Pahayag

Dapat magbalikwas laban sa palpak na tugon sa sakuna ng rehimeng US-Marcos II!

Pinatunayan muli ng rehimeng US-Marcos II na wala itong pakialam sa kapakanan ng sambayanang Pilipino. Tahasang tinalikuran niya ang mandato ng estado na ibigay ang maayos na serbisyong panlipunan sa mamamayan.

Matapos ang dalawang malalaking bagyo na humagupit sa Visayas at Luzon, wala nang nagawa si Marcos kung hindi humingi na lamang ng pasensya at magdeklara ng isang taong state of calamity sa buong bansa. Inutil rin ang mga ahensya ng estado sa pagtugon sa krisis. Halimbawa na lamang nito ang kawalang-aksyon ng DOLE sa kabila ng panawagan ng mga manggagawa sa BPO na itigil ang trabaho, at ang panukala ng DILG na travel ban sa mga pulitiko palabas ng bansa na hindi naman sinunod ng mga lokal na opisyal.

Kahit sa gitna ng kalamidad, hindi kayang bitawan ng mga kapitalista sa burukrasya na bumubuo ng reaksyunaryong estado ang kanilang kasakiman. Dahil hayok sila sa superganansya, sisiguraduhin nilang magpapatuloy ang pagkamal ng tubo gamit ang burukrasya kaysa bigyang pansin ang kapakanan ng milyun-milyong manggagawa, magsasaka, at maralitang naghihikahos sa baha at bagyo.

Sa Laguna, naranasan natin ang matinding hangin, pagkasira ng mga bahay at pananim, baha, at mga landslide. Ang marami sa atin ay napilitang lumikas sa mga evacuation center na siksikan at kulang sa kagamitan. Ang iba naman ay tuluyang hindi na nakauwi dahil mula Hulyo pa ay napalikas na sila at hanggang ngayo’y nakalikas pa rin dahil hindi na humupa ang tubig. Sa baybay lawa, lalong rumagasa ang hangin at tubig na naging banta sa buhay at kabuhayan ng mga mangingisda. Marami sa atin ang nasira ang mga pananim na gulay, saging, at iba pa, o kaya’y hindi makalaot dahil sa lakas ng hangin.

Tumindi ang epekto ng sakuna sa ating lalawigan dahil nakatuon ang pansin ng estado sa pagkakamal ng yaman. Binarat at ninakaw ng mga suwail na opisyal at mga kontraktor ang pondo para sa mga flood control at embankment project, tulad nalang ng nangyayari sa Barangay Dela Paz, Binan; Barangay Tagumpay, Bay; at marami pang iba. Inuuna ng kunstabahan ng mga pulitiko’t negosyante ang mga malalaking proyektong pang imprastrukturang sisira sa kalikasan, tulad ng Laguna Lakeshore Road Network (pinopondohan ng Asian Development Bank); mga dredging project sa Binan, Cabuyao, at iba pang bayan (Ramon S. Ang); ang Ahunan Dam sa Pakil (Enrique Razon); at mga green energy project sa porma ng windmill, hydroelectric plant, at floating solar panel.

Marapat lamang na bumalikwas tayo mula sa ganitong bulok na kalakaran ng estado. Hindi dapat manahimik ang mamamayan sa ginagawang pagnanakaw at katiwalian ng estado. Dapat natin itutok ang ating galit sa mga pangunahing bumigo sa atin: ang mga buwaya sa pamahalaan at ang rehimeng US-Marcos na nagkakanlong sa kanila.

Hamon sa lahat ng rebolusyonaryong pwersa sa Laguna na isulong at pasikarin ang killusan laban sa burukrata kapitalismo. Dapat natin pamunuan ang mga pakikibakang masa mula sa mga lokal na talakayan hanggang sa mga malawakang pagkilos. Pandayin natin ang pinakamatalas na linyang tumuturol sa parehong paksyon ng mga Marcos at Duterte bilang magkaibang anyo ng nag-iisang halimaw.

Higit sa lahat, hikayatin, organisahin, at pakilusin natin ang mamamayan na isulong ang demokratikong rebolusyon ng bayan bilang sagot sa tumitinding krisis ng lipunang Pilipino. Hinihikayat natin ang lahat Lagunense na dumulog sa pinakamalapit na himpilan ng mga rebolusyonaryong organisasyon, sangay ng Partido, o yunit ng Bagong Hukbong Bayan upang maging bahagi ng rebolusyonaryong pakikibakang masa.

Sama-sama nating ibagsak ang burukrata kapitalismo! Alisin sina Marcos, Duterte, at ang lahat ng mga buwayang salot ng lipunan! Pagtagumpayan ang pambansa-demokratikong rebolusyon!

Dapat magbalikwas laban sa palpak na tugon sa sakuna ng rehimeng US-Marcos II!