Kabataang Mangyan, iligal na inaresto, bininbin at pinalalabas na NPA surrenderee ng AFP-PNP MIMAROPA

,

Iligal na dinakip at pinalalabas na NPA surrenderee si Raffy “Pingping” Bago, isang kabataang Mangyan, ng pinagkumbinang pwersa ng AFP at PNP sa Brgy. Bonbon, Mansalay, Oriental Mindoro.

Papunta sa koprasan noong umaga ng Nobyembre 9 si Pingping, 19 taong gulang at isang kabataang estudyante, nang makasalubong niya ang nag-ooperasyong pwersa ng AFP-PNP MIMAROPA. Dito na siya iligal na dinakip at bininbin maghapon habang iniinteroga ng mga berdugong pwersa kahit malinaw na walang kasalanan o paglabag sa batas ang kabataan. Kinunan pa siya ng litrato ng mga sundalo at pulis.

Noong araw ding iyon, nakasalubong naman ng nag-ooperasyong sundalo at pulis ang iba pang katutubong Mangyan at ipinakita ng mga ito ang litrato ni Pingping na ipinangalandakan nilang NPA surrenderee. Kilala nila si Pingping at alam nilang hindi siya NPA ngunit dahil sa takot na pagbintangan din sila at saktan ay hindi na nakapangatwiran.

Ang ganitong klase ng pandarahas ng AFP at PNP-MIMAROPA at paglabag nito sa karapatang tao ng mamamayan ay patunay lamang na nagpapatuloy ang pasistang tradisyon at paghahasik ng teror ng mga reaksyunaryong pwersa sa ilalim ng ilehitimong rehimeng US-Marcos II hindi lamang sa mga katutubong Mangyan at Mindoreño, kundi maging sa iba pang panig ng bansa.###

Kabataang Mangyan, iligal na inaresto, bininbin at pinalalabas na NPA surrenderee ng AFP-PNP MIMAROPA