Pahayag

Mindoreño, palakasin ang rebolusyonaryong kilusang masa sa panahon ng reaksyunaryong eleksyon!

,

Ayon sa isang awit ng alternatibong musika, may tatlong panahon sa Pilipinas—ang tag-araw, tag-ulan at ang eleksyon. Inilalarawan nito ang pagkahumaling sa eleksyon pangunahin ng mga naghaharing uri na may iba’t ibang paksyon, padrino at interes subalit, nagkokoro naman sa pagsasamantala at pang-aapi sa masang Pilipino na napasasayaw pa nila sa mapanlinlang na kumpas ng reaksyunaryong eleksyon.

Sinasamantala ng naghaharing uri ang kahirapan ng sambayanan para silawin ang botante, mambraso, mangako, manlinlang, magwasiwas ng impluwensya at magpalaganap ng ilusyon sa taumbayan na sa pamamagitan ng eleksyon magaganap ang pagbabago.

Sa isang panig, sa panahon ng mga reaksyunaryong eleksyon, kabi-kabila ang paglapit at pagdulog ng masa saanman may sangay ng Partido Komunista ng Pilipinas, may yunit ng Bagong Hukbong Bayan, may mga organisado at impluwensyadong organisasyon at indibidwal. Karaniwang tanong nila, sino ang susuportahang kandidato? Ano ang pagtingin sa partikular na kandidato? Ngayong nakapagsumite na ng certificate of candidacy ang mga lalahok na kandidato, muling lumilitaw ang katanungang ito mula sa mga masa.

Dahil sa mataas na prestihiyo ng CPP-NPA-NDFP sa pagtataguyod ng interes ng mamamayan at sa ilang dekada nitong gawaing pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos sa masa, patuloy ang pagsandig ng masang Pilipino sa rebolusyonaryong kilusan sa samu’t saring isyu sa lipunan kabilang na ang pagharap sa reaksyunaryong eleksyon.

Ang reaksyunaryong eleksyon sa Pilipinas ay instrumento ng naghaharing uri para pagmukhaing may umiiral na demokrasya sa bansa. Subalit ito’y ilusyon lamang sapagkat isa ito sa mga paraang ginagamit ng imperyalismong US at mga lokal na naghaharing uri para kontrolin ang estado at nagtitiyak na makapwesto sa poder ang mga pulitiko at burukratang mula sa uring kumprador at panginoong maylupa laban sa mga mahihirap na mamamayan at masang anakpawis. Kung hindi na ito uubrang gamitin para manatili sa kapangyarihan, maaring hindi nila ito ilunsad o ipawalang bisa ang eleksyon at gamitin ang marahas na mukha ng estado para lantarang ipataw ang paghaharing militar. Ganito ang ginawa ng imperyalismong US noong 1947 upang hindi paupuin ang 12 nanalong kongresista ng partidong Democratic Alliance. Nagpataw naman ng diktadura ang US-Marcos Sr kaya’t naghari siya ng mahigit tatlong dekada sa kapangyarihan. Hindi kailanman naganap ang tunay na demokrasya sapul naging malakolonyal at malapyudal ang Pilipinas sa kontrol ng imperyalismong US. Paanong may demokrasya gayong ang nagriribalang mga kandidato sa alinmang posisyon sa burukrasya ay itinatakda ng imperyalismong US at paligsahan lamang ng mga mapera at makapangyarihang malalaking burgesyang kumprador at panginoong maylupa?

Punung-puno din ng anomalya at pandaraya ang mga eleksyong naganap sa kasaysayan mula pa noong manu-mano ang pagboto na lalong lumala ng maging automated ang sistema ng botohan. Ganito ang naganap sa eleksyong presidensyal noong 2022, na tinaguriang “pinakamalala sa kasaysayan” dahil sa garapalang pandaraya gamit ang automated system. Pinatunayan ito ng grupong TNTRio na inilantad ang maanomalyang paggamit ng telco-exchange integrator, bukod pa ang mga maruming maniobra bago at pagkatapos ng eleksyon. Ang pandarayang ito ng sabwatang Marcos-Duterte ang nagluklok kay Ferdinand Marcos Jr sa poder bilang ilehitimong pangulo.

Higit sa lahat, sinumang maluklok sa mga mayor na posisyon sa burukrasya ng Pilipinas laluna ang papet na pangulo ay nakabatay sa basbas at pondong pangkampanya ng imperyalismong US upang tiyaking mapanatili nito ang kontrol sa Pilipinas bilang malakolonya. Lubos na sinasamantala ng US ang desperasyon ng bangkrap na estadong papet para aroganteng manghimasok at magdikta sa mga lokal na reaksyunaryong uri at grupo. Ginagantimpalaan nito ang sinumang luluhod at pikit-matang susunud sa plano nitong interbensyong militar at mga imposisyong pinansyal at ekonomiko sa bansa habang binabantaan at ginigipit ang mga sasalungat, laluna ang makikipagmabutihan sa mga pwersang rebolusyonaryo at progresibo.

Sa balangkas ng naghaharing sistema, marapat lamang na lumahok ang organisadong masa sa mga reaksyunaryong eleksyon para isulong ang mga pakikibaka para sa reporma bilang solusyon sa kanilang paghihikahos. Kasabay nito, dapat ipatimo sa buong sambayanan na rebolusyon ang tunay na solusyon para baguhin ang mismong sistemang sadlak sa pamalagiang krisis.

Hadlang sa pagkakamit ng programang ito ang mga panginoong maylupa at malalaking burgesya komprador na nakikipagsabwatan sa imperyalistang US. Kaalinsabay nito, gamit ang kanilang organisadong lakas, marapat na hamunin at labanan ng mamamayan ang mga reaksyunaryo sa eleksyon upang ipaglaban ang hinihingi nilang mga reporma; ilantad ang lakas ng mga reaksyunaryo; at ibayong palawakin at palakasin ang kanilang organisadong lakas para sa mas malalaki pang pakikibaka lagpas sa eleksyon.

Kailangan lamang giyahan ang mamamayan kung paano mapagsisilbi sa kanilang tunay na interes ang pagtugon sa eleksyon. Dapat itong gamitin ng mamamayan para sa pag-iipon ng kanyang lakas.

Lahat ng reaksyunaryong partido pulitikal na kalahok sa eleksyong ito ay nakatanaw sa susunod pang labanang elektoral. Tanawin din natin na ang paglahok sa eleksyong ito ay paghahanda sa mas maiigting pang banggaang pulitikal sa pagitan ng masa laban sa naghaharing uri.

Sa panahon ng umiigting na panunupil at malulupit na kampanya laban sa masa lalo na sa kanayunan, ang puwang na inihahapag ng labanang elektoral, kahit sa maikling panahon ng kampanyahan, ay isang pagkakataon na dapat gamitin ng mga masa at progresibong seksyon para palakasin ang kilusang masa. Gamitin ang pagkakataon na hati at naglalaban-laban ang mga naghaharing-uri upang makakuha ng espasyo sa pag-abot sa malawak na masa at mailinaw sa kanila ang pambansa-demokratikong programa. Ang lakas ng kilusang masa ang puhunan upang makakuha ng bentahe mula sa naglalaban na paksyon sa reaksyunaryong eleksyon sa balangkas ng gawaing alyansa, maging ito man ay pansamantala o lagpas pa sa eleksyon.

Dapat na ilantad at labanan ang mga reaksyunaryong pulitikong nagtataguyod ng mga anti-mamamayan, anti-nasyunal at anti-demokratikomg mga programa at patakaran. Ganondin ang mga gumagamit ng guns, goons, at gold para manalo sa “laban”. Kasama na dito ang mga pulitikong pinuno ng sindikato ng droga, pasugalan, prostitusyon, at pasimuno ng iba pang mga anti sosyal na gawain.

Dito sa Mindoro, dapat na ilantad, labanan at pigilang makapaghari ang mga pulitikong instrumento sa pang-aagaw ng lupa ng mga magsasaka at katutubong Mangyan direkta man o sa tabing ng iba’t ibang huwad at mapanlinlang na mga programa. Kabilang yaong mga pulitikong tagapaglako ng minahan, Renewable Energy Project (REP’s) kagaya ng dam, eko-turismo, Tamaraw Reservation and Expansion program (TREP), programang reforestation, at iba pang katulad na programa.

Dapat na labanan at singilin ang mga pulitikong nagtataguyod ng TF-ELCAC, militaristang paghahari at instrumento ng terorismo ng estado na nagdudulot ng malawakang paglabag sa kaparapatang pantao.

Sa isang panig, dapat hikayatin ang mga pulitikong nagiging boses upang makamit ang lehitimo at demokratikong hangarin ng mga magsasaka, manggagawang bukid, manggagawa, panggitnang uri at propesyunal, at maging ang pambansang burgesyang apektado ang negosyo dulot ng imperyalistang kontrol sa bansa. Dapat na kaisa sila ng mga magsasakang Mindoreño sa panawagang labanan ang mapanalasang Rice Tariffication Law, itaas ang presyo ng palay at iba pang produktong bukid. Gayundin ang pagtataas ng sahod ng manggagawang bukid at iba pang nagpapaupa ng lakas paggawa. Dapat na maging kaisa sila sa panawagang ibasura ang kontra mahirap na programa ni Marcos Jr. kagaya ng PUV Modernization na papatay sa kabuhayan ng maraming drivers, operators, at ng kani kanilang mga pamilya. Dapat din maging instrumento sila para makarating sa mamamayan ang mga serbisyong panlipunan tulad ng edukasyon, kalusugan, pabahay kabilang ang dagliang suporta sa panahon ng mga kalamidad at matapos ito.

Kailangan maging aktibo ang papel nila sa pagtatanggol ng karapatan ng mamamayan laban sa malupit na TF-ELCAC, ECLIP, at mapanupil na Anti-terrorism Law. Maging malakas na boses upang tutulan ang mga hamletting, food blockade, walang patumanggang pagpapaputok, pambobomba at panganganyon lalo na sa kanayunan kung saan malayo sa abot ng media at mga institusyong nagtatanggol sa karapatan

Nananawagan tayo sa mga makabayan at progresibong pulitiko na gawin ang paglilingkod sa bayan, may eleksyon man o wala. Maging instrumento ng pagbabago at kasama ng masa’y likhain ang bagong pulitika hindi lamang sa isla ng Mindoro kundi sa buong bansa.

Ang mga bentaheng makakamit ng kilusang masa sa panahon ng kampanyang elektoral ay dapat maitransporma sa paglakas ng rebolusyonaryong kilusan. Ang maidadagdag na lakas sa pulitika at organisasyon ng mamamayan ang mahalagang puhunan sa pagtatayo nito ng demokratikong gobyernong bayan, ang gobyernong magbibigay ng tunay na pagpapahalaga sa kapakanan at interes ng mga masa at lahat ng demokratikong uri at sektor.

Mamamayang Mindoreño, magkaisang ibagsak ang imperyalismong US, pyudalismo at burukrata kapitalismo!
Puspusang isulong hanggang tagumpay ang pambansa, demokratikong rebolusyon!

Mindoreño, palakasin ang rebolusyonaryong kilusang masa sa panahon ng reaksyunaryong eleksyon!