Higit na paghihirap at pagsasamantala ang napapala ng masang Ilokano sa dalawang taong paghahari ng rehimeng US-Marcos II
Kagaya ng pakay nito sa pag-agaw sa poder, ginugol ni Marcos Jr. ang dalawang taon sa higit na pagpapayaman ng kaniyang angkan, at ng pinagsisilbihan nitong malalaking burges-kumprador, panginoong maylupa at imperyalistang US. Dahilan upang lalong sumidhi ang kahirapan, pagsasamantala at pandarahas sa masa at higit pang pagyurak sa soberanya at kalayaan ng bayan sa nag-ibayong pagpapakatuta nito sa imperyalistang US.
Sa panunumbalik ng dinastiyang Marcos sa tuktok ng poder, pinatibay niya ang paghahari at pagpapayaman ng mga galamay nitong lokal na dinastiyang warlord sa Ilocos. Nananatili ang dinastiyang Ortega sa La Union na pinakamatagal na dinastiya sa buong Pilipinas, ang dinastiyang Singson sa Ilocos Sur, at ang mga Marcos na may hawak sa mga susing posisyon sa lokal na gubyerno ng Ilocos Norte hanggang sa pambansang antas.
Sa pakikipagsosyohan ng mga Marcos, napatibay pa ang monopolyo ng mga dayuhang kapitalista at malalaking burges-kumprador sa mga pinakamalalaking negosyo sa Ilocos, kabilang ang mga Ayala, Lopez at Aboitiz na may hawak sa negosyo ng renewable energy. Habang hinuhuthot ng mga malalaking kapitalistang ito ang rekurso sa enerhiya ng Ilocos at inaagaw ang lupang ninuno ng pambansang minorya ay nagbabayad ng napakamahal na serbisyo sa kuryente ang mamamayang Ilokano. Hawak naman ni Villar ang negosyo sa utiliti ng tubig, real estate at mga subdibisyon habang ang Universal Leaf Philippines Inc. ang may monopolyo sa industriya ng tabako.
Pinag-iibayo ng rehimeng Marcos Jr. ang neoliberal na patakaran ng pagpapalit-gamit ng lupa. Pinapapasahol nito ang kawalan ng lupa ng magsasaka sa Ilocos sa pang-aagaw ng malalaking kapitalistang kumpanya sa mga lupain para sa mga windmill at solar power projects, imprastruktura, diversion roads at expressway, turismo, minahan at iba pang negosyong inaakit ng rehimen sa ilalim ng programang North Luzon Growth Quadrangle. Ang mga malalaking negosyong mapanganib sa kabuhayan ng masa ay inilalagak ni Marcos Jr. sa Ilocos kagaya na lamang ng ispesyal na proyekto nitong offshore windmills na planong itayo sa Pangasinan, La Union at Ilocos Norte. Lalo pang hahadlang ito sa pangingisda ng libo-libong mangingisda sa rehiyon, na dati nang napagkakaitan ng mga patakarang nagtatakda ng limitadong perimetro ng kanilang puedeng pangisdaan.
Sa nakaraang dalawang taong pagtataguyod nito ng liberalisasyon sa agrikultura, nagpatuloy ang laganap at malakihang pagbagsak ng ani sa palay sa Ilocos na umaabot pa sa mahigit 50%. Ito ay sa mga kadahilanang tuloy-tuloy at mabilis na pagtaas ng gastusin sa pagsasaka, kasalatan ng patubig at sira-sirang irigasyon, mga di angkop at di-tumutubong binhing hybrid na inilalako ng mga malalaking kapitalista kasabwat ang DA, gayundin ang pananalasa ng mga peste. Ang mga magsasakang dati ay nakakasapat ang ani ay natutulak na ngayong bumili ng napakamahal na bigas.
Dahil sa palagiang nalulugi sa mapagsamantalang contract-growing, mataas na gastusin, bagsak na presyo at kinukurakot na subsidyo para dito, dumadami ang magsasakang umaayaw na sa pagtatanim ng tabako. Nitong taon, nagbigay ng insentibo sa mga nakaabot sa itinakdang kota, kaya nagmukhang itinaas ang presyo lagpas pa sa mahigit isang dekadang nang kahilingan na ₱128. Ngunit ang pakay nito ay akitin ang magsasaka na magpatuloy sa pagtatanim, upang tugunan ang pangangailangan ng mga monopolyo kapitalista sa suplay ng dahon ng tabako. Anu’t anupaman, hindi pa rin nakakabawi ang magsasaka sa ilang taong pagkakabaon sa utang at patuloy pa rin silang nalulugi dahil sa pagkatali sa mapagsamantalang bentahan ng tabako, sa mataas na upa sa lupa, usura at patuloy na pagtaas ng mga gastos sa produksyon at kabuhayan.
Dahil din sa ibayo pang pagsandig sa importasyon, patuloy na bumabagsak ang produksyon ng bawang at sibuyas at ang magsasakang Ilokano na nangungunang prodyuser ng mga ito sa buong bansa ay bumibili ngayon ng mahal na bawang at sibuyas.
Ilang araw bago ang kaniyang SONA, pumunta si Marcos Jr. sa Ilocos upang mamigay ng ayuda sa magsasaka. Nambola pa siya sa magsasaka dito na ang ayudang ito ay “pagkilala” niya sa sakripisyo ng mga magsasaka sa bansa. Ang galit na tugon ng magsasaka ay, “aanhin pa ang damo kung patay na ang kabayo?” o, “parang namigay ng abuloy sa patay.” Isang taon nang nananalasa ang El Niño at ang laki na ng nawala sa kabuhayan ng magsasaka, bakit ngayon lang magbibigay ng ayuda? Anumang pambobola ang kaniyang gawin, nagdudumilat ang kapabayaan ng rehimeng ito, lalo na sa pagtugon sa mga kalamidad kagaya ng El Niño. Sa kabila ng naideklarang babala dito, hindi ito seryosong pinaghandaan ng mga ahensya ng gubyerno. Sa Ilocos, nakakagalit ang pagwawalang-bahala ng mga lokal na gubyerno sa malawakan at malaking pinsala nito sa mga sakahan, pangisdaan at mga bukal, hindi seryosong inalam at pinagtatakpan pa ang aktwal na epekto nito sa kabuhayan ng mamamayan. Dahil dito ay hindi ipinamahagi ang sapat na pondong pambayad sa mga pinsala, pangsubsidyo sa produksyon at pang-ayuda sa mamamayan.
Sa pamumuno ni Marcos Jr. ay nakasayad pa rin ang sahod ng mga manggagawa at maliliit na empleyado. Sa Ilocos, ang itinakdang minimum wage sa agriculture ay ₱295/araw at sa non-agriculture ay ₱435 kada araw. Ang aktwal na tinatanggap ng mga manggagawang-bukid, manggagawa sa serbisyo at maliliit na empleyado ay nag-aabereyds sa ₱300-₱500/araw, samantalang ang arawang gastos ng 5-kataong pamilya sa rehiyon ay umabot na sa ₱1,118 noon pang Enero 2024.
Sa kabila ng pagmamayabang ng rehimen ng pagtaas sa tantos ng pagdami ng mayroong trabaho, ang katotohanan ay dumarami ang mamamayang Ilokano na walang istableng pinagkakakitaan. Noon pa mang 2022, naitala na ng Philippine Statistics Authority na sa buong pwersa ng paggawa sa rehiyon ay 32% ang walang trabaho. Sa 68% na sinasabing may trabaho, tiyak namang malaking bilang dito ay hindi istable at sumasahod ng mababa sa nakabubuhay na sahod. Malaking salik dito ang patuloy na pagbagsak ng kita sa pagsasaka at pagkawala ng lupang sakahin, kung kayat dumarami ang bumibitaw na sa pagsasaka at pinipiling mamasukan na lamang bilang karpintero at iba pang di-istableng pagkakakitaan. Dahil sa kontraktwalisasyon, walang katiyakan ang mga trabaho sa mga BPO, mall, fastfood chains, mga ospital at iba pang serbisyo at kahit mga upisina ng gubyerno. Samantala, ang mga drayber at opereytor ng dyip ay tumututol sa nakaambang pagpapatupad ng PUV modernization program.
Lalo pang pinagtitibay ng rehimeng Marcos Jr. ang pasismo ng estado sa pagpapaigting ng kampanya ng AFP-PNP-NTF-ELCAC sa pagdurog sa rebolusyonaryo at demokratikong kilusan ng mamamayang Ilokano. Kahit pa idineklarang “insurgency-free” na ang Ilocos, batid ng AFP na hindi pa natitibag ang mga larangang gerilya dito, kung kaya’t mas nagiging maigting ang kanilang mga operasyong kombat. Masahol dito ay idinadamay ang mga sibilyang komunidad kagaya na lamang ng pambobomba sa hangganan ng mga bayan ng Pilar, Abra at Sta. Maria, Ilocos Sur noong Abril 2.
Panatag na panatag ang dinastiyang Marcos at mga alipures nito sa paghahari at pagpapayaman sa Ilocos. Kauupo pa lamang ay ipinahayag na ng PNP at Philippine Marines na ang kanilang tungkulin sa Ilocos ay protektahan ang pamilyang Marcos at mga negosyo nila. Kung kayat nananatiling militarisado ang mga komunidad ng rehiyon. Nakakalat ang mga militar, pulis at mga ahenteng intelidyens sa kanayunan maging sa mga sentrong bayan. Nakapakat sila sa mga komunidad kung saan nakatayo at nagpapalawak ang mga renewable energy projects at sa mga komunidad na aktibo ang pagkilos ng masa at pinaghihinalaang base ng Pulang hukbo. Walang-puknat ang surveillance, harassment, red-tagging, illegal na pag-aresto at sapilitang pagpapasurender sa mga magsasaka, mangingisda, pambansang minorya, taong-simbahan at mga tagapagtaguyod ng karapatang pantao. Ipinapangalandakan ang pagbubuo ng mga asosasyon ng pekeng surenderi na labag sa kanilang karapatan.
Galak na galak ang imperyalistang US na ipinapagamit ni Marcos Jr. ang kaniyang bayan sa Ilocos bilang base ng kaniyang paghahanda sa gera sa karibal na imperyalistang China. Tutol man ang masa ay naglunsad sa Ilocos Norte ng mga Balikatan Exercises mula 2022. Noong Mayo 2024 ay idinaos sa probinsya ang pinakamalaking Balikatan Exercises at nagpatuloy ang mga ehersisyong militar dito hanggang Hunyo 21. Sa mga ehersisyong ito ay nagpasabog sila ng malalakas na kanyon at nagpailanlang ng mga rocket. Naligalig ang mamamayan sa probinsya at pinagbawalan ang mangingisda na pumalaot. Bago pa ito ay itinayo ang headquarters ng 4[th] Marine Brigade sa Burgos, Ilocos Norte na ginagamit ng US Marines bilang surveillance facility sa kilos ng China. Ipinuwesto din ng US Army Pacific Command sa probinsya ang isang ground-based na missile system na Typhon Mid-Range Capability na ginamit sa Balikatan Exercises. Sa pagpapagamit sa Ilocos Norte bilang base militar ng US, tahasang ipinapasubo ni Marcos Jr ang masang Ilokano sa alimpuyo ng nakaambang inter-imperyalistang gera sa Asya-Pasipiko na inuudyok ng kaniyang among imperyalistang US. Higit na nakakapoot ang lansakang pagpapaubaya sa kaniyang among imperyalistang US na apak-apakan ang soberanya at teritoryal na integridad ng bansa.
Pinipilit ng mga Marcos na hatakin at konsolidahin ang katapatan ng masang Ilokano sa kanilang dinastiya. Kapalit ng ₱3000, binibili nila ang “katapatang” ito sa panlilinlang sa mga Ilokano na pumaloob sa programa ng “Bagong Pilipinas,” na wala namang katuturan kundi panabing lamang sa pinatinding kahirapan, pagsasamantala at pagyurak sa karapatan ng mamamayan.
Binubulok na Pilipinas at hindi Bagong Pilipinas ang hatid ng rehimeng Marcos Jr. sa bayan. Lalo lamang nitong binubulok ang malapyudal at malakolonyal na katangian ng bansa sa pagpapaigting ng mga neoliberal na patakaran sa ekonomiya at pagpapakatuta sa imperyalistang US.
Ang masang Ilokano ay nararapat na tumipon sa sambayanang Pilipinong namumuhi kay Marcos Jr. upang labanan at yanigin ang paghahari nito. Kailangang ituloy-tuloy ang demokatikong kilusang masa sa paniningil sa mga kagyat na demanda sa sapat na ayuda at subsidyo sa produksyon, pondong pangkalamidad, pagpapababa sa presyo ng mga bilihin at serbisyo at pagtataas ng presyo ng produktong bukid, serbisyong patubig sa mga sakahan, pagpapatigil sa mga mapanirang proyekto at iba pang lehitimong kahingian ng masang magsasaka, mangingisda, pambansang minorya, manggagawa at lahat ng masang maralita.
Ang mamamayang Ilokano, higit sa lahat ay kailangang tumipon at sumuporta sa rebolusyonaryong armadong pakikibaka na siyang mapagpasyang yayanig sa paghahari ng rehimeng Marcos. Ang rebolusyonaryong base sa Ilocos ay nararapat na palakasin at palawakin sa pagtatayo, pagpapalakas at pagpapalawak ng mga rebolusyonaryong samahang masa at Bagong Hukbong Bayan (BHB). Ito ang mas mapagpasyang lulutas sa krisis ng bayan na lalong pinag-iibayo ng rehimeng Marcos Jr.