Pahayag

Mensahe ng pakikiisa at pagbati sa magigiting, militante at walang kapagurang Aktibista at masa para sa pagpapatalsik kay Marcos Jr at Sara Duterte

,

Nangangatal sa takot, nginig ang tumbong ng pasista, magnanakaw at ilehitimong pangulo na si Marcos Jr. Pangita ang portipikadong paanan ng tulay ng Mendiola, ang lahat ng mga lansangan na papasok ng Malakanyang ay selyado ng may higit 17,000 libong pulis na nakapakat sa lahat ng lugar na may kilos protesta. Panay checkpoint ang AFP at PNP at pinapara ang mga raliyistang tutungo sa mga protesta ng kung anu-anong patakaran kagaya ng no permit-no rally, di pwedeng may takip sa mukha, bawal ang bag, mga kahoy na gamit para sa plakard at marami pa. Kontra mamamayang mga patakaran ito para busalan, takutin, idiskaril, papanghinain ng loob at pahupain ang militansya ng patuloy na lumalago at lumalaganap na kilusang protesta laban sa katiwalian at mga burukta kapitalista.

Sa Timog Katagalugan, ang mga jeepney at iba pang sasakyan na patungo sa mga protestang bayan ay dumanas rin ng nagkakailang checkpoint. Nangumpiska ang mga pulis ng lisensya ng pagmamaneho at idineklarang kolurum ang mga jeepney. Lahat ng ito ay pakana para lamang gipitin, kwartahan at takuting hindi na umulit ang mga jeepney operator at driver na muling maarkila sa mga pagkilos laban sa tiwali, magnanakaw at pasistang Marcos Jr. Sa Luneta, pinakita rin ng Manila’s Finest Police ang pagiging sunod-sunuran sa lokal na burukrata na si Isko Moreno, syempre, para humimod, manikluhod at maampiyasan ng mga mumo mula sa Malakanyang. Bandang huli, tila mga makapili na nagtuturuan kung kanino o sino dapat ang magbibigay ng permit sa pagkilos sa Luneta.

Paulit ulit naman ang tropang Akbayan, promotor na oportunistang si Ronald Llamas, mga kapanalig nila na ilayo ang nagaganap na katiwalian sa burukrata-kapitalismo na katangian ng malakolonyal at malapyudal na lipunan at ugat ng kahirapan ng sambayanan. Pinaborito ng burges at reaksyonaryong mass media na kapanayamin ang mga grupong ito, gayundin ang mga repormista at opurtunistang political analyst para palabnawin ang isyu at lituhin ang masa sa suri na Burukrata kapitalismo, Pyudalismo at Imperyalismo ang ugat ng nagaganap na sukdulang katiwalian at na rebolusyon ang natatanging solusyon para wakasan ito. Ang kanilang ipinangalandakan ay mala-kosmetikong reporma, pagkalulong sa repormang ligal at hindi pagdiin o paniningil sa Hari ng Katiwalian na si Marcos Jr. Nagtatago sila sa katwiran na kapag si Marcos Jr ang pinaalis sa pwesto ay si Sara Duterte ang papalit. Ang nasa unahan ng mga galawang ito ay para sa personal at makitid na pampulitikang interes, makaamot ng pwesto sa burukrasya at nakatanaw para sa halalang 2028.

Sa paggunita natin sa ika-30 ng Nobyembre, kaarawan ng plebyan at punong tagapagtatag ng KKK na si Gat. Andres Bonifacio, itanghal natin ang kanyang dakilang buhay at gawing inspirasyon sa pakikibaka. Isinulong niya ang lumang tipo ng rebolusyon laban sa mga mananakop na Kastila, nagawa niyang pagkaisahin at tipunin ang may 300 magkakahiwalay at ispontanyong pag-aalsa para itutok ang gatilyo, talim ng itak sa kolonyal na paghahari ng Espanyol. Lumaganap din sa ibang dako ng bansa ng kanilang panahon ang alab at lagablab ng paglaban. Bispiras na sila ng panalo, pero inagaw ang kanilang tagumpay ng iilang ilustrado sa pamumuno ng palasukong si Aguinaldo na ipinagkanulo ang laban nila para sa isang tunay na independyenteng bansa. Kaya nga, nasa ating mga kamay ngayon ang pagdampot ng armas at itak na nabitawan ng dakilang Plebians, nasa atin ang pagpapatuloy hanggang tagumpay ng sinimulang pag-aalsa ni Andres Bonifacio!

Nagpupugay ang PKM-TK sa mga nagsidalo sa pagkilos noong Nobyembre 30, lalo na sa mga tunay na militante at progresibong kabataang estudyante at iba pang intelektwal, magsasaka, manggagawa, mala-mangagawa at iba pang positbong pwersa ng rebolusyon. Nanawagan ang PKM-TK na isanib ang inyong lakas, talino at sigla sa pagsusulong ng pambansa demokratikong rebolusyon. Magtungo sa kanayunan at makiisa sa hukbong magsasaka. Matuto sa kanila at mag-ambag sa pagtatayo ng pulang kapangyarihan, magsulong ng rebolusyong agraryo at ilunsad ang mga taktikal na opensiba. Isapuso at isabuhay ang kilusang pagwawasto sa pamamagitan ng lahatang panig na pag-oorganisa, edukasyon at pagpapakilos sa mga sentrong lungsod; pagawaan, mga komunidad, iskenita at iskwelahan. Lahat dapat nakatuon sa ating taktikal na dakilang tungkuling pagpapabagsak sa rehimen ni Marcos Jr. at sa malayong tanaw na pagdurog sa Burukrata Kapitalismo, Pyudalismo at Imperyalismo hangang sa mahabang paglalakbay sa konstruksyon at pagkamit ng Sosyalismo.

Sumapi sa NPA, tunay na hukbo ng mamamayan!
Digmang bayan, sagot sa katiwalian at kahirapan!
Isulong at kamtin ang mas mataas na antas ng digmang bayan!
Mabuhay ang PKP-MLM at BHB!

Mensahe ng pakikiisa at pagbati sa magigiting, militante at walang kapagurang Aktibista at masa para sa pagpapatalsik kay Marcos Jr at Sara Duterte