Nagpapatuloy ang laban ng nakikibakang masang Masbatenyo

Ang artikulong ito ay may salin sa English

Binabati ng Romulo Jallores Command BHB-Bikol ang masang Masbatenyo at ang kanilang tunay na hukbo sa pamumuno ng Jose Rapsing Command BHB-Masbate sa isa na namang matagumpay na opensibang aksyon laban sa mga elemento ng kaaway. Ilinunsad ng yunit ng JRC BHB-Masbate ang isang ambush laban sa mga elemento ng 2nd IBPA at CAFGU sa hangganan ng Brgy. Miabas, Palanas at Buenaflor, Dimasalang noong Oktubre 7. Isa sa mga napatay ang kasapi ng CAFGU na si Rene Capellan. Si Capellan ay may kaso ng tangkang panggagahasa.

Matatag na hinarap ng BHB-Masbate ang matinding militarisasyon ng berdugong AFP-PNP. Noong nakaraang taon, isinailalim sa isang buwang focused military operations (FMO) ang buong isla. Gumamit ng lampas 1,200 na tropa ang kaaway. Pangunahing pinokusan ang mga barangay sa bayan ng Palanas at Cawayan. May malaking pormasyon ding sumusuyod sa mga bayan ng Placer, Cataingan, Dimasalang, Pio V. Corpuz, Esperanza, at Uson. Sa kabila nito, nakapaglunsad pa rin ng 21 opensibang aksyon ang mga yunit ng JRC BHB-Masbate sa loob ng isang buwan. Umabot sa 44 ang patay habang hindi bababa sa 34 ang nasugatan sa naturang mga opensiba.

Namumuhi ang masang Masbatenyo sa walang sagkang terorismo ng AFP-PNP sa kanilang hanay. Milyun-milyong piso ang linulustay ng militar at pulis sa pagkakasa ng mga sakyada at atake mula sa ere habang nagdidildil ng asin ang masang kanilang inaatake. Habang nag-aabang sa kakarampot na ayuda ang masa, napupunta ang pampublikong pondo sa walang puknat na pagpapalipad ng mga attack helicopter, pagpapaulan ng daan-daang kilo ng bomba at milyun-milyong bala, pagpapasahod sa mga mamamatay-taong militar at pulis.

Malinaw sa mga Masbatenyo na ang malaking interes ng mga dambuhalang kapitalista at ang malakas na paglaban ng taumbayan dito ang pangunahing dahilan kung bakit sila tinututukan ng paghahasik ng lagim ng pwersang militar at pulis. Kaya naman, sa kabila ng lahat ng mga atakeng ito, nananatili silang nakasalig sa kanilang makauring pagkakaisa at makatarungang pakikibaka. Malinaw sa kanilang ang kanilang pinakamatatag na depensa at ang pag-asa para sa isang bukas na tunay na mapayapa at makatarungan ay nakasalalay sa kanilang patuloy na pagtangkilik at paglahok sa demokratikong rebolusyong bayan at sa pagtangan ng armas.

Nagpapatuloy ang laban ng nakikibakang masang Masbatenyo