Pahayag

Itulak ang tuluyang pagpaparusa kay Rodrigo Duterte at pagdedemanda kay Ferdinand Marcos Jr sa mga krimen sa sangkatauhan! Isulong ang digmang bayan sa paglaban sa tiranya at pagkamit sa hustisya sa paglabag sa karapatang pantao!

Ipinagdiriwang natin ang Buwan ng Kababaihan ngayong Marso, sa gitna ng pagbubunyi ng sambayanang Pilipino sa pagkakadakip kay Rodrigo Duterte ng International Criminal Court upang managot sa kaniyang mga krimen laban sa sangkatauhan. Ang kaniyang pagkakadakip ay paunang tagumpay ng mamamayang Pilipino sa kanilang masikhay na pakikibaka upang maisakdal at mapanagot si Duterte, sa sistematiko at malaganap na ekstra-hudisyal na pamamaslang at paglabag sa karapatang pantao, sa pagpapatupad nito ng marahas na “all-out war” na kontra-droga at kontra-insurhensya.

Pinararangalan ng National Democratic Front (NDF)-Ilocos ang mga kaanak ng mga biktima sa mga krimen ni Rodrigo Duterte, ang mga tagapagtaguyod sa karapatang pantao kabilang ang mga demokratikong samahan ng mamamayan, mga abogado at simbahan na matapang, masigasig at hindi tumigil sa pagsusulong ng mga hudisyal na hakbang at proseso upang maihabla hanggang sa madakip si Duterte. Nagpupugay kami sa mamamayang walang kapaguran na nagpaalingawngaw ng kanilang sigaw upang kundenahin ang mga madudugong kampanya ng kaniyang rehimen at nagdemanda ng pagtigil sa mga ito. Sinasaluduhan din namin ang Bagong Hukbong Bayan na tuloy-tuloy na nagsulong ng armadong pakikibaka upang ipagtanggol ang masa laban sa tiranya ng rehimeng Duterte, at upang magkangipin ang kanilang pakikibaka. Lahat ng mga pakikibakang ito ay nag-ambag sa pagkakasukol ngayon ni Duterte. Muli nating ipagtirik ng kandila ang mga puo-puong libong biktima ng karahasan ng rehimeng Duterte, at ipanata ang pagsusulong ng pakikibaka para sa ganap na pagsisilbi ng hustisya sa kanila.

Sa pagkakamit ng paunang tagumpay na ito, nananawagan ang NDF-Ilocos sa mamamayang Ilokano na tumipon sa sambayanang Pilipino upang suportahan at itulak ang buong proseso ng pag-usig kay Duterte hanggang sa maparusahan ito at makamit ang hustisya sa kaniyang krimen sa sangkatauhan.

Hinding-hindi makakalimutan ng masang Pilipino, ang kahindik-hindik na pagyurak sa kanilang demokratiko at sibil na karapatan sa kaniyang todo gerang kontra-droga, gera laban sa rebolusyonaryong kilusan sa pamamagitan ng Oplan Kapayapaan at gera kontra-Moro sa pamamagitan ng marahas na pagdurog sa Marawi, sa mando ng imperyalistang US at ang pagpapataw ng Martial Law sa Mindanao noong 2017. Nagbanta siya na isabansa ang Martial Law. Hindi man upisyal na naipatupad ito, namayani ang batas militar sa buong bansa.

Pinag-ibayo ni Duterte ang kaniyang “all-out war” laban sa rebolusyonaryong kilusan at idinawit pa ang di-armado at demokratikong kilusan ng masa. Sa tabing ng kaniyang Oplan Kapayapaan, pinalaganap at pinaigting ang focused military operations, pambobomba, okupasyon at paghamlet sa mga komunidad, blokeyo sa kabuhayan ng masa at iba’t ibang porma ng militarisasyon sa kanayunan at ekstra-hudisyal na pamamaslang sa mga rebolusyonaryong pwersa, aktibista at mga pinaghihinalaan lamang na kasangkot sa rebolusyonaryong kilusan. Binuo ni Duterte ang kinamumuhiang NTF-Elcac upang isailalim ang buong makinarya ng estado sa militar na paghahari. Ipinatupad ang Anti-Terror Law upang kitilin ang demokratikong pakikibaka ng bayan.

Sa kaniyang Oplan Tokhang, bumuhos ang dugo sa mga kalsada at mga komunidad sa kalunsuran gayundin sa kanayunan. Nagpakalawa ng mga tila asong ulol na mga pulis at death squad na nagsagawa ng marahas, walang-puknat at malaganap na ekstra-hudisyal na pamamaslang, na nagpuntirya, kahit mga inosente at batang paslit. Kung kayat sa buong panahon ng panunungkulan niya bilang presidente mula 2016 hanggang 2019 ay umabot sa puong libo ang napaslang, at binalot ng teror ang buong bayan sa Oplan Tokhang.

Si Duterte ay pasistang tiraniko na naghari sa kumpas ng imperyalistang US. Siya ay asong ulol na pinakawalan ng kaniyang imperyalistang amo upang ipatupad ang kampanyang counter-insurgency nito sa Pilipinas, na nagresulta sa gabundok na krimen nito sa sangkatauhan.

Ang pakikibaka ng sambayanang Pilipino para sa hustisya ay hindi nagtatapos kay Duterte. Kasama si Duterte, si Ferdinand Marcos Jr., dating US President Joseph Biden at kasalukuyang US President Donald Trump ay inihabla din ng mamamayang Pilipino sa International People’s Tribunal sa mga krimen sa sangkatauhan o malaganap na paglabag sa International Humanitarian Law. Sa pagkakadakip ni Duterte, nagyayabang ngayon si Marcos na “hindi niya kailangang pumatay ng maraming tao sa paglaban sa droga.” Pero itinutuloy at pinag-iibayo pa niya ang mapang-api at marahas na kampanya sa pagdurog sa rebolusyonaryo at demokratikong kilusan ng mamamayan sa masugid na pagpapatupad nito ng Anti-Terror Law at NTF-Elcac, na nagreresulta sa nagpapatuloy at lumalaganap na ekstra-hudisyal na pamamaslang sa mga rebolusyonaryong pwersa, mga aktibista at mga inosenteng sibilyan, umiigting na militarisasyon at mga pambobomba sa kanayunan, maramihang pekeng pagpapasurender sa mga sibilyan, panggigipit at marami pang porma ng paniniil sa mamamayan. Sa panunungkulan ni Marcos ngayon, tumataas pa ang bilang at igting ng mga paglabag sa mga karapatang-pantao, at marami nang napapatay ang rehimeng ito.

Sa kahuli-hulihan, ang pagkakamit ng hustisya ay hindi nagtatapos sa pagsasakdal kina Duterte at Marcos, kundi sa pagsasakdal sa imperyalistang US na nagdidisenyo at nagdidikta sa mga pasistang kampanya sa Pilipinas at sa iba’t ibang panig ng mundo upang pagharian ang mga ito. Ang imperyalistang US ang pinakautak sa mga krimen sa sangkatauhan at numero unong salarin dito.

Ang pakikibaka ng sambayanang Pilipino sa pagsasakdal kay Duterte at Marcos ay nararapat na isulong at itaas sa antas ng digmang bayan upang durugin ang tinutuntungan nilang sistema ng pasismo ng estado at imperyalismo. Lagpas sa mga legal na proseso, ang armadong pakikibaka ang ultimong daan sa pagkakamit ng hustisya sa mga krimen sa karapatang pantao. Ang pang-aapi na idinudulot ng mga pasistang kampanya ng mga tiranikong rehimen ang nagpapasidhi sa galit ng mamamayan upang tahakin ang landas ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka at kamtin ang tunay na kapayapaan at hustisya.

Itulak ang tuluyang pagpaparusa kay Rodrigo Duterte at pagdedemanda kay Ferdinand Marcos Jr sa mga krimen sa sangkatauhan! Isulong ang digmang bayan sa paglaban sa tiranya at pagkamit sa hustisya sa paglabag sa karapatang pantao!