Digmang bayan ang sagot sa imperyalistang gera at krisis
Buong-lugod na binabati ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Pilipinas ang lahat ng magigiting na Pulang mandirigma at kumander ng Bagong Hukbong Bayan sa makasaysayang araw na ito ng ika-57 anibersaryo ng pagkakatatag ng tunay na hukbo ng aping sambayanan. Sa araw na ito, magbalik-tanaw tayo sa walang-humpay na pagsusulong ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka para kamtin ang pambansang kalayaan at tunay na demokrasya. Humalaw tayo ng mga aral mula sa pagbagtas sa liku-likong daan ng mga pagsulong at pag-atras, kabiguan at tagumpay.
Magbigay-pugay tayo sa lahat ng bayani at martir ng sambayanang Pilipino na walang pag-iimbot na nag-ukol ng kanilang buhay para sa dakilang layunin na palayain ang bayan mula sa imperyalistang paghahari at lahat ng anyo ng pang-aapi at pagsasamantala ng mga lokal na uri. Utang natin sa kanilang sakripisyo ang lahat ng nakamit ng taumbayan sa landas ng rebolusyonaryong paglaban. Hindi kailanman magmamaliw sa alaala ng sambayanan ang kanilang mga pangalan at ambag. Sila’y nagniningning na mga bituin na nagsisilbing tanglaw sa karimlang binabagtas ng bayan tungo sa Pulang bukang-liwayway.
Marapat lamang na ipagdiwang natin ang nakamit nating mga tagumpay sa pagsusulong ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka sa nagdaang taon, habang matamang humahalaw ng mga aral mula sa dinanas na mga kapaitan. Dapat panghawakan ang mga ito sa pagsuong natin sa landas ng pagpapalakas at pagsulong ng ating matagalang digmang bayan.
Patuloy na iwinawagayway ng BHB ang Pulang bandila ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka. Sa pamumuno ng Partido at gabay ng kilusang pagwawasto, patuloy na binibigo ng BHB ang walang-habas na pasistang paninibasib ng mga armadong galamay ng papet na rehimeng Marcos laban sa hukbong bayan at sa mamamayang lumalaban sa kanayunan at kalunsuran. Sa gabay ng Partido, at sa harap ng lalong dustang kalagayan ng bayan, lalong tumibay at tumaas ang rebolusyonaryong diwa at kapasyahan ng mga Pulang mandirigma ng BHB na ipaglaban at ipagtanggol ang masang api at pinagsasamantalahan.
Mula nang ilunsad natin ang kilusang pagwawasto, mas lamang ang ating positibong karanasan kaysa negatibo. Kahit pa dumanas ng mga pinsala ang ilang yunit, mas maraming yunit ng BHB ang nakapagpreserba ng lakas, nakapagpapalapad ng erya ng operasyon, nakapagpapalawak ng baseng masa, nakapagrerekrut ng bagong mga Pulang mandirigma, at matagumpay na nakapaglulunsad ng iba’t ibang tipo ng taktikal na opensiba at armadong aksyong gerilya. Hakbang-hakbang na naisasagawa ang pagsasaayos sa moda o paraan ng gerilyang pagkilos para mapahigpit ang ugnayan sa masa habang nagpapakahusay para iwasan at ikutan ang makapal na presensya ng kaaway. Matatag na muling nakapagpapalakas ang BHB, at nakatanaw ito sa pagbwelong muli sa mga darating na panahon. Katulad sa pag-ahon sa tuktok ng bundok, buo ang kapasyahan ng Partido at BHB na bagtasin ang pasikot-sikot, mahirap at mapanganib na landas tungo sa rebolusyonaryong pagsulong.
Bawat araw ay sumasahol ang pagdurusa ng bayan sa gitna ng imperyalistang gera at krisis. Ang buong mundo ay niyayanig ng mga digmaang sinisindihan ng imperyalismong US para sa pag-agaw ng mga bansang mayaman sa langis at mineral. Bahagi ito ng mga desperadong hakbang para buhayin ang kapitalistang produksyon at produksyong militar. Subalit sa proseso ay lalo lamang nitong sasakalin ang naghihingalong pandaigdigang kapitalistang ekonomya. Sa harap ng mga gerang agresyon ng US, palaki nang palaki ang banta ng pagsiklab ng mas malalaking gera sa hinaharap.
Walang pakundangan ang pagyurak ng imperyalismong US sa kasarinlan ng Pilipinas, sa militar, ekonomya at pulitika, sa pamamagitan ng sunud-sunuran nitong tuta na si Marcos. Pinahihintulutan ni Marcos na gamitin ng militar ng US ang bansa bilang base at lunsaran ng agresyong militar sa Asia-Pacific hanggang Middle East, kapalit ang ayudang militar at pampulitikang suporta sa rehimeng batbat ng katiwalian at kinapopootan ng bayan.
Sa ilalim ni Marcos, walang hangganan ang korapsyon ng mga burukrata-kapitalista sa poder, ang pyudal at malapyudal na mga anyo ng pagsasamantala sa kanayunan, ang pangangamkam ng lupa at pag-agaw ng kabuhayan, ang pandarambong ng malalaking kapitalista sa likas-yaman ng bansa at pagsasamantala sa murang lakas-paggawa ng mga manggagawa, ang pagwasak sa kalikasan at bunga nitong malawakang salanta sa buhay at kabuhayan ng masa. Ang tumitindi at walang pakundangang paggamit ng pasistang karahasan ay tanda ng desperasyon ng rehimeng US-Marcos na panatilihin ang bulok na sistema sa pamamagitan ng paghahasik ng teroristang lagim at armadong pagsupil sa mamamayang lumalaban. Lalong lumilinaw ang pangangailangan para sa rebolusyonaryong paglaban. Para sa bayan, ang pagsasandata ay makatarungan at kailangan.
Malaki man at nakapanghihilakbot kung tingnan ang panlabas na hitsura ng pasistang halimaw ng papet na estado dahil sa dami ng tauhan, bagong malalakas na sandata, at buhos ng suporta ng imperyalistang amo, batid natin na ito, sa esensya, ay mahina at marupok dahil ito’y bulok na usbong at tagapagtanggol ng nagnanaknak na sistema, may malalalim na bitak ng nagtutunggaling paksyon, at labis na kinamumuhian at iwinawaksi ng bayan. Bagaman maliit at mahina pa ang BHB, matibay itong nagkakaisa sa ilalim ng wastong pamumuno ng Partido, at determinadong magpalawak at magpalakas taglay ang malalim at malawak na suporta ng sambayanan. Kasama ang pagbangon at pagkilos ng masa, buo ang determinasyon ng Partido at BHB na isulong ang demokratikong rebolusyong bayan na may bagong antas ng balasik at bangis.
Niyayanig ng imperyalistang gera ng US ang buong mundo
Sa loob lamang ng dalawang buwan mula sa simula ng taon, sinalakay ng mga pwersang militar ng imperyalismong US, sa utos ng hibang na pasistang pinuno nito na si Donald Trump, ang dalawang bansang matagal nang nagtataguyod ng pambansang kasarinlan, at tumututol sa imperyalistang kontrol at dikta. Ang paglalaway ni Trump sa yamang langis ng Venezuela at Iran, ang una at ikatlong may pinakamalaking reserba sa buong mundo, ang tunay na dahilan ng isinagawa nitong mga agresyong militar.
Sinalakay ng mga pwersang militar ng US ang Venezuela noong Enero 3 at dinukot ang presidente nito na si Nicolas Maduro at asawang si Cilia Flores, upang pwersahang paluhurin ang gubyerno at tanggapin ang mga dikta nito na kontrolin ng mga korporasyong Amerikano ang industriya ng langis sa bansa. Hindi pa lumipas ang dalawang buwan, magkasanib na binomba ng US at Zionistang estado ng Israel ang Iran noong Pebrero 28, at isinagawa ang operasyong asasinasyon laban sa lider nitong si Ayatolla Ali Khamenei. Deklaradong pakay ni Trump na mag-udyok ng pag-aalsa ng sambayanan ng Iran, para iluklok sa poder ang bagong gubyernong luluhod sa kapangyarihan ng US.
Sa panahon ding ito, tahasang pinagbantaan ng US na sasalakayin ng armadong pwersa nito ang Cuba, Colombia, at Mexico, na animo’y nanunubok kung sino ang titiklop at yuyuko sa kanyang dikta, o hanggang saan niya kayang totohanin ang bantang pagsalakay. Bago pa nito, nagbanta rin si Trump na “kukuning muli” ang Panama Canal. Alinsunod lahat ito sa muli niyang binuhay na Doktrinang Monroe na naggigiit na ang Latin America ay sariling bakuran ng US. Kasabay nito, nagbanta si Trump na pwersahang kukunin ang Greenland, isang malaking isla sa Arctic at North Atlantic Ocean.
Sa loob ng 25 araw, naghulog ng hindi bababa sa 23,000 bomba ang US at Israel sa Iran, o mahigit 920 bomba araw-araw. Halos 2,000 Iranian ang napatay, kabilang ang daan-daang mga bata, at 24,800 ang nasugatan mula nang simulan ang pambobomba ng US at Israel. Pinuntirya ng pambobomba hindi lamang ang mga pasilidad pang-militar, kundi pati ang mga eskwelahan, bahayan, gusaling pangkomersyo, ospital, mga plantang pang-enerhiya at pang-nukleyar, at iba pang imprastrukturang sibilyan, sa tangkang paluhurin at payukuin ang Iran sa kapangyarihan ng imperyalismong US, at isuko ang yamang langis at pambansang soberanya nito.
Ang armadong pagsalakay ng imperyalismong US sa Venezuela at Iran ay palatandaan ng bagong antas ng pag-igting ng mga kontradiksyon sa pagitan ng mga imperyalista at ng mga bansang naggigiit ng pambansang kasarinlan, na nakaugnay din sa pag-igting ng inter-imperyalistang kontradiksyon. Tahasang hinahamon at nais baguhin ni Trump, sa ngalan ng mga monopolyo kapitalistang Amerikano, ang umiiral na kaayusan sa mundo sa nagdaang tatlong dekada—ang hatian sa pagitan ng mga imperyalista sa mga pinagkukunan ng langis at iba pang mahahalagang hilaw na materyales, tambakan ng labis na imbentaryo ng di mabentang mga kalakal, at paglalagakan ng sobrang kapital.
Mariing binatikos ng China at Russia ang armadong pagsalakay ng US sa Venezuela at Iran. Sa harap ng matinding pagkawasak sa Iran dulot ng pambobomba ng US, kapwa nagpadala ang China at Russia ng ayudang makatao. Nagpahayag ang Russia at iba’t ibang bansa at internasyunal na ahensya ng pagkabahala sa pagpuntirya ng US sa mga plantang nukleyar na maaaring magresulta sa sakuna sa milyun-milyong katao.
Ang pagsalakay ng US sa Venezuela at Iran ay nagbubunsod rin ng malalim na pagkabahala ng mga alyadong bansa ng US, kabilang ang mga nakapaloob sa North Atlantic Treaty Organization (NATO). Marami sa kanila ang pumuna sa paglabag ng US sa mga internasyunal na alituntunin at panuntunan ng United Nations, bagaman hindi nila tahasang kinontra, at sa huli ay kaisa sa layuning ibagsak ang mga gubyernong kumokontra sa imperyalistang dikta at kontrol. Gayunman, labis silang nababahala na ang pagsosolo ng imperyalismong US ay magreresulta sa higit na paglaki ng rekursong hawak ng US, na magbabago sa dating umiiral na balanse bago ang mga agresyong militar ng US. Bago nito, lumikha din ng malalalim na kontradiksyon ang pagpapataw ng US noong nakaraang taon ng matataas na taripa sa iba’t ibang bansa sa mundo, kabilang kapwa ang mga imperyalistang karibal at kaalyado.
Ang mga agresyong militar ng US sa Venezuela at Iran para kontrolin ang langis ay kapwa pagsalya sa numero uno nitong karibal na China, na siyang pangunahing bumibili ng iniluluwas na langis ng mga bansang ito (15%–20% ng inaangkat na langis ng China ay mula sa 80%–90% ng langis na iniluluwas ng Iran at Venezuela). Ang tangkang pag-agaw sa malalaking pinagkukunan ng langis ay bahagi ng mga hakbanging panggigipit ng US sa China na papatindi sa nagdaang ilang taon. Kabilang sa mga ito ang pagtataas ng taripa sa mga iniaangkat mula sa China, pagbabawal sa paggamit ng mga pyesang elektronikong gawa ng kumpanyang Huawei ng China, pagbabawal sa pagbenta sa China ng mga abanteng semiconductor at ng mga makina para sa produksyon ng mga ito, at iba pang mga hakbanging pang-ekonomya at pangkalakalan.
Kasabay nito ang tuluy-tuloy na pagpapalakas ng US ng presensya sa “first island chain” sa palibot ng China, kabilang ang pagpupwesto at pagpapalakas ng presensyang militar ng mga pwersa at kagamitang pandigma nito sa Pilipinas, Japan, at South Korea, at pagbebenta ng armas sa Taiwan, sa tabing ng “pagpigil” (containment) sa diumano’y “potensyal na operasyong militar” ng China sa Taiwan. Lahat ito ay nag-uudyok ng kontra-paghahanda at pagpapalakas ng China, kabilang ang pagpapakapal ng presensya sa loob at labas ng karagatan sa paligid ng kanyang bansa.
Gumastos ang militar ng US nang humigit-kumulang $1 bilyon araw-araw sa walang-habas na pambobomba sa Iran. Pangunahing nakinabang dito ang mga kumpanyang nagsusuplay ng mga sandata at kagamitang pandigma sa militar ng US. Humihingi ngayon ang gubyernong Trump ng karagdagang $200 bilyon para pumasok sa mga bagong kontrata sa mga kumpanyang ito para sa karagdagang mga misayl, drone, at iba pang kasangkapang pandigma.
Taliwas sa unang plano ng US, ang pagsalakay nito sa Iran ay nagtagal na ng isang buwan. Habang nagtatagal, lalong lumalakas ang pagkontra dito kapwa sa loob ng US at ng iba’t ibang bansa. Nagbunsod ito ng labis na ispekulasyon sa presyo ng langis (mula $65 tungong $105 kada bariles ng krudong langis) na lumikha ng “oil price shock” sa buong mundo, sa pakinabang ng malalaking kumpanya sa langis. Malawak ngayon ang pangamba na sasadsad sa resesyon at istagplasyon (mataas na implasyon, mababang produksyon at malawak na disempleyo) ang maraming ekonomya, kabilang ang US, laluna kung magtagal pa ang gera ng US at Israel sa Iran, at manatiling mataas ang presyo ng krudong langis.
Kahit sa harap ng pananalakay ng pinakamakapangyarihang imperyalista sa buong mundo, hindi yumuko ang mamamayan ng Venezuela at Iran. Milyun-milyong Venezuelan ang humugos sa lansangan sa iba’t ibang bayan para batikusin ang armadong pananalakay at pambobomba ng US at igiit na ibalik sa kanilang bansa ang kanilang presidente na si Maduro. Gayundin sa Iran, halos araw-araw na napupuno ang mga liwasan at lansangan ng milyun-milyong dumadagsa sa mga demonstrasyon para ipamalas ang kanilang pagkakaisa, batikusin ang armadong agresyon ng US at labanan ang pagtatangka na iluklok sa poder ang gubyernong magsisilbi sa interes ng US.
Sa ngayon ay wala pang linaw kung papaano tatapusin ng US at Israel ang gerang pananalakay laban sa Iran, lalo’t bigo itong makamit ang itinakda nilang layunin na pasukuin ang Iran. Tanda ng labis na pagkakahiwalay ng imperyalismong US, hindi nakuha ni Trump ang suporta ng mga imperyalistang alyado nito sa Europe na magpadala ng pwersang militar para buksan ang Strait of Hormuz. Tanda ng magtatagal ang gera, aabot sa 50,000 sundalong Amerikano ang patungo ngayon sa rehiyon.
Sa loob ng isang buwan, tuluy-tuloy din na nagsagawa ang Iran ng mga ganting salakay ng mga misayl at drone na pinuntirya ang Israel, at ang mga base militar ng US sa mga bansa sa Middle East. Tinuligsa ng UAE, Saudi Arabia, Bahrain, Qatar, Kuwait at Jordan ang mga aksyon ng Iran na “labag sa kasarinlan,” kahit pa tumatanggi silang “makaladkad sa gerang hindi sa kanila.” Tiyak na magbabago pa ang hanayan sa gera kapag magtatagal ito, laluna kung tuwirang lalapag sa mga teritoryo ng Iran ang mga tropang Amerikano.
Sa harap ng nagpapatuloy na krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista, asahan nang magpapatuloy at lalong titindi ang mga gerang agresyon ng US sa mga darating na buwan at taon. Ipinamalas na ni Trump na hindi mapipigilan ang kanyang gubyerno ng anumang internasyunal na alituntunin, o kahit ng mga ligal na proseso ng gubyernong US para sa paglulunsad ng gera. Ipinakita ni Trump na ang kanyang kahibangan ay hindi nahahangganan. Sa pagkahayok na agawin ang kontrol sa yamang langis at mga estratehikong mineral ng ibang bansa, at gipitin ang mga imperyalistang karibal, lalo’t higit ang China, hindi malayong sumiklab ang mas malalaki pang armadong sigalot sa hindi malayong hinaharap. Ang labis na pagdurusang idudulot nito sa aping mamamayan sa buong daigdig ay pumupukaw sa kanilang kamulatang anti-imperyalista at nagpapaalab ng kanilang kapasyahang lumaban para sa kalayaan.
Dumadausdos sa krisis ang bulok na naghaharing sistema sa Pilipinas
Mabilis na bumubulusok ang antas sa pamumuhay ng malawak na masa ng sambayanang Pilipino kasabay ng lalong pagdausdos sa mas malalim at malalang krisis ang naghaharing sistemang malakolonyal at malapyudal sa Pilipinas. Tulak ito ng pagsirit ng presyo ng langis kasunod ng panggegera ng imperyalismong US sa Middle East. Lalong nalantad ang atrasadong kalagayan ng lokal na ekonomya o sistema ng produksyon na nakasalalay sa importasyon at dayuhang pautang. Lalo ring nalantad ang pananagutan ng reaksyunaryong gubyernong Marcos sa lumalalang kabuhayan ng mayorya ng mamamayan, sa pagkatig nito sa interes ng mga dayuhang kumpanya at kasabwat na malalaking burges kumprador at burukratang kapitalista.
Labis na pahirap sa sambayanang Pilipino ang pagsasamantala ng ganid-sa-tubong mga kumpanya sa langis sa gera sa Middle East. Sabay-sabay na pumaimbulog sa wala pang kasintaas na antas ang presyo ng mga produktong petrolyo. Pinasirit nang husto ang presyo ng diesel na pangunahing ginagamit sa transportasyon, enerhiya at komersyo. Ang dambuhalang tubong kinakamal ng mga kumpanya sa langis ay pabigat sa masang bumabalikat sa bawat pagtaas ng presyo. Dagdag pang pasanin ng bayan ang magkapatong na buwis na sinisingil ng gubyerno (excise at value-added tax o VAT) na umaabot sa ₱160 bilyon taun-taon, na halos 60% ng taunang koleksyon na ₱276 bilyon mula sa kombinasyon ng dalawang buwis.
Ang walang patid na pagtaas ng presyo ng langis mula sa simula ng taon at pagsirit mula Marso ay nagresulta sa tuluy-tuloy na pagtaas sa presyo ng pagkain at iba pang batayang pangangailangan, pamasahe, singil sa kuryente, tubig at iba pang serbisyo. May banta ng lalo pang pagtaas ng mga presyo ng mga bilihin dahil sa pagbagsak ng halaga ng piso kontra dolyar sa pinakamababang halaga sa kasaysayan (₱60.5 kada dolyar). Pangunahing tinatamaan nito ang masang anakpawis.
Mabilis na dumadausdos ang antas ng pamumuhay ng mayorya ng sambayanan—ang mga manggagawa, magsasaka at mga ordinaryong kawani, na wala o halos walang impok at nabubuhay nang isang kahig-isang tuka. Kung magpapatuloy ang pagtaas ng presyo sa mga darating na buwan, tinatayang 2–3 milyong pamilya ang madadagdag sa 14.3 milyong pamilyang nabubuhay sa kahirapan. Sa gitna ng gerang agresyon ng US laban sa Iran, nangangamba ang mahigit dalawang milyong migranteng manggagawa na nagtatrabaho sa iba’t ibang bansa sa Middle East. Ilampung libo na ang piniling umuwi kahit wala silang dadatnang trabaho o kabuhayan sa bansa.
Ang pagsirit ng presyo ng langis ay lalong maglulubog sa kabuhayan ng masang Pilipino. Dahil sa pagtaas ng gastos sa produksyon, bumabagsak ang kita ng mga drayber at opereytor ng maliliit na transportasyon, maging ng mga mangingisda, mga magsasaka, maliliit na trader, negosyante at mga manininda, mga nagpapatakbo ng kantina o karenderya, at marami pang iba. Lalong liliit ang halaga ng sahod ng mga manggagawa dahil sa tumataas na gastos sa pamumuhay. Sa kabila ng matinding hinaing sa mababang sahod, patuloy na nagbibingi-bingihan ang rehimeng Marcos sa matagal nang kahingian para sa nakabubuhay na minimum na sahod na ₱1,200 kada araw.
Labis na pahirap sa mamamayan ang kontrol ng kartel o sabwatan ng ilang ganid na malalaking kumpanya sa langis sa lokal na distribusyon ng mga produktong petrolyo. Taliwas sa pangako ng batas sa deregulasyon (1998) na bababa ang presyo dahil sa kompetisyon, inaareglo linggo-linggo ng pinakamalalaking kumpanya sa langis ang presyo para maksimisado ang kanilang tubo. Walang pambansang industriya ng langis sa Pilipinas. Sa halip na umunlad, lalong humina ang lokal na kapasidad sa produksyon ng repinadong langis. May natural gas man sa karagatang nakapalibot sa Pilipinas, katulad sa Malampaya, ito ay nasa kontrol ng malalaking burgesyang komprador at kasosyong dayuhang kapitalista sa pinansya.
Ang lokal na industriya ng langis ay salamin ng kabuuang kaayusang pang-ekonomya sa Pilipinas, na pinaghaharian at nasa kontrol ng dayuhang mga kumpanya kasabwat ang malalaking burgesyang komprador, malalaking panginoong maylupa at burukratang kapitalista. Kasabwat ang papet na rehimen na tagapagpatupad ng mga neoliberal na patakarang dikta ng International Monetary Fund, sinasagkaan ng mga dayuhang kumpanya ang pag-unlad ng lokal na produksyon.
Ang ekonomya ng Pilipinas ay nananatiling atrasado, agraryo at hindi industriyalisado. Ang likas na yaman ng bansa—mula sa kabundukan hanggang karagatan—ay dinadambong at kinakamkam ng mga dayuhang monopolyo kapitalista at mga naghaharing uri. Sinasamantala ang mababang sahod ng mga manggagawang Pilipino. Ang kinakamal na tubo ay hindi ibinabalik sa pagpapalawak at pagpapaunlad ng lokal na produksyon. Nakasalalay ang lokal na produksyon sa pag-aangkat ng mga makinarya, pyesa at iba pang sangkap sa produksyon, at nakatuon sa pag-eeksport ng murang hilaw o bahagyang naprosesong materyales (mineral, prutas), at sa muling pag-eeksport ng mababang dagdag na halaga ng mga kalakal (tulad ng mga semiconductor at iba pang pyesang elektroniko).
Sa ilalim ni Marcos, lalong nalubog sa pagkakautang ang Pilipinas. Walang kapantay sa nakaraan ang kasalukuyang utang panlabas ng bansa na umabot na sa $99.1 bilyon (₱5.81 trilyon), halos apat na ulit kumpara sa utang panlabas ($26 bilyon) na iniwan ni Marcos Sr noong 1986. Ang dayuhang utang ng Pilipinas ay bahagi ng ₱18.13 trilyon kabuuang utang ng bansa noong Enero 2026, pinakamataas na sa kasaysayan. Ang dayuhang utang, kasama ang iniuuwing dolyar ng mga migranteng manggagawa, ay pambayad sa depisito sa kalakalang panlabas ($50–$60 bilyon sa nagdaang mga taon), na bunga ng hindi pantay na palitan ng iniluluwas na murang mga hilaw na materyales, at iniaangkat na mas mahal na yaring mga kalakal. Pampuno ito sa depisito sa badyet o kakulangan sa pondo ng gubyerno, na malaking bahagi ay napupunta sa maaanomalyang proyektong pang-imprastruktura, lubhang napakalaking gastusing militar at pambayad utang.
Lalong lumala at naging garapal ang mga anyo ng korapsyon ng naghaharing sistema sa ilalim ng rehimeng US-Marcos. Pinakamasahol dito ang nalantad na maaanomalyang proyektong flood control at iba pang imprastruktura, kung saan bilyun-bilyong piso ang ibinulsa ng mga burukrata-kapitalistang upisyal ng gubyerno. Nabunyag kamakailan na mismong si Marcos ang utak sa likod ng iskemang ito. Kasabwat ang ilang susing upisyal ng Malacañang, tinatayang umabot sa ₱8 bilyon ang tuwirang ibinulsa ni Marcos sa anyo ng mga kikbak. Liban sa ilang mabababang upisyal, wala pang nakukulong o sinasampahan ng kaso sa matataas na upisyal na napangalanang sangkot sa mga katiwalian. Katulad ng inaasahan, walang kinahinatnan ang “imbestigasyon” ng ICI o Independent Commission on Infrastructure na binuo ni Marcos. Mismong si Marcos ay lumulusot sa pananagutan. Ang kasong impeachment laban sa kanya ay paspasang ibinasura ng mga kongresistang nasa bulsa niya.
Samantala, mabilis namang itinuloy ng House of Representative ang pagsampa ng kasong impeachment at pagsagawa ng pagdinig laban kay Vice President Sara Duterte, kaugnay ng maanomalyang paggastos sa ₱612.5 milyong intelligence funds, hindi maipaliwanag na paglaki ng personal na yaman at iba pang reklamo. Sa paghahangad ng katarungan, matagal nang itinutulak ng taumbayan ang pagpapanagot kay Sara Duterte at sa ama niyang dating presidente na si Rodrigo Duterte. Ikinalugod ng ilampung libong pamilya ng biktima ng karahasan ng estado sa ilalim ni Duterte ang isinagawang pagdinig sa kanya kamakailan ng International Criminal Court sa The Hague para kumpirmahin ang mga kaso laban sa kanya. Habang pinananagot ng taumbayan ang mga Duterte, batid nilang ginagamit din ng naghaharing pangkating Marcos ang pag-ipit kay Sara Duterte at pagdiskaril sa idineklarang plano ng karibal na tumakbo sa halalang pampangulo sa 2028. Kahit malayo pa ito, nakatuon na ang atensyon ng mga reaksyunaryong partido sa mga areguluhan, maniobrahan at kampuhan.
Muhing-muhi na ang sambayanang Pilipino sa korapsyon ng mga burukrata-kapitalista ng alinmang pangkatin ng mga naghaharing uri, na harap-harapan ang pandarambong at pagpapayaman sa kabang bayan, kahit sa gitna ng papalubhang pagdurusa ng masang anakpawis. Walang sukat ang galit ng taumbayan, sa partikular, sa huwad o palpak na mga proyektong flood control, na pinagkakitaan ng bilyun-bilyong piso, laluna sa harap ng sunud-sunod na sakuna dulot ng mga pagbaha at pagguho ng lupa. Batid nila na lagpas sa flood control, maraming iba pang iskema ng korapsyon sa ilalim ng bulok na gubyerno, mula sa nabulgar na maaanomalyang proyektong “farm-to-market road” hanggang sa pagbili ng mga trak ng bumbero.
Sumiklab noong nakaraang taon ang galit ng taumbayan sa korapsyon. Sa loob ng ilang buwan, paulit-ulit na nag-walk-out ang mga estudyante mula sa ilampung paaralan at pabalik-balik na nagrali sa lansangan ang puo-puong libong mamamayan para magprotesta sa iba’t ibang panig ng bansa. Kahit pa pilit isinasanggalang si Marcos ng umaaalyado ditong mga grupong sosyal-demokrata sa pangunguna ng Akbayan, hindi nito natabunan ang umalingawngaw na sigaw ng malawak na hanay ng mga kabataan para sa pagpapatalsik kay Marcos at Duterte, at panawagan para sa pagbabago ng bulok na sistema.
Ang namumuong kilusang protesta ay patuloy na bumubwelo sa harap ng mabilis na pagbagsak ng kabuhayan ng sambayanan. Ang mga tumindig at nagprotesta laban sa korapsyon noong nagdaang taon ay tumitindig at nagpoprotesta ngayong Marso. Sumiklab ang magkakasunod na kilos protesta at tigil-pasada sa buong bansa para tuligsain ang imperyalistang gera ng US sa Iran, batikusin ang mga mapagsamantalang mga kumpanya sa langis sa labis na pagtataas sa presyo ng diesel at gasolina, at kundenahin ang rehimeng US-Marcos sa kainutilin nito sa harap ng krisis at pagbibingi-bingihan sa mga hinaing ng bayan.
Sa hangaring pigilan ang pagbwelo ng kilusang protesta, patuloy na ginagamit ng rehimeng US-Marcos ang mga armadong galamay nito upang gipitin at takutin ang mga lider at samahan ng iba’t ibang sektor, magpakalat ng mga armadong pwersa at mga ahenteng militar sa mga komunidad, kampus at mga pabrika, at siilin ang mga pagkilos ng masa sa lansangan. Ginagamit nito ang “teroristang” pagbabansag at ang banta ng pagkukulong o pagdukot. Bahagi itong lahat ng diumano’y “pagkakaisa, kapayapaan at kaunlaran” na kinabibilangan din ng armadong pagsupil sa kanayunan at mga operasyong pangkombat laban sa mga rebolusyonaryong armadong pwersa, upang bigyang daan ang dayuhang mga kumpanya, kasabwat ang mga lokal na naghaharing uri, na mangamkam ng lupa, magbukas ng mga minahan at iba pang mga operasyong mapandambong at mapangwasak sa kalikasan.
Todo-buhos ang rekurso at tauhan ng reaksyunaryong rehimeng Marcos sa desperasyon nitong habulin ang paglipol sa BHB. Sa kabila ng mga deklarasyong “madudurog na” ang BHB, nakapakat pa rin ang halos lahat ng batalyong pangkombat ng AFP sa mga larangang gerilya sa buong bansa, para isagawa ang tinatawag nitong “focused military operations” na kinatatangian ng pagpapailalim ng mga baryo sa paghaharing batas militar, pagkontrol sa galaw ng populasyon, pagboblokeyo sa pagkain at komersyo, walang habas na pambobomba katulad sa Mindoro, pagsupil sa pakikibaka ng mga magsasaka sa pagpasok ng mga operasyong mina tulad sa Nueva Vizcaya, ekstrahudisyal na pamamaslang sa mga pinaghihinalaang sumusuporta sa BHB, pekeng pagpapasuko, pagdukot, pagtortyur at pagkukulong, at iba pang masasahol na anyo ng pagyurak sa mga karapatang-tao.
Ang walang lubay na paghahasik ng pasistang lagim ng AFP ay alinsunod sa atas ng amo nitong imperyalistang US. Binubuhusan ito ng imperyalismong US ng pondo ($250 milyon taun-taon hanggang 2032), kasangkapang militar sa anyo ng mga eroplanong pandigma, bomba at bala, at mahigpit na suportang paniktik. Pakay ng imperyalismong US na ilaan ang buong pwersa ng AFP para sumuporta sa mga ikinakasang operasyong at gera ng US sa Asia-Pacific, partikular na laban sa karibal nitong China.
Tiyak na kakaladkarin ng US ang Pilipinas sa anumang gerang agresyon o gerang panghihimasok sa Asia. Pakapal nang pakapal ang presenyang militar ng US sa dumaraming mga EDCA “site” at sa mga lihim na pasilidad ng US sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Sa gitna ng gerang agresyon ng US laban sa Iran, libu-libong pansalakay na tropang Amerikano ang sasalubungin at aalalayan ng AFP sa planong isagawang Balikatan war exercises. Lulan sila ng kanilang denukleyar na mga barko-de-gera at dala ang kanilang mga sandatang pandigma. Ang mga barkong nabal ng US ay pamalagiang nakadaong o naglalayag sa South China Sea, sa mga dagat sa palibot ng Pilipinas at sa loob ng teritoryo ng bansa. Bahagi ito ng estratehiya ng paggamit sa Pilipinas bilang malaking base militar at lunsaran ng mga operasyon nito sa rehiyon. Para pamunuan ang mga operasyong ito, binuo ng militar ng US ang Task Force Philippines. Bahagi nito ang saywar na mga “transparency operations” para ilantad ang tinatawag nitong mga agresibong maniobra ng China sa South China Sea upang palabasing “kaibigan” at “kaalyado” ng Pilipinas ang US laban sa China. Sa tulak din ng US, sunud-sunod na kasunduang militar ang pinirmahan at pipirmahan pa ng Pilipinas sa mga alyado ng US tulad ng Japan, France, Canada at iba pang bansa.
Ang nagpapatuloy na imperyalistang gera ng US sa Iran at ibinubunga nitong krisis sa Pilipinas at buong daigdig, ay nagluluwal ng sitwasyong kailangang-kailangang lumaban ng mga inaaping uri at sektor para ipagtanggol ang kanilang kapakanan. Pinupukaw nito ang malawak na sambayanan sa pangangailangan para sa rebolusyonaryong pagbabago sa Pilipinas at buong mundo. Ang mga rebolusyonaryong pwersa sa pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas ay determinadong mulatin, organisahin at pakilusin ang sambayanang Pilipino sa landas ng demokratikong rebolusyong bayan.

Palakasin ang BHB at buong-siglang isulong ang digmang bayan!
Ang walang kalutasang krisis ng naghaharing sistemang malakolonyal at malapyudal, ang brutal na panunupil ng pasista-teroristang rehimeng US-Marcos, lumalalang antas ng panghihimasok militar ng US, sumisidhing kagutuman at pagdurusa, at sumasahol na anyo ng pang-aapi at pagsasamantala ang pangunahing mga dahilan na patuloy na isinusulong ang demokratikong rebolusyong bayan. Buo ang kapasyahan ng Partido, ng Bagong Hukbong Bayan at lahat ng rebolusyonaryong pwersa na isulong ang matagalang digmang bayan mula sa kasalukuyang yugto tungo sa susunod.
Patuloy na nagpapalakas ang BHB sa kanayunan. Tuluy-tuloy nitong pinasisigla ang gawaing masa at pinalalapad ang mga sonang gerilya. Nagrerekrut at nagsasanay ito ng bagong mga Pulang mandirigma para bumalikat ng papalaking mga tungkulin sa pulitika at militar.
Malaking kabulastugan ang deklarasyon ni Marcos noong nagdaang taon na “wala nang grupong gerilya” sa bansa. Sinlaking kabulastugan ang paulit-ulit na deklarasyong ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa nagdaang mga taon, na lubos na nitong mawawakasan ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka. Isang taon na naman ang lumipas na hindi nila natupad ang kanilang itinakdang layunin. Sa iba’t ibang bahagi ng bansa, patuloy na lumalaban ang mga yunit gerilya ng BHB. Taliwas sa kanyang ipinagmamalaking nagapi na ang BHB, walang lubay ang AFP sa pagpapakat nito ng bata-batalyong mga pwersang pangkombat mula hilagang Luzon hanggang katimugang Mindanao, sa imbing pakana na supilin ang masa at lipulin ang hukbong bayan.
Buong sigla nating ipagdiwang ngayong araw ang ika-57 anibersaryo ng Bagong Hukbong Bayan. Alalahanin natin kung paano ito itinatag ng Partido Komunista ng Pilipinas noong Marso 29, 1969 sa kataas-taasang gabay ng Marxismo-Leninismo-Maoismo. Mula nang itinatag, ang BHB ay nagsilbing rebolusyonaryong hukbo ng sambayanang Pilipino para ibagsak ang imperyalismong US, at ang maka-uring paghahari ng mga burgesyang komprador, panginoong maylupa at mga burukratang kapitalista. Ang BHB ang pangunahing instrumento ng Partido sa pagtupad ng sentral na rebolusyonaryong tungkulin na durugin at ibagsak ang armadong lakas ng reaksyunaryong estado at itatag ang bagong demokratikong gubyernong bayan.
Mayroon lamang 60 Pulang mandirigma ang BHB nang itinatag ito sa ikalawang distrito ng prubinsya ng Tarlac. Hawak nila noon ang sisiyam (9) na ripleng awtomatik at 26 mahinang armas. Sa pagpupunyaging sumulong alinsunod sa estratehikong linya ng pagkubkob sa kalunsuran mula sa kanayunan, ang BHB ay nakapagpalawak, una, sa Central Luzon, kasunod sa Cagayan Valley, at malao’y sa iba’t ibang prubinsya ng Luzon, Visayas at Mindanao.
Hindi kailanman naging sagka sa pagsulong ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka ang pagiging maliit at mahinang pwersa ng BHB, kumpara sa higit na malaki at malakas na armadong pwersa ng kaaway. Taglay ang malawak at malalim na suporta ng masa, nagpakadalubhasa ang mga yunit ng BHB sa paggamit ng mga taktikang gerilya upang antas-antas na makapagpalawak at makapagpalakas. Laging hawak ang inisyatiba at mabilis na kumikilos, nagawa ng mga yunit gerilya ng BHB na patamaan ang mas mahihina at nahihiwalay na bahagi ng kaaway, at kunin ang kanyang mga armas.
Sa loob ng 57 taon, mahigit sampung estratehikong opensiba o gera ng paglipol na ang inilunsad ng imperyalismong US katuwang ang walong papet na reaksyunaryong gubyerno—mula kay Marcos Sr hanggang kay Marcos Jr—para gapiin ang BHB: Oplan Nip-in-the-bud, Oplan Katatagan, Oplan Lambat Bitag I, Oplan Lambat Bitag II, Oplan Mamamayan, Oplan Makabayan, Oplan Gordian Knot, Oplan Bantay Laya I, Oplan Bantay Laya II, Oplan Bayanihan, Oplan Kapayapaan, Joint Oplan Kapanatagan, at NAP-UPD. Lahat ito ay binalangkas sa doktrina ng counterinsurgency ng militar ng US. Ang mga ito’y pawang mga estratehikong kampanya ng pagkubkob sa BHB, na may layuning ihiwalay ang hukbong bayan sa masa, supilin ang masa at sagkaan ang daloy ng suporta nito sa BHB, upang ilagay ang mga yunit ng hukbong bayan sa sitwasyong lantay militar at gapiin sila gamit ang superyor na lakas militar. Sa estratehikong balangkas na ito, bawat isang oplan ay gumamit ng iba’t ibang mga taktika na mas matindi, mas brutal, mas malawak kaysa sinundan, lahat sa gabay at suporta ng imperyalismong US.
Ang pakikidigmang gerilya ay taktika ng buong sambayanan, hindi lamang ng hukbong bayan. Ilang ulit mang mas malaki o mas malakas ang pasistang halimaw, hindi nito matatagalan ang ilanlibong kagat ng mapupulang hantik. Walang pwersa ng kaaway ang makasasagka sa pagsulong ng digmang bayan. Sa mahigpit na pagkakaisa ng masa at ng hukbong bayan, yugtu-yugtong susulong ang matagalang digmang bayan sa Pilipinas, makapag-iipon ng lakas sa kanayunan hanggang kaya na nitong lupigin ang kalunsuran. Napatunayan sa kasaysayan ng mga bansang nagtagumpay ang digmang bayan kung papaanong ang digmang bayan ay nagtagumpay bilang isang pangmasang kilusang pampulitika na isinasabalikat ng milyun-milyong mamamayan, sa pamamagitan pangunahin ng armadong pakikibaka, kasabay at sinusuportahan ng lahat ng anyo ng pakikibaka.
Paulit-ulit na napatunayan ng BHB na sa pamamagitan ng paggamit ng hukbo at ng masa ng mga taktikang gerilya ng konsentrasyon, dispersal at paglilipat—pagpapakita sa Silangan at pagbira sa Kanluran, pagpapasuntok sa hangin ng kaaway, pagbira sa likuran ng kaaway, pagbira sa mahina at nahihiwalay na bahagi ng kaaway, at iba pa—gaanuman kalaki, katagal at kabangis ang mga kampanya ng unti-unting pagkubkob at paglipol, kaya itong biguin ng BHB, at sa proseso ay magagawang magpalawak at magpalakas. Paulit-ulit din na napatunayan sa negatibong karanasan na anumang pagluwag sa mga prinsipyo at taktikang gerilya—pagbitaw sa inisyatiba at pagpapasibo, wala sa panahong konsentrasyon, pagkukutang-bundok, self-constriction at iba pang kahinaan—ay humahantong sa mga pinsala kundi man pagkalipol ng ilang bahagi.
Dumanas man ng maliliit at malalaking pinsala ang BHB sa nakaraan, nagagawa nito na muling sumulong at magpalakas sa pamamagitan ng pagbabalik sa pundasyon ng mga saligang prinsipyong inilatag ng Partido. Sa gabay ng Marxismo-Leninismo-Maoismo, inilunsad natin ang kilusang pagwawasto noong 2023 sa layuning lagumin at humalaw ng mga aral mula sa mga dinanas na pinsala at pag-atras bunga ng mga internal na kahinaan sa pagsulong ng digmang bayan at pagharap sa kontra-rebolusyonaryong opensiba ng kaaway. Sa proseso ay pinahihigpit natin ang ating gagap sa mga saligang prinsipyo at iwinawaksi ang maling mga kalakaran sa nakaraan. Mula noon ay isinagawa natin ang kinakailangang pagbabago sa mga pamamaraan ng gerilyang pagkilos ng hukbong bayan sa layuning pahigpitin ang ugnayan at pagkakaisa ng hukbong bayan at masa, palawakin at palakasin ang BHB, panatilihing bulag at bingi ang kaaway, biguin ang kanyang malalaking operasyon ng pagdumog, at gulantangin ito ng hindi inaasahang mga taktikal na opensiba at aksyong gerilya.
Sa kasalukuyang yugto ng digmang bayan, dapat nating ipagpatuloy ang pagsusulong ng malaganap at masinsing pakikidigmang gerilya sa batayan na papalapad at papalalim na baseng masa. Upang magawa ito, kailangang isulong natin ang malalawak na pakikibakang pampulitika at armado, kaakibat ang tungkulin na lahatang-panig na palakasin ang Partido at ang hukbo, ang mga organisasyong masa, mga organo ng kapangyarihang pampulitika at ang mga yunit ng milisyang bayan at pangkat pananggol-sa-sarili ng masa.
Susi sa lahat ng ito ang pagpapalakas ng Partido. Dapat ibayong palakasin ang pag-aaral sa Marxismo-Leninismo-Maoismo, sa mga batayang prinsipyo ng Partido, at paggamit sa mga ito sa pag-aaaral sa kongkretong sitwasyon at pagtupad ng mga praktikal na rebolusyonaryong tungkulin. Dapat patuloy na palalimin ang kilusang pagwawasto sa pamamagitan ng paglalagom at pagtatasa para iwaksi ang empirisismo at dogmatismo sa ideolohiya, mga anyo ng petiburges na suhetibismo sa pulitika, at ultrademokrasya at burukratismo sa organisasyon. Dapat ilang ulit nating palawakin ang Partido. Dapat nating itayo ang mga sangay ng Partido sa ilampung libong baryo, paaralan, pabrika at iba pang mataong sulok sa buong bansa, sa kalunsuran at kanayunan, upang tiyakin ang malawak at malalim na pamumuno ng Partido sa milyun-milyong mamamayan.
Sa kanayunan, dapat palawakin at palakasin ang Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid o PKM, at iba pang rebolusyonaryong samahang masa sa hanay ng mga kababaihan at kabataan, para pasiglahin ang mga pakikibakang antipyudal (pagpapababa sa upa sa lupa, pagpawi sa usura, pagtataas sa sahod, at pagbebenta sa makatwirang presyo sa mga produktong bukid). Dapat ding buuin ang mga rebolusyonaryong samahang masa sa hanay ng minoryang mamamayan para sa pagtatanggol ng karapatan sa lupang ninuno. Kaakibat nito ang malalawak na pakikibaka para ipagtanggol ang karapatan at kagalingan ng masang magsasaka laban sa pang-aagaw at pangangamkam ng lupa, pandarambong at pagwawasak sa kapaligiran, dayuhang panghihimasok militar, pasistang panunupil at pagpapataw ng mga patakaran ng batas militar at iba pang anyo ng pang-aapi.
Pinupukaw, inoorganisa at pinakikilos ng Partido ang masang magsasaka sa malawak na kanayunan. Sa loob ng mga sona at larangang gerilya, pangunahing bisig ng Partido ang hukbong bayan sa pag-oorganisa at pagpapakilos sa masa, kasabay ang pagsusulong ng armadong pakikibaka at pagpapalawak ng rebolusyonaryong baseng masa. Ang armadong pakikibaka ay sumusuporta sa mga pakikibaka ng masang magsasaka, mga mangingisda at iba pang maralita sa kanayunan. Ang BHB ang tanging kasangkapan nila laban sa mga armadong tauhan, maton, at mga pwersang paramilitar at militar na ginagamit ng naghaharing uri laban sa kanila. Dahil sa puspusang pagtatanggol sa kanila ng hukbong bayan, ang masang api ay nagsisilbing hindi natutuyong balon na pinagmumulan ng bagong mga Pulang mandirigma.
Sa kalunsuran, dapat patuloy na palawakin at palakasin ang rebolusyonaryong kilusan ng mga manggagawa, mala-manggagawa at mga kabataang intelektwal, gayundin ang iba pang sektor ng petiburgesyang lungsod. Binubuo at pinalalakas ang kanilang mga rebolusyonaryong organisasyong masang lihim at pinakikilos sila para sumuporta at lumahok sa armadong pakikibaka sa kanayunan. Kaakibat nito, pinamumunuan ng Partido ang kanilang mga demokratikong pakikibaka para ipagtanggol ang kanilang mga karapatan at kagalingan, habang masiglang pinalalahok sila sa malawak na mga pakikibaka laban sa pasismo, korapsyon, panghihimasok militar ng US, mga pahirap na patakarang dikta ng dayuhan, at iba pang mga usaping kinakaharap ng buong bayan.
Dapat tuluy-tuloy na palakasin ang National Democratic Front bilang alyansa ng mga rebolusyonaryong organisasyong masa. Ang NDF ang pinakakonsolidadong bahagi ng alyansa ng mga patriyotiko at demokratikong uri at sektor, na nagkakaisa sa batayan ng pagsusulong ng armadong pakikibaka. Sa batayan ng lakas ng BHB at ng NDF, maitatayo ang mga pansamantalang alyansa sa ilang bahagi ng naghaharing uri na kumikilala sa lakas ng rebolusyonaryong kilusan at handang makiisa sa iba’t ibang panahon at anyo. Sa kasalukuyan, binubuo natin ang pinakamalapad na nagkakaisang prente laban sa naghaharing pangkating Marcos at Duterte, na ngayo’y kapwa kumakatawan sa pinakareaksyunaryo at pinakapasistang paksyon ng naghaharing uri. Dapat ubos-kayang ihiwalay, labanan at patalsikin ang naghaharing rehimeng US-Marcos na pangunahing nagpapahirap at sumisiil sa bayan.
Sa gitna ng krisis ng naghaharing sistema na naghahatid ng walang kapantay na pagdurusa sa malawak na masa ng sambayanan, ibayong lumilinaw ang pangangailangang sumulong sa landas ng digmang bayan. Pinakamatingkad ito sa mga kabataan na naghahangad na baguhin ang sistema at itayo ang bagong kapalaran ng bansa. Mismong si Marcos, sa pamamagitan ng negatibong halimbawa, ang nagtutulak sa kanila na lumaban at tumangan ng sandata. Sa nagdaang taon, nakita natin ang paparaming mga kabataan, kapwa sa kanayunan at kalunsuran, na tumutugon sa panawagan na sumuporta at sumapi sa Bagong Hukbong Bayan. Tuluy-tuloy na nadadagdagan ng bagong dugo ang BHB na nagbibigay dito ng bagong sigla para sa pagsusulong ng armadong pakikibaka.
Buo ang determinasyon ng lahat ng yunit ng Bagong Hukbong Bayan, kasama ang mga yunit ng milisyang bayan, na ilunsad ang kakayanin nitong ipagtagumpay na mga taktikal na opensiba o aksyong gerilya laban sa mahina, pagod o nahihiwalay na mga yunit o elemento ng kaaway, para kunin ang kanilang mga sandata upang armasan ang bagong mga Pulang mandirigma. Target din ng BHB ang mga armadong tauhan ng mga despoktikong panginong maylupa na nandarahas sa masa. Dapat rin isagawa ang angkop na mga hakbangin para ipatupad ang hatol ng mga hukumang bayan laban sa mga pasistang pusakal at kriminal na ahente ng kaaway. Sa harap ng lumalaking mga sakuna sa klima, dapat ding kumilos ang BHB bilang tagapagtanggol ng kalikasan at isagawa ang mga aksyong gerilya laban sa mga mapandambong at mapanirang empresa.
Buo ang kapasyahan ng Partido at Bagong Hukbong Bayan na ubos-kayang isulong ang matagalang digmang bayan. Laluna ngayon sa harap ng tumitinding panggegera ng US na nagbabantang higupin ang buong mundo sa alimpuyo ng imperyalistang digmaan, napakahigpit ng pangangailangang ibayong pasiglahin ang digmang bayan upang tugunan ang sumisidhing paghahangad ng sambayanang Pilipino na makawala sa saklot ng imperyalismong US at makamit ang tunay na pambansang kalayaan at demokrasya.
Ang matagalang digmang bayan ay isang maliwanag na sulo na naghahatid ng liwanag at pag-asa sa sambayanang Pilipino, at nagsisilbing inspirasyon at huwaran para sa daan-daang milyong inaapi at pinagsasamantalahang mga manggagawa at magsasaka sa buong mundo. Ito ang dakilang ambag ng proletaryong Pilipino sa pandaigdigang pakikibaka para wakasan ang imperyalismo at isulong ang rebolusyon para kamtin ang kalayaan, demokrasya at sosyalismo.
Ibagsak ang imperyalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo!
Isulong ang demokratikong rebolusyong bayan!
Sumulong sa landas ng matagalang digmang bayan!
Mabuhay ang uring manggagawa at sambayanang Pilipino!
Iwagayway ang Pulang bandila ng armadong pakikibaka!
Mabuhay ang ika-57 anibersaryo ng Bagong Hukbong Bayan!
Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!