Hinggil sa naganap na pamamaril sa mga sibilyan sa Famy, Laguna ng 80th IBPA
Ang isinagawang operasyon ng 80th Infantry Battalion ng Armed Forces of the Philippines sa Barangay Bacong Sigsigan, Famy, Laguna noong Nobyembre 28, 2024 ay isa nanamang lantarang paglabag ng AFP sa mga internasyunal na kasunduan at karapatan ng mga sibilyan at bata.
Gamit ang mga matataas na kalibre ng baril, namaril ang mga berdugo sa gitna ng mga kabahayanan kung saan naroon ang presensya ng mga sibilyan, kabilang ang mga bata. Ayon din sa mga ulat, narinig ng mga residente na sumisigaw ang mga sundalo na “padapain ang mga bata” at “igapos” sila.
Ito ay malinaw na paglabag sa Geneva Convention na nagsasaad ng patakaran sa pagrespneto ng karapatan ng mga sibilyan sa panahon ng digmaan. Paglabag din ito sa Comprehensive Agreement on the Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL) na pinirmahan ng pamahalaan ng Republika ng Pilipinas at nagagarantiya sa mga karapatan ng mga sibilyan sa konteksto ng armadong pakikibaka ng AFP at NPA.
Dagdag pa rito, tiyak na nagdulot ng matinding trauma ang ganitong eksena sa mga residente ng Barangay Bacong Sigsigan, laluna sa mga bata na dapat ay pinoprotektahan ng reaksyunaryong estado.
Matagal nang kilala ang mersenaryong AFP bilang numero-unong tagapaglabag ng karapatan ng mamamayang Pilipino. Napakahaba na ng listahan ng mga kasalanan ng AFP sa buong rehiyon ng Timog Katagalugan. Dapat panagutin si Lt. Col. Mark Anthony Ruby ng 80th IBPA sa pamumuno niya sa kampanyang teror hindi lamang sa Laguna kundi pati sa mga karatig na komunidad sa Rizal at Quezon.
Kinukundena ng National Democratic Front of the Philippines Laguna at ng buong rebolusyonaryong kilusan ng Laguna ang kawalang-hiyaan ng AFP sa naganap na engkwentro. Pinapatunayan lamang nila mismo na hindi maaasahan ng mamamayang Lagunense ng isang bulok na hukbong nagsisilbi sa mga interes ng mga panginoong maylupa at malalaking burgesya komprador, at dapat silang isuka ng mamamayan at palayasin sa mga komunidad nila.
Matatandaan na sa nagdaang taon, tuloy-tuloy ang pagpakat ng militar sa mga bayan ng Pangil, Pakil, at Santa Maria sa tabing ng proteksyon at kontra-insurhensya. Sa katunayan, nakapwesto ang mga sundalong ito para protektahan ang mga malalaking proyektong imprastruktura sa lugar tulad ng Ahunan Dam sa Pakil. Nagsagawa rin ng kampanyang psy-war at teror ang mga sundalo sa mga komunidad para ipalaganap ang propaganda nilang “lipas na” ang demokratikong rebolusyong bayan at isinusuka ito ng mamamayang Lagunense.
Ngunit, lalong napapatunayan lamang na wasto ang maghimagsik laban sa tumitinding tiraniya ng estado. Magsilbi dapat itong paalala sa ating lahat na lubos na kinakailangan ng mamamayan ang tunay na hukbo ng sambayanan–ang Bagong Hukbong Bayan–para ipagtanggol ang kanilang interes at proteksyunan ang kanilang mga karapatan.
Lagunense, sumapi sa Bagong Hukbong Bayan! Biguin ang reaksyunarong estado at ipagtagumpay ang demokratikong rebolusyong bayan!