersa, magbuo ng pangkabuuang plano para isulong ang digmang bayan sa erya ng operasyon, bumuo ng pinag-isang planong kampanyang militar, at tiyakin ang maayos na koordinasyon.
Palakasin ang sistema ng kuman sa loob ng Bagong Hukbong Bayan, mula sa Pambansang Kumand sa Operasyon at sa Panrehiyong Kumand sa Operasyon, at mula sa panrehiyon kumand sa operasyon hanggang sa subrehiyon at larangan, sa mga platun, iskwad at tim nito. Patuloy na magpaunlad, magpabuti at magpalakas ng isang mabilis at maasahang sistema ng komunikasyon, kapwa sa elektronik at pisikal. Tiyakin magkaroon ng higit na isang linya at sistema ng back-up.
Patuloy na ipatupad at paunlarin ang mga patakaran at alituntunin para tiyakin at pangalagaan ang sensitibong impormasyon sa pamamagitan ng kompartmentalisasyon, pagkokoda ng mga file at nakasulat na tala, regulasyon sa paggamit ng mga kompyuter, smartphone, selpon at iba pang kagamitang elektroniko.
Patuloy na nagiging mataba ang lupa para sa paglulunsad ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka sa ilalim ng rehimeng Marcos, na iniuuna ang interes ng naghaharing mga uri at ng mga dayuhang makapangyarihan sa ekonomya at heyopulitika, dahilan na ibayong nalalantad ang bulok at korap na naghaharing sistema. Isinasagawa ito sa kapinsalaan ng malawak na masa ng mamamayang Pilipino, kung saan ang malaking mayorya ay nagdurusa sa lumulubhang kundisyon sa pamumuhay. Ang sistematikong paniniil sa mga demokratikong karapatan sa mga syudad at hayagang paghaharing militar sa kanayunan na tumatarget sa mga manggagawa, magsasaka at iba pang demokratikong mga uri, ay nagtutulak sa mamamayan sa landas ng pag-aarmas para lumaban, ipagtanggol ang kanilang mga karapatan at makibaka para sa kanilang pambansa at demokratikong mga hangarin.
Tumatalim na krisis sa ekonomya at pulitika ng naghaharing sistema
Patuloy na lumulubha ang naghihingalong malakolonyal at malapyudal na sistema, sa pagpapatupad ng rehimeng US-Marcos ng mga patakarang anti-mamamayan at anti-nasyunal na pagpapalala sa krisis sa ekonomya, pagpapahigpit nito ng kapit sa poder na nagpapalala sa krisis sa pulitika, at pangangayupapa nito sa imperyalismong US na lalong bumabagbag sa pambansang kasarinlan.
Sa kabila ng lumalakas na proteksyunismo ng nangungunang industriyal kapitalistang kapangyarihan, patuloy na isinusulong ng rehimeng Marcos ang dating mga patakarang neoliberal na nagresulta sa walang kapantay na pagwasak sa mga lokal na pwersa sa produksyon sa nagdaang apat na dekada. Ang mga patakarang ito’y pinakinabangan ng mga monopolyo kapitalistang korporasyon at institusyong pampinansya at nagpayaman sa mga lokal na malalaking burgesyang komprador, sa kapinsalaan ng malawak na masang manggagawa at panggitnang mga uri. Pinalalim ng mga patakarang ito ang ekonomyang atrasado, agraryo at hindi industriyalisado, at pinalala ang disempleyo, kahirapan at pang-aapi. Naging lalong palaasa ang bansa sa pag-aangkat at lalong nalulubog sa utang.
Patuloy na binubuksan ni Marcos ang ekonomyang kahit kabaligtaran nito ang itinutulak na patakarang proteksyunista ng mga sentro ng pandaigdiang kapitalismo para protektahan at muling buhayin ang kanilang mga lokal na industriya. Sa kontekstong ito, lalong kontra-produktibo ang mga patakarang neoliberal at pagsalalay ng rehimen sa US. Itinatambad nito ang bansa sa mas malalang pagsasamantala at hindi pantay na mga kundisyon sa kalakalan. Lalo nitong palalalimin ang pangangayupapa pang-ekonomya, at palalalain ang sitwasyon ng taumbayan, sa pagbagsak ng mga pamilihang pang-eksport ng Pilipinas at lalong desperadong pag-aaakit ng rehimen sa dayuhang kapital.
Lalong lumalala ang panlipunan at pang-ekonomyang pagdurusa ng malawak na masa ng sambayanang Pilipino. Kahit pa itago ng upisyal na estadistika, lalong lumalala ang kawalang hanapbuhay. Ang sahod at kita ay nananatiling mababa, nanganganib at lubhang kulang para sabayan ang pumapaimbulog na presyo ng pagkain, langis, mga saligang pangangailangan, yutiliti at serbisyo. Ang pagsirit ng arawang gastos sa pamumuhay sa ilalim ni Marcos ay nagtutulak sa milyun-milyong mamamayan sa peligro sa pananalapi at tumitinding kahirapan at kagutuman. Mahigit 20 milyong pamilya (aabot sa 80%) ang naghihirap at bulnerable ang lagay ng pananalapi, kabilang ang milyun-milyong pamilyang huwad na pinalalabas na nasa panggitnang-uri. Mula naluklok si Marcos noong 2022, nadoble mula 3 milyon tungong 7.2 milyon ang dami ng pamilyang labis na naghihirap at nagugutom. Dahil sa kawalan ng hanapbuhay, mababang kita at kakulangan sa serbisyong panlipunan, tuluy-tuloy na nahihila ang kalidad ng buhay ng malaking mayorya ng sambayanang Pilipino.
Nahuhumaling pa rin ang rehimeng Marcos sa pagbebenta ng bansa sa pagsasamantala ng dayuhang monopolyong kapital. Para akitin ang dayuhang kapital, pinahintulutan ni Marcos ang pagpapatindi ng pagsasamantala sa mga manggagawa sa pagpako ng sahod at sweldo ng mga manggagawa. Pinahintulutan niya ang pang-aapi at pang-aagaw sa kabuhayan ng mga magsasaka, mga katutubong komunidad, mangingisda at iba pang anakpawis, at ang pagwasak sa kapaligiran, sa pamamagitan ng pagbibigay sa mga dayuhang monopolyo kapitalistang empresa at kanyang mga kroni na malalaking burgesyang komprador ng buong-laya na kamkamin at minahin ang malalawak na lupa, ilog at karagatan, o patakbuhin ang kanilang plantasyon, proyektong real estate, tinatawag na proyektong pang-ekolohiya o pangklima, imbakan ng inaangkat ng LNG mula sa US, at iba pang operasyon para sa tubo.
Matindi ang pangangamkam ng lupa partikular na sa Mindanao kung saan nakikipagsabwatan ang mga warlord sa militar para palayasin ang mga Moro at Lumad sa kanilang lupa, pabor sa mga plantasyon sa oil palm, kawayan, kape at iba pang pinatatakbo ng mga korporasyong multinasyunal. Nagaganap ito maging sa mga lugar sa diumano’y may awtonomyang rehiyong Bangsamoro, na nais kontrolin ni Marcos, kahit pa isapeligro ang kasunduang pangkapayapaan sa Moro Islamic Liberation Front, at udyukin ang pagsiklab muli ng armadong paglabn ng mamamayang Moro.
Pinapako ng rehimeng Marcos ang sahod ng mga manggagawa sa mababa sa antas ng disenteng pamumuhay (pero dinoble naman ang ibinibigay na allowance sa mga pasistang sundalo). Para mabuhay, napupwersa ang mga manggagawa, maliliit na propesyunal at karaniwang mga kawani na maghanap ng dagdag na trabaho. Milyun-milyong Pilipino ang walang trabaho o walang regular na hanapbuhay. Halos apat-sa-lima (78%) ng upisyal na sinasabing may trabaho, katunayan ay mga partaym, temporaryo o kontraktwal, o impormal na manggagawa. Dahil sa masidhing krisis sa disempleyo sa Pilipinas, napwersa ang halos 2.5 milyong Pilipino na maghanapbuhay sa ibayong-dagat noong nakaraang taon, na nagpalaki sa bilang ng mga overseas Filipino workers (OFW) sa mahigit 11.5 milyon.
Ang lumalalang kalagayang sosyo-ekonomiko ay nagpapatalim ng panlipunang hindi pagkakapantay sa pagitan ng mga naghaharing oligarko at ng malawak na masa ng sambayanan. Sa ilalim ni Marcos, ang bilang ng sambahayan na walang impok ay dumami nang 1.5 milyon tungong 20.1 milyon, habang lagpas doble (108%) naman ang inilaki ng kita tungong ₱1.8 trilyon ng tatlong pinakamayaman sa Pilipinas–si Enrique Razon, Manuel Villar at Ramon Ang. Sila at ang mga kasosyo nilang dayuhang kapitalista ang pinakamalaking nakikinabang sa mga kontrata at pabor ng gubyerno. Habang kinakaltasan ang kanilang buwis, binibigyan ng tax holiday at iba pang insentibong pampinansya, pinahihirapan naman ni Marcos ang sambayanan ng pabigat na mga buwis sa mga saligang pangangailangan–kabilang ang pinakamataas na “value added tax” sa rehiyon, excise tax sa diesel at iba pang produktong petrolyo na lumalaki tuwing tumataas ang presyo, at iba pang buwis sa pagkonsumo na pinakamabigat para sa mga maralita at mga panggitnang-uri.
kontra-produktibo ang badyet ni Marcos at pabigat sa taumbayan. Kalakhan nito’y napupunta sa pagbabayad-utang, kontra-produktibong gastos sa militar, at grandyosong imprastruktura kabilang ang napakamamahal na proyektong pang-pork barrel. Binawasan ang pangkalahatang badyet na pang-ayuda, pero mas malaki naman ang napunta sa tuwirang kontrol ng mga pulitiko para sa kampanya sa eleksyon. Samantala, malaki ang ibinawas sa badyet para sa edukasyon, kalusugan at iba pang serbisyong pampubliko, pati na sa agrikulta, samantalang walang pondo para sa industriyalisasyon.
Ang ₱1.5 trilyong depisito sa badyet ng gubyernong Marcos noong nakaraang taon ay katumbas ng 5.7% ng kabuuan lokal na produksyon (gross domestic product o GDP)–ito ang pinakamalala sa nagdaang 40 taon, labas sa mas malaking depisito sa kasagsagan ng lockdown noong pandemya. Patuloy na sumisirit ang pangungutang sa ilalim ni Marcos–nasa ₱16.3 trilyon na ito at inaasahang aabot sa ₱17.4 trilyon sa katapusan ng taon. Walang kapantay ang pangungutang ng rehimeng Marcos na umaabot na sa ₱188.7 bilyon kada buwan, na lumagpas sa ₱130.7 bilyon kada buwan na pangungutang ni Duterte.
Patuloy ang laganap na korapsyon sa ilalim ng gubyernong Marcos, mula sa mga kikbak sa mga proyektong gubyerno, hanggang sa paggamit ng pampublikong pondo (Maharlika Investment Fund) para sa pribadong pamumuhunan. Mula umupo sa poder noong 2022, hindi bababa sa siyam na kasong korapsyon (na may halagang lagpas sa ₱200 bilyon) laban sa mga Marcos ang ibinasura ng mga korte. Mababawi na ng mga Marcos ang mga ari-ariang iligal na kinamkam sa ilalim ng batas militar, kabilang yaong hawak ng mga kroni tulad nina Lucio Tan at Ramong Ang (para kay Danding Cojuangco). Kinuha na ng mga Marcos, ng mga kamag-anak at kroni nila ang kontrol sa mga sindikato at kartel na nasa likod ng importasyon at ismagling ng bigas at iba pang produkto.
Upang siguruhin ang kanilang paghahari at ituloy ang pangangamkam ng yaman, pinapaspasan ni Marcos ang konsolidasyon ng kapangyarihang pampultiika upang tiyakin ang kontrol lagpas sa 2028. Dahil dito, pinalalalim din niya ang pampulitikang krisis ng naghaharing sistema. Layunin niyang alisin ang banta ng pampulitikang paghamon ng mga Duterte sa 2028, na kaalyado niya noong 2022 para siguruhin ang eleksyon sa pamamagitan ng noo’y hawak ni Duterte na dekompyuter na pagbibilang ng boto. Ngayong hawak na niya ang sistema ng dekompyuter na pagbibilang, plano ni Marcos na manipulahin ang resulta ng darating na eleksyong midterm upang hawakan ang lahat ng antas ng gubyerno mula sa Senado, Mababang Kapulungan at mga upisyal ng lokal na gubyerno.
Noong Pebrero, kinoordina ni Marcos ang pagsasakdal (impeachment) ng Mababang Kapulungan kay Vice President Sara Duterte. Ilang linggong nakaraan, ginamit niya ang kapangyarihan para ipaaresto at ipakulong si Rodrigo Duterte sa International Criminal Court sa The Hague, upang litisin sa malawak at sistematikong mga pagpatay na bumubuo ng krimen laban sa sangkatauhan. Pinatindi at itinaas sa bagong antas ng mga hakbanging ito pampulitikang krisis ng naghaharing sistema. Tinatangka ng mga Duterte, na kilalang gumagamit ng mga dayuhang kumpanyang eksperto sa data analytics at influence strategy, na magpakulo ng bagyong pampulitika laban sa rehimeng Marcos sa pamamagitan ng paghugis ng upinyong pampubliko gamit ang sistematikong disimpormasyon at pasistang manipulasyon sa social media, pagsasamantala sa hinaing ng taumbayan, paggamit sa taktika ng panlilito para ilayo ang pansin sa mga abuso at krimen sa ilalim ng tiranikong paghahari ni Duterte, at pagpapalabas na sila ay mga biktima upang makuha ang simpatya ng publiko. Nagtatangka silang mag-organisa ng mga rali at manghati sa loob ng militar at pulis.
Ang pangingibabaw ng hidwaang Marcos-Duterte ay lalong naglalantad sa kabulukan ng naghaharing sistema. Ipinakikita nito kung papaanong ang kasalukuyang naghaharing sistema ay dinodominahan ng dalawa sa pinakakorap at malupit na reaksyunaryong pangkatin, kapwa kumakatawan sa pang-ekonomyang interes ng malalaking burgesyang komprador at malalaking panginoong maylupa, kapwa mga burukratang kapitalista, kapwa sunud-sunuran sa mga dayuhang imperyalistang kapangyarihan, kapwa anti-mamamayan at mapang-api. Habang lumulubha ang kalagyan ng ekonomya ng Pilipinas, lumiliit ang nakaw at pribilehiyong pinaghahatian ng nagriribalang burukratang kapitalista. Nananatili ang banta na umigting pa at marahas na sumambulat ang pampulitikang krisis ng naghaharing sistema.
Upang lalong ikonsolida at monopolyohin ang kapangyarihang pampulitika, pinatitindi rin ni Marcos ang pampulitikang panunupil laban sa mga organisasyong masa ng mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan at iba pang demokratikong sektor. Papapalala ang paniniktik ng estado, mga pagdukot, tortyur, masaker at iba pang malulubhang paglabag sa karapatang-tao na gawa ng reaksyunaryong militar at pulis. Pinakamalulubha ang sitwasyon sa libu-libong barangay sa kanayunan na ipinag-utos ni Marcos na ipailalim sa batas militar.
Sa gitna ng krisis sa ekonomya, lumalaganap ang pagkaligalig ng malawak na masa ng sambayanan at matatag na sumusulong ang kanilang organisadong paglaban. Ang mga manggagawang sawa na sa ilang taong pambabarat ng barya-baryang umento ay humihingi ng kagyat na makabuluhang pagtaas sa sahod para makaagapay sa pagtaas ng gastos sa pamumuhay. Lumalakas din ang panawagang ito sa mga kawani ng pamahalaan, at mga gurong pampubliko at sa pribado, na humihingi ng makatwirang sweldo. Ang sigaw para sa pagpapataas ng sahod at mas mahusay na kundisyon sa paggawa ay tiyak na magpapaapoy sa mas maraming welga at iba pang anyo ng pakikibakang masa.
Lumalakas ang sigaw laban sa walang-awat na importasyon ng bigas, pati na isda at iba pang produktong pang-agrikultura na pumapatay sa lokal na produksyon. Lumalaban ang mga magsasaka at mga komunidad ng mga katutubong minorya laban sa mga minahan at iba pang proyektong sumisira sa kapaligiran at umaagaw ng kanilang lupa. Ang iba’t ibang sektor, kabilang ang mga drayber at opereytor ng jeep, mamamalakaya at iba pa ay tumitindig din para sa kanilang mga karapatan at buong-lakas na nilalabanan ang mga programang umaagaw ng kanilang kabuhayan. Ipinaglalaban ng mga estudyante ang mas malaking subsidyo ng estado para sa edukasyon at kinokontra ang pagtaas ng matrikula, at panawagan para sa trabaho sa gitna ng krisis sa disempleyo.
Patuloy na lumalaki ang paglabn sa panghihimasok militar ng US sa Pilipinas. Lumalakas ang pagtuligsa laban sa pagbibigay ng US ng ayudang militar sa mapaniil na rehimen, laban sa mga base at pasilidad militar ng US sa bansa na ginagamit para sa mga dayuhang operasyong militar, laban sa pagpasok, pagdaan at pagdaong ng mga US carrier strike group na may dalang mga sandatang nukleyar, laban sa paggamit sa militar ng Pilipinas sa pag-upat ng armadong tensyon sa China, at sa pagkaladkad sa bansa palalim nang palalim sa peligro ng inter-imperyalistang gera.
Nakikibaka ang malawak na demokratikong sektor laban sa lumulubhang anyo ng pag-abuso at paglabag sa karapatang-tao na gawa ng reaksyunaryong militar at pulis. Binati nila ang paglilitis kay Duterte sa ICC bilang pagkakataong panagutin siya sa hindi mabilang na krimen laban sa sangkatauhan sa pagpatupad ng kanyang huwad na “gera sa droga.” Kasabay nito, hinihingi nila na panagutin si Marcos sa maraming mga pagpatay, pagdukot at iba pang krimen laban sa mamamayang lumalaban.
Ang papalalim na krisis sa ekonomya at pulitika ng naghaharing sistema ay malinaw na naglalantad sa bangkaroteng malakolonyal at malapyudal na sistema, at ang sagad-sa-butong bulok na estadong neokolonyal, na ang paghahari’y kinatatangian ng laganap na korapsyon at brutal na paniniil. Ang tanging paraan para wasakin ang kadena ng pang-aapi at pagsasamantala, at wakasan ang hindi na mabatang paghihirap at pagdurusa ng malawak na masang manggagawa, magsasaka at anakpawis sa Pilipinas, ay ang ibagsak ang imperyalismong US at ang maka-uring diktadura ng malalaking burgesyang komprador, malalaking panginoong maylupa, at mga burukratang kapitalista.
Walang ibang alternatibo ang sambayanang Pilipino kundi ang isulong ang walang-humpay na rebolusyonaryong pakikibaka, para ibagsak ang mapang-api at mapagsamantalang naghaharing mga uri, at itayo ang demokratikong kapangyarihang bayan. Kagyat, makatwiran at kailangang-kailangan na palakasin at palawakin ang Bagong Hukbong Bayan at isulong ang digmang bayan.
Pinalalala ng Trump 2.0 ang krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista
Papabulusok sa malalim na kaguluhan ang kapitalistang mundo sa harap ng walang kalutasang kapitalistang krisis ng labis na produksyon, at sa harap ng garapalang tulak ng gubyerno ng US sa ilalim ng rehimeng Trump 2.0 na isagasa ang mga imperyalisang interes nito. Kinakatawan ng gubyernong Trump ang pinakareaksyunaryo at pinakasobinistang mga elemento ng oligarkiya sa pinansya sa US. Hinuhubad nito ang maskarang “kampyon ng demokrasya” na suot ng US at inilalantad ang mga patakaran nitong hegemonista, sa desperadong tangka nitong na baliktarin ang estratehikong pagbaba ng imperyong Amerikano, at ibalik ang sarili bilang tanging superpower.
Ipinakikita ng mga datos noong nakaraang taon na nakasadsad pa rin sa matagalang istagnasyon (simula pa 2008) ang mga kapitalistang ekonomya, matapos panandaliang bumangon pagkatapos ng pandemya noong 2020. Bumulusok tungong 2.8% noong 2023 at 2024 ang pandaigdigang paglago ng ekonomya, mula 5.8% sa panahon ng pagbangon pagkatapos ng pandemya. Mas mababa ito sa abereyds na 3.2% na paglago sa nakaraang dekada (2010-2019). Pumailanlang ang pandaigdigang utang sa bagong antas na $318.4 trilyon noong nakaraang taon, tatlong ulit (328%) na mas malaki sa halaga ng pandaigdigang produksyon noong 2024. Hindi lamang ito imposibleng bayaran, imposible ring iserbisyo ito sa katagalan. Patuloy na bumabagal ang paglago ng pandaigdigang kalakalan ng mga produkto, sumadsad sa 2% noong 2024, na mas mababa kaysa sa 4.5% noong 2010-2019. Bumaba nang 8% noong 2024 ang daloy ng dayuhang tuwirang pamumuhunan sa buong mundo. Hinatak ito ng 45% na pagbagsak sa European Union, at 29% sa China, sa kabila ng 10% paglago ng mga dayuhang tuwirang pamumuhunan sa US na tulak ng pamumuhunan mula sa Taiwan at South Korea sa mga bagong pabrikang semikonduktor.
Sa harap ng matagalang kapitalistang istagnasyon, mas agresibong itinutulak ng pamahalaan ni Trump ang mahihigpit at desperadong hakbang sa ekonomya at kalakalan sa layuning buhayin ang lokal na produksyon. Sa ganito’y binabagbag nito ang sistemang multilateral na tinulungan nitong itatag sa panahon ng globalisasyong neoliberal. Katunayan, noong 2008 pa ito pumihit ng direksyon sa ilalim ng pamahalaan ni Obama, nang simulan ng US ang pagbigay ng mga insentibo upang ibalik ang mga dayuhang pamumuhunan ng US. Pinawalang-saysay nito ang sistema ng World Trade Organization sa pag-aayos ng hidwaan, at inalisan ng bisa ang mga kasunduan nito. Sa loob ng halos isang dekada, malawakang ginagamit ng US ang mas matataas na taripa, mga restriksyon sa pag-export, mga restriksyon sa teknolohiya at mas mahigpit na regulasyon ng mga pamumuhunan laban sa China.
Ang agresibong paggamit ng gubyernong Trump ng mga patakarang ito sa kalakalan at ekonomya laban sa ibang bansa ay nag-aangat ng antas ng antagonismo kahit sa mga tradisyunal na imperyalistang kaalyado nito. Bukod sa China, pinatawan o pinagbantaang patawan ng mas mataas na taripa ang isang bungkos ng mga kalakal mula sa Canada, Mexico, European Union at iba pang mga bansa, na may deklaradong layuning protektahan ang mga kumpanyang Amerikano at pasiglahin ang lokal na produksyon. Nagbanta si Trump na rerepasuhin ang alyansang militar ng US sa Japan, na tinugon naman ng Japan ng pangakong palakasin ang pag-angkat ng liquefied petroleum gas mula sa US, at dagdagan ang pamumuhunan sa US hanggang $1 trilyon. Gayunman, hindi ganoong palasunod ang ibang mga kaalyado ng US. Inanunsyo ng Canada at Mexico ang plano nitong magpatupad ng kontra-taripa sa mga kalakal na inaangkat mula sa US. Nagbanta rin ang pamahalaan ng France na tutugon sa mga taripa ng US.
Sa kabilang banda, bumwelta ang China, at itinaas ang taripa at ipinagbawal na mag-import ng soybeans at troso mula sa US, at nagdeklarang handa itong sumuong “sa anumang anyo ng digmaan” sa US. Itinatatag at pinalalawak nito ang mga estratehikong alyansang diplomatiko, pang-ekonomya at pangmilitar, tulad ng BRICS, G-77, Shanghai Cooperation Organization, Forum on China-African Cooperation, RCEP at iba pa.
Dagdag sa pagpapataw o pagbabantang magpataw ng karagdagang mga taripa, idineklara ni Trump ang kahandaan na gumamit ng pwersang militar upang makuha ang kontrol sa Panama Canal (kung saan dumadaan ang 40% ng kargamentong kalakal ng US), Greenland (isang awtonomong rehiyon sa Denmark na nagtataglay ng malalaking deposito ng mga rare-earth mineral, at estratehikong matatagpuan sa rehiyon ng Arctic), at ang Gaza Strip na nais ni Trump na gawing “pagmamay-ari” ng US na tahasang pagyurak sa mga karapatan ng mamamayang Palestino.
Tila sinusunod ngayon ni Trump ang patakaran ng pakikipag-ayos sa Russia kaugnay ng Ukraine, matapos makita na sa kabila ng malalaking pinsala ng Russia sa digmaan, bigo ang US sa iba’t ibang layunin nito na pahinain ang kakayahang estratehiko ng Russia na makipagdigma, wasakin ang kanyang ekonomya, mag-udyok ng pag-aalsa laban sa rehimen, o hati-hatiin ang Russia. Ang pagbabagong ito sa patakaran ay naglalantad sa katotohanang ang sigalot sa Ukraine, mula’t sapul, ay isang proxy war sa pagitan ng US at Russia, kahit pa may mga usapin sa teritoryo sa pagitan ng Ukraine at Russia. Itinutulak ng gubyernong Trump ang Ukraine na sumang-ayon sa pakikipagtigil-putukan sa Russia, liban sa paglagda sa isang kasunduang magbibigay sa US ng malaking bahagi ng mga deposito ng rare-earth mineral, na sinasabing anyo ng kabayaran sa tinatayang $70 bilyong tulong militar ng US mula noong 2022.
Taliwas sa patakaran ng pakikipag-ayos sa Russia, patuloy na pinatataas ng gubyernong Trump ang hidwaan nito sa China at North Korea, at pinananatiling bukas ang posibilidad ng pagsiklab ng armadong sigalot. Patuloy na pinalalakas ng militar ng US ang mga pwersa nito sa ilalim ng tinatawag na estratehiyang Indo-Pacific. Kamakailan lamang, nagsagawa ito ng malawakang mga war games sa South Korea, at nakatakdang magsagawa ng tuloy-tuloy na war games sa loob at paligid ng South China Sea, Pilipinas, Taiwan at Japan na may estratehikong layunin na kuputin ang China. Kamakailan lamang, isinaisantabi ng US ang patakaran nitong “hindi pagsuporta sa kalayaan ng Taiwan,” na isang tahasang probokasyon sa China.
Pinalalakas din ng pamahalaan ni Trump ang imperyalistang panghihimasok sa Middle East, lalong pinalakas ang pagsuporta sa agresyon at okupasyon ng Zionistang estado ng Israel sa Gaza. Ipinag-utos nito kamakailan ang pagpapadala ng $3 bilyon halaga ng mga misayl at bomba sa Israel, at sinuportahan ang muling pag-atake sa Gaza na pumatay sa daan-daang Palestino, at nagtapos sa dalawang buwang tigil-putukan. Bilang suporta sa Israel, ipinag-utos din ni Trump ang mga pag-atakeng misayl laban sa mga pwersang Houthi sa Yemen, na aktibong sumusuporta sa pakikibaka para sa kalayaan ng Palestino. Sa pakikipagsabwatan sa Israel, Turkey at iba pang mga bansa sa NATO, pinatatatag din ng gubyernong Trump ang pusisyon nito sa bagong gubyerno ng Syria, upang idiin ang panggigipit militar sa Iran, alinsunod sa estratehikong layuning kontrolin ang mga yamang langis sa Middle East.
Nasa tuktok si Trump ng mabilis na lumalalang krisis sa pulitika sa US, kung saan sagad-sagarang lumiliko ang kasalukuyang namumunong oligarkiya tungo sa hayagang pagtataguyod sa pasistang ideolohiya. Pinaligiran niya ang sarili ng mga manghihibo at tagapalakpak bilang mga upisyal ng gabinete. Namumuno siya sa pamamagitan ng mga kautusan, at sumusuway sa utos ng mga hukuman, sa isang malakas na tulak tungong awtoritaryanismo. Upang hatiin ang uring manggagawa, sinusulsulan ni Trump at ng kanyang mga upisyal ang diskriminasyon sa mga minorya, mga imigrante, at komunidad ng LGBT, at nagpapakalat ng mga pamahiin at paniniwalang tahasang hindi siyentipiko. Daanlibong empleyado ng gubyerno ng US ang karakarakang pinatalsik dahil umano sa pagtitipid. Ipinag-utos niya ang pagsupil sa mga karapatang demokratiko, partikular, laban sa karapatan na magtipon at sa malayang pagpapahayag sa mga unibersidad. Gumamit siya ng malulupit at walang prosesong deportasyon ng libu-libong imigrante.
Sa pagsasagasa ng kanyang mga patakarang anti-demokratiko at anti-manggagawa, sinindihan ng rehimen Trump ang malawakang kilusang protesta sa US na tiyak na lalawak at sisiklab sa malalaking demonstrasyon sa buong bansa sa mga darating na buwan. Ang mga protesta laban sa imperyalismong US ay tiyak na lilitaw din sa buong mundo bilang tugon sa mga imperyalistang patakaran sa kalakalan at ekonomya na agresibong itinutulak ng rehimeng Trump, at sa kanyang walang tigil na panunulsol ng gera. Tiyak na lilitaw at lalawak ang mas marami pang rebolusyoaryong armadong kilusan dahil ang mga mamamayang inaapi ng imperyalismo at pasismo ay pinagkakaitan ng ibang paraan para ipaglaban ang pambansa at panlipunang paglaya.
Isulong ang rebolusyonaryong paglaban, pangunahin sa pamamagitan ng armadong pakikibaka
Pahapyaw nating tinalakay ang kamakailangang mga pangyayari sa loob at labas ng bansa upang ipakita ang obhetibong kundisyong nagtutulak sa malawak na masa ng sambayanang Pilipino na magsulong ng rebolusyonaryong pakikibaka upang ipaglaban at kamtin ang kanilang hangarin para sa pambansang paglaya, demokrasya at sosyalismo. Ang pakikibaka ng sambayanang Pilipino ay mahigpit na naka-ugnay sa rebolusyonaryong pakikibaka ng lahat ng bayang inaapi at pinagsasamantalahan sa buong mundo.
Inilulunsad ng sambayanang Pilipino ang lahat ng anyo ng pakikibaka para isulong ang pambansa-demokratikong layunin. Nagsusulong sila ng ligal na mga anyo ng pakikibaka kapwa sa kalunsuran at kanayunan na maramihang pumupukaw, nag-oorganisa at nagpapakilos sa masa laban mga nang-aapi sa kanila. Itinatatag nila ang kanilang mga unyon at organisasyong masa, nakikibaka sa mga negosasyon sa mga kapitalista at burukratang upisyal ng estado, nagwewelga sa mga pabrika, nagsasagawa ng boykot, walk-out, mga pang-masang demonstrasyong at ibang kolektibong pagkilos. Lumalahok sila sa reaksyunaryong eleksyon para itaguyod ang layuning pambansa-demokratiko at ikampanya ang mga progresibong kandidato at partido. Sa pamamagitan ng National Democratic Front, nakikipagnegosasyong pangkapayapaan sila sa reaksyunaryong gubyerno, upang itaguyod ang hangarin ng bayan para sa makatarungan at pangmatagalang kapayapaan.
Ang armadong pakikibaka ang pangunahing anyo ng pakikibaka sa pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan sa Pilipinas. Sa pagsusulong ng armadong pakikibaka natin makalalabanan para ibagsak ang imperyalismong US at ang mga naghaharing uring malalaking burgesyang komprador at malalaking panginoong maylupa. Tinutupad nito ang sentral na tungkulin ng rebolusyong Pilipino na pagwasak sa armadong papet na estado ng imperyalismong US at mga naghaharing uri, at pagtatayo ng demokratikong estado ng bayan sa ilalim ng pamumuno ng proletaryado. Sa pamamagitan lamang ng demokratikong estadong bayan maisasagawa ang panlipunang rebolusyonaryong transpormasyon.
Sa okasyon ngayong araw ng ika-56 na anibersaryo ng Bagong Hukbong Bayan, nananawagan kami sa lahat ng komite, kadre at mga kasapi ng Partido, na laging bigyang atensyon ang dakilang tungkulin na isulong ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka at pagpapalakas sa BHB sa pagtupad ng inyong mga tungkulin sa iba’t ibang larangan ng pakikibaka.
Tinatawagan namin ang lahat ng Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan na pag-ibayuhin ang determinasyon at itaas ang kakayahan na tuparin ang mga tungkulin ng kilusang pagwawasto. Natitiyak namin na makakamit ng BHB ang higit na malalaking tagumpay sa muling pagpapasigla at pagpapalawak ng baseng masa at ng pagsulong ng pakikidigmang gerilya laban sa pasistang rehimeng US-Marcos.
Mabuhay ang hindi natitinag na diwang rebolusyonaryon ng mga Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan!
Palakasin at palawakin ang BHB!
Biguin ang ang brutal at teroristang gerang panunupil ng rehimeng US-Marcos!
Palawakin at paigtingin ang pakikidigmang gerilya!
Isulong ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka!
Isulong ang demokratikong rebolusyong bayan!
Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!
Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!
Mabuay ang proletaryo at sambayanang Pilipino!