Karapatan ng sambayanang malaman kung saan napupunta ang kanilang pinagpagurang buwis

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English


Lubha nang pinalalabo at pinabababa ng mga personal na patutsada ni Sara Duterte ang usapin sa maanomalyang paggastos niya sa P125 milyong confidential funds ng OVP noong 2022. Ilinilihis niya ang atensyon ng publiko upang matakasan ang pagsusuri at imbestigasyon sa kanyang upisina. Taliwas sa nais palabasin ni Duterte at kanyang mga tagapagtanggol na kapwa burukrata kapitalista, hindi ito usapin sa pagitan lamang niya at ng mga katunggali niya sa pulitika. Higit sa lahat, ito ay usapin ng karapatan ng sambayanang Pilipinong malaman kung saan napupunta ang kanilang pinagpagurang buwis.

Dapat basagin ng malakas na pakikibakang masa ang arogansya ni Duterte at iba pang burukrata. Ang kaban ng bayan ay hindi nila personal na pitaka at hindi nila dapat ituring na ganoon. Ang perang kanilang winawaldas ay perang nagmula sa pawis at dugo ng mga magsasaka, manggagawa, empleyado at lahat ng karaniwang Pilipinong nagbabayad ng buwis. Pananagutan nilang ipaliwanag kung paano ito ginagastos at kung saan ito napupunta. Sa isang tunay na demokratikong lipunan, ang pangangailangan ng taumbayan ang dapat na nagdidikta sa alokasyon ng badyet hindi ang kapritso ng iilang mga naghahari-harian. Wala dapat eksklusibong kapangyarihan ang mga pulitikong kontrolin ang alokasyon nito.

Ngunit dahil malakolonyal at malapyudal ang lipunang Pilipino at huwad ang kasarinlan at demokrasya sa bansa, malaya ang mga bwitreng burukratang pagpakasasaan ang kabang bayan nang walang kinatatakutang batas. Tuwing nalalantad ang kanilang korapsyon at kasakiman, agad silang nagkakampihan at nagkakandarapa sa pagtatanggol ng isa’t isa. Binabali-baligtad nila ang mga batas ng reaksyunaryong estado upang pumabor sa kanilang makasariling interes.

Walang dudang ang tanging maaasahan ng sambayanang Pilipino upang matuldukan ang tahasang paglustay ng mga burukrata sa perang kanilang pinaghirapan ay ang wasakin ang kasalukuyang sistemang nagkakanlong sa mga linta at parasitikong burukrata kapitalista at iba pang naghaharing-uri at palitan ito ng panibago. Hindi matatapos ang siklo ng kasakimang ito ng naghaharing-uri hanggat hindi nababawi ng mamamayan mula sa kanila ang kapangyarihang pampulitika sa bansa. Hanggat nananatili ang malakolonyal at malapyudal na kairalan, hindi mauubos ang mga aroganteng parasitikong tulad ng mga Duterte, mga Marcos at mga Arroyo sampu ng iba pang katulad nilang walang awang sumasaid sa yaman ng bansa at sa sumisipsip sa dugo at pawis ng taumbayan. Marapat lamang na kilalanin ng sambayanan ang kanilang makauring pagkakaisa, lumahok sa demokratikong rebolusyong bayan at magpunyagi para sa pananagumpay ng inaapi’t pinagsasamantalahang mamamayan laban sa naghaharing uri.

Karapatan ng sambayanang malaman kung saan napupunta ang kanilang pinagpagurang buwis