Magkaisa at determinadong ipaglaban ang karapatan sa tubig, kabuhayan, buhay, at likas-yaman!
Nakikiisa ang buong rebolusyonaryong mamamayan ng Mindoro sa paggunita noong ika-28 Pandaigdigang Araw ng Pagkilos para sa mga Ilog, at sa mga kilos protesta at mga paglaban na inilulunsad ng mamamayan sa buong daigdig laban sa mapaminsalang dambuhalang mga dam, pandarambong sa kalikasan at upang ipagtanggol ang karapatan sa buhay at likas yaman ng mamamayan. Ang Pandaigdigang Araw ng Pagkilos para sa mga Ilog, na dati ay tinatawag na Pandaigdigang Araw laban sa mga Dam at para sa Ilog, Tubig at Buhay, ay sinimulan noong 27 Marso 1997 sa Curitiba, Brazil matapos ang Unang Pandaigdigang Pagpupulong ng mga Mamamayang Apektado ng mga Dam na dinaluhan ng mga kinatawan mula sa 20 bansa kabilang ang Taiwan, Brazil, Chile, Lesotho, Argentina, Thailand, Russia, France, Switzerland at US. Itinulak ito ng mga aktibistang pangkalikasan mula sa Brazil bunga ng serye ng pagtatayo ng mga dam sa kanilang bansa noong dekada 1990 sa saklaw ng Amazon Rainforest na nagdulot ng malawakang pagpapalayas sa mga pamayanan ng mga magsasaka at katutubo, at pagkawala ng kanilang mga kabuhayan. Taun-taon itong ipinagdiriwang ng papalaki-ng-papalaking bilang ng mga mamamayan, mga organisasyon at mga institusyong siyentipiko, lalong higit sa mga kolonya at malakolonyang bansa ng imperyalismo. Pagpapakita ito ng paglaban ng mamamayan ng buong daigdig sa imperyalistang pandarambong ng mga dambuhalang kumpanyang karaniwang pinagmamay-arian ng mga imperyalistang bansa kagaya US, UK, mga bansang saklaw ng European Union, Japan at China. Noong nakaraang taon, naitala ang mahigit 100 pagkilos sa mahigit 40 bansa kabilang ang mga lugar sa panabihan ng Mississippi River sa US, Rios Cachoeira do Sucupira sa Brazil, River Ethiope sa Nigeria, Zambezi River in Mozambique, Austria, Bulgaria, Iran, India, Bangladesh, Myanmar, Cambodia, Japan, Fiji at Pilipinas.
Itinampok sa mga pagkilos ang panawagan para sa hustisyang panlipunan at paglaban sa imperyalistang pandarambong sa kalikasan. Layunin din na patampukin ang karapatan ng mamamayan sa tubig at sanitasyon na nakasaad sa Article 11 ng United Nations International Covenant on Economic, Social and Cultural Rights. Nakasaad dito na karapatan ng mamamayang magkaroon ng sapat at ligtas na suplay ng tubig na ligtas at katanggap-tanggap ang pinagkukuhanan.
Isang mahalagang bahagi ng rebolusyonaryong paglaban ng mamamayan ang pakikibaka laban sa mga dambuhalang kumpanyang dayuhan na nandarambong sa likas na yaman ng Pilipinas at pumipinsala sa buhay at kabuhayan ng mamamayan. Partikular sa mga dam, pinatunayan ng mga siyentipikong pag-aaral ng mga pambansa at pandaigdigang mga organisasyong makakalikasan at insitusyong siyentipiko ang mapaminsalang epekto nito sa kalikasan at sa mamamayan. Ilan sa mga halimbawa ng mga negatibong epekto nito ang pagpapabilis sa pagguho ng lupa sa mga panabihang ilog, pagkasira ng natural na ecosystem ng mga ilog, gubat at kabundukan dulot ng pag-abala sa natural na daloy ng tubig, siltation o pag-akumula ng banlik, pagkasira ng natural na mineral cycle ng lupa, at kabuuang pagbaba ng kalidad ng tubig bunsod ng mga nauna. Liban sa mga ito, ang pagtatayo ng mga dambuhalang dam ay sadyang nagbubunsod ng malawakang pagpapalayas sa mga mamamayan at pagkawala ng kanilang kabuhayan sa bisinidad ng istruktura. Pangunahing nabibiktima nito ang mga magsasaka at katutubo. Ang pagkakaroon din ng dam ay nagsasapanganib sa buhay ng mga mamamayan sa paligid nito lalo ang mga nasa baba ng dam na pamalagiang nasa bingit ng kamatayan sa tuwing may bagyo o panahon ng tag-ulan kapag naoobligang magpakawala ng malaking bolyum ng tubig ang mga dam na nagdudulot ng malawakang pagbaha. Pamalagian din ang posibilidad ng tuluyang pagkasira ng mga dam bunsod ng iba’t ibang mga salik katulad ng mga kalamidad na maaaring magdulot ng pagpalpak ng istruktura nito. Mula 2000 hanggang 2009, may mahigit 200 insidente ng pagkawasak ng mga dam sa buong daigdig. Ang pinakamalaking kalamidad na idinulot ng pagpalpak ng istruktura ng dam ay naitala sa Zhumadian, China noong 1975 nang mawasak ang mga dam ng Banqiao at Shimantan bunsod ng grabeng pag-apaw nito sa gitna ng Bagyong Nina. Mahigit 171,000 katao ang namatay sa naturang kalamidad habang 11 milyon ang nawalan ng tirahan at kabuhayan.
Hindi na bago ang mamamayang Pilipino sa pinsalang dulot ng mga dambuhalang dam. Ang Angat-Ipo-La Mesa water system na binubuo ng tatlong pinakamalalaking dam sa bansa at nagsusuplay ng tubig sa Metro Manila ang siya ring dahilan ng malawakang pagbaha rito sa tuwing magpapakawala ang mga ito ng tubig kapag may bagyo o sa kasagsagan ng tag-ulan. Kapareho ang karanasan, sanhi ng mga pagbaha ang Wawa-Violago Dam sa lunsod ng Antipolo at mga bayan ng San Mateo at Montalban sa Rizal, at Inabasan River Dam sa San Teodoro sa unang distrito ng Oriental Mindoro. Tampok naman ang matinding pagguho ng lupa sa mga kabundukang saklaw ng Ambuklao at Binga Dam sa Cordillera, at Caliraya Dam sa Lumban at Cavinti, Laguna. Ang huli ang nagdudulot ng malakihang akumulasyon ng banlik at pagkasira ng natural na ecosystem ng Laguna de Bay. Malawakang pagpapalayas naman sa mga Dumagat-Remontado ang idudulot ng nakaambang konstruksyon ng Kaliwa-Kanan Dam sa North Quezon at Laiban Dam sa Rizal, kapwa saklaw ng Sierra Madre Mountain Range at krusyal na bahagi ng mga kaakibat na watershed dito.
Sa Mindoro, panibagong banta sa mamamayan ang planong pagtatayo ng dam sa mga ilog ng Kayakyan at Busuanga sa hangganan ng San Jose at Rizal, Occidental Mindoro. Mayor na komponente ito ng Lipitan Small Reservoir Project. Tinatayang nasa 1,400 na katutubong Mangyan-Buhid ang direktang mapapalayas ng naturang proyekto habang 40,000 ang kabuuang apektado sa walong barangay ng dalawang bayan. Sangkot sa naturang proyekto ang Engineering and Development Corporation of the Philippines (EDCOP). Isa ito sa mga korporasyong kasosyo ng Ormin Power Incorporated (OPI), pagmamay-ari ng kapitalista sa enerhiya na si Jolly L. Ting, sa konstruksyon ng Inabasan River Dam. Ayon sa mga katutubo, nakalaan ang pagtatayo ng dam na ito hindi para sa mga katutubo at mamamayan kundi para lamang sa pangangailangan ng kuryente ng dayuhang minahan para sa natural gas na nakatakdang itayo dito. Bagamat may pauna nang pagtutol sa proyekto ang katutubo at magsasaka sa mga eryang apektado, dapat pang lubusin ang pagkakaisa at paglaban ng mamamayan sa naturang proyekto at iba pang mapaminsalang proyekto ng mga dambuhalang korporasyong dayuhan sa buong Mindoro.
Dapat iugnay ang mga paglaban na ito sa antipyudal na paglaban ng masang magsasaka, sa pagtatanggol sa lupang ninuno ng mga katutubong mamamayan, sa paglaban sa pasismo at pagtatanggol sa karapatang-tao, at sa pangkabuuang pakikibaka sa Mindoro at sa buong bansa. Kamtin ang pinakamalawak na pagkakaisa at determinasyon ng mamamayan upang lubos na magtagumpay. Gawing inspirasyon ang mga lider-masang bayani na nanguna sa mga tampok na pakikibakang-masa laban sa dam kagaya nina Macli-ing Dulag, pangat ng tribung Butbut sa Kalinga na nanguna sa paglaban sa Chico River Dam Project, at Nicanor Delos Santos, lider-Dumagat na namuno sa paglaban sa pagtatayo ng Laiban Dam, hanggang sa karumal-dumal na pagpaslang sa kanila ng mga pasistang armadong pwersa ng reaksyunaryong gubyerno.