Pahayag

Inililihis ng PNP ang atensyon ng publiko sa papel ng militar at pulis sa pagdukot sa Tabaco

Ganap na itinatakwil at pinasusubalian ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ang walang batayang mga pahayag ng Philippine National Police (PNP) ilang araw na ang nakalipas na ang pagdukot at pagkawala ng dalawang aktibista sa Tabaco, Albay noong nakaraang Agosto ay bahagi ng kathang-isip na “pagpupurga” sa Bagong Hukbong Bayan.

Tinatangka ng panrehiyong direktor ng PNP sa Bicol na ikubli ang papel ng mga ahente ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at ng PNP mismo sa pagsasagawa ng ganitong karuwagang krimen. Ipinapakita rin nito na hindi sineseryoso ng pulis ang kasong ito at hindi nag-uusisa sa ebidensyang naisapubliko na (tulad ng pagtalunton sa direksyon at destinasyon ng sasakyang ginamit sa pagdukot).

Ang pagdukot sa Tabaco, Albay kay James Jazmines noong Agosto 23, at kay Felix Salaveria limang araw paglipas ay bahagi ng dumaraming kaso ng sapilitang pagkawala mula nang umupo sa poder si Marcos noong 2022. Sa loob lamang ng mahigit dalawang taon, hindi bababa sa 153 aktibista at rebolusyonaryo ang dinukot o iligal na inaresto ng mga ahente ng militar at pulis sa buong bansa. Sa mga ito, 43 ang nananatiling nawawala, kasama sina Jazmines at Salaveria.

Ipinakikita ng mga testimonya ng mga nakaligtas na ang layunin ng mga ahente ng estado sa isinasagawang mga pagdukot at pagkawala ay pilitin ang kanilang mga biktima na talikuran ang kanilang mga prinsipyo at pilitin silang “sumuko” o parusahan sila ng tortyur at kamatayan. Kinumpirma ito ng militar at pulisya sa pamamagitan ng pagpiprisinta sa publiko sa ilan sa mga biktima na diumano’y “sumuko” sa kanila.

Tinatangka ng PNP na ilayo ang pansin sa napakaliwanag na katotohanang ito sa pamamagitan pag-akusa sa PKP at BHB sa pinakabagong kaso sa Tabaco, Albay.

Pinananagot namin ang AFP at PNP sa responsibilidad nito sa pagdukot at pagkawala nina Jazmines at Salaveria. Kilala sila ng kanilang mga kaibigan at kasamahan bilang tapat sa pambansa-demokratikong layunin at adhikain ng mga inaapi at pinagsasamantalahang uri at sektor ng sambayanang Pilipino.

Nakikiisa kami sa mga kamag-anak, kaibigan, at mahal sa buhay nina James Jazmines at Felix Salaveria sa kahingian nilang agad silang ilitaw ng militar at pulis. Nakikiisa kami sa kanilang paghahanap. Nananawagan kami sa mga ahente ng militar at pulisya na may natitirang dangal at pagkilala sa katarungan na ibunyag ang kanilang nalalaman upang bigyang kalutasan ang kasuklam-suklam na krimeng ito.

Inililihis ng PNP ang atensyon ng publiko sa papel ng militar at pulis sa pagdukot sa Tabaco