Pahayag

Lagunense, dakilain si Kasamang Jose Maria Sison, tanglaw ng rebolusyong Pilipino! Isulong ang demokratikong rebolusyon ng bayan!

Ginugunita natin ngayon ang ika-3 anibersaryo ng pagpanaw ni Kasamang Jose Maria Sison, Tagapangulong Tagapagtatag ng Partido Komunista ng Pilipinas, proletaryong rebolusyonaryo, internasyunalista, at bayani ng rebolusyong Pilipino. Hinding-hindi makakalimutan ng mamamayang Lagunense ang dakilang ambag ni Ka Joma sa daantaong hangarin ng sambayanang makamit ang ganap na paglaya ng bayan mula sa kuko ng imperyalismo, pyudalismo, at burukrata kapitalismo.

Bagama’t wala na ang katawang-lupa ni Ka Joma, nananatili pa rin ang kanyang diwa at mga aral. Hindi maipagkakaila na naging instrumental si Ka Joma at ang iba pang mga proletaryong rebolusyonaryo sa pag-abante ng praktika ng rebolusyong Pilipino. Hanggang ngayon, nananatiling wasto at napapanahon ang linya ng demokratikong rebolusyong bayan na may sosyalistang perspektiba bilang sagot sa kahirapang bunga ng malakolonyal at malapyudal na lipunang Pilipino.

Linapat ni Ka Joma ang siyensya ng Marxismo-Leninismo-Maoismo sa kongkretong kalagayan ng lipunang Pilipino at hinawan niya ang landas tungo sa paglaya. Sa Lipunan at Rebolusyong Pilipino, Makibaka para sa Pambansang Demokrasya, Ang Mga Partikular na Katangian ng ating Digmang Bayan, Mga Mahigpit Nating Tungkulin, at iba pa niyang mga sulatin, inilarawan niya ang programa ng pambansa-demokratikong rebolusyon na nagsilbi at nagpapatuloy na nagsisilbing gabay sa lahat ng rebolusyonaryong naghahangad na baguhin ang lipunan at makamit ang sosyalistang bukas.

Hindi nagmaliw kainlanman ang diwang rebolusyonaryo ni Ka Joma. Hindi naging balakid sa kanya ang pagkakulong, tortyur, at pagkadestyero sa Netherlands para paglingkuran ang sambayanang Pilipino. Mahigpit na pinanghawakan ni Ka Joma ang kawastuhan ng Marxismo sa kabila ng walang-humpay na pananalakay ng mga rebisyunistang taksil sa loob at labas ng Partido. Nakay Ka Joma ang prestihiyo ng isang rebolusyonaryong nasa unahan ng pakikibaka laban sa rebisyunismo, sa panahong walang sosyalistang kampong nakatindig sa mundo.

Habang nasa Netherlands, naging susing bahagi si Ka Joma sa usaping pangkapayapaan ng GRP at NDFP sa hangaring magkaroon ng makabuluhang lunas ang ugat ng armadong sigalot sa Pilipinas. Kinilala siya parehong panig, at maging ang mga ikatlong-panig na nagmamatyacg bilang seryoso sa pagkuha ng mga batayang karapatan ng mamamayan at sa pagkamit ng kapayapaan sa ating bansa.

Isinabuhay niya ang proletaryong internasyunalismo sa pamamagitan ng pakikipagkapatiran sa iba pang mga Partido Komunista at mga anti-imperyalistang organisasyon. Bilang Tagapangulong Tagapagtatag ng International League of People’s Struggle, naging bahagi siya ng pagbubuo ng isang matatag at malakas na prenteng anti-imperyalista sa buong daigdig. Gayumpaman, hindi niya nakaligtaan ang pagbibigay ng matalas na pagsusuri sa mga napapanahong isyu at nagbabagong kalagayan sa Pilipinas.

Kasama si Ka Joma sa hanay ng mga dakilang bayani ng rebolusyong Pilipino: ang mga Jose Rizal, Andres Bonifacio, Emilio Jacinto, Crisanto Evangelista, Felixberto Olalia, Roger Rosal, Melito Glor, at marami pang iba ng ating panahon. Maging sa pandaigdigang entablado, maningning ang pangalan niya kasama ang mga katulad nina Patrice Lumumba, Ho Chi Minh, Ibrahim Kaypakkaya, George Habash, at iba pang mga patriyotiko, anti-imperyalista, at komunistang bayani ng masang inaapi.

Marapat lamang na ipagpatuloy natin ang mga dakilang simulain ni kasamang Jose Maria Sison. Dapat nating patuloy na tahakin ang landas ng paglaya na unang hinawan ni Ka Joma. Tulad niya, maging mga masugid tayong mag-aaral ng lipunan at rebolusyong Pilipino, pursigido at walang takot sa pagsulong ng buhay-at-kamatayang pakikibaka, mapagkumbaba sa harap ng masa at mapagkasama sa lahat ng kaisa natin sa mithiing gapiin ang pangunahing kaaway ng sambayanan.

Mabuhay si Kasamang Jose Maria Sison!
Isulong ang demokratikong rebolusyong bayan hanggang sa tagumpay!

Lagunense, dakilain si Kasamang Jose Maria Sison, tanglaw ng rebolusyong Pilipino! Isulong ang demokratikong rebolusyon ng bayan!