De facto Martial Law ng ilehitimong rehimeng Marcos II, tutulan at labanan!

Muling nananariwa ang mga sugat ng mamamayang nagdusa sa Martial Law sa kasalukuyang pakana ng ilehitimong rehimeng Marcos II na magpasa ng mga pasistang batas na magsusuhay sa tiranya ng naghaharing pangkatin at kikitil sa natitirang katiting na demokratikong ispasyo. Iilang buwan pa lamang si Marcos Jr. sa poder, isinusulong na ng sunud-sunurang Kongreso ang mga panukalang batas na higit na magpapatibay sa Anti-Terrorism Law (ATL) upang palawigin at patindihin pa ang panunupil sa bayan. Sa nalalapit na paggunita sa ika-50 taong pagpapataw ng lagim ng Martial Law sa bansa, dapat na manatiling buhay ang apoy sa dibdib at diwa ng mamamayan at paigtingin ang pakikibaka para sa hustisya at demokrasya.

Nabuhay ang mapapait na karanasang pinagdaanan ng sambayanan noong panahon ng Martial Law sa ipinatutupad na mga mapanupil na patakaran ng rehimeng Marcos II. Katunayan, hindi na kailangang pormal pang magdeklara ng isang Batas Militar ang rehimen. Ginamit nitong tuntungan ang ATL na naisabatas sa ilalim ng tiranikong administrasyong Duterte para gawing sandata laban sa nakikibakang mamamayan. Sa ngalan diumano ng paglaban sa “terorismo”, ipinanukala ni Francis Tolentino sa Senado ang pag-amyenda sa nilalaman ng Statement of Assets, Liabilities and Net worth (SALN) ng lahat ng mga kawani ng gubyerno para obligahin ang mga itong ilahad kung sinu-sino sa kanilang mga kamag-anak ang may kaugnayan sa CPP-NPA-NDFP at mga itinuturing na “prenteng grupo” nito. Habang sa Kamara naman ay ipinapanukala ang batas na nagdedeklarang iligal ang CPP-NPA-NDFP at ilang organisasyon na “sumusuporta sa kanilang rekrutment, operasyon, at pinansya”. Gayundin ang pagpapanumbalik ng usapin hinggil sa pagpapatupad ng mandatory SIM card registration; mandatory ROTC; at iba pa. Mga bagay ito at usaping naipagtagumpay na ng mamamayan sa nakaraan na ngayon ay muling iniaahon sa hukay para maging paraan ng ibayo pang pagkontrol sa galaw ng mamamayan at sikilin ang demokrasya.

Tahasang yuyurakan ng mga balaking ito ang karapatan ng bawat indibidwal na mamamayan sa kanyang pribasiya, kalayaan sa pag-iisip at pagpapahayag, kalayaang akademiko, at iba pang katulad — mga batayang karapatan at kalayaan ng mamamayan. Malinaw na gagamitin ang mga ipinapanukalang batas na ito laban sa mga aktibista, progresibo at makabayang organisasyon gayundin sa mga kritiko at oposisyon ng rehimeng Marcos II. Sa pamamagitan ng mga ito, maiinstitusyunalisa ang red-tagging at bulag na witch-hunting ng pasistang estado upang pipilan ang mamamayan at pilit na ipatanggap ang kultura ng impyunidad at gawing manhid sa dumaraming kaso ng paglabag sa karapatang tao.

Tulad ng panahon ng diktadurang US-Marcos-I, sinusupil at pinatatahimik ng ilehitimong rehimeng Marcos II ang boses ng pampulitikang oposisyon. Tiniyak ng pangkating Marcos na maaalisan ng boses ang mga nasa oposisyon sa sinalamangkang resulta ng eleksyon kung saan nagsabwatan ang lahat ng ahensya ng gubyerno para makopo ng mga Marcos ang pagkapanalo. Hindi nag-aksaya ng oras ang ilehitimong rehimeng Marcos-II. Kaagad nitong ipinuwesto ang kanyang mga kaanak at mga alyado sa mga susing posisyon sa gobyerno. Ang islogang “Unity” ng ilehitimong rehimen ay wala dili iba kundi ang pagkakaisa ng mga paksyon ng naghaharing-uri para patatagin ang kapangyarihan sa poder laban sa nakikibakang sambayanan. Nagsipanig ang mga political dynasties sa mga Marcos para sa kanilang pampulitikang preserbasyon at sariling interes. Sa ganito nakatitiyak ang pamilya Marcos na mailulusot ang lahat ng mga anti-demokratiko at kontra-mamamayang batas na pabor sa kanilang paghahari at malulusutan ang lahat ng mga krimen ng kanyang pamilya sa bayan.

Malaki ang hamon sa mamamayang Pilipino na labanan ang terorismo ng estado at ang ipinapatupad na de facto Martial Law ng ilehitimong rehimeng Marcos II. Kasabay nito, dapat patuloy na singilin ang naunang administrasyong Duterte sa panunumbalik ng tiraniya ng mga Marcos.

Higit na makatwiran ang patuloy na paglaban ng sambayanan sa pasismo ng estado. Kailangang patibayin pang higit ang bigkis ng mamamayan at buuin ang pinakamalapad na nagkakaisang hanay para tutulan at labanan ang pagpapanumbalik ng lagim ng batas militar na lulukob sa sambayanan. Maging masikhay at mapanlikha sa pagmumulat, pag-oorganisa at pagkilos upang maabot ang pinakamalawak na hanay ng mamamayan. Kaalinsabay ng pakikibaka sa loob ng bayan, paalingawngawin din ang protestang bayan sa iba’t ibang dako ng daigdig sa pakikipagkaisa sa internasyunal na komunidad at mamamayan ng daigdig na mapagmahal-sa-demokrasya. Ang mga protestang bayan na ito ang yayanig sa poder ng estado.

Labanan ang pambabaluktot at sistematikong pagrerebisa sa kasaysayan ng pamilya Marcos upang palabasing “ginintuang panahon” ang yugto ng paghaharing militar sa ilalim ng Martial Law. Hindi dapat kalimutan ang krimen ng mga Marcos — ang naitalang 107,240 paglabag sa karapatang tao, 70,000 iligal na pang-aaresto, 34,000 pagtortyur, 3,240 pamamaslang at 783 desaparecidos o sapilitang pagkawala; at ang higit $10 bilyong ninakaw-na-yaman ng mga Marcos sa kabang-yaman ng Pilipinas. Dapat na patuloy na ilantad ang katotohanang umiral sa panahon ng Martial Law upang tuligsain ang lumalaganap na kasinungalingan ng mga Marcos hinggil dito. Edukahin ang mamamayan, laluna ang mga kabataan ng kasalukuyang henerasyon hinggil sa tunay na mga kaganapan noong panahon ng Martial Law sa bansa. Patuloy na singilin ang pamilya Marcos sa kanilang mga krimen at makiisa sa laban ng mga kaanak at biktima ng Martial Law para usigin at panagutin ang mga Marcos at mga galamay nito.

Bigyan natin ng pinakamataas na pagpupugay ang mga dakilang martir ng sambayanan na nagbuwis ng kanilang buhay sa panahon ng paglukob ng lagim ng Martial Law sa ilalim ng rehimeng US-Marcos-I. Gawin silang inspirasyon sa mga pakikibakang bayan laban sa ilehitimong rehimeng Marcos II na pilit binubuhay ang bangkay ng batas militar na malaon nang hinusgahan ng kasaysayan.

Walang ibang landas na tatahakin ang sambayanang Pilipino kundi ang pagsusulong ng pambansa demokratikong rebolusyon laban sa bulok na estadong pinalala pa sa pagkaluklok ng ilehitimong rehimeng Marcos II. Kaya dapat na paigtingin ang armadong pakikibaka kasabay ng pagpapatatag ng mga organo ng Pulang kapangyarihang pampulitika ng mamamayan. Patibayin ang pagkakaisa ng sambayanan at isulong ang kanilang interes at kagalingan. Tanging sa pagtatagumpay ng demokratikong rebolusyon ng bayan, makatitiyak ang mamamayang Pilipino na makakamit ang tunay na hustisya at demokrasya sa buong bansa.###

De facto Martial Law ng ilehitimong rehimeng Marcos II, tutulan at labanan!