Pahayag

Mabuhay ang ika-57 anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas! Mamamayang Lagunense, pamunuan ang pakikibaka at isulong ang demokratikong rebolusyon ng bayan!

Ipinapaabot ng National Democratic Front of the Philippines Laguna at ng lahat ng rebolusyonaryong organisasyong kaanib nito ang pagbati sa Partido Komunista ng Pilipinas sa ika-57 anibersaryo nito. Mabuhay at pagpupugay!

Sa loob ng 57 taon, tinanganan ng PKP ang istoriko at hindi maiiwasang papel ng pagrerebolusyon. Dala ang siyensya ng Marxismo-Leninismo-Maoismo, inilapat ng Partido ang mapagpalayang teorya ng proletaryado sa obehtibong kalagayan ng lipunang Pilipino, at dinala nito ang rebolusyong Pilipino tungo sa mas mataas na antas—ang antas ng demokratikong rebolusyong bayan na may sosyalistang perspektiba.

Sa okasyong ito, Pulang saludo at pinakamataas na pagpupugay ang binibigay ng lahat ng rebolusyonaryo sa Laguna kay kasamang Luis Jalandoni at kay kasamang Maria Malaya, mga haligi ng rebolusyong Pilipino na pumanaw at namartir ngayong taon. Gayundin, sinasaluduhan ng NDFP Laguna ang lahat ng mga martir na nagbuwis ng buhay sa marahas na pakikibaka para sa sambayanan; kabilang na sina Jordan “Ka RF” Mopon, Jomari “Ka Jonel” Palomar, Ka Kardo, Ising “Ka Mutya” Domingo, at Sandy “Ka Tau” Broncano. Nananatili kayong mga buhay na inspirasyon para sa sambayanang nakikibaka.

Binabati ng NDFP Laguna ang Partido sa nagpapatuloy na mahusay na pamumuno nito sa rebolusyong Pilipino. Saksi tayo sa kung paano patuloy na pinanghawakan ng Partido ang teorya ng Marxismo-Leninismo-Maoismo, ang paglapat nito sa praktika ng demokratikong rebolusyong bayan, at sa pagpapaunlad ng Partido bilang isang talibang organisasyon ng mga rebolusyonaryo. Sa kabila ng mga internal at eksternal na pagsubok, nanatiling tapat ang PKP sa mga prinsipyo nito at hindi nito binitawan ang tauspusong paglilingkod sa sambayanan.

Patuloy na pinapakita ng Partido ang pagiging seryoso nito sa paghawak sa tunay na interes ng masa sa pamamagitan ng paglunsad ng kilusang pagwawasto. Tapat nitong hinaharap ang sarili nitong mga kahinaan para maigpawan at magpaunlad. Sa sarili nitong pagtatasa, hindi pa napupuspos ng Partido ang pagwawasto, ngunit umaasa ang buong sambayanan na magpapatuloy ito nang buong sigla at walang pag-iimbot.

Sa ganitong diwa, patuloy na pinapaunlad ng Partido at ng mga kasapi nito ang kanilang teoretikal na pundasyon ng Marxismo-Leninismo-Maoismo. Nagpapatuloy ang kilusang pag-aaral sa Marxismo, kabilang na ang mga sulatin ng mga dakilang Komunistang guro, ni kasamang Jose Maria Sison, at mga iba pang mahahalagang sulating Marxista-Leninista-Maoista. Patuloy ring nagpapaunlad ang mga kasapi ng Partido sa panlipunang pagsisiyasat at pagsusuri sa uri upang matalas na matukoy ang mga pangunahing kontradiksyon ng lipunang Pilipino at wastong mapamunuan ang mga pakikibakang masa sa kanayunan at kalunsuran.

Sa ilalim ng kilusang pagwawasto, patuloy rin na winawaksi ng mga kasapi ng Partido ang mga kahinaan nito at kakulangan sa pag-ugat nito sa masa. Binabaka ng mga kasapi ang mga suhetibistang pag-iisip at pagsusuri; ang liberalismo sa sarili, sa masa at mga kasama; ang mga sakit ng konserbatismo, repormismo, ekonomismo, at ligalismo; at ang maluwag na disiplina at ultrademokrasya sa organisasyon. Sa ganitong diwa, patuloy na nagiging handa ang Partido para samantalahin ang napakapaborableng sitwasyon sa kasalukuyan para isulong ang demokratikong rebolusyon ng bayan.

Napakahalaga ngayon ng pamumuno ng Partido dahil sumasambulat ang matinding krisis sa loob at labas ng bansa. Hindi na kinakaya ng kasalukuyang malakolonyal at malapyudal na lipunan na mapanatili ang paghahari ng mga panginoong maylupa at malalaking burgesya komprador. Dumadausdos naman ang pandaigdigang sistemang kapitalista at mabilis na lumulundo tungo sa panibagong digmaan. Ang lahat ng ito ay mga eksternal na salik na nagiging paborable para sa pagsulong ng isang rebolusyon para sa paglaya mula sa imperyalismo, pyudalismo, at burukrata kapitalismo.

Sa antas-pambansa, naghihingalo na ang rehimeng US-Marcos II. Tuluyan nang bumulatlat ang matagal nang isyu ng korapsyon sa pamahalaan at nagresulta ito sa panibagong pagsikad ng kilusang masa. Pinangunahan ng kabataan ang mga malawakang protesta noong Setyembre 21 at Nobyembre 30, kasama ang mga manggagawa, magsasaka, maralita, at iba pang batayang sektor ng lipunan. Bagama’t pilit na pinapatahimik ni Marcos ang usapin ng korapsyon habang binubuhusan ng malamig na tubig ang nagpupuyos na galit ng sambayanan, patuloy na lumalawak ang malapad na kilusang anti-korapsyon habang lumalakas din ang panawagang patalsikin si Marcos at si Sara Duterte, kasabay ng pagtatayo ng isang national transition council bilang kapalit nila.

Kumakapit ngayon si Marcos sa imperyalismong US para mapahupa ang sitwasyon. Napilitan siyang isulong ang ilang mga repormang matagal nang hinihingi ng sambayanan, tulad ng pagbabawal sa mga political dynasty, pagkakaroon ng national minimum wage, at iba pang mga konsesyon. Bagama’t maganda pakinggan, sineguro pa rin ni Marcos na walang pangil ang mga panukalang ito at kostumbre lamang para maipakitang “galit” sa korapsyon si Marcos. Ngunit alam ng lahat na si Marcos mismo ang pangunahing mukha sa likod ng korapsyon; siya ang ulo ng sindikato sa pamaalaan at ang hari ng katiwalian.

Nagpapatuloy pa rin ang suporta ng imperyalismong US sa paksyon ni Marcos. Nagsisilbi pa rin siya bilang maamong tuta ni Donald Trump at ang Pilipinas bilang maaasahang bala sa kanyong tinututok ngayon ng US laban sa China. Patuloy na nagtatapon ng pera si Marcos at ang US sa AFP sa ilalim ng huwad na modernization program nito, habang tahimik na dinadagdagan ng US ang presensyang militar nito sa bansa sa pamamagitan ng mga hindi deklaradong pasilidad na labas sa mga probisyon ng EDCA. Inatasan na rin ng US ang mga pulitikal na ahente nito sa Akbayan, Partido Liberal, at kilusang Kakampink na protektahan si Marcos at pumostura bilang “lehitimong” oposisyon, sa hangaring makapamuno sa kilusang anti-korapsyon at sa gayon, matanggalan ng hangin ito.

Sa Laguna, patuloy na sumisidhi ang malakolonyal at malapyudal na krisis ng lipunan. Tumitindi ang kahirapang dulot ng neoliberalismo at ng konsentrasyon ng yaman sa kamay ng mga iilang dinastiya, negosyante, at mga panginoong maylupa. Nakaamba ang malawakang pagpapalayas sa mga maralita sa tabing riles at baybay lawa ng probinsya, buhat ng programang modernisasyon ng PNR at ng Laguna Lakeshore Road Network – mga programang imprastrukturang pinopondohan ng dayuhang kapital at nagsisilbi para sa pagpapayaman ng mga dayuhang negosyante. Tuloy-tuloy ang kumbersyon ng lupang sakahan para gawing mga subdivison, engklabo, at pook komersyal at eko-turista. Nagpapatuloy ang mga proyektong “green energy” na sumisira sa kalikasan, tulad ng Ahunan Dam sa Pakil, mga windmill farm sa Paete, Kalayaan, Famy, at Siniloan, mga floating solar panel, at iba pa.

Lumalala ang krisis ng serbisyong panlipunan. Dumarami ang bilang ng mga kabataang walang maayos na akses sa edukasyon dahil sa kawalan ng pondo at pribatisasyon. Maraming maralita ang walang maayos na trabaho. Dumarami ang bilang ng mga maysakit na hindi nakakakuha ng maayos na serbisyong pangkalusugan. Bagama’t mandato ng estado na ibigay ang mga batayang serbisyong ito sa mamamayan, pinagkakaitan ang milyun-milyong Lagunense dahil sa korapsyon at lantarang pagnanakaw ng pondo.

Tumitindi ang pasismo sa lalawigan. Patuloy na naghahasik ng lagim ang AFP, PNP, NTF-Elcac at ang iba pang mga galamay ng estado para puksain kapwa ang rebolusyonaryong kilusan at ang demokratikong kilusang masa. Pilit nitong hinahanay ang mga unyonista, lider-kabataan, lider-komunidad, manggagawang pangkultura, taong-simbahan, mga progresibong pulitiko, at iba pa sa mga rebolusyonaryong naglulunsad ng makatarungang armadong pakikibaka sa kanayunan. Walang humpay ang red-tagging, paninindak, paniniktik, at pagpataw ng mga gawa-gawang kaso sa mga nakikibaka para sa mga demokratikong karapatan ng mamamayan. Sa kanayunan, nagpapatuloy ang militarisasyon sa mga komunidad para ipagtanggol ang mga proyektong imprastruktura, sa tabing ng “pagsugpo sa insurhensya,” kahit na kasabay na sinasabi ng estado na nasa “patalong landas” na ang rebolusyon. Nahuhuli sa bibig ang mga sinungaling.

Sa ganitong kalagayan, nagiging wasto lamang para sa mamamayang Lagunense na lumahok sa demokratikong rebolusyon ng bayan at isulong ang digmang bayan. Walang ibang solusyon sa ating krisis bukod sa paglansag sa kasalukuyang mapang-aping sistema at ang pagtatag ng lipunang malaya sa pagsasamantala. Makakamit lamang natin ito sa pamamagitan ng paglahok sa rebolusyonaryong pakikibaka, kapwa sa kanayunan at sa kalunsuran.

Hamon sa lahat ng Lagunense ngayon na itaas ang Pulang bandila ng rebolusyon at lumahok sa matagalang digmang bayan. Nananawagan ang NDFP Laguna sa lahat ng mga kaanib na rebolusyonaryong organisasyon nito na tupdin ang panawagan ng PKP na palakasin ang Bagong Hukbong Bayan bilang tunay na hukbo ng sambayanan. Sa lahat ng mga balangay at kasapi sa kalunsuran, dapat tayong dumaluyong sa kanayunan at lumahok sa armadong pakikibaka. Nananatili ang armadong pakikibaka sa kanayunan bilang pangunahing porma ng rebolusyon dahil direktang tumutugon ito sa pangangailangan ng masang magsasaka habang binubuo nito ang Pulang kapangyarihan kung saan mahina ang pwersa ang reaksyunaryong estado. Nananatili ang Laguna bilang estratehikong pook-lunsaran ng pakikidigmang gerilya. Dapat natin suportahan at palakasin ang ating hukbo.

Sa mga balangay sa kanayunan, dapat natin buong-giting na harapin ang hamon ng pagsuporta sa armadong pakikibaka, ang pagsulong ng rebolusyong agraryo, at ang pagtatayo ng Pulang kapangyarihan. Kasama ang Partido at Hukbo, dapat natin pagbuklurin ang masa sa kanayunan para maarmasan sila sa pag-aagaw ng kapangyarihang pampulitika para sa sarili nila. Dapat natin ituon ang pansin tungo sa pagpapalakas ng demokratikong gubyernong bayan, sa pagkamit ng mga minimum at maksimum na tagumpay ng rebolusyong agraryo, at sa pagpapalakas at pagpapalawak ng BHB.

Nananatiling determinado ang Partido na pamunuan ang rebolusyong Pilipino hanggang sa tagumpay ng demokratikong rebolusyong bayan, pagtatag ng isang sosyalistang lipunan, hanggang sa ultimong hangarin ng pagpawi ng lahat ng uri at pagsasamantala at sa pagkamit ng isang komunistang lipunan. Kung kaya’t dapat maging determinado rin tayong suportahan ang PKP sa kasalukuyang yugto ng rebolusyon hanggang sa pinakadulo nito. Ubos-kaya nating ibigay ang lahat para sa pagsulong ng digmang bayan, sa tagumpay ng rebolusyong Pilipino, at sa paglaya mula sa mga kuko ng imperyalismo, pyudalismo, at burukrata kapitalismo. Kasama ang Partido, bagtasin natin ang landas ng paglaya hanggang sa tagumpay.

Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!
Mamamayang Lagunense, pag-aralan ng lipunan, sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!
Isulong ang demokratikong rebolusyon ng bayan hanggang sa tagumpay!

Mabuhay ang ika-57 anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas! Mamamayang Lagunense, pamunuan ang pakikibaka at isulong ang demokratikong rebolusyon ng bayan!