Ibangon at palakasin ang kilusang paggawa! Makibaka para sa nakabubuhay at makatarungang sahod, disenteng trabaho at makataong kundisyon sa paggawa!
Taas-kamao at rebolusyonaryong pagbati ang ipinaabot ng nakikibakang mamamayan ng Mindoro sa lahat ng manggagawa sa buong daigdig sa pagdiriwang ng Pandaigdigang Araw ng Paggawa!
Sa buong daigdig, ang Araw ng Paggawa ay panawagan para sa militanteng pagkilos laban sa makauring pagsasamantala. Ang makasaysayang pagkilos ng mga manggagawa para sa makatarungang sahod at makataong kundisyon sa mga pagawaan 123 taon na ang nakalipas ay hudyat ng panibagong antas ng pagtindig ng kanilang uri laban sa kapitalismo. Sa buong daigdig, ang Mayo Uno ay araw upang muling pagtibayin ang kapasyahang ipagtagumpay ang proletaryong rebolusyon na siyang magpapabagsak sa imperyalismo at magpapalaya sa sangkatauhan mula sa pagsasamantala at pang-aapi.
Sa malakolonyal at malapyudal na lipunang Pilipino, araw-araw na namumuhay ang mga manggagawang Pilipino sa kahirapan at kaapihan dulot ng napakababang pasahod ng imperyalismo’t kasabwat na mga malalaking burgesya-kumprador at burukrata-kapitalista. Kapalit ng walong oras o kadalasa’y lagpas pa nga sa walong oras na trabaho, tumatanggap ang milyun-milyong manggagawang Pilipino ng barya-baryang sahod at nakararanas ng mapang-abusong mga kundisyon ng paggawa.
Pinapalala ng mga neoliberal na patakaran ng gubyerno ni Ferdinand Marcos Jr. ang kalagayan ng mga manggagawa. Upang akitin ang dayuhang pamumuhunan, buung-buong ibinebenta ni Marcos Jr. ang mga manggagawa sa mga dayuhang korporasyon bilang murang mga kalakal. Ang gubyerno mismo ang nagpapahintulot sa mga kapitalista na ipako ang sahod ng mga manggagawa sa labis na napakababa at mapagsamantalang halaga.
Sa halos tatlong taong pagkaluklok ni Marcos Jr. bilang presidente, kailanma’y di natamasa ng mga manggagawa ang ipinangako niyang taas-sahod at pagpapababa ng presyo ng mga bilihin at serbisyo. Hindi na lang binibigo at pinapabayaan ng rehimeng Marcos Jr. ang mga manggagawa. Kapalit ang pagbubulsa rin ng bilyon-bilyon mula sa yamang nililikha ng mga manggagawa na siya namang hinuhuthot ng mga kapitalista, isinusubasta ni Marcos Jr. ang mga manggagawang Pilipino sa US at sa iba pang mga imperyalista gamit ang lubusang pagbuyangyang sa ekonomya ng bansa upang malayang makapasok ang mga dayuhang kapitalista at paigtingin ang kontrol ng mga ito sa produksyon at pamilihan. Binebenta rin ni Marcos Jr. ang mga Pilipino bilang Overseas Filipino Workers (OFW) sa mga dayuhan kapalit ng remittance na isa sa mga inaasahan ng kanyang gubyerno para pansamantalang agapan ang bangkaroteng ekonomya ng bansa. Sa ganitong paraan, isinasagad ng US at iba pang dayuhan ang pagsasamantala sa mga manggagawang Pilipino.
Sa kabila ng mga pakitang-taong pagtataas ng sahod, patuloy na lumalaki ang agwat sa pagitan ng sahod at ng gastos sa pamumuhay ng mamamayan. Sa isla ng Mindoro, itinakda ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang ₱404 – ₱430 na minimum wage o pinakamababang arawang sahod. Gayunman, para sa maraming Mindoreño, ₱200 – ₱350 lamang ang karaniwang sahod na natatanggap nila. Halimbawa sa kaso ng mga manggagawang bukid, tanging sa mga prutasan lamang sa norte at central ng Oriental Mindoro matatagpuan ang ₱400 – ₱450 na arawang sahod.
Dagdag na pasakit ang hungkag na wage rationalization na bumuwag sa pambansang minimum wage. Kung ikukumpara ang Mindoro sa Maynila, nasa ₱608-₱645 ang arawang sahod sa Maynila habang parehas o mas mahal pa nga ang presyo ng mga bilihin sa isla. Anu’t anuman, saanman sa bansa, lubhang malayo ang sahod ng mga manggagawa sa ₱1,213 na family living wage o ang halaga ng nakabubuhay na sahod para sa limang kataong pamilya. Habang walang awat ang pagtaas sa presyo ng mga bilihin na nagdudulot ng pagsadsad ng tunay na halaga ng sahod, dumarami rin ang bilang ng mga walang disenteng trabaho o wala na nga talagang trabaho.
Pangita ito sa Mindoro kung saan matingkad na matingkad ang kawalan ng industriya na sana’y pagmumulan ng trabaho para sa mga Mindoreño. Habang lumalala ang malakolonyal at malapyudal na krisis ng Pilipinas, nababansot lalo ang agrikultura at pagsasaka na ikinabubuhay ng kalakhang mga Mindoreño. Kung hindi nawawalan ng lupa ang mga magsasaka dahil sa pangangamkam, nagiging di produktibo naman ang lupa nila dahil sa napakamahal na gastos sa produksyon, taunang pagkalugi–lalo ngayong maya’t maya ang mga kalamidad dahil sa krisis sa klima at dahil sa lupit na dala ng militarisasyon sa isla. Tinutulak ng kahirapan sa pagsasaka ang mga Mindoreño na iwan ang pagsasaka para sa ibang hanap-buhay. At dahil sa wala namang industriya sa Mindoro, paparaming Mindoreño ang pumapatos sa mga impormal at pansamantalang mga trabaho kung saan lubhang mababa ang pasahod, walang kaseguruhan at wala silang proteksyon mula sa pang-aabuso.
Ang paglisan ng mga magsasakang Mindoreño sa kanilang lupa ay di nangangahulugang dumarami ang mga manggagawa sa isla, bagkus, idinudulot nito ang paglobo ng reserbang hukbo ng lakas-paggawa at ng mga mala-manggagawa sa isla–isang abnormal na katangiang likas sa malapyudalismo. At isang kalagayan na pabor sa mga kapitalista dahil lalo nitong itinutulak pababa ang sahod.
Habang bumubulusok lalo ang ekonomya ng Pilipinas sa ilalim ni Marcos Jr., pinasasahol ng mga naghaharing uri ang pananamantala sa mga manggagawa upang isalba ang kanilang mga negosyo at kapital sa hagupit ng krisis. Kasabay nito, mabilis na sinusupil at dinudurog ng AFP-PNP ang anumang porma ng pagkakaisa at paglaban ng mga manggagawa para sa kanilang mga karapatan upang tiyaking malayang makapagkakamal ng papalaking tubo at kita ang mga kapitalista. Ang lahat ng yugto at anyong ito ng pagsasamantala’t pang-aapi sa mga manggagawang Pilipino ay ikinukumpas ng US, bilang pinakamalaking kapitalistang kapangyarihan sa mundo, siyang binabagbag ng pinakamalalang krisis ng pagkaluging idinudulot ng labis-labis na produksyon ng kalakal.
Kung gayon, mahigpit na pangangailangan ang pagbangon ng kilusang paggawa mula sa paghina nito mula pa noong dekada ’80 nang nagsimula ang tila di mapigilang pagragasa ng neoliberalismo sa Pilipinas. Kinakailangang magkaisa ang mga manggagawa upang epektibong makipaggiitan at makipaglaban sa mga kapitalista. Aral mula sa kasaysayan na sa pamamagitan ng organisadong pagkilos at welga lamang matatapatan ng mga manggagawa ang mga kapitalista na ipinagtatanggol ng lubos na organisadong sistema ng pang-aapi–ang reaksyunaryong gubyerno at mga armadong pwersa nito.
Sa gabay ng kilusang pagwawasto, dapat sikapin ng mga pwersa ng rebolusyon na mag-aral at magbalik-aral sa kasaysayan ng pakikibaka ng kilusang paggawa sa Pilipinas at ang mga tagumpay na nakamit nito. Dapat tumungo sa mga lugar ng paggawa di lang upang pamunuan ang laban ng mga manggagawa para sa taas-sahod at iba pang pang-ekonomikong kahilingan kundi upang pag-aralan at itaguyod sa hanay ng mga manggagawa ang teorya ng Marxismo-Leninismo-Maoismo (MLM) na ibinunga ng daantaong pagsusulong proletaryong rebolusyon sa buong daigdig. Mula rito’y dapat itaas ang kamulatan, kapasyahan at kakayahan ng mga manggagawang Pilipino na mamuno di lamang sa sariling pakikibaka kundi sa pambuong demokratikong rebolusyong bayan sa Pilipinas na di ganap na magtatagumpay kung hindi pamumunuan ng uring manggagawa.
Sa isang malakolonyal, malapyudal na lipunan kung saan maliit na bahagi lamang ng populasyon ang manggagawa, may malaking pangangailangan na maidugsong ang pakikibaka ng uring magsasaka, iba’t ibang sektor ng mga mala-proletaryado at iba pang demokratikong uri at sektor upang palaparin ang hanay na nakikibaka laban sa imperyalismo, pyudalismo, burukrata kapitalismo sa pamumuno ng mga manggagawa.
Sa paggunita natin sa Araw ng Paggawa, kilalanin natin ang mga manggagawa bilang mayor na mga tagapaglikha ng yaman ng mundo. Kilalanin at manindigan tayo sa pamumuno ng uring manggagawa sa rebolusyonaryong pakikibaka ng mamamayang api sa Pilipinas at buong daigdig. Isulong at ipagtagumpay natin ang demokratikong rebolusyong bayan sa Pilipinas bilang dakilang ambag sa pagpapalaya sa lahat ng pinagsasamantalahan at inaapi ng imperyalismo!
Uring manggagawa, hukbong mapagpalaya!
Ibagsak ang imperyalismo, pyudalismo, burukrata kapitalismo!
Isulong ang demokratikong rebolusyong bayan na may sosyalistang perspektiba!