Konsolidahin at ibayong patatagin ang Partido! Biguin ang kontra-rebolusyonaryong digma at terorismo ng estado ng rehimeng US-Marcos! Komprehensibong isulong ang demokratikong rebolusyong bayan!

Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisayaHiligaynon

Ipinaaabot ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ang pinakamainit na rebolusyonaryong pagbati sa lahat ng kadre ng Partido, rebolusyonaryong pwersa, kaibigan at alyado ng Partido, sa okasyon ng ika-54 na anibersaryo ng pagkakatatag ng Partido sa teoretikong batayan ng Marxismo-Leninismo-Maoismo. Ipagdiwang natin ngayong araw ang lahat ng malalaking nakamit ng Partido sa nagdaang limang dekada ng pamumuno sa demokratikong rebolusyong bayan at pagsulong ng hangarin ng sambayanang Pilipino para sa kalayaan at demokrasya. Kasabay nito, timbangin natin ang ating lakas at kritikal na tasahin ang ating mga pagkakamali at kahinaan upang mailatag ang plano ng pagkilos para sumulong at magkamit ng mas malalaking tagumpay sa darating na mga taon.

Sa araw na ito, nagbibigay tayo ng natatanging pagpupugay kay Ka Jose Maria Sison (Amado Guerrero), tagapangulong tagapagtatag ng Komite Sentral ng PKP, na sa dalubhasang paghawak sa Marxismo-Leninismo-Maoismo ay ginabayan ang Partido mula sa kanyang pagsilang, kamusmusan at paglago. Iniwan sa atin ni Ka Joma ang isang baol ng kayamanan ng mga sulating Marxista-Leninista-Maoista kung saan habampanahong mananatili ang kanyang rebolusyonaryong diwa para gabayan ang susunod na mga salinlahi ng kadre ng Partido patungo sa mas matataas na tugatog ng pagsulong.

Nagbibigay ang Partido ng pinakamataas na pagpupugay sa lahat ng bayani at martir ng sambayanang Pilipino, kabilang ang mga kasapi ng Komite Sentral, ng Kawanihan sa Pulitika at Komiteng Tagapagpaganap nito, at sa mga kadre, Pulang mandirigma at mga aktibistang masa, na ibinigay ang pinakamataas na sakripisyo habang naglilingkod sa bayan at nakikibaka para sa pambansang demokrasya. Kasabay nito, nagbibigay-puri tayo sa rebolusyonaryong masa, mga aktibista ng mga organisasyong masa, mga Pulang mandirigma, mga organisador at kadre ng Partido na patuloy na nagpupunyagi sa rebolusyonaryong landas sa kabila ng mga kahirapan at sakripisyo laluna sa harap ng pinaigting na kampanya ng pasistang terorismong inudyok ng imperyalismong US.

Kinakaharap natin ang papalalang krisis ng naghaharing sistemang reaksyunaryo kapwa sa loob ng bansa at sa buong mundo, na kinatatangian ng matagalang istagnasyon at pagbagsak ng ekonomya, lumalalang kalagayang panlipunan, paglakas ng pasismo at terorismo ng estado at lumalaking banta ng digmaang inter-imperyalista. Nililikha ng krisis ang napakapaborableng kundisyon para pamunuan ng proletaryado ang bayan at isulong ang rebolusyonaryong kilusan sa Pilipinas at sa iba’t ibang panig ng daigdig.

Patuloy na lumulubha ang krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista. Dumadausdos ang ekonomya ng US at ibang nangungunang kapitalistang bansa patungo sa panibagong ronda ng resesyon na nagbabantang saklutin ang wala pang kapantay na dami ng bansa. Lumalabas ang bulok na kaibuturan ng sistemang kapitalista at nagdadala ng malawakang pagwasak at pagdurusa sa proletaryado at mamamayan. Lumalakas ang mga pasistang pwersa para atakehin at sirain ang pamumuno ng proletaryado. Umiigting ang mga kontradiskyon at ribalang inter-imperyalista. Para pigilan ang kanyang estratehikong pagdausdos, lalong naging mapanggera ang imperyalismong US at itinutulak ang ibang imperyalistang bansa na maging mas agresibo sa militar. Humantong ito sa gera sa Ukraine at nagpapalaki sa banta ng tuwirang inter-imperyalistang gera o gerang pandaigdig.

Patuloy na nagdurusa ang sambayanang Pilipino sa humihigpit na hawak ng imperyalismong US, at pag-aasal-alipin ng rehimeng Marcos sa mga dikta at interes ng Pentagon, dayuhang monopolyong kapitalista sa pinansya, at mga korporasyong multinasyunal.

Tumatalim ang krisis ng naghaharing malakolonyal at malapyudal na sistema, na kinatatangian ng malawak na pagkawasak ng mga pwersa sa produksyon, at pagbulusok ng kalagayang sosyo-ekonomiko ng mayorya ng sambayanang Pilipino. Ang pag-angat sa kapangyarihan ng kinamumuhiang pangkating Marcos-Duterte, na malawakan na itinuturing na hindi lehitimo dahil sa malawakang pandarayang elektroniko noong eleksyong Mayo 2022, ay tanda ng lalong pagkabulok ng naghaharing sistemang pampulitika.

Patuloy nitong ipinatutupad ang pabrutal nang pabrutal na gerang panunupil, gamit ang pinakamalalalang anyo ng pasistang terorismo para sindakin ang malawak na masa ng sambayanan. Subalit natutulak ang mga manggagawa, magsasaka at iba pang aping uri at sektor na lumaban at ipagtanggol ang kanilang mga karapatan at interes. Higit na lumilinaw ngayon na makatarungan, kailangan at kagyat ang pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan.

Patuloy na nagpupunyagi ang mga kadre at aktibista ng Partido sa pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan para kubkubin ang kalunsuran mula sa kanayunan, at pagsusulong ng kilusang masa kapwa sa lungsod at kabukiran. Sa nagdaang mga taon, may malalaki tayong nakamit sa iba’t ibang larangan ng gawain. Subalit, dumanas din ang rebolusyonaryong kilusan ng mga kabiguan at pag-atras sa ibang larangan ng gawain dahil sa suhetibismo, panloob na mga kahinaan at pagkakamali, habang hinarap natin ang estratehikong opensiba ng kaaway sa nagdaang limang taon.

Sa gabay ng Marxismo-Leninismo-Maoismo, hindi natitinag ang Partido sa mga pag-atras na ito. Determinado itong pangibabawan ang lahat ng kahinaan, iwasto ang mga pagkakamali, magkonsolida at magpalakas, upang magsilbing namumunong bag-as ng sambayanang Pilipino sa kanilang pakikibaka para ibagsak ang imperyalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo at kamtin ang pambansang kalayaan at demokrasyang bayan.

Umiigting ang mga kontradiksyon sa
pagsadsad sa panibagong ronda ng krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista

Muli na namang mabilis na bumubulusok ang pandaigdigang sistemang kapitalista, matapos ang isang iglap ng sandaling paglawak noong nakaraang taon kasunod ng pandaigdigang resesyon noong 2020 sa kasagsagan ng pandemyang Covid-19. Nagaganap ito wala pang isang taon mula nang sabihin ng International Monetary Fund na lalago ang mga ekonomya sa 2022 at susunod na mga taon. Pinatitindi ng kapitalistang krisis ang lahat ng anyo ng pang-aapi at pagsasamantala, pinalalalim ang tunggaliang inter-imperyalista, napatitindi ng tunggalian ng mga uri at nagluluwal ng mga kundisyon para sa rebolusyonaryong paglaban.

Sinasabing ang pagbulusok nitong huli ng ekonomya ay resulta lamang ng mataas ng implasyong dulot ng pagsirit ng presyo ng langis at buntot na epekto ng mga lockdown noong pandemya na gumulo sa pandaigdigang suplay. Ang totoo, pagpapatuloy ito ng matagalang istagnasyon ng sistemang kapitalista sa buong mundo na nagsimula noon pang pandaigdigang krisis sa pinansya noong 2008, halos 15 taon na ang nakaraan. Pansamantala lamang itong naputol nang magbangon ang mga ekonomya sa huling kwarto ng 2020 sa tulak ng malaking pautang, matapos ang resesyon kaugnay sa pandemya sa unang bahagi ng taong iyon. Ginamit na ngang termino ng mga ekonomistang burges ang “permacrisis” para ilarawan ang pangkalahatang istagnasyon at nagtatagal na kawalang-tatag ng pandaigdigang ekonomya na humaharap sa sala-salabid na krisis sa pagkain at enerhiya, gera at mga tungalian at kaguluhan sa pinansya.

Nasa gitna ngayon ang pandaigdigang sistemang kapitalista ng pinakamalaking pampinansyang bula sa kasaysayan ng mundo. Nasa $290 trilyon ang kabuuang pandaigdigang utang pampubliko at pribado sa ikatlong kwarto ng taon, katumbas ng 343% ng pandaigdigang produksyon. Mula nang tumama ang pandemya, walang kapantay ang inaabot ng utang at pumalo nang 360% ng GDP noong 2020 at $303 trilyon noong 2021. Ang pagliit kamakailan ay sanhi ng paglakas ng dolyar ng US na dahilan para magmukhang mas maliit ang mga utang na di dolyar, at ng pagtaas ng tantos ng interes na bumabawas sa bagong pangungutang.

Walang singmabuway din ngayon ang mga bono at treasuries na dati’y itinuturing na ligtas lagyan ng puhunan. Bumagsak nang 11% ang pandaigdigang pamilihan ng bono na katumbas ng $2.6 trilyon—pinakamalala mula noong krisis sa pinansya noong 2008. Patung-patong ang mga pagkalugi dahil sa agresibong pagtataas ng interes ng mga bangko sentral. Bagsak ngayon nang higit 24% ang long-term US treasuries, bago pa magtapos ang taon. Pinakamalala rin mula 2008 ang pagkalugi ng mga pamilihan ng sapi sa buong mundo na ang halaga’y sumadsad nang 20% ngayong taon. Lalala pa ang pagkamabuway at pagkalugi sa 2023 kasabay ng paglubha ng mga ekonomya.

Inaasahan ng Organization for Economic Cooperation and Development o OECD na mangangalahati ang paglago ng ekonomya mula 6% noong 2021 patungo sa 3.1% ngayong taon, at bababa pa sa 2.2% sa 2023. Tumutungo na sa resesyon ang nangungunang mga bansang kapitalista matapos mabilis na itaas ang mga tantos ng interes at naghigpit ng mga patakaran sa pananalapi para kontrolin ang implasyon. Pinepreno nito ang produksyon, pinararami ang tanggalan at disempleyo, at sumisira sa buhay at kabuhayan ng milyun-milyong tao. Hihilahin din nito ang ibang mga bansa na nakatali sa pandaigdigang produksyon ng mga korporasyong multinasyunal na, matapos ang ilang dekada ng globalisasyon, ay binubuo ng mayorya ng bansa sa buong mundo.

Ang pagtataas ng interes at ibinubunsod nitong resesyon at pagpreno ng produksyon ay magreresulta sa lalong maraming krisis sa pautang at pagbabayad-utang, magpapalala sa produksyon at disempleyo, at lalong magpapalubha sa kahirapan at hindi pagkakapantay-pantay. Paiigtingin ng kalagayang ito ang kawalan ng katatagan at magpapalalim sa istagnasyon ng ekonomya.

Tumigil sa paglago ang ekonomya ng US simula unang hati ng taon, at patungo na sa resesyon sa susunod na taon matapos simulan ng Federal Reserve ang pagtataas ng tantos ng interes simula kalagitnaan ng taon na pumigil sa produksyon. Apat na ulit na mas malaki ang tanggalan sa trabaho ngayong taon kaysa noong nakaraang taon sa sektor ng teknolohiya, sasakyan, kalusugan, bangko, pagtitingi at mga serbisyo. Sa ngayon, dala nito ang dambuhalang utang na mahigit $31 trilyon. Ang tunay na implasyon ay 16% at hindi 7%. May mga nagsusuring naniniwalang mas malala pa kaysa 1788 ang aabuting paglagpak ng pamilihan ng bono, na isang bula sa pinansya na 40 ulit na mas malaki kaysa pamiliha ng sapi. Lumalaki ang posibilidad ng “Mas Malaking Depresyon” sa harap ng pagsadsad ng real estate at 700% pagdami ng mga nareremata kumpara sa nagdaang taon. Inaasahang sisidhi pa ang mga salik na ito sa darating na mga buwan.

Ang ekonomya ng China, na matagal na itinuring na makina ng paglago ng ekonomya ng mundo, ay patuloy na sumusuray sa harap ng lumalaking krisis sa pinansya na kinatatangian ng mataas na mataas na antas ng utang at hindi nababayarang utang sa real estate ang pagbabangko, pagsadsad ng konstruksyon at paghina ng produksyon. Bumabalentong ang pamilihan sa real estate na may mahigit 90 milyong bakanteng kondominyum. Bumagal ang konstruksyon ng imprastruktura sa loob at labas ng China. Bagsak ang bentahan. Inaasahang bababa lamang nang mahigit 3% ang paglago ng ekonomya, pinakamababa mula dekada 1970. Bagsak at inaasahang umabot sa 3-5% ang paglago ng eksport ng China (mula 29.8% noong nagdaang taon) sa harap ng banta ng resesyon sa US at Europe, na hihila naman sa mga bansang nakatali sa produksyon sa China.

Ang paglago ng ekonomya sa mga bansa sa Europe ay inaasahang babagsak sa 0.3% sa susunod na taon at maraming bansa’y masasadlak sa mahahabang resesyon. Niyayanig ng istagplasyon ang UK, na nasa resesyon na at inaasahang di makababangon hanggang katapusan ng 2024. Inaasahang kikitid nang 4.5% ang ekonomya ng Russia sa susunod na taon, at ang Germany nang 0.7%, habang inaasahang lumago nang 0.8% ang Frane. Naging pabigat sa maraming nangungunang bansa sa Europe ang mga sangsyon ng US kontra sa natural gas ng Russia na nag-obliga sa kanilang bumili ng mas mahal na natural gas mula sa US. Nagtatanggalan o hindi kumukuha ng bagong manggagawa ang mga kumpanya sa Europe (sa industriya, teknolohiya, transporta-syon, pagkain, pagtitingi, pagbabangko at iba pa).

Sasadsad rin ang Japan sa resesyon sa katapusan ng taon at inaaasahang masasadlak hanggang sa susunod na taon. Hinihila pababa ang produksyon ng mataas na depisito sa kalakalan sa harap ng mabagal na paglago ng eksport dahil sa mahinang demand, mabilis na pagbagsak ng halaga ng yen kontra sa dolyar, at walang-kapantay na implasyon.

Pasan ng malaking mayorya ng hindi maunlad o atrasadong ekonomya ang matarik na implasyon, masidhing disempleyo, pagbagsak ng halaga ng salapi dahil sa tulak ng US na palakasin ang dolyar, na nagreresulta sa pagsirit ng gastos sa pag-aangkat ng pagkain at iba pang kalakal, pagbaba ng tuwirang dayuhang pamumuhunan, at pamalagiang depisito sa kalakalan. Dinurog ang mga bansang ito ng ilang dekada ng patakarang neoliberal na ipinataw para bigyang-daan ang todong imperyalistang pandarambong na nagresulta sa malawak na pagkawasak ng mga pwersang produktibo at mga rekursong pang-ekonomya. Saklot sila ng masidhing krisis sa pautang, at labis ang pasanin sa pagbabayad-utang. Nasa 60% ng pinakanaghihirap na bansa ay mataas ang risgong hindi na makapagbayad o sadlak na sa labis-labis na kagipitan. Nitong Oktubre, sumadsad ang ekonomya ng Sri Lanka dahil sa bigat ng di mabayarang dayong pautang, at malamang na hindi ito ang huling bansang daranas ng masidhing epekto ng krisis sa pautang.

Sa ubod ng tumitinding krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista ay ang krisis ng sobrang produksyon. May sobrang suplay ng mga mayor na kalakal kabilang ang langis, semiconductor, mga produktong elektroniko, asero, mga materyales pangkonstruksyon, sasakyan, mga produktong agrikultural at iba pa. Ang mabilis na pagtaas ng kapasidad sa produksyon (gamit ang mga kompyuter, robot, artificial intelligence at iba pang teknolohiya) at ang kasabay na pagtaas ng tigil na kapitalpaglaki ng kapital na nakalagak sa mga makina (fixed capital), kakombina ng pagbaha sa pamilihan at di mabentang imbentaryo, ay nagpapabulusok sa tantos ng tubo, pagsira sa produksyon at mga pagkabangkarote. Ginagamit ang sobrang kapital para lumikha ng sunud-sunod na bula sa pinansya, na humahantong sa lalong konsentrasyon ng kapital sa kamay ng iilang monopolyo.

Nagreresulta ang krisis ng kapitalistang sistema sa lalong mabilis na akumulasyon ng kapital at yaman sa kamay ng iilang monopolyong kapitalista, at tuluy-tuloy na tumitinding hindi pagkakapantay-pantay ng mga uri at bansa. Sa nagdaang mga buwan, pinasirit ng mga monopolyong kumpanya sa langis at mga ispekulador sa pinansya ang presyo ng langis na dahilan para magkamal sila ng walang-kapantay na tubo. Noong pandemya, may lumitaw na isang bilyunaryo kada 30 oras, habang isang milyong tao ang sumadsad sa antas ng labis na kahirapan dahil sa nawalang kita, pagkawala ng trabaho at tumataas na gastos sa pamumuhay. Sa panahong iyon din, nadoble ang yaman ng sampung pinakamayamang bilyunaryo, habang bumagsak ang kita ng 99 porsyento ng populasyon sa mundo. Ang yaman ng kulang sa 2,700 bilyunaryo, na ang 70% ay mula sa sampung bansa lamang, ay mas malaki sa buong yamang pag-aari ng 4.6 bilyong tao o 60% ng pandaigdigang populasyon.

Sa gitna ng lumalalang pandaigdigang krisis sa ekonomya, nakikita natin ang paglalim at pag-igting ng apat na mayor na kontradiksyon, sa partikular, ang kontradiksyon sa pagitan ng mga monopolyong kapitalista at mga manggagawa sa mga imperyalistang bansa, yaong sa pagitan ng mga imperyalistang bansa, yaong sa pagitan ng mga imperyalistang kapangyarihan at mga aping mamamayan at bansa, at yaong sa pagitan ng mga imperyalistang bansa at mga bansang naggigiit ng pambansang kalayaan at hangaring sosyalista.

Patuloy na lumalakas ang mga pakikibakang manggagawa sa US, sa UK at iba pang imperyalistang bansa sa harap ng pagtaas ng gasto sa pamumuhay at mababang sahod. Lumalakas ang pag-oorganisa ng mga unyon sa US kabilang ang binubuo sa mga mayor na korporasyon (Amazon, Starbucks, Apple, Google, Verizon at iba pa). Naglulunsad ng mayor na mga welga at demonstrasyon ang mga manggagawa para isulong ang hinihinging dagdag sahod at pagpapabuti ng kundisyon sa paggawa. Sumisiklab ito sa buong Europe kabilang ang pambansang welga ng mga manggagawa sa transportasyon at paliparan sa France, Spain, Belgium at iba pa. Ngayong Disyembre, niyayanig ang UK ng mga welga ng manggagawa sa malawak na saklaw ng mga industriya at serbisyo, ang pinakamalaki sa nagdaang tatlong dekada.

Ang pagkabigo ng mga monopolyong kapitalista na lutasin ang lumalalang krisis sa mga imperyalistang estado ay nagpapalakas sa mga pasistang grupo na nag-uudyok ng ultra-nasyunalismo, panatisismo sa relihiyon at antikomunismo. Pinopondohan, inoorganisa at hinihikayat ng mga monopolyong kapitalista ang mga pasistang ito para palabuin ang kapitalistang ugat ng krisis sa ekonomya at lumikha ng mga kaguluhan sa ekonomya at pulitika para ilayo ang pansin at lakas ng taumbayan sa maka-uring tunggalian. Nilalabanan nila ang maka-uring pamumuno ng proletaryo, at kinokontra ang paglakas ng mga kilusan at tunguhing anti-imperyalista, demokratiko at sosyalista. Tungkulin ng rebolusyonaryong proletaryado at kanilang partido na malawak na abutin ang mga manggagawa, magsagawa ng malawak na edukasyon para magsanay ng libu-libong mga proletaryong kadre, upang pamunuan ang milyun-milyong manggagawa. Dapat gabayan ang kanilang pakikibaka para sa demokratikong reporma tungo sa landas ng sosyalistang rebolusyon.

Ang pakikibaka ng uring manggagawa sa mga imperyalistang bansa laban sa lumalalang anyo ng pagsasamantala at pang-aapi ay nagtatakda ng hangganan ng paglago ng kapital na pwedeng kamkamin ng mga monopolyong kapitalista sa kanilang mga bansa. Habang mas malakas ang paglaban ng mga manggagawa sa mga imperyalistang bansa, lalong naghahanap ang mga monopolyong kapitalista sa ibang bansa ng larangan para sa kapitalistang pagsasamantala at pandarambong para ibsan ang kanilang hindi mapigilang pangangailangan para sa kapitalistang ekspansyon at pagkauhaw sa supertubo.

Umiinit ang inter-imperyalistang tunggalian at gera, sa harap ng tulak ng mga imperyalistang kapangyarihan na pangalagaan at palawakin ang saklaw ng kanilang pandaigdigang impluwensya at pamumuhunan. Sa kasalukuyan, ang imperyalismong US ang pangunahing nag-uudyok ng gera sa walang-habas nitong tulak para sa pandaigdigang hegemonya. Gumagamit ang US ng paraan ng agresibong militar para pigilan ang paglago at paglawak ng imperyalistang karibal nitong China at Russia.

Ang gera sa Ukraine ay resulta ng walang-tigil na agresyon ng US at North Atlantic Treaty Organizations o NATO para palawakin ang alyansang militar mula 1991 sa pamamagitan ng paglunsad ng mga gerang agresyon sa mga teritoryo sa Eastern Europe na dating bahagi ng Warsaw Pact, na taliwas sa kasunduan sa Minsk noong 1991. Ang armadong pag-atake ng Russia sa Ukraine mula Pebrero na may deklarasyong pigilan ang patuloy na paglawak ng NATO para isanib ang Ukraine at ipagtanggol ang populasyong nagsasalita ng Russian sa rehiyong Donbass na pinuruhan ng walang habas na panganganyon ng pwersa ng Ukraine na may suporta ng US. Ang tuluy-tuloy na panghihimasok ng US at NATO at pagbuhos ng halos walang kaubusang mga sandata at pondo sa Ukraine para birahin ang Russia ay nagpatagal sa gera at nagtulak sa Russia na ilagay sa maksimum alert ang kanyang mga sandatang nukleyar. Nagpakat na ang US ng mga tropa sa Poland na handa sakaling tumindi sa tuwirang panggegera sa Russia. Lumalakas ang tinig ng mga upisyal ng US sa layuning “estratehikong pahinain” ang Russia at pagwatak-watakin ito.

Habang nakikipaggera sa Ukraine, patuloy na umiigting ang pang-uupat at pag-uudyok ng imperyalismong US sa China, at paggatong sa isyu ng soberanya ng China sa Taiwan. Sa tulak ng US, inilabas ng NATO ang “estratehikong pananaw” na bumabatikos sa China sa pagiging “mapamwersa” at nagdeklara dito bilang “estratehikong hamon” sa seguridad ng NATO. Binalangkas ng “Indo-Pacific Strategy” ng US Pentagon ang plano nitong paikutan ang China gamit ang mga alyansang militar tulad ng AUKUS (Australia-United Kingdom-US) at Quad (Quadrilateral Security Dialogue, kasama ang Japan, India at UK). Nagpwesto ito ng mga misayl sa mga base nito sa Japan, South Korea, Singapore at Pilipinas. Layunin nitong kontrolin ang “kadena ng mga unang isla” sa pamamagitan ng pagpapalakas ng presensya ng pwersang nabal nito sa Sea of Japan, Taiwan Strait at sa kanluran at silangang karagatan ng Pilipinas.

Ang tulak patungo sa tuwirang inter-imperyalistang gera ay nahahadlangan ng hangganan ng kapangyarihan ng imperyalistang US, na kinatatampukan ng mga kontradiksyon sa loob ng NATO at ang paghahalo sa loob ng UN at iba pang internasyunal na asosasyon at kumperensya ng magkakaribal na imperyalistang kapangyarihan at mga estadong matatag sa kasarinlan at anti-gera. Labis na nayayamot ang Germany, France, UK at iba pang bansa sa agresibong pagtulak ng US sa mga kaalyado nito sa NATO na magbuhos ng ayudang militar sa Ukraine, putulin ang daloy ng natural gas mula Russia tungo sa Europe, at sa halip ay bumili ng mamahaling gas mula sa US. Mas maraming bansa sa mundo ang hindi sumunod sa mga hakbanging panggigipit ng US kontra sa langis mula Russia. Habang nagpapalakas ng alyansang militar ang US sa India, tumatanggi itong kundenahin ang pag-atake ng Russia sa Ukraine, at ngayo’y siyang bumibili ng 20% ng langis mula Russia.

Papatindi ang retorika ng mga upisyal ng US tungkol sa “decoupling” (o “pagkalag”) at pagpapataw ng panggigipit at mataas na taripa ng mga inaangkat mula China. Gayunman, ang “decoupling” ay sinasalubong ng lumalakas na kahingian para sa mundong multipolar at pagtakwil sa hegemonya ng US, at praktikal na mga hakbang para itayo ang mga internasyunal na pagtutulungan at mga kalakalang hindi nakatali sa dolyar ng US.

Lumakas ang loob ng mga bansang kabilang sa alyansang BRICS (Brazil, Russia, India, China at South Africa) na magkasundo na magkalakalan gamit ang isang bagong reserbang salaping internasyunal para kalabanin ang dolyar ng US at ang “special drawing rights” ng IMF bilang salapi. Itinutulak ng mataas na presyo ng enerhiya at tantos sa interes sa US ang ibang bansa na sumapi sa alyansang BRICS. Naghayag ng interes na sumapi ang Algeria, Bangladesh, Indonesia, Iran, Mexico, Nigeria, Sudan, Syria, Pakistan at Venezuela. Posible ring sumapi sa BRICS+ ang Argentina, Egypt, Indonesia, Kazakhstan, UAE, Saudi Arabia, Senegal, Thailand at Turkey.

Makabuluhan ang bilang ng bansang naggigiit ng kanilang pambansang kasarinlan na kumokontra sa pagpapataw at panghihimasok ng US, at aktibong sinasamantala ang mga kontradiksyong inter-imperyalista. Ilan sa mga bansang ito ay nagdedeklara ng kanilang mga programa at hangaring sosyalista. Kabilang sa mga ito ang Cuba, and Democratic People’s Republic of Korea at ang Socialist Republic of Vietnam. Mayroon ding tinatawag na “pink tide” ng mga bansa sa Latin Amerika na naghalal ng mga partidong deklaradong anti-US at kontra-neoliberal.

Ang mga bansang ito ay maaaring magpalakas nang nagsasarili, makipag-alyansa sa isa’t isa at kasama ang aping mamamayan at mga bansa na nakikibaka para sa pambansa at panlipunang paglaya. Dapat tumulong ang mga proletaryong rebolusyonaryong pwersa na bumuo ng internasyunal na pakikipagkaisa sa mga bansang ito na sinasapol ang prinsipal na anti-imperyalistang aspeto ng mga estadong ito, habang gagap ang maka-uring katangian at balanse ng mga pwersang panloob nito.

Patuloy na umiigting ang mga kontradiksyon sa pagitan ng mga imperyalistang kapangyarihan at ng mga aping mamamayan at bansa sa gitna ng papalalang mga kundisyong panlipunan sa mga bansang binugbog ng mga kontra-nasyunal na patakaran sa kalakalan, pamumuhunan, pag-aari ng mga rekursong pang-ekonomya at iba pang mga hakbanging neoliberal na ipinataw ng mga imperyalistang bangko at gubyerno. Tumitindi ang mga kaguluhang panlipunan sa harap ng pagbulusok ng kalagayan sa pamumuhay ng masang anakpawis at mga panggitnang sektor sa gitna ng mataas na implasyon, mababang sahod, malawak na disempleyo, kakulangan sa pagkain at kabuuang pagkabulok ng mga produktibong pwersa.

Maya’t maya’y sumisiklab ang mga welga at malawakang demonstrasyon sa iba’t ibang bansa na naggigiit ng mga demokratikong reporma tulad ng pagtataas ng sahod, at lumalaban sa imperyalistang panghihimasok militar, gera at pang-uupat ng gera. Tiyak na sasabog pa ang mga pag-aalsang masa at pampulitikang kombulsyon sa mga darating taon kaakibat ng paglaban ng malawak na masa sa lumalalang anyo ng pambansa at panlipunang pang-aapi na ipinataw ng mga imperyalistang kapangyarihan. Sa udyok ng kanilang mga imperyalistang diyos-diyosan, bumabaling sa hayagang pasistang paghahari ang mga reaksyunaryong papet na estado sa hangaring supilin ang mga pwersang patriyotiko, demokratiko at sosyalista.

Patuloy na lumilikha ang krisis, laluna sa mga atrasadong bansa nasa ilalim ng neokolonyal at pasistang paghahari, ng mga kundisyong pabor sa pagsusulong ng armadong rebolusyon laban sa imperyalistang paghahari at pang-aapi. Sa ilalim ng mga mapang-api at mapanupil na rehimen, walang ibang mapagpilian ang mamamayan kundi ang sandatahang paglaban. Lumilitaw ang mga pwersang gerilya sa iba’t ibang bansa upang ipagtanggol ang kanilang mga karapatang pampulitika, panlipunan, pang-ekonomya at pangkultura. Patuloy na isinusulong ang mga armadong rebolusyonaryong pakikibaka na pinamumunuan ng partidong Marxista-Leninista-Maoista sa India, Turkey, Colombia, Peru, Pilipinas at iba pang bansa.

Inuudyok ng lumalalang kalagayang sosyo-ekonomiko at terorismo ng estado ang paglaban ng bayan

Mabilis na lumalala na pamalagiang krisis ng naghaharing sistemang malakolonyal at malapyudal sa Pilipinas, kasabay ang pagbulusok ng ekonomya at kalagayan sa buhay ng malaking mayorya ng mamamayan. Ang umiiral na sitwasyon ay nagtutulak sa malawak na masa ng mga manggagawa, magsasaka at mga may maliit na kita na mag-organisa at kolektibong igiit ang kagyat na mga demokratikong reporma sa ilalim ng estadong neokolonyal.

Ang naghaharing sistema ay pinamumunuan ngayon ng labis na kinamumuhiang magnanakaw na pangkating Marcos. Sa ilalim ni Marcos Jr, lalong hindi natutugunan ng reaksyunaryong estado ang pangangailangan ng taumbayan. Naghahabi ito ng mga ilusyon ng reporma at gumagamit ng pasistang panunupil para panatilihin ang naghaharing sistema. Kaya lalong nagiging bukas ang sambayanan sa rebolusyonaryong propaganda at pabor na kumilos, mag-organisa at magsulong ng kanilang mga pakikibaka.

Ang pagbabalik sa poder ng dinastiya sa pulitika ni Marcos ay klarong patunay ng labis-labis na pagkabulok ng naghaharing sistema. Matapos mapatalsik sa kanilang paghaharing diktadura noong 1986 sa harap ng malawakang galit ng taumbayan sa walang kapantay na korapsyon at pandarambong at pag-abuso sa karapatang-tao, ang pamilyang Marcos ay binigyan ng puwang sa pulitika at ekonomya ng nagdaang mga rehimen, sa tulak ng US para plantsahin ang gusot sa mga naghaharing uri.

Malawak ang pagtingin na hindi lehitimo ang kasalukuyang rehimen ni Ferdinand Marcos Jr dahil umangat ito sa poder gamit ang pandarayang elektroniko, malawak na pagkakait ng karapatang makaboto, pagbili ng boto at pamimilit ng mga ahente ng estado sa eleksyon noong Mayo 2022, sa pakikipagkuntsaba sa noo’y naghaharing rehimeng Duterte. Sa pagkamit ng kapangyarihang pampulitika, pakay ng mga Marcos na konsolidahin ang kanilang bilyun-bilyong pisong iligal na yaman na kinamkam noong diktadurang Marcos, at panatilihin at palawakin ang kanilang dinastiyang pampulitika.

Sumusumamo ang rehimeng Marcos kapwa sa imperyalistang US at China sa kapinsalaan ng sambayanang Pilipino at kasarinlan ng bansa. Gayunman, malinaw na idineklara ni Marcos ang katapatan sa US nang ianunsyo noong Nobyembre na pahihintulutan niya ang US na magtayo ng limang baseng militar, dagdag sa limang mga pasilidad militar ng US sa ilalim ng EDCA, bilang bahagi ng pagpapalakas ng US ng pwersa laban sa China.

Ang naghaharing reaksyunaryong estado ay isang neokolonyal na estado ng US. Nananatiling pangunahing imperyalistang kapangyarihan ang gubyernong US sa bansa, hawak ang AFP bilang pangunahing haligi ng kanyang paghahari, at ang mga burukratang kapitalistang tapat sa kapangyarihan ng US at naghahari na may basbas ng kanilang imperyalistang amo. Pribilehiyado ang katayuan at mga karapatang ekstra-teritoryal ang militar ng Amerika sa Pilipinas sa ilalim ng Mutual Defense Treaty at iba pang hindi pantay na kasunduang militar. Ang mga kagamitan at tauhan nito’y estratehikong nakapakat at nakapusisyon sa mga susing kampo at pasilidad ng AFP sa buong bansa.

Lumitaw ang China bilang imperyalistang bansa ngunit malayong pangalawang kapangyarihan sa Pilipinas. Sa nagdaang ilang dekada, ang mga monopolyo kapitalista ng China ay nakipagkuntsaba sa imperyalismong US at nakisalo sa liberalisasyon ng mga patakaran sa kalakalan at pamumuhunan sa Pilipinas. Malalaking halaga ng salapi ang ibinuhos nila sa pagmimina, pati na sa semiprocessing (pag-asembol at testing) ng mga produktong elektroniko na matakaw sa lakas-paggawa. Nagpapakitang-gilas ng presensyang militar ang China sa West Philippine Sea sa pamamagitan ng mga pasilidad militar na itinayo sa mga artipisyal na isla sa loob ng teritoryong pandagat ng Pilipinas na lumalabag sa kasarinlan ng bansa.

Patuloy na lumalala ang ekonomya at pamumuhay ng mamamayang Pilipino sa ilalim ng rehimeng Marcos. Abala si Marcos Jr sa paglamyerda sa ibang bansa, pagpapakintab ng imahe ng tirano niyang ama, at pagtiyak ng kanyang ibubulsa. Wala siyang inaalok na bagong solusyon upang ilihis sa papabulusok na landas ng ekonomya ng Pilipinas. Ang deklarasyon niyang “buksan nang todo ang mga pinto” ay nangangahulugan lamang ng pagpapatuloy ng mga neoliberal na patakaran sa ekonomya na pabor sa dayuhang kapitalistang namumuhunan kasama ang mga pagkaltas o paglibre sa buwis, mababang sahod sa mga manggagawa, pagsupil sa karapatan sa pag-uunyon at pagwelga at iba pang pang-akit.

Puro hangin at walang batayan ang mga pangako ni Marcos na pagbangon ng ekonomya para lang mapayapa ang masang balisa. Kahit ang sinasabi niyang pagpapalaki ng dayuhang pamumuhunan ay taliwas sa paghina ng pandaigdigang ekonomya sa gitna ng mga resesyon sa nangungunang imperyalistang bansa, lumiliit na demand para sa mga inasembol na kalakal (partikular na ang mga semiconductor), mataas na presyo ng langis at iba pang salik. Tuluy-tuloy ang pagbaba ng manupaktura na kinatampukan ng pagsasara ng mga pabrika ng damit dahil sa lumiit na demand sa US at iba pang bansa. Katunayan, lumiliit ang halaga ng bagong tuwirang dayuhang pamumuhunan mula sa simula ng taon, kabilang ang unang mga buwan ni Marcos.

Mukha lamang mataas ang kamakailang mga tantos ng paglago dahil sinusukat ito mula sa pagkalugmok sa lockdown noong 2020-2021. Huhupa ito sa katapusan ng taon at babagsak sa kabuuan ng 2023. Walang salik na tumutulak ng tuluy-tuloy na pag-unlad ng lokal na ekonomya. Inilalantad ng saligang mga palatandaan ang pundamental na kahinaan ng ekonomya ng bansa na nakasalalay sa importasyon at nakatuon sa pag-eeksport at ang matarik nitong pagbulusok. Lumaki nang 54% ang depisito sa kalakalan tungong $49.98 bilyon sa unang sampung buwan ng taon. Sa unang tatlong kwarto ng 2022, lumaki nang halos 12 ulit ang depisito sa labas-masok ng salapi tungong $7.8 bilyon kumpara sa unang tatlong kwarto ng 2021.

Sa nagdaang tatlong taon, tumaas nang ₱2 trilyon kada taon ang utang pampubliko ng Pilipinas, at nasa ₱13.6 trilyon na noong Oktubre 2022. Noon ding Oktubre, nasa ₱1.1 trilyon ang depisito sa badyet ng gubyerno, na ginigipit ng pagbabayad utang na sa katapusan ng taon ay nakatakdang umabot ₱1.298 trilyon (₱513 bilyon pagserbisyo sa interes, at ₱785 bilyon pambayad sa prinsipal sa labas ng badyet). Hanggang 30.9% (o ₱1.630 trilyon) ng ₱5.268 trilyon ng badyet sa 2023 ay nakalaan sa pagbabayad-utang (18.65% na mas malaki kaysa 2022). Ang paghina ng piso kontra dolyar ay lalong pabigat sa mga Pilipino na labis na ang pinapasang mataas at maraming buwis para magpalitaw ng perang pambayad sa utang ng bansa.

Walang kapantay ngayon ang pagsalalay ng bansa sa pautang na umuubos sa dugong kapital at yaman ng bansa. Ang yaman ng bansa ay hinuhuthot ng mga dayuhang monopolyo kapitalistang bangko, ninanakaw sa malakihang iskemang korapsyon ng mga burukratang kapitalista, at nilulustay sa pagbili ng mamahaling mga sandata at pagbayad sa pensyon ng sobrang laki ngunit di produktibo at parasitikong pwersang militar at pulis.

Malaking bahagi ng pangungutang ay napupunta sa grandyosong mga programang pang-imprastrukturang pampubliko na lumilikha lamang ng ilusyon ng paglago, ngunit katunayan ay hindi nakatutulong sa ekonomya na maging produktibo at nakatatayo sa sariling paa. Gumagamit ang mga proyektong pang-imprastruktura na ito ng dayuhang asero at makinarya mula sa imperyalistang mga bansang nagpapautang, na nagbibigay sa kanila ng pamilihan na magamit ang kanilang tigil na kapital. Kung meron man, lumilikha ito ng ilanlibong pansamantalang trabaho, kapalit ng paglibing lalo ng bansa sa utang, pagsubo sa korapsyon ng matataas ng upisyal ng gubyerno, pagwasak sa kalikasan at pribatisasyon ng mga pampublikong yutilidad.

Ang pagbabayad-utang, gastos sa militar, pork barrel, mga proyektong pang-imprastruktura at iba pang hindi produktibong gastusing plano sa buong panahon ng gubyernong Marcos ay tutususan ng panibagong pangungutang, paghihigpit sa sinturon ng bayan at pagbawas sa mga gastos sa serbisyong panlipunan. Lalong kukulangin ang badyet sa pampublikong edukasyon, kalusugan at pabahay. Ang pagkaltas ng buwis sa malalaking korporasyon at mayayamang pamilya ay tutustusan ng karagdagang mga buwis sa mahihirap at mga panggitnang uri, habang iniiwasan ang hinihinging pagpataw ng buwis sa yaman ng mga bilyunaryo.

Mabilis na lumubha ang kalagayang sosyo-ekonomiko ng malawak na masa ng sambayanan sa nagdaang taon. Sumirit ang gasto sa pamumuhay kasabay ng mataas na presyo ng langis, transportasyon, pagkain at iba pang saligang pangangailangan, edukasyon, kalusugan at iba pang serbisyo, kuryente, tubig at iba pang yutilidad. Halos 19 milyong pamilya, o pito sa bawat sampu sa buong bansa, ang walang anumang impok at nabubuhay nang kahig-tuka; ito ay higit tatlong milyon mas marami kumpara noong bago mag-lockdown sa pandemya. Noong 2021, ang buwanang kita ng aabot sa 70% ng mga pamilyang Pilipino ay hindi lalagpas sa ₱25,000.

Patuloy na tumataas ang arawang gastos sa pamumuhay ng lima-kataong pamilya at ngayo’y tantyang nasa abereyds na ₱1,140 na. Pinakamataas na sa bansa ang ₱570 na minimum na sahod sa Metro Manila pero kalahati lamang ito ng abereyds na nakabubuhay na sahod. Mas malala pa ang kalagayan sa mga rehiyon kung saan sangkatlo o kulang pa ang minimum na sahod. Walang kasimbilis ngayon ang pagdausdos ng pamantayan sa buhay ng mga manggagawa, magsasaka, mga karaniwang kawani, mga may maliit na kita, propesyunal at milyun-milyong walang hanapbuhay.

Saklot ang bansa ng matinding krisis sa trabaho sa harap ng malawakang disempleyo at maramihang tanggalan. Kalokohan ang napakababang 4.5% na tantos ng disempleyo ng upisyal na estadistika na sinalamangka sa hindi pagbilang sa hindi bababa sa 30% ng potensyal na manggagawa sa pwersa ng paggawa. Higit $40 ng mga may trabaho ay mga self-employed, impormal na nagtatrabaho sa pamilya at mga katulong, na kung tutuusin, ay walang trabaho sa aktwal. Ang bilang ng upisyal na walang hanapbuhay, dagdag ang dami ng manggagawang dismayado (na hindi na naghahanap ng trabaho), at dagdag pa ang mga impormal na manggagawa ay aabot kaagad sa 55% ng kabuuang pwersa sa paggawa. Sa pagitan lamang nitong Setyembre at Oktubre, hanggang 476,000 ang nawalan ng trabaho. Halos kalahati nito ay sa sektor agrikultura kung saan buo-buong mga komunidad ang napalalayas ng mga natural na kalamidad, pati ng gawang-taong kalamidad tulad ng pang-aagaw ng lupa para sa mga proyektong real estate, mga proyekto sa imprastruktura, pagpapalawak ng mga operasyon sa mina, plantasyon, ekoturismo at proyektong pang-enerhiya.

Kaalyansa ng naghaharing mga Marcos ang pangkating Duterte, kasama ang utak-pasistang Sara Duterte bilang bise presidente. Kaalyansa rin nila ang mga Arroyo. Kapag pinagsama-sama, kinakatawan nila ang mga pinakabuktot sa mga naghaharing uri na bantog sa brutal na panunpil, garapalang korapsyon at sobrang pagpapakatuta sa mga imperyalista. Dahil anim na taon lang sa poder, minamadali ni Marcos ang lahat ng paraang makapagbulsa ng pinakamalaking pwede mula sa pondo ng estado at kotong sa mga proyektong pang-imprastruktura. Iniraratsada ng pamilyang Marcos ang pagbubuo ng Maharlika Investment Corporation na bibigyang kontrol sa daan-daang bilyong pondong pampubliko upang ilatag ang daan sa malawakang korapsyon. Taglay ang kapangyarihang ipuhunan kahit saan naiisin ang pondo nito, ang korporasyon ay nakatakdang gamitin ng mga Marcos para paburan ang mga kroni at para ilusot ang nakaw na yaman ng mga Marcos.

Upang panatilihin ang sarili sa poder, kinokombina ng rehimeng US-Marcos ang paraan ng malawakang panlilinlang at armadong panunupil.

Malaking pondo ang ibinubuhos sa kampanyang disimpormasyon ni Marcos sa social media at midya para lunurin ang kritikal na balita at impormasyon, baguhin ang kasaysayan para pagtakpan ang mga krimen ng mga Marcos, lumikha ng huwad na mga imahe ng kasiyahan, isaisantabi na “propagandang komunista” ang pagtatalakay sa mga isyung panlipunan, isagawa ang pagbabansag na terorista at “red-tagging” upang ilayo ang atensyon ng bayan sa importanteng mga usapin, busalan sila, panatilihin silang supil, sapawan ang hinaing ng masa at ilayo ang mamamayan sa landas ng sama-samang paglaban.

Sa ilalim ng rehimeng US-Marcos, patuloy na pinalalawak ng establisimyentong depense at panseguridad, partikular ang Armed Forces of the Philippines (AFP), ang poder at impluwensya nito sa burukratikong estado at lipunan. Tahasang nilalapastangan nito ang prinsipyo ng “civilian supremacy over the military” (o pananaig ng sibilyang awtoridad sa militar), kinukumand at kinukontrol ng AFP sa pamamagitan ng mga ahente nito sa National Task Force (NTF)-Elcac ang iba’t ibang ahensya ng estado at yunit ng gubyerno sa ngalan ng kontra-insurhensya.

Walang-tigil ang AFP at NTF-Elcac sa operasyong saywar at tahasang disimpormasyon gamit ang armadong lakas. Tuluy-tuloy na sinusubuan ang publiko ng huwad na impormasyon. Sinumang hindi tugma sa kanilang mga ideya o tumatangging ulitin ang kanilang mga kasinungalingan ay tinatatakang terorista o tagasuporta ng terorismo. Hawak nila ang malaking rekurso para gamitin ang social media at midya para ipalaganap ang kanilang disimpormasyon.

Sa ilalim ni Marcos na commander-in-chief, patuloy na pinaiigting at pinalalakas ng AFP ang terorismo ng estado upang durugin ang lahat ng anyo ng organisasyon at alisan ang mamamayan ng kakayanan ipagtanggol at isulong ang kanilang mga demokratikong karapatan. Pinasidhi ang paninibasib sa mga unyon, mga organisasyon sa komunidad, asosasyon sa paaralan at iba sa tabing ng kontra-insurhensya.

Taliwas sa pundamental na mga karapatan ng mamamayan, ang mga organisasyon nila ay ipinaiilalim sa sarbeylans at walang-tigil na tinatakot ang kanilang lider at kasapi ng mga ahenteng militar na humihingi ng listahan ng mga myembro para pwersahin silang “sumurender.” Sa kamay ng gubyerno ni Marcos, ang bagong batas na SIM registration ay dagdag sa makinaryang ng estadong paniktik.

Walang-tigil at brutal ang paninibasib laban sa taumbayan sa kanayunan. Sa gabay ng mga tagapayong Amerikano sa kontra-insurhensya, ginagamit ng AFP ang barbaro pero bigong taktikang “paglimas sa dagat para hulihin ang isda” na ginamit ng US sa gera sa Vietnam. Buu-buong komunidad ang ipinaiilalim sa hamlet o kontrol ng militar sa tabing ng mga programang “sibiko-militar” tulad ng RCSP (Retooled Community Support Program). Kinokontrol at minamanmanan ang karapatan ng mamamyan sa pagbiyahe o pagtrabaho sa kanilang bukid. Ipinapataw ang mga karpyu. Nirereyd ang mga bahay sa gabi para ipailalim ang mga residente sa interogasyon at pananakot. Ang tumatangging yumuko o makipagtulungan sa militar ay ipinaaresto, tinotortyur at walang-habas na pinapatay. Taliwas sa internasyunal na makataong batas, tahasang ipinamamalas ng AFP ang terorismo ng estado sa paghuhulog ng bomba at panganganyon sa tabi ng mga komunidad, bukid at kagubatan na nagdadala ng malawak na takot, at pagkawasak sa kabuhayan ng masa at sa kalikasan.

Ginagamit ngayon ng utusan-ng-US na AFP at mga upisyal panseguridad ang linyang “estratehikong tagumpay.” Layunin nitong bigyang-matwid ang mahigit limang taon nang pagwawaldas ng daan-daang bilyong piso ng pero ng taumbayan sa walang awat nitong mga opensibang militar at laganap na mga abusong militar. Katawa-tawang pinalalabas nito sa publiko na lilima na lamang ang larangang gerilya ng BHB, at na 25,000 tauhan ng BHB ang sumurender, ilang ulit na mas marami sa pagtaya nila noon na may 3,000 hanggang 4,000 mandirigma ang BHB. Sa kabila nito, patuloy na humihingi ang AFP at PNP sa ilalim ni Marcos ng mas maraming pera para bumili ng bomba at bala sa kanyon at patuloy na tustusan ang operasyon ng mahigit 160 batalyon ng mga tropang pangkombat sa mahigit 40 prubinsya sa buong bansa, kahit sa mga lugar na sinabing “wala na” ang BHB.

Sa harap ng malawakang kahirapan at gutom, ang buong bansa ay nakapaibabaw sa isang panlipunang bulkang tuluy-tuloy na umuungol at handang sumabog. Sumisidhi ang pagkabalisa ng malawak na masa ng mga manggagawa, magsasaka at iba pang anakpawis sa harap ng krisis sa ekonomya, at tumitindi ang galit sa pagwawalambahala ng rehimeng Marcos sa lumalalang kundisyon ng taumbayan mula nang maupo sa poder.

Hindi nalilimutan ng sambayanang Pilipino, maging ng kabataan, ang hindi pa naparurusahang mga krimen ng diktadurang Marcos Sr sa ilalim ng batas militar noong 1972 hanggang 1986. Ang malalaking kilos masa noong kampanyang eleksyon sa unang bahagi ng taon ay salamin ng pagkamuhi ng taumbayan sa pangkating Marcos-Duterte. Tinutuligsa nila ang pag-agaw sa kapangyarihan gamit ang eleksyon sa pamamagitan ng pandarayang elektroniko ng mga Marcos, Duterte at Arroyo noong eleksyong Mayo 2022. Ang malapad na hanay ng mga pwersang pampulitika laban sa rehimeng Marcos ay determinadong magkaisa sa isang demokratikong nagkakaisang prente para labanan ang korapsyon at lahat ng tangkang nakawin ang pero ng taumbayan, ang tulak na monopolyohin ang kapangyarihan, ang pagsusunud-sunuran nito sa imperyalismong US, ang mga patakarang neoliberal nito at kampanya ng terorismo ng estado.

Nagluluwal ng malawak na paglaban ng bayan ang kabuuang krisis ng naghaharing sistemang malakolonyal at malapyudal. Lumalakas ang panawagan para sa makabuluhang pagtataas ng sahod at sweldo para tulungang makaagapay ang mga manggagawa at kawani sa tumataas na gastos sa pamumuhay. Mayroon ding malapad na kahingian para sa regularisasyon ng mga manggagawa at mas mahusay na kundisyon sa paggawa. Patuloy na lumalakas ang mga aksyong masa ng malawak na masang manggagawa, mga nars, duktor at iba pang manggagawang pangkalusugan, mga guro at iba pang sektor. Darami pa ang mga welga at protestang manggagawa sa harap ng pagbulusok ng sahod at lubos na pagpapabaya ng rehimeng Marcos sa kapakanan ng taumbayan.

Haharapin ng rehimeng Marcos sa darating na panahon ang mahigpit na paglaban ng sambayanan sa pagtulak nito sa mga patakaran at programang kontra-nasyunal at kontra-mamamayan. Kabilang dito ang planong pagpapataw ng bagong mga buwis sa mga mamimili. Ipinagpapatuloy nito ang patakaran ng liberalisasyon sa pag-iimport, laluna sa mga produktong pang-agrikultura sa kapinsalaan ng mga lokal na prodyuser. Gusto ni Marcos na dagdagan ang pangungutang para pondohan ang mga proyektong pang-imprastruktura. Prayoridad sa badyet niya sa 2023 ang pagbabayad utang at sobrang gastos sa militar, higit sa pondong panlipunang para sa pampublikong kalusugan, edukasyon at iba pang serbisyong pampubliko. Itinutulak niya ang pagpapalawak ng mga minahan, plantasyon at iba pang proyektong nagpapalayas sa mga magsasaka at minoryang mamamayan sa kanilang lupa. Binigyan ni Marcos ng awtoridad ang pagtatayo ng militar ng US ng karagdagang mga pasilidad sa loob ng mga kampo ng AFP.

Malinaw na itinutulak ng sosyo-ekonomikong krisis at sumisidhing terorismo ng estado ang taumbayan na lumaban, magtanggol sa kanilang mga karapatang sibil, pampulitika, pang-ekonomya at pangkultura, ipaglaban ang kanilang kapakanan, at isulong ang kanilang pakikibakang antipasista, antipyudal at anti-imperyalista. Determinado ang Partido at lahat ng rebolusyonaryong pwersa na isagawa ang malawakang propaganda at edukasyon, pag-oorganisa at pagpapakilos sa laksang bilang ng mamamayan, at isulong ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan, upang iabante ang pambansa-demokrationg hangarin ng bayan.

Namumuno ang Partido sa rebolusyon sa harap ng brutal na atake ng kaaway

Sa teoretikong pundasyon ng Marxismo-Leninismo-Maoismo, nakatindig ang Partido at ginagampanan ang mga tungkulin nito bilang namumuno at aserong gulugod ng demokratikong rebolusyong bayan. Ang kritika ng Partido sa malakolonyal at malapyudal na sistema sa Pilipinas, at ang pangangailangan, pagkamakatarungan at kakagyatan ng programa para sa demokratikong rebolusyong bayan ay araw-araw na pinatutunayan ng pamalagiang krisis at matalas na mga pagbulusok ng naghaharing sistemang pampulitika at pang-ekonomya sa gitna ng paulit-ulit na krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista. Ang kawastuhan ng estratehiya ng pagsusulong ng matagalang digmang bayan para kubkubin ang kalunsuran mula sa kanayunan, ng pagsusulong ng armadong pakikibaka kakombina ang iba pang anyo ng pakikibaka at pinatutunayan ng kapangyarihang pampulitika at pangmilitar na naipupundar nang sistematiko at nakapagsasari ng mga rebolusyonaryong pwersa sa buong kapuluan.

Upang gampanan ang namumuno nitong papel, malalim na umuugat ang Partido sa malawak na masa ng mga manggagawa, magsasaka at iba pang anakpawis, maging sa hanay ng petiburges at iba pang progresibo at patriyotikong uri at sektor. May mga sangay, seksyon, at komite ito sa iba’t ibang antas kapwa sa kalunsuran at kanayunan. Naglulunsad ang Partido ng propaganda, edukasyong masa at mga pangkulturang aktibidad para pukawin, organisahin at pakilusin ang malaking bilang ng mamamayan. Nagtatayo ito ng iba’t ibang anyo ng organisasyong masa sa lahat ng antas, at nakikipag-ugnayan sa mga tradisyunal na organisasyon ng taumbayan, upang magrekrut at magsanay ng mga kadre at aktibista mula sa abanteng seksyon ng masa.

Nakapagtayo ang Partido ng libu-libong namumunong komite at mga sangay sa 14 na rehiyon, sa mahigit 70 prubinsya, sa daan-daang bayan at mga distrito, at sa libu-libong barangay. Itinatayo ang mga komite na ito ng Partido kapwa sa kalunsuran at kanaunan, saanman makapagtatayo ang Partido ng mga organisasyong masa, makapamumuno sa mga kampanyang masa, at maglunsad, maghanda o sumuporta sa armadong pakikibaka. Itinayo ng Partido ang Bagong Hukbong Bayan noong 1969 mula sa wala bilang sandata para sa digmang bayan. Kasalukuyang mayroon itong libu-libong Pulang mandirigma na nasasandatahan pangunahin ng matataas na kalibreng riple at mga eksplosibo.

Kasalukuyang ipinatutupad ngayon ng Partido ang 5-taong programa ng Komite Sentral para sa 2017-2022. Ubos kayang nagpupunyagi ang mga kadre at aktibista ng Partido na tumugon sa pangkalahatang panawagan ng limang-taong programa na isulong ang antipasista, antipyudal at anti-imperyalistang kilusan para labanan at ibagsak ang rehimeng US-Duterte, at dalhin ang digmang bayan sa abanteng yugto ng estratehikong depensiba. Kasalukuyang nilalagom ng Komite Sentral ang mga karanasan sa nagdaang limang taon upang halawin ang pangunahing positibo at negatibong aral, at ilatag ang programa para sa susunod na panahon.

Sa takbo ng pagsusulong ng matagalang digmang bayan, naitatag ng BHB ang mahigit 110 larangang gerilya sa buong bansa at naitayo ang libu-libong mga organisasyong masa. Ipinatutupad nito ang reporma sa lipa at itinatatag ang demokratikong gubyernong bayan sa batayan ng organisadong lakas ng masa. Ginagamit ng BHB ang mga taktikang gerilya ng konsentrasyon, paglilipat at dispersal para maglunsad ng masaklaw at maigting na pakikidigmang gerilya sa batayan na papalawak at papalalim na baseng masa.

Binibigo ang mga estratehikong opensiba ng kaaway sa pamamagitan ng paggamit ng mga taktika ng kontra-pagkubkob na binubuo ng paglipat-lipat ng erya sa isang larangang gerilya, pagpapalapad ng larangang gerilya o pagbubuo ng bagong mga larangang gerilya upang ubusin ang hangin ng mga nakapokus at sustenidong operasyon ng kaaway. Patuloy na itinataas ng BHB ang pleksibleng kapasidad nito sa pamamagitan ng pagkuha ng bentahe ng paborableng tereyn, mga taguan o kublian, malalaim na suportang masa ng lokal na populasyon at makilos na makilos na operasyon ng mga yunit gerilya. Sa gayon, nagagawa nitong umiwas na mamatyagan ng kaaway at gawing hindi epektibo ang elektronikong sarbeylans at paniniktik ng mga ahente ng kaaway.

Naipakita ng mga yunit gerilya ng BHB na hindi sila nasisindak ng superyoridad ng kaaway sa bilang at sandata. Sa pamamagitan ng mabilis na kilos, paglilipat at kontra-pagkubkob, at pagkuha sa bentahe sa pagkabihasa sa tereyn at malalim na suporta ng masa, matagumpay na nakapaglulunsad ang BHB ng mga taktikal na opensiba laban sa nahihiwalay, mahihina at pagod na yunit ng kaaway. Naglulunsad ang BHB ng mga atritibong taktikal na opensiba o aksyong militar para guluhin ang operasyon ng kaaway at idiskaril ang kanyang plano. Ang mga anihilatibo o batayang taktikal na opensiba ay inilulunsad upang gapiin ang mga yunit ng kaaway, kunin ang mga sandata nito upang armasan ang mas maraming Pulang mandirigma at buuin ang bagong mga yunit ng BHB. Sa pamamagitan ng pagsasanay sa pulitika at militar, tuluy-tuloy na naitataas ng BHB ang kanyang kapasidad sa paglaban, mga taktika at kaalaman sa syensyang militar upang gupuin ang kaaway sa pamamagitan ng paggamit ng lokal na superyoridad ng pwersa sa mga labanang mabilis na tinatapos. Pinadudugo ng BHB ang kaaway sa libu-libong sugat sa pamamagitan ng gera ng atrisyon habang hinahambalos ito sa pamamagitan ng anihilasyon ng mahihina at nahihiwalay na tropa.

Inatasan ng Partido ang BHB to gawin ang lahat upang pahigpitin ang ugnayan nito sa masa laluna sa harap ng walang habas na atake ng kaaway. Pinatunayan sa praktika na makapagpupunyagi sa pagtatayo at pagkokonsolida ng mga organisasyong masa, paglulunsad ng mga pakikibakang masang antipyudal at antipasista, pagtatayo ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika at pagsusulong ng pakikidigmang gerilya kahit sa mga lugar na makapal ang presensya ng mga pasistang tropa. Kinukumbina ng Partido, BHB at rebolusyonaryong masa ang mga taktika ng lihim at hayag na pag-oorganisa at pagtatayo ng nagkakaisang prente, at magsulong ng iligal at ligal na mga anyo ng pakikibaka.

Dapat matuto tayo sa katotohanang pinakamatagumpay ang BHB sa mga larangang gerilya kung saan naorganisa at aktibong napakilos ang masang magsasaka para magsulong ng mga pakikibakang antipyudal at isagawa ang rebolusyong agraryo. Nakamit ng BHB ang malalim na suporta ng masang magsasaka sa pagtulong nila sa paglaban para sa pagpapababa ng upa, pagpawi sa usura, makatwirang presyo ng mga produktong bukid at iba pang kahingian; kasabay nito, paglulunsad ng mga kampanya sa edukasyon, pampublikong kalusugan, literasi, pampulitikang edukasyon, pangkultura at iba pa para tugunan ang pangangailangan ng masa. Patuloy na tumutulong ang BHB sa pagtatayo at pagkokonsolida ng mga organisasyong masa ng mga magsasaka, kabataan, kababaihan, bata at mga manggagawang pangkultura. Tumutulong ito sa pagtatayo ng mga lokal na milisya, nagsasanay at nagpapakilos sa mga lokal na mandirigmang magsasaka para malawakang isulong ang armadong pakikibaka.

Habang pinamumunan ang BHB sa paglulunsad ng armadong pakikibaka, walang pagod rin ang Partido sa pagpapalalim ng kanyang ugat at pagpapalawak ng abot sa malawak na masa ng mga manggagawa at mala-proletaryado sa mga lunsod, gayundin, sa mga petiburges na intelektwal at iba pang progresibong sektor, grupo at indibidwal. Tinitiyak ng mga namumunong komite sa mga rehiyon na itinatayo at pinalalakas ang mga komite sa kalunsuran upang itatag ang mga sangay sa mga pabrika at paggawaan, komunidad, kampus, tanggapan at iba pa upang epektibong mapukaw, maorganisa at mapakilos nang maramihan ang mamamayan.

Pinauunlad at pinamumunuan ng Partido ang rebolusyonaryong kilusang masa sa mga lunsod sa pamamagitan ng pagtugon sa kagyat na mga usapin at kahingian ng uring manggagawa at iba pang sektor para sa mga repormang sosyo-ekonomiko kabilang ang pagpapataas ng sahod at pagpapalaki ng badyet para sa mga serbisyong panlipunan, pati na sa pagtanggol ng kanilang mga karapatang sibil at pampulitika, laban sa korapsyon sa gubyerno, para sa pagsusulong ng pambansang soberanya laban sa dayuhang pakikialam at panghihimasok militar, at iba pa. Inilalatag ng Partido ang pagsusuri sa pangunahing mga isyung ito upang itaas ang militansya ng taumbayan at magluwal ng kilusang masa na matingkad na anti-imperyalista at antipasista, na sumusuporta sa antipyudal na kilusang masa sa kanayunan. Ang hanay ng mga proletaryong rebolusyonaryo mula sa mga manggagawa at nagpanibagong-hubog na petiburgesya ay nagsisilbing malalim na balon ng mga kadre na itinatalaga sa mga gawain sa kanayunan at iba pang mahalagang tungkulin.

Nabigo natin ang deklaradong layunin ng kaaway na durugin ang Partido, ang BHB at lahat ng anyo ng pakikibaka ng taumbayan. Nagawang labanan ng rebolusyonaryong kilusan ang mahigit limang taon nang walang awat na atake ng kaaway na gumamit ng pinakamasasamang anyo ng terorismo ng estado. Determinado ang sambayanang Pilipino at kanilang mga rebolusyonaryong pwersa na iabante ang armadong pakikibaka at kilusang masa, laluna sa harap ng lumalakas na panawagan ng malawak na masa para magrebolusyon sa pagharap nila sa tumitinding pang-aapi at pagsasamantala sa ilalim ng rehimeng US-Marcos.

Nananatiling matatag ang Partido at nasa katayuang lalo pang lumakas sa darating na mga taon kahit dumanas ito ng ilang makabuluhang kabiguan at pag-atras sa ilang bahagi. Kasalukuyang nasa unahan ngayon ang Komite Sentral sa pagsisikap na tukuyin ang mga internal na pang-ideolohiya, pampulitika at pang-organisasyong kahinaan, kakulangan at pagkakamali na ugat ng mga kabiguang ito. Determinado ang Partido na iwasto ang mga pagkakamaling ito sa pamamagitan ng puspusang paglalagom sa karanasan sa gabay ng Marxism-Leninism-Maoism at ng mga saligang prinsipyong inilatag at muling pinagtibay ng Partido sa takbo ng una at ikalawang dakilang kiusang pagwawasto.

Nanatiling matatag ang Partido kahit sa harap ng matitinding atake ng kaaway. Tinitiyak ng mga namumunong komite na maidaos ang mga pulong at kumperensya para kolektibong tasahin ang kanilang gawain, tukuyin ang mga kahinaan at buuin ang mga plano para pangibabawan ang mga hadlang at isulong ang kanilang gawain kasabay ng kabuuang pagsulong ng rebolusyon.

Patuloy nating pinalalakas at pinupunuan ang mga namumunong komite ng Partido mula sa sentro hanggang batayang antas. Ang mga namumunong lider ng Partido, kapwa mga nakatatanda at nakababatang mga kadre, ay nagsasagawa ng mga pagpuna at pagpuna-sa-sarili, at tinatasa at iniaangat batay sa kanilang husay sa ideolohiya, pulitika at organisasyon. Laging mananatiling puno ng sigla ang Partido dahil sa tuluy-tuloy na daloy ng kabataang proletaryong mga kadre na determinadong magrebolusyon at makita ang bukas na may pambansang kalayaan at sosyalismo.

Laging mulat ang Partido na palakasin ang sarili sa ideolohiya upang epektibong isabalikat ang mga rebolusyonaryong tungkulin. Sa pagpapataas ng kaalaman sa teorya at antas sa ideolohiya ng mga kadre at kasapi nito, layunin ng Partido na itaas ang kakayahan para isulong nang wala pang kapantay ang demokratikong rebolusyong bayan. Kaya nagsisikap ang mga komite ng Partido na makatapos lahat ng kasapi nito sa Tatlong Antas na Kurso ng Partido. Ang bagong mga rekrut ng Partido ay dumadaan sa Batayang Kurso ng Partido at Intermedyang Kurso ng Partido sa unang taon ng pagrerekrut sa kanila bilang ganap na kasapi. Sa loob ng dalawang taon mula sa kanilang pagkarekrut, tinatapos ng mga kadre ng Partido ang Abanteng Kurso ng Partido.

Masikhay na pinag-aaralan at ginagamit ng mga kadre ng Partido ang Marxismo-Leninismo-Maoismo para magsagawa ng panlipunang pagsisiyasat at pagsusuri, pag-aralan ang kalagayan at mga problema ng masa, bumuo ng plano para sa rebolusyonaryong gawain, magsagawa ng pana-panahong pagtatasa para sukatin ang mga naabot at tukuyin ang mga problema upang tiyakin ang tuluy-tuloy na pag-abante ng kanilang mga gawain, magsagawa ng paglalagom at humalaw ng mga araw mula sa kanilang rebolusyonaryong praktika. Ang mga aral na ito ay nagtataas ng antas ng kanilang paggagap sa Marxismo-Leninismo-Maoismo sa araw-araw na kondukta ng rebolusyonaryong gawain, pagbubuo ng mga patakaran at plano ng pagkilos.

Ang Partido ay isang dinamiko, disiplinado at solidong organisasyon na itinatag sa ilalim ng prinsipyo ng demokratikong sentralismo. Ang di mabilang na mga komite ng Partido at organisasyon ay sabay-sabay na nagmamartsa sa prinsipyo ng sentralisadong pamumuno at desentralisadong operasyon.

Isinasabalikat ng Partido ang masaklaw na mga tungkulin para sa pagsusulong ng rebolusyonaryong kilusan sa buong kapuluan. Ginagampanan ng mga komite ng Partido sa antas ng rehiyon, subrehiyon, prubinsya, distrito at mga seksyon ang tungkulin sa pamumuno sa kanilang antas at saklaw. Ang buong Partido ay mahigpit na nagkakaisa sa ilalim ng pamumuno ng Komite Sentral.

Sa harap ng paborableng kundisyong kinatatampukan ng matarik na pagbulusok ng naghaharing sistemang malakolonyal at malapyudal sa ilalim ng rehimeng US-Marcos, tiwala ang Partido na mapagpasyang mapangingibabawan ng rebolusyonaryong kilusan ang lahat ng sagabal at buong lakas na susulong sa mga darating na taon.

Konsolidahin at ibayong palakasin ang Partido at isulong ang rebolusyon

Nananawagan ang Komite Sentral sa lahat ng namumunong komite at kadre na gawin ang lahat ng pagsisikap para konsolidahin at palakasin ang Partido sa ideolohiya, pulitika at organisasyon. Ang kasalukuyang 5-taong programa ay palalawigin ng anim na buwan upang bigyan ng panahon ang lahat ng rehiyon na kumpletuhin at isumite ang kanilang mga dokumento ng 5-taong paglalagom, at para buuin ng KS ang susunod na 5-taong programa (2022-2027).

Kaagad dapat na tukuyin at iwasto ang lahat ng anyo ng suhetibistang pagkakamali, na nagpapahinta at nagpapaatras ng iba’t ibang larangan ng ating gawain. Dapat itaas ang ating kaalamang teoretiko, mahigpit na gagapin ang mga saligang prinsipyo, palalimin ang pag-aaral sa kasaysayan, at gabayan ng mga aral sa nakaraan para iwasang maulit ang mga pagkakamali, siguruhin ang tuluy-tuloy na kantitatibong pag-abante ng ating mga pagsisikap, at isulong ang rebolusyon sa kalitatibong mas mataas na antas.

Dapat lagumin natin ang ating rebolusyonaryong praktika sa nagdaang lima at 25 taon. Dapat palalimin ng lahat ng mga kadre ang teoretikong kaalaman sa mga batas ng pag-unlad ng matagalang digmang bayan at ng demokratikong rebolusyong bayan. Dapat sistematikong repasuhin, pag-aralan at gamiting gabay ang ating mga batayang dokumento, partikular na ang Mahigpit Nating Tungkulin (1976), Partikular na Katangian ng Ating Digmang Bayan (1974), Muling Pagtibayin ang Ating mga Batayang Prinsipyo at iba pang dokumento ng Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto (1992), pati na ang makabuluhang mga internal na memorandum ng Komite Sentral, at ng Kawanihan sa Pulitika at Komiteng Tagapagpaganap nito.

Dapat mapagpasya nating punahin at iwaksi ang konserbatismo, buntotismo, ligalismo, ekonomismo, burges repormismo, NGOismo, kaisipang empleyado; pati na ang komandismo at “Kaliwang” sektaryanismo na sumasagabal sa pag-unlad ng militanteng kilusang masa sa kalunsuran. Sa isang panig, ang mga pagkakamaling ito ay labis na naghihiwalay ng kilusang masa sa armadong pakikibaka, napalalaki ang kapasidad ng legal at parlamentaryong pakikibaka, nagreresulta sa pagpapabaya sa pagpapalakas ng lihim na organisasyon at sistema ng Partido, maling lumilikha ng ilusyon ng pagrereporma sa naghaharing sistema, at nabubuhusan ng tubig ang militansya at determinasyon ng masa, laluna kapag nahaharap sa mga kabiguan.

Sa kabilang panig, nakagagawa ng mga pagkakamaling “Kaliwa” ang mga rebolusyonaryong pwersa at nailalagay nila ang sarili na lubhang malayo sa antas ng kamulatan at aktibidad ng masa. Minsa’y nagkakasya sila sa mga pangkalahatang islogan na hindi nagsasagawa ng puspusang pag-aaral at pananaliksik sa mga partikular na kalagayan ng mamamayan sa isang baryo, bayan, distrito o prubinsya, upang mailatag ang mga patakaran at plano na makaaantig sa militansya ng mamamayan. May iba na nabibigong kunin ang panig ng mga panggitnang seksyon at nagsasara ng pinto sa pakikipagkaisa sa mga hindi rebolusyonaryo. Sa lahat ng pagkakataon, dapat mulat tayo sa tungkuling itaas ang pampulitika at rebolusyonaryong kamulatan ng masa upang paigtingin ang kanilang militansya, diwa ng organisasyon at determinasyon na sama-samang makibaka.

Sa larangan ng armadong pakikibaka, dapat nating mapagpasyang punahin at iwaksi ang mga maling ideya na humahantong sa pagpapakipot ng sarili, kaisipang kutang bundok, sibilyanisasyon ng mga labis na nakakalat na yunit gerilya at labis na panahon ng konsentrasyon. Mahigpit nating gagapin ang prinsipyo ng pamumuno at kumand sa pakikidigmang gerilya bilang sentralisadong estratehikong kumand at desentralisadong kumand sa mga kampanya at operasyon. Dapat iwasto ang maling mga konsepto na nagpapahina sa kumand at kontol ng mga nakadispers na yunit na humahantong sa konserbatismo, sibilyanisasyon, gerilyaismo, pagkapasibo at pagbitiw sa inisyatiba ng mga yunit ng BHB.

Dapat muling pagtibayin at pahigpitin ang gagap at praktika ng linyang masa, at matalas na tukuyin ang mga kahinaan at pagkukulang. Ang kahulugan ng prinsipyo ng linyang masa ay ang pagtiwala at pagsandig sa masa at pagtataas ng kanilang kakayahang ipagtanggol ang kanilang mga karapatan at ipaglaban ang kanilang mga hangarin. Binubuo natin ang ating mga programa at plano ng pagkilos sa batayan ng kongkretong kalagayan, kasaysayan at antas ng kamulatan ng masa, at ibinabahagi sa kanila para yakapin at itaguyod. Ang pambansa-demokrationg rebolusyon ay isang pangmasang kilusan kung saan ang masa mismo—napukaw at aktibo, gamit ang kanilang dami—ang nagbabago sa takbo ng kasaysayan at lumilikha ng bagong kapalaran.

Dapat nating pangibabawan kaagad ang problema ng ilang komite ng Partido at yunit ng BHB na bigong lumangoy sa masa at hindi malalim ang pag-unawa sa kagyat na mga problema ng masa. Naging kimi sila sa pagpropaganda at pagbigay ng edukasyon sa masa. Nagkakasya sila sa maliit na bilang ng napapakilos sa mga aksyong masa o sa iba’t ibang mga tungkulin. May ilang nasanay na magbigay ng insentibong materyal kapalit ng gawaing pampulitika sa halip na itinataas ang militansya ng masa at kakayahang kolektibong tugunan ang kanilang mga pangangailangan.

Dapat malawakang pakilusin ang masa. Kaya napakaimportante para sa Partido, BHB at lahat ng rebolusyonaryong pwersa na sumuong sa puspusang gawaing masa at panlipunang imbestigasyon, magpakadalubhasa sa pawalis at solido, lihim at hayag, armado at di armadong mga paraan ng pagpukaw, pag-organisa at pagpapakilos sa malaking bilang ng masa.

Sa ilang kaso, sa harap ng matindi at sustenidong atake ng kaaway, may ilang yunit ng BHB na nagkakamaling ilimita nang mahabang panahon ang kanilang epektibong operasyon sa mga lugar na magubat at mabundok kung saan manipis ang populasyon at nakakalat ang suportang masa at kung saan mahirap ang suplay. Mayroon silang ilusyon at maling pag-iisip na ang mga kutang mabundok ay isang hindi mapapasok na muog laban sa kaaway.

Dapat mahigpit nating gagapin na sa pakikidigmang gerilya, napakahalagang makilos at may malalim na suporta ng masa para tiyakin ang pananatili at paglago ng hukbong bayan. Kaya dapat kagyat nating tukuyin kung papaanong nagkakasya ang ibang yunit ng BHB sa kanilang naabot at ang iba’y nadapuan ng konserbatismo, sibilyanisasyon, gerilyaismo, paghahangad sa kaginhawaan at madaling buhay sa makitid na mga baseng erya, kaisipang kutang bundok at iba pang mali at mapaminsalang kaisipan. Ang mga ito’y labis na nagpapalaki sa kaaway at nagmemenos sa halaga ng pagpapalakas ng suportang masa. Bunga nito, napababayaan nila ang pangangailangan palawakin ang mga larangang gerilya at maggawaing masa sa mga mas mataong lugar sa kanayunan kung saan maaaring lihim na kumilos ang mga armadong yunit pampropaganda.

Dapat tiyakin ng mga lider ng Partido at kumander ng BHB na nakapagpapalawak at nakakikilos ang BHB sa kapatagan, mga maburol na lugar, malapit sa mga linya ng transportasyon, sa mga baybayin at wawa. Matindi ang pyudal at malapyudal na pang-aapi at pagsasamantala sa mga lugar na ito, at humihingi ang masa ng katarungan at handang handa na magpa-organisa at lumahok sa rebolusyonaryong pakikibaka.

Dapat suriin ng Partido at ugat ang mga ideya sa likod ng kahinaan ng ilang yunit ng BHB na nasa panahong magdispers at maglipat ng pwersa bilang paraan ng pagkontra-kubkob at alisin ng kakayahan ang konsentrado at sustenidong atake ng kaaway. Dapat gagapin ng pamunuan ng Partido sa lahat ng antas, laluna yaong nasa kumand ng BHB, ang diyalektika ng konsolidasyon at pagpapalawak ng gawaing masa at gawaing militar, ng tuluy-tuloy na paalong pagsulong sa tamang panahon. Ang layunin nito’y palakihin ang sirkulo o teatro ng pakikidigmang gerilya, na mag-aalis sa kakayahan ng kaaway na palibutan ang mga rebolusyonaryong pwersa.

Dapat mamuno ang organisasyon ng Partido at mga kadreng militar sa hukbong bayan sa pagbubuo ng wastong mga paraan at taktika sa pagsusulong ng pakikidigmang gerilya at paglulunsad ng mga taktikal na opensiba sa saklaw ng mga larangang gerilya at sa linyang eksteryor. Dapat pakilusin ang mga pwersang horisontal at bertikal upang aktibong magdepensa sa loob ng linyang interyor at maglunsad ng iba’t ibang tipo ng aksyong gerilya para barahan ang bwelo ng opensiba at basagin ang kampanya ng pagkubkob. Dapat iwasan ng mga yunit ng BHB na birahin ang matitigas na target katulad ng mga kampong malakas ang depensa at mga command post at bigyang-prayoridad ang malalambot na target na mas tiyak ang tagumpay. Kasabay nito, dapat ipakat ng BHB ang mga pangkat nito para maglunsad ng mga operasyong gerilya sa mga linyang eksteryor.

Dapat nating gagaping ang diyalektikong relasyon sa pagitan ng iba’t ibang aspeto ng ating gawin, at kunin ang tamang balanse at interaksyon sa pagitan ng prinsipal at sekundaryong aspeto. Habang wasto na tinatanganan ng Partido ang BHB bilang pangunahing sandata, sa katagalan ay ikabibigo natin kung hindi natin tatanganan ang ibang mahahalagang sandata sa ating arsenal. Kaya habang nagbibigay tayo ng prinsipal na atensyon sa pagsusulong ng armadong pakikibaka at pagtatatayo ng mga larangan at baseng gerilya, dapat ubos-kayang magsikap ang namumunong mga komite ng Partido na paunlarin ang kilusang masa kapwa sa kalunsuran at kanayunan bilang mga kaakibat at krusyal na tungkulin.

Dapat palakasin natin ang panteritoryong gawain ng Partido sa lahat ng lugar at lahat ng antas—kapwa sa kalunsuran at kanayunan, upang magsilbing angkla ng kabuuang pagpapalakas ng rebolusyonaryong kilusan at armadong pakikibaka. Sa kanayunan, dapat itatag rin ng Partido ang mga komiteng panteritoryo sa malawak na lugar na kasalukuyang lagpas sa saklaw ng mga larangang gerilya o abot ng BHB, upang pukawin, organisahin at pakilusin ang masa para ipaglaban ang kanilang interes at sumuporta sa digmang bayan. Sa mga larangang gerilya, ang pagtatayo ng mga organisasyong masa at organo ng kapangyarihang pampulitika at paglulunsad ng mga pakikibakang masang antipasista, ay dapat ikombina para maglingkod sa pangangailangan at layunin ng pagpapalakas ng hukbong bayan.

Dapat iwaksi ng mga namumunong kadre ng Partido ang pagkakasya, mahigpit na gagapin ang diyalektong batas ng pag-unlad ng rebolusyonaryong kilusan, at huwag hayaan ang matagalang istagnasyon o pagkatigil ng ating gawain. Dapat maging mapagmatyag sa paglaban at pagwawasto ng burukratikong estilo ng paggawa at pamumuno, liberalismo at hindi malusog na mga paraan at gawing petiburges na kontra sa prinsipyo ng demokratikong sentralismo at nagpapahina sa pagkakaisa at disiplina ng Partido.

Sa harap na napakapaborable kalagayang panlipunan at pampulitika, tama lamang na asahan na ang gawain natin sa pagpupukaw, pag-oorganisa at pagpapakilos sa mamamayan ay dadaan sa matatag na landas ng kantitatibong pagsulong, at susulong mula sa isang antas tungo sa bagong kalitatibong antas. Dapat mabilis tayo sa pagtatasa at ebalwasyon ng ating mga paraan ng paggawa upang tiyakin na ang mga layunin at tungkulin natin sa bawat antas ay naipatutupad sa napapanahong paraan.

Mula sa kasalukuyang antas, dapat abutin natin ang kalitatibong paglawak at pag-unlad ng kapasidad ng kilusang masa sa pambansang sentrong rehiyon at lahat ng rehiyon sa isang depinidong panahon. Masusukat ito sa dami ng mga pabrika, kampus, upisina, komunidad, at sektor na nasasaklaw ng ating gawain. Gayundin, masusukat ang ating tagumpay sa makabuluhang pagsali ng bilang ng mga sangay at kasapi ng Partido, mga unyon at mga organisasyong masa, gayundin, ang bilang ng naaabot ng ating gawaing propaganda at pangkultura. Ang pinakamataas na sukatan ng ating tagumpay sa pagpapaunlad ng kilusang masa sa kalunsuran ay ang paglaki ng suportang materyal at pampulitika para sa BHB, at ng bilang ng mga pwersang naipadadala sa kanayunan at iba pang larangan ng gawain.

Sa kanayunan, masusukat ito sa pagpapaunlad ng magkakatalikurang lakas-kumpanyang larangang gerilya, na inaabot ang angkop na balanse ng isang kumpanyang gerilya na may 2-3 platun na angklahan ng gawaing militar at 6-9 independyenteng platung horisontal para sa gawaing masa, ng pagpapalawak at konsolidasyon, at ng paalong pagsulong sa loob ng isang katamtamang panahon upang tuluy-tuloy na mapalawak at mapalakas ang digmang bayan.

Dapat palakasin natin ang organisasyon ng Partido. Dapat itayo ang mga organisasyong masa at makipag-ugnayan sa mga nakatayong organisasyon, maglunsad ng malawakang pambansa-demokratikong propaganda, at maglunsad ng mga kampanya at pakikibakang masa upang tukuyin at irekrut ang abanteng mga elemento sa hanay ng masa. Sa batayan ng paglakas ng rebolusyonaryong kilusang masa, patuloy nating mapangahas na itaas ang kasapian ng Party na hindi nagpapapasok ni isang bulok, habang minamantine ang rasonableng pamantayang itinakda ng konstitusyon ng Partido.

Dapat nating itaas sa daan-daan libo ang kasapian ng Partido. Dapat patuloy nating palakasin ang pangmasa at pangkadreng katangian ng Partido, kung saan malakas ito sa dami ng bilang ng kasapian at sa kalidad. Panatilihin natin na malaking bahagi ng kasapian ay nagmumula sa masang anakpawis, at lalong palakihin ang bilang ng nagmumula sa hanay ng mga manggagawa upang palakasin lalo ang proletaryong katangian ng Partido, habang patuloy tayong nagrerekrut mula sa iba’t ibang uri at sektor.

Dapat masigla nating isagawa ang Tatlong Antas na Kurso ng Partido upang itaas ang antas sa ideolohiya at teorya ng mga kasapi ng Partido. Dapat din nating tiyakin ipalaganap ang mga libro at babasahing Marxista-Leninista-Maoista sa lahat ng anyo (nakalimbag, digital, bidyo, nakasalin at orihinal) at hikayatin ang mga kasapi ng Partido na maglunsad ng mga pulong pag-aaral at mga seminar. Dapat tiyaking malawak na mapakakalat ang Piling mga Akda ni Ka Joma sa lahat ng mayor na lenggwahe sa Pilipinas.

Dapat nating paunlarin, sanayin at mapanghas na ipakat at iangat ang mga batang kadre, laluna yaong mula sa uring manggagawa at mga nagpanibagong-hubog na petiburges na intelektwal, sa iba’t ibang larangan ng gawain sa buong bansa. Dapat sistematikong paunlarin ng mga namumunong komite ng Partido sa lahat ng antas ang kanilang pangalawa at pangatlong linya ng mga kadre upang tiyaking naipapasa sa susunod na hanay ang mga gawain at laging may sigla ng kasibulan ang ating Partido. Dapat balansyado ang bumubuo ng mga namumunong komite sa lahat ng antas sa usapin ng husay sa ideolohiya, pulitika at organisasyon, gayundin sa pagkokombina ng mga nakatatanda, panggitna at nakababatang kadre. Ang mga nakatatandang kadre sa mga susing pusisyon o may susing gawain ay maaaring panatilihin hangga’t malusog ang kanilang katawan. Pero dapat italaga ang mga nakababatang kadre na tulungan sila at palitan kung kailangan.

Dapat laging imantine at palakasin ang sistemang komite at kolektibong pamumuno sa lahat ng antas. Dapat nating ilunsad ang regular at espesyal na mga pulong at konsultasyon ng mga namumunong komite. Kasabay nito, dapat tiyakin ang seguridad ng lahat ng kadre. Dapat magpakadalubhasa sa sining ng paglilihim at kompartamentalisasyon ng impormasyon, habang tinitiyak ang epektibong pamumuno sa lahat ng larangan ng gawain.

Dapat patuloy na pamunuan ng Partido ang Bagong Hukbong Bayan sa pagsusulong ng matagalang digmang bayan alinsunod sa estratehiya ng pagkubkob ng kalunsuran mula sa kanayunan. Sa kasalukuyang panggitnang-bahagi ng estratehikong depensiba, dapat sundin natin ang wastong linyang pangmilitar ng paglulunsad ng masaklaw at maigting na pakikidigmang gerilya sa batayan na papalawak at papalalim na baseng masa.

Nakapagpapalakas ang BHB sa pamamagitan ng paglaban. Dapat ikombina natin ang mga anihilatibo at atritibong taktikal na opensiba sa pagsusulong ng pakikidigmang gerilya. Ang mga anihilatibong taktikal na opensiba ang bumubuo ng prinsipal na aspeto, habang komplementaryo ang mga atritibong taktikal na opensiba. Dapat pangibabawan ang konserbatismo sa anyo ng isang-panig na paglulunsad ng mga atritibong aksyon na hindi nagpaplanong maglunsad ng mga aksyong anihilatibo.

Layunin ng mga anihilatibong taktikal na opensiba na disarmahan para alisin ang kapasidad na lumaban ng mga yunit ng kaaway. Ang akumulasyon ng mga batayang taktikal na opensiba ay nagpapahina at baha-bahaging bumabakbak sa kaaway. Nakapagtitipon ang BHB ng lakas at naitataas ang kakayahan at kalidad bilang paghahanda sa pagtatayo ng mga regular na pwersang gerilya at paglunsad ng regular na digmang makilos sa susunod na estratehikong yugto.

Inaatasan ng Partido ang BHB na maglunsad ng mga anihilatibong o batayang taktikal na opensiba na kakumbina at sinusuhayan ng malawakang atritibo at punitibong mga taktikal na opensiba.

Kabilang sa mga batayang taktikal na opensiba ang mga ambus para puksain ang nahihiwalay, nakahiwalay at mahihinang tropa ng kaaway; at mga reyd laban sa mahihina ang depensa na mga detatsment, kampo o taktikal na pwesto, para masamsam ang armas at kagamitan ng kaaway. Kasabay nito, dapat maglunsad ang BHB ng masaklaw na atritibong mga taktikal na opensiba sa pamamagitan ng malawakang pag-iisnayp at paggamit ng mga eksplosibong command-detonated, paghahagis ng granada o molotob, pananabotahe at iba pang porma ng armadong aksyon laban sa detatsment ng kaaway, sasakyang panghimpapawid, sasakyang pambyahe, imbakan ng suplay at nag-ooperasyong tropa.

Inaatasan ang BHB na maglunsad ng espesyal na mga operasyon at aksyong punitibo sa labas ng mga larangang gerilya. Dapat nitong targetin ang komunikasyon, transportasyon, linya sa suplay, at iba pang kritikal na pasilidad ng militar; gayundin ang mapangwasak na pagmimina, plantasyon, ekoturismo, at iba pang operasyon ng malalaking burgesyang komprador at malalaking panginoong maylupa na nang-aagaw ng lupa at naninira ng kabuhayan ng magasaka at minoryang mamamayan.

Alinsunod sa mga pamantayan at proseso ng rebolusyonaryong sistemang pangkatarungan, dapat nating litisin at parusahan ang pinakapusakal na pasitang mga upisyal ng kaaway, kabilang ang mga utak at operatiba sa likod ng mga masaker, mga pagpaslang at pagtortyur sa mga sibilyan, aktibista at rebolusyonaryo, at pagkidnap sa kanilang mga anak at kamag-anak.

Dapat buuin ang mga espesyal na yunit ng BHB at atasan na maglunsad ng mga operasyong partisano. Dapat tukuyin at mapagpasyang durugin ng BHB ang lambat sa paniniktik ng kaaway, gayundin ang mga traydor na nakikipagsabwatan sa kaaway sa pinakamasasahol na porma ng pasistang pang-aabuso.

Dapat isagawa ang pagkukumbina sa anihilatibo at atritibong taktikal na opensiba sa buong saklaw ng mga larangang gerilya at lampas pa dito para magawang idiskaril ang mga plano ng kaaway at biguin ang mga estratehikong opensiba nito. Dapat magkumbina ang mga horisontal at bertikal na yunit ng BHB sa mga lokal na yunit milisya at mga grupong pananggol-sa-sarili sa paglulunsad ng mga taktikal na opensiba.

Sa harap ng estratehikong opensiba ng kaaway at nakapokus na operasyong militar, dapat palagiang may opensibong postura ang mga gerilyang kumander at mandirigma sa pulitika, gawaing militar at gawaing masa. Dapat lumikha ang Partido at BHB ng dagdag na mga lunsaran ng inisyatiba para sa pagpapalakas ng hukbong bayan, pagpapalawak at pagpapatatag ng rebolusyonaryong baseng masa at paglulunsad ng mga taktikal na opensiba laban sa kaaway, sa pamamagitan ng pagkukumbina ng konsolidasyon at pagpapalawak ng mga larangang gerilya, gayundin, ng pagtatatag ng mga bagong larangang gerilya.

Dapat patuloy tayong magtatag at magpaunlad ng mga kumpanyang gerilya bilang sentro-de-grabidad sa antas rehiyon, prubinsya at subrehihiyon na binubuo ng 3-5 magkakanugnog na laking-kumpanyang larangang gerilya. Ang mga kumpanyang ito ay dapat magpakat ng mga platun para magsagawa ng gawaing masa sa maliit na saklaw kung nasa panahong relatibong magkakahiwalay, at dapat tipunin sila para sa mga aktibidad pangkonsolidasyon at gawaing militar.

Dapat kumilos ang kumpanya o mas maliit na pormasyon mula sa isang pwesto ng konsentrasyon tungo sa iba, sumanib at makipagkoordina sa mga pwersang panteritoryo at lokal na populasyon, kung saan paalon-alon itong nakasusulong, kung saan nakapag-iipon ito ng lakas pampulitika at militar sa bawat antas ng pagsulong. Ang mga yunit ng BHB na lumiit ang bilang ay dapat kagyat na madagdagan, ireorganisa, kupkupin o isanib sa ibang yunit.

Dapat magpunyagi ang Partido at BHB na magpalawak ng mga larangang gerilya at tiyaking maaabot ang malalawak na erya para sa gawaing masa kabilang ang higit na maraming populasyon sa kapatagan, sa pamamagitan ng pagpapakat ng mga platun sa gawaing masa sa mga iskwad ng BHB, o sa pagpapakat ng ligal o malaligal na mga pangkat para sa pag-organisa, depende sa kalagayan. Dapat may ilang lagusan para sa maniobra para idugtong ang mga eryang sa ibang yunit ng BHB na nasa mas paborableng tereyn ng magubat, mabundok o maburol na may malaki-laking populasyon.

Dapat patuloy na magtatag ang BHB ng magkakanugnog na larangang gerilya sa ilalim ng pamumuno ng kumand sa subrehiyon o prubinsya, sa layong palawakin ang kanyang mga teritoryo at palaparin ang mga teatro ng gerilyang pakikidigma. Sa pamamagitan nito, magkakaroon ng mas malawak na espasyo para magkontra-maniobra sa umaatakeng pwersa ng kaaway, biguin ang tangka ng kaaway na ihiwalay at pwersahin ang mga yunit ng BHB sa sitwasyong lantay militar, magkontra-kubkob at maglunsad ng mga taktikal na opensiba sa likuran o gilid ng kaaway.

Dapat patuloy na magpalalim at magpalapad ng rebolusyonaryong baseng masa ang Partido at BHB sa mga larangang gerilya pangunahin sa pamamagitan ng pagpapatupad ng Rebolusyonaryong Gabay sa Reporma sa Lupa, at pagtatatag ng mga organisasyong masa ng mga magsasaka, kabataan, kababaihan, bata at manggagawang pangkultura. Dapat maglunsad tayo ng inter-barangay, antas-bayan o antas-prubinsyang mga kampanyang masa para ibaba ang upa sa lupa, pawiin ang usura, itaas ang presyo ng mga produkto, itaas ang sahod ng mga manggagawang bukid at itaas ang kita mula sa pana-panahong trabaho. Dapat ilunsad ang malawakang mga kampanya para labanan ang pang-aagaw ng lupa ng mga korporasyong multinasyunal sa pakikipagsabwatan ng mga lokal na burukrata at malalaking panginoong maylupa na nagtataboy at permanenteng sumisira sa kabuhayan ng mamamayan.

Dapat patuloy na agapayan ng BHB ang masa sa produksyon at sa pagsasagawa ng kampanya sa kalusugan at literasi. Dapat itatag ang mga organo ng kapangyarihang pampulitika sa batayan ng lakas ng mga organisasyong masa, ng lokal na komite ng Partido at hukbong bayan.

Dapat nating paunlarin at palakasin ang antipasista, anti-imperyalista at antipyudal na kilusang masa ng mamamayang Pilipino at sikaping pakilusan ang milyun-milyong mamamayang sa buong bansa. Dapat nating itatag ang pinakamalapad na antipasistang nagkakaisang prente laban sa rehimeng US-Marcos at laban ang kontra-pambansa at kontra-demkokratikong mga patakaran at hakbangin na nagpapasidhi sa kundisyon ng mamamayang Pilipino.

Dapat nating ipanawagan sa mamamayang Pilipino na paigtingin ang kahingian nilang bawiin ang bilyun-bilyong nakaw na yaman ng mga Marcos, parusahan si Imelda at kanilang mga kasabwat, at ang buong pagbabayad-danyos sa ilampung libong biktima ng diktadurang Marcos. Dapat buong lakas nilang labanan ang Maharlika Investment Fund at lahat pakana sa korapsyon ng naghaharing pangkating Marcos.

Dapat nating pukawin ang mamamayang Pilipino na labanan ang pangangayupapa ng rehimeng Marcos sa imperyalismong US, panghihimasok militar ng US sa bansa, at pang-uupat nito ng inter-imperyalistang gera. Dapat nating isigaw ang kahingian para ibasura ang Mutual Defense Treaty, Enhanced Defense Cooperation Agreement, Visiting Forces Agreement at iba pang hindi pantay na tratadong militar.

Dapat nating itulak ang pagbaklas sa mga baseng nabal ng US sa Ulugan Bay, Puerto Princesa, Palawan gayundin ang iba pang base militar ng US sa Central Luzon, Cebu, Cagayan de Oro, at mga planong pagtatayo ng dagdag na pasilidad militar ng US sa Cagayan, Isabela, Zambales at iba pang prubinsya. Kasabay nito, dapat tayong manawagan na baklasin ang lahat ng istrukturang militar ng China sa West Philippine Sea gayundin ang mga cell tower na kontrolado ng China sa loob ng mga kampo ng AFP.

Dapat nating ilantad at labanan ang pagsusuko ng soberanya ng Pilipinas. Dapat batikusin ang pagpapakaalipin ni Marcos sa interes ng imperyalistang mga kapangyarihan sa ekonomya, geopulitika at militar. Dapat nating paunlarin ang mga pakikibakang masa para labanan ang malawakang pangdarambong sa rekurso ng bansa ng mga kumpanya pag-aari o pinopondohan ng mga dayuhan sa mga minahan, plantasyon, proyektong ekoturismo, mga reklamasyon, dam at iba pang proyektong imprastruktura. Dapat suportahan natin ang pakikibaka ng mamamayang Moro at iba pang grupong pambansang minorya laban sa dayuhang pandarambong sa kanilang lupang ninuno, at para sa karapatan sa pagpapasya-sa-sarili. Dapat nating pagkaisahin ang malawak na mga sektor para labanan ang walang-habas na liberalisasyon sa importasyon at dayuhang pagtatambak ng sarplas na produktong agrikultural sa kapinsalaan ng lokal na mga prodyuser.

Dapat nating igiit ang pagbabasura sa neoliberal na mga batas tulad ng CREATE (pagkakaltas ng buwis sa dayuhang mamumuhunan), Foreign Investments Act, ang Retail Trade Liberalization Act, inamyendahang Public Service Act at iba pang mga batas na nagbibigay pabor sa dayuhang mga kapitalista sa bansa sa kapinsalaang pang-ekonomya ng mamamayang Pilipino. Ang mga batas na ito ay nagpapanatili ng pagsalalay ng ekonomya ng bansa sa dayuhang kapital at ibayong nagpapalubha sa ekonomyang nakatuon sa pag-eeksport at nakasalalay sa pag-iimport. Dapat nating tuligsain ang pagsalalay ng bansa sa dayuhang pautang na pangunahing napupunta sa hindi produktibong paggasta. Dapat nating labanan ang napakalaking pabigat na pagbabayad-utang na kumakain ng pondong kailangang-kailangan para sa serbiyong panlipunan.

Dapat pamunuan at pagkaisain ng Partido ang lahat ng rebolusyonaryo at progresibong pwersa sa paglalantad at pagpapaunlad ng pambansang paglaban sa terorismo ng estado. Dapat nating malawakang ilantad at malakas na tuligsain ang paghahari ng de facto na batas militar sa kanayunan, laluna sa anyo ng okupasyong militar sa mga komunidad, ekstrahudisyal na pagpaslang at tortyur sa mga sibilyan, at laganap na abuso sa karapatang-tao. Dapat ilantad at tuligsain ang laganap na paglabag sa internasyunal na makataong batas o krimen sa digma, gayundin ang paglabag sa karapatang-bata. Dapat nating gabayan ang masa na maging organisado at lumaban sa pasistang terorismo, kabilang ang mapang-aping “kampanyang pagpapasuko” ng kaaway na lansakang lumalabag sa kanilang karapatang sibil at pampulitika, aerial bombing, pagmamanman gamit ang drone at iba pa.

Dapat din nating malapad na ilantad at labanan ang mapanupil na ala-batas militar na mga hakbangin sa syudad na tumatapak sa karapatan ng mga manggagawa na magbuo ng mga unyon, at lumalabag sa karapatang sibil at pampulitika. Dapat nating ilantad ang ugnayan ng pasistang panunupil at imperyalistang pandarambong sa kanayunan, pinatinding pagsasamantala sa mga manggagawa sa syudad, at iba pang mapang-api at anti-mamamayang patakarang neoliberal. Ang paglaban ng mga kabataan at estudyante sa panukalang pagbabalik ng mandatory na pagsasanay militar (ROTC) ay dapat iugnay sa pakikibaka laban sa terorismo ng estado sa pamamagitan ng paglalantad sa mga kampus ng malalang abusong militar at mga krimen ng AFP at PNP sa kalunsuran at kanayunan.

Dapat ubos-kayang itaas ng Partido ang antas ng rebolusyonaryong kilusang masa sa mga syudad sa pamamagitan ng pamumuno at pagpapaunlad ng mga pang-ekonomya at demokratikong pakikibaka ng iba’t ibang sektor. Dapat nating itaas ang pampulitikang kamulatan ng masa sa paglalantad sa imperyalistang ugat ng mga isyu at problemang hinaharap nila sa araw-araw. Dapat nating bigyang-pansin ang pagpapaunlad ng mayabong na kilusan sa pag-oorganisa at pagpapakilos ng mga manggagawa sa kanilang pakikibaka para sa karagdagang sahod, katiyakan sa trabaho at pagtatanggol sa karapatan ng unyon. Dapat tulungang pasiglahin ang militanteng kilusang masa ng kabataan at mga estudyante na nakikipaglaban para sa kanilang demokratikong karapatan, nagbibigay ng aktibong suporta sa pakikibaka ng masang anakpawis, at nagpapadagundong sa mithiin para sa pambansang demokrasya.

Dapat itaas ng Partido ang antas ng rebolusyonaryong kilusang masa sa kanayunan. Dapat pakilusan ang mga pwersa nito, ng BHB at iba pang organisasyong masa, para isulong ang kilusan sa reporma sa lupa, laluna sa matataong lugar. Dapat nilang labanan ang pagpasok at pagpapalawak ng mga operasyon mina, plantasyon, imprastruktura, real estate, ekoturismo at proyekto sa enerhiya na nang-aagaw sa lupang pang-agrikultura at lupang ninuno, at nagreresulta sa pangmatagalang pagkawasak ng kabuhayan ng mga magsasaka at ng kalikasan. Dapat itatag sa mga syudad at sentrong bayan ang malalapad na alyansang sumusuporta sa pakikibaka ng mga magsasaka at pambansang minorya.

Dapat ubos-kayang palakasin ng Partido ang rebolusyonaryong kilusan ng migranteng Pilipino sa ibayong-dagat. Dapat nating paunlarin ang malapit na relasyon sa mga komunidad ng Pilipino at kanilang mga organisasyon at itatag ang kanilang rebolusyonaryong mga organisasyon para igiit ang kanilang demokratikong kahingian bilang mga manggagawa at mga may maliit na kita, ilantad at labanan ang patakarang labor-export, at iugnay ang kanilang mga pakikibaka sa anti-imperyalista, antipyudal at anti-pasistang mga pakikibaka sa inang bayan.

Dapat samantalahin ng Partido ang paborableng internasyunal na sitwasyon para tumulong sa pagpapaunlad ng anti-imperyalista at proletaryadong mga pwersa sa buong mundo. Dapat tayong makipag-ugnayan sa mga progresibo at rebolusyonaryong mga pwersa, kilusan at estado, maglunsad ng komun na pakikibaka laban sa neoliberal na mga patarakang pang-ekonomya, at laban sa pag-alagwa ng pasismo at inter-imperyalistang mga gera. Dapa magpaabot tayo ng suportang pampulitika at materyal sa mga demokratikong pakikibaka ng mga manggagawa at masang anakpawis sa iba’t ibang mga bansa, habang kinukuha rin natin ang pakikiisa at suporta para sa rebolusyong Pilipino.

Dapat hikayatin natin at tulungan ang pagbubuo ng mga Marxista-Leninista-Maoista komunistang partido sa buong mundo. Dapat patuloy nating ihapag ang ating pagsusuri sa mahahalagang internasyunal na mga isyu at itaguyod ang ating linya laban sa modernong rebisyunismo. Dapat patuloy nating itaguyod ang pagkakapatiran at pakikipagtulungan sa mga partidong Marxista-Leninista, at hikayatin ang mga usapang bilateral at konsultasyong multilateral sa kanila para magsilbing daluyan ng palitan ng ideya at karanasan, at pagpapanday ng iba pang paraan ng pagtutulungan at kooperasyon.

Dahil sa malubhang pagdurusa ng mamamayang Pilipino sa harap ng masidhing pagbulusok ng krisis sa ekonomya, tumitinding imperyalistang panghihimasok at pang-aapi, at pinatinding paggamit ng terorismo ng estado para panatilihin ang naghaharing malakolonyal at malapyudal na lipunan, walang ibang mapagpipilian ang mamamayang Pilipino kundi ang na maglunsad ng rebolusyonaryong pakikibaka para isulong ang kanilang mga hangarin para sa tunay na pambansang kalayaan at ganap na demokrasya.

Buo ang tiwala ng Komite Sentral na sa umiiral na mga kundisyon ng krisis at panlipunang ligalig, at sa walang pag-iimbot na dedikasyon ng mga kadre nito, matatamo ng Partido Komunista ng Pilipinas ang hindi mapapatantayang lakas, mapamumunuan ang rebolusyonaryong kilusan sa Pilipinas sa landas ng tuluy-tuloy na pagsulong sa darating na mga taon, at magkakamit ng higit na malalaking tagumpay kaysa nakaraan.

Magkaisa at labanan ang anti-mamamayan, papet at pasistang rehimeng US-Marcos!
Ibagsak ang imperyalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo!
Makibaka para sa pambansang demokrasya!
Isulong ang demokratikong rebolusyong bayan!
Isulong ang matagalang digmang bayan!
Mabuhay ang sambayanang Pilipino!
Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!
Mabuhay ang dakilang alaala ni Ka Jose Maria Sison!
Itaguyod ang Marxismo-Leninismo-Maoismo!
Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!

Konsolidahin at ibayong patatagin ang Partido! Biguin ang kontra-rebolusyonaryong digma at terorismo ng estado ng rehimeng US-Marcos! Komprehensibong isulong ang demokratikong rebolusyong bayan!