Pahayag

Makasaysayang kontrol ng Imperyalistang US sa Militar ng Pilipinas at Task force Ayungin sa West Philippine Sea

, ,

Hindi na bago ang mga pakanang panghihimasok at pakikialam ng imperyalsitang US sa usapin sa ekonomiya, politika, militar, kultura at ugnayang panlabas ng bansa. Mula nang maging malakolonya ng imperyalistang US ang Pilipinas, pinatigas nito ang kontrol sa militar. Patunay rito ang Military Bases Agreement (MBA) na isinabatas noong Marso 14, 1947, kasunod ang Military Assistance Agreement, kasunduang nagtayo ng Joint United States Military Advisory Group (JUSMAG). Instrumento ito ng pagkatali ng militar sa amo nilang US.

Nananatili pa rin ang Mutual Defense Treaty (MDT) ng 1951 para sa presensyang militar na ginamit ng magkakasunod na rehimen kahit napatalsik na ang kasunduang maka-Amerikano na MBA. Noong 1998, pinagtibay ang Visiting Forces Agreement (VFA) para bigyang daan ang paglalabas-masok ng mga tropang Amerikano sa bansa. Matapos magkabisa ay dumalas, ang mga pagsasanay militar sa pagitan ng US at mga kalyadong bansa sa tabing ng mga pagsasanib na pagsasanay, ayudang humanitarian, at operasyong sibil-miltar.

Noong 2002, sinimulan ang muling permanenteng pagpupwesto ng mga tropang Amerikano sa Pilipinas. Pinirmahan noong taon na iyon ang Mutual Logistics Support Agreement para bigyang-daan ang mga “joint exercises” at iba pang aktibidad na pantabing sa mga mapanghimasok na operasyon ng US sa Pilipinas. Pagsapit ng 2003, pinirmahan ng noo’y rehimeng Arroyo ang Acquisition and Cross-Servicing Agreement (ACSA).

Sa tabing ng “gera kontra terorismo,” itinalaga ng US sa Pilipinas ang Joint Special Operations Task Force-Philippines o JSOTF-P. Ginamit ang VFA upang ipwesto ang daan-daang tropang Amerikano sa loob ng Camp Navarro sa Zamboanga City. Ginamit ito ng US na lunsaran ng panghihimasok sa mga operasyong kontra-gerilya sa Western Mindanao, pati na sa iba pang panig ng bansa. Nasangkot din ang US sa mga armadong operasyon sa Mamasapano noong 2015 at sa Marawi noong 2017.

Sa pakay na palawakin pa ang presensya ng mga tropang Amerikano sa Pilipinas, pinirmahan ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) noong Disyembre 2014 na nagpahintulot sa US na magdagdag ng mga base militar sa Pilipinas, sa ilalim ng diumano’y “agreed locations” o pinagkaisahang lugar, sa loob ng mga kampo militar ng AFP. Nasa balangkas ito ng tinaguriang “pivot to Asia” na idineklara ng US noong 2011 na may estratehikong layunin na palakasin ang hegemonya ng US sa rehiyon.

Naging tampok sa panahon ni Duterte ang retorikang anti-US sa layuning akitin ang suporta ng China, subalit napatunayang hanggang salita lamang ito. Si Duterte mismo ang nagsabi na “pera-pera” lang iyon para humingi ng mas malaking ayudang militar sa US. Tinapos ng US ang JSOTF-P noong 2016, pero noong 2017, sinimulan naman ang Operation Pacific Eagle-Philippines na nakapokus sa Western Mindanao at sumasaklaw sa sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Mula umupo si Marcos, dumami mula 5 tungong 17 ang base militar ng US, kabilang ang siyam na upisyal na pinagkasunduan sa ilalim ng EDCA, at hindi bababa sa walo pa sa mga hindi isinapubliko o lihim na mga lokasyon. Ginagamit ang mga base militar ng US ngayon para ipwesto ang mga sandata at mga tropang Amerikano kaakibat ng pinalakas na armadong presensya nito sa Japan at South Korea alinsunod sa kanyang Indo-Pacific Strategy para palibutan at hadlangan ang paglakas ng China.

Sa pinakahuling pagbisita ni Lloyd Austin III, hepe ng Tanggulang Pambansa ng Imperyalistang US, inamin na may Task Force Ayungin na binuo ang US na nakikialam sa mga balakin, pangalap ng paniktik at aktwal na operasyong militar ng Pilipinas sa balangkas ng General Security of Military Information Agreement (GSOMIA), ang pinakasariwang kasunduan militar ng Pilipinas at US. Kasunduan itong naglalayon ng walang hanggang pagbuyangyang ni Marcos Jr sa US ng buong paniktik pangseguridad at pangmilitar ng Pilipinas kapalit ng isang milyong dolyar na ayuda.

Ang pag-amin ni Austin ay kagyat na sinupurtahan ng mga US/CIA Boys na sina National Security Adviser Eduardo Año at Secretary ng Department of National Defense na si Gilbert Teodoro. Parehas ang tono nila na para umano sa inter-operatibility, humanitarian mission at pagbabahagi ng paniktik habang hindi sumasama sa mga aktwal na operasyon. Sukdulang kayabangan ito, dahil malaon ng ang tropang militar ng US ay nanghihimasok sa mga operasyon, na tuwirang pagyurak sa soberenya ng bansa.   

Taliwas sa ibang malaya at nagsasariling bansa, hindi dapat iasa sa mga imperyalista ang pagtugon sa kalamidad, hindi rin kayang tumbasan ng pinsalang dulot ng imperyalistang bansa ang pagkawasak ng buhay at ari-arian ng magsasaka at mamamayang Pilipino. Kinakailangang ilunsad ang demokratikong rebolusyong bayan upang makalaya sa imperyalismo. Ipatupad ang rebolusyong agraryo at pambansang industrialisasyon at pagpapatupad ng malaya at independyenteng patakarang panglabas, sa balangkas ng pambansa demokratikong rebolusyon. Kaganapan nito ang tagumpay ng pambansa demokratikong rebolusyon na may sosyalistang perspektiba.

Makasaysayang kontrol ng Imperyalistang US sa Militar ng Pilipinas at Task force Ayungin sa West Philippine Sea