Inuna pa ni Marcos Jr. ang karera ng mga kotse kaysa pagtugon sa karera ng pagtaas ng presyo ng petrolyo, pagkain, yutilidad at iba pang bilihin

,
This article is available in English


Nagpapatulinan sa pagsirit ang presyo ng mga produktong petrolyo, pagkain at iba pang mga batayang pangangailangan. Ngunit sa gitna nito, nasaan ang pangulong si Marcos Jr? Naroon sa Singapore at nagpapakasarap sa eksklusibo nilang akses ng kanyang pinsang si House Speaker Martin Romualdez sa Ferrari Formula One garage sa panahon ng Singapore Grand Prix. Pahinga umano nila ito mula sa dinaluhang 10th Asian Conference. Ang tanong ng taumbayan – ano naman ang ikinapagod ni Marcos Jr. at kailangan niyang magpahinga gayong wala namang ipinatutupad na solusyon ang kanyang rehimen para sa mga batayang suliranin ng masa? Kung mayroon mang dapat bigyan ng pahinga, ito ay ang sambayanang kailangan ng pahinga mula sa nakalulunod nang pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Sa loob lamang ng isang taon, umabot na sa 16 ang mga byahe sa ibang bansa ni Marcos Jr. Syempre pa, pera ng taumbayan ang ipinanggagastos niya sa mga byaheng ito. Ang mas masahol pa, para sa taong 2024, tumataginting na P1.4 bilyon ang hinihingi niyang pondo para sa mga galang itong agad namang pinagbigyan ng mga kapwa niya burukrata kapitalista samantala mariin naman nilang tinatanggihan ang pagsuspinde sa excise tax sa langis na magbibigay sana ng kahit kaunting ginhawa sa masa at babawas sa presyo ng petrolyo. Handa silang lumustay ng bilyun-bilyon para sa walang pakinabang na paglalamyerda ni Marcos Jr. pero ayaw nilang solusyunan ang problema sa sumisirit na presyo ng langis na tatlong buwan nang tuluy-tuloy na tumataas.

Gayundin, tinitipid ng rehimen at gusto pa ngang bawasan lalo ang pondo para sa ayuda sa masa. Liban sa pagpigil sa pamamahagi sa P18.3 bilyong pinangakong cash transfer noong nakaraang taon, nakatakda ring kaltasan ng P7.5 bilyon ang emergency assistance at P5.1 bilyon naman ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).

Ngayon, dagdag pa sa walang awat na pagtaas ng presyo ng mga pagkain, gamit at pangunahing pangangailangan ng masa, nakaamba rin ang pagtaas ng singil sa kuryente ng 50 sentimo kada kilowatt hour (kWh). Ngunit nakapako pa rin sa hindi nakabubuhay na halaga ang sahod ng mga manggagawa. Ang ipinagyayabang naman ng gubyernong umento sa sahod ay barya lamang at napakaliit kumpara sa halagang kailangan para mabuhay ang isang karaniwang pamilyang Pilipino. Sa Bikol, isa sa mga rehiyong hindi maaambunan ng dagdag-sahod, nananatili sa P365 ang arawang sahod samantala ang family living wage ay pumapatak na sa P1,127. Ang aktwal na sahod ng mga Bikolano ay ni wala pa sa kalahati ng kanilang pangangailangan.

Ang sadyang pagkamanhid ng rehimeng US-Marcos Jr. sa kahirapan at pagpapakasakit ng sambayanang Pilipino ay marka ng isang estadong walang pagpapahalaga sa kapakanan at interes ng mamamayan. Ang ganitong klaseng gubyernong sukdulan ang kasakiman at walang puso para sa taumbayan ay marapat lamang na itakwil at ubos-kayang labanan.

Inuna pa ni Marcos Jr. ang karera ng mga kotse kaysa pagtugon sa karera ng pagtaas ng presyo ng petrolyo, pagkain, yutilidad at iba pang bilihin