Mga taktikal na opensiba, salubong ng NPA-Bikol sa rehimeng Marcos II

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Nagbubunyi ang masang Bikolano sa panibagong serye ng matatagumpay na taktikal na opensiba ng iba’t ibang kumand ng NPA sa buong rehiyon bilang pagsalubong sa bagong upong rehimeng Marcos II. Binabati ng Romulo Jallores Command NPA-Bikol ang mga yunit ng Celso Minguez Command NPA-Sorsogon, Santos Binamera Command NPA-Albay at Jose Rapsing Command NPA-Masbate sa kanilang patuloy na pagsisikap na tumbasan ng matataginting na taktikal na opensiba ang walang sinsahol na pang-aatake ng AFP-PNP-CAFGU sa kani-kanilang mga erya. Higit sa ibinungang kaswalti sa hanay ng pasistang hukbo, matingkad na pampulitikang tagumpay ang kinamit ng NPA sa pagsasagawa ng mga aksyong militar na nagpaparusa sa mga berdugong patung-patong na ang krimen laban sa masang Bikolano.

Patunay ito ng hindi nagmamaliw na paglaban ng sambayanan kahit pa matapos ang anim na taong paninibasib ng tiranikong si Duterte. Taliwas sa kanilang inaasahan, lalo lamang nagliyab sa puso ng mga Bikolano ang diwa ng pag-aaklas at ang kawastuhan ng armadong rebolusyon. Ang mga opensibang ito at ang mga susunod pang isasagawa ng NPA sa Kabikulan ay testamento ng kanilang pagsasabuhay sa panawagang, “Never Again to Martial Law!” Para sa mga pulang mandirigma, higit lalong dapat pag-ibayuhin ang digmang bayan sa kasalukuyang panahong tumitindi ang mga krisis panlipunan.

Sa pag-upo ng anak ng diktador, dapat nang asahan at paghandaan ng masa ang lalo pang pagsahol ng kalagayan ng karapatang tao at ang pagbagsak ng kabuhayan. Sa pilit na pagbaluktot ng rehimen sa kasaysayan, pinipilit ipalimot sa taumbayan ang mga aral ng kanilang paglaban. Kung mapahihintulutan, pupunit ito ng daan para sa mas matindi pang terorismo ng estado.

Nananawagan ang RJC NPA-Bikol sa mamamayan na patuloy na tangkilikin ang tunay na hukbo ng maliliit at pinagsasamantalahan, ang New People’s Army. Napakarami nang sigwang linampasan ng NPA at masa nang magkasama. Marapat lamang na ibayo pang patatagin ang makauring pagkakaisang ito. Isulong ang demokratikong rebolusyong bayan tungo sa mas mataas na antas hanggang sa ganap nitong tagumpay.

Mga taktikal na opensiba, salubong ng NPA-Bikol sa rehimeng Marcos II