Pahayag

Kundenahin ang AFP sa pagbinbin ng mga labi ni Susan Ritual

Mariing kinukundena ng Cesar Batralo Command-NPA-Laguna ang ginawang pagbinbin ng 2nd ID, 80th IBPA at PNP sa mga labi ng rebolusyonaryong martir na si Susan Ritual/Ka Gemma na nasawi sa Barangay Bacong Sigsigan, Famy, Laguna noong Nobyembre 28.

Halos tatlong araw na pinahirapan ang pamilya ni Ka Gemma sa ginawang pagkakait ng kanyang mga labi sa kanyang pamilya at pinananatili sa kustodiya ng pasistang AFP na mismong pumaslang sa kanya. Nagmistulang kampo ng mga miltar at pulis ang puneraryang kanyang pinaglalagakan. Ni ipasilip sa kaanak ay hindi pinahintulutan at sa halip ay ginipit at prinesyur ang kanyang kapatid na sumama sa mga pulis kahit labag sa kanilang kalooban para lamang makuha na nila ang mga labi ni Ka Gemma. Dagdag pa, nilinlang din ng 91st IB ang anak ng kapatid ni Ka Gemma upang sumama sa kanila mula Aurora patungong Famy upang ipresyur ang kanyang ama na pumayag na lamang sa kagustuhan ng mga militar na sa kanila sumama upang makuha ang mga labi ni Ka Gemma.

Ang pagtanggi na ibigay ang mga labi sa pamilya ni Ritual, di pagkilala sa desisyon ng pamilya para sa kanilang sariling kapasyahan na sla ang mag-uwi ng mga labi, pagbibinbin sa mga labi at gayundin ang pagbinbin sa disenteng libing ay tahasang labag sa Internasyunal na Makataong Batas at nagpapakita ng kawalang-respeto ng AFP sa dignidad ng mga labi ni Ritual.

Kinakasangkapan din ang LGU ng Famy sa pagkakait na ito gayong hindi pinahihintulutan ng LGU na hindi kasama ang kasundaluhan sa pagkuha ng mga nasabing labi. Hanggang sa kahuli-hulihan, walang paggalang ang AFP sa katauhan at mga prinsipyo’t paniniwala ni Susan Ritual bilang Komunista.

Ang pagbibinbin sa kanyang mga labi ay paghahadlang na kilalanin at pagpugayan si Ritual ng kanyang pamilya, mga kaibigan, kakilala at ng masa, sa isang pormal na libing bilang rebolusyonaryong martir ng sambayanan, at hindi isang terorista tulad ng nais ipinta ng pasistang AFP at rehimeng US-Marcos II. Sinasamantala ng AFP ang kustodiya na ito upang lapastangang iparada sa midya ang mga litrato ng bangkay ni Ritual at iprisinta siya bilang “amasona” at terorista na naghahasik ng kaguluhan sa halip na ang katotohanang lubusan niyang pag-aalay ng panahon at buhay para sa kapakanan ng mamamayan.

Patuloy na nagpapaabot ng pakikiramay ang Cesar Batralo Command sa pamilya ni Susan Ritual, martir ng sambayanang Pilipino. Samantala, dapat ilantad at kundenahin ang ginawang pambabastos ng AFP sa labi ni Ka Gemma at sa karapatan kanyang kaanak na malayang makuha ang mga labi at magdesisyon sa kung paano nila iuuwi ito.

Nananawagan naman kami sa mamamayan na suportahan ang pamilya ni Ritual upang tumindig at igiit ang karapatan nila sa mga labi ni Ka Gemma habang ito ay nakaburol. Na kahit nakaburol at pinatay na ng mga miltar ay walang galang na binabantayan pa rin nila ito na animo’y makababangon pa. Nanawagan din kami sa LGU na huwag magpakasangkapan sa paglapastangan na ginagawa ng AFP sa sarili nilang bakuran at sa halip ay panagutan at panigan ang mamamayan anuman ang kanilang paninindigang pampulitika bilang pagrespeto at pagkilala sa kanilang batayang karapatang-tao.

Ang pagkamartir ni Ka Gemma, katulad ng pagkamartir ng iba pang rebolusyonaryo, ay habambuhay na patunay ng pagpupunyagi ng mamamayan na baguhin ang lipunang Pilipino upang kamtin ang mas maaliwalas at makatarungang bukas. Sampal din ito sa mukha ng AFP na sinasabing hindi na makakatapak muli ang CPP-NPA sa Laguna at sa nakaraang deklarasyon nitong “insurgency-free” ang Laguna. Kahit kailan, hindi mahahadlangan ng AFP-PNP ang pagsusumikap ng CPP-NPA na maabot ang masa ng Laguna na naghihikahos sa problema sa kawalan ng lupa at mapanlinlang na mga reporma sa lupa.

Saklaw ang Famy, katulad ng iba pang bayan ng Laguna, ng PP 196 na naglalaman ng CARP at batayan ng hawak na CLOA ng maraming magsasaka at residente pero ilang dekada na rin itong sinasaklaw ng mga proyektong kakamkam sa mismong lupaing ito. May mga lupain ding hindi mapakinabangan ng mga magsasaka gayong sinasaklaw ng UP Land Grant at kinamkam na ng mga Panginoong May Lupa at Malaking Burgesya Kumprador tulad ni Atong Ang. Samantala, mabigat na pasanin din para sa mga magsasaka ang malaking gastos sa produksyon, lalo sa pagtatanim ng palay.

Dahil dito’y mataba ang lupa ng Famy at buong Laguna upang yumabong ang rebolusyonaryong kilusan at patuloy na pagsibulan ng bagong henerasyon ng mga rebolusyonaryong mamamayan at Pulang Hukbo.

Kundenahin ang AFP sa pagbinbin ng mga labi ni Susan Ritual