Pahayag

Pag-apuyin ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka para sa pambansang demokrasya! Tupdin ang kritikal at kagyat na mga tungkulin para iwasto ang mga pagkakamali at isulong ang rebolusyon!


DOWNLOAD
Itinatanghal ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Pilipinas ang Pulang bandila ng pambansa demokratikong rebolusyon at, sampu ng lahat ng kadre at kasapi ng Partido, mga rebolusyonaryo at aktibista, ibinibigay ang pinakamahigpit na pagsaludo sa lahat ng Pulang kumander, mandirigma at milisya sa napaka-importante at masayang okasyon ng ika-55 anibersaryo ng Bagong Hukbong Bayan.

Ngayong araw, balikan natin ang ating mga natamo at pagkukulang sa nagdaang taon, humalaw ng mga aral mula sa mga ito, at buuin ang plano para kamtin ang mas malalaking tagumpay sa pagsusulong ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka sa darating na taon laban sa pasista at papet na rehimeng US-Marcos.

Sa okasyong ito, alalahanin natin at pagpugayan ang lahat ng bayani at martir ng rebolusyong Pilipino isinakripisyo ang lahat para sa pakikibaka ng sambayanang Pilipino para sa pambansa at panlipunang paglaya. Purihin natin ang kanilang mga buhay at kumuha ng inspirasyon sa kanilang pagkamartir. Ano pang mas mainam na paraan ng pagparangal sa kanilang alaala kaysa sa pagpapatuloy ng rebolusyonaryong kilusan na kanilang tinulungang isulong?

Malugod na ipinababatid ng Komite Sentral sa lahat na ang panawagan para sa kilusang pagwawasto na inilabas ng Partido noong nagdaang Disyembre ay buong-pusong niyakap ng lahat ng panrehiyong komite ng Partido at kumand ng BHB. Positibo ang kanilang naging tugon at kasalukuyang nagsasagawa ng mga kumperensya ng paglalagom at mga pulong pag-aaral upang tukuyin ang mga pagkakamali at pagkukulang upang iwasto ang mga iyon, at matatag at komprehensibong isulong ang lahat ng rebolusyonaryong tungkulin.

Kailangan nating ibigay ang ubos-kaya para isulong ang rebolusyon upang ipagtanggol ang interes ng masang Pilipino na pinapagdusa ng papalalang mga anyo ng pang-aapi at pagsasamantala ng rehimeng US-Marcos. Hinaharap ng bansa ang tunay at lumalaking peligro na makaladkad sa isang inter-imperyalistang gera. Ang pangangailangang isulong ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka, sa partikular, ay kagyat na kagyat, dahil ito ang pinaka-importanteng sandata ng sambayanang Pilipino upang ipaglaban ang kanilang rebolusyonaryong adhikain.

Ang kalagayan ng krisis sa bansa ay nagtutulak sa api at pinagsasamantalahang masa ng sambayanang Pilipino na isulong ang kanilang mga pakikibaka. Sa gabay ng Partido, determinado ang mga rebolusyonaryong pwersa na pukawin, organisahin at pakilusin ang malakihang bilang ng sambayanang Pilipino, tuluy-tuloy na isulong ang pambansa-demokratikong rebolusyon, anuman ang hirap at sakripisyo, at dalhin ito sa hindi pa naaabot na rurok sa hinaharap.

Kunin ang inisyatiba para pag-apuyin ang armadong pakikibaka! Biguin ang todong pananalasa ng kaaway!

Nasa kritikal na yugto ang rebolusyonaryong armadong pakikibakang inilulunsad ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa ilalim ng absolutong pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas. Tinatawagan ang lahat ng mga kadre ng Partido, mga Pulang kumander at mandirigma, mga rebolusyonaryong organisasyong masa at aktibista sa kanayunan at sa mga syudad na matapang na balikatin ang ating kagyat na mga tungkulin, itaas ang Pulang bandila ng rebolusyon, pag-apuyin ang armadong pakikibaka, iangat ito mula sa kasalukuyang mga kagipitan at sumulong nang higit na malakas kaysa nakaraan.

Dapat nating isaalang-alang ang sumusunod: Sa isang panig, kailangang-kailangan na isulong ang armadong pakikibaka para bigwasan ang kaaway sa harap ng pinatinding imperyalistang agresyong pang-ekonomya at interbensyong militar at pinaigting na pasistang pananalasa. Ang deklaradong layunin ng kaaway na “wakasan ang armadong tunggalian” ay naglalayong hawanin ang landas para sa walang tigil na pagyurak sa soberanya ng bansa at lantarang pang-aapi sa mamamayang Pilipino.

Sa kabilang panig, ang ating mga pwersa ay napahina sa kalakhan dahil sa ating internal na mga pagkakamali, kahinaan at pagkukulang bunsod ng maraming taon nang konserbatismong militar at pasibidad. Sa gabay ng Partido, ang mga yunit ng BHB ngayon ay nagpapatupad ng mahahalagang gawain para sa pagwawasto at pagkokonsolida sa layuning pangibabawan ang nakaraang mga pag-atras, basagin ang pasibidad militar, ipreserba at palawakin ang kanilang mga pwersa, at muling pasiglahin ang pakikidigmang gerilya.

Para harapin ang partikular na sitwasyong ito, dapat nating mahigpit na gagapin ang diyalektikong relasyon sa pagitan ng paglaban sa kaaway at pagpapalakas ng ating pwersa: dapat nating palakasin ang BHB para epektibong labanan ang kaaway; dapat nating labanan ang kaaway para epektibong mapalakas ang BHB. Hindi natin maihihiwalay ang isa mula sa isa. Ang unang bahagi ay madaling maintindihan at hindi na kinakailangan dagdag na palalimin; ngunit ang huli ay hindi singklaro, at ang ilan ay maaaring kumontra pa dito.

Lalo na sa harap ng estratehiko at lokal na superyoridad ng kaaway sa pagpapakat ng higit na malakas na pwersang militar, madaling makaligtaang tingnan ang taglay ng kaaway na mga bulnerabilidad at pampulitikang kahinaan na maaari at dapat samantalahin ng BHB at ng buong hanay ng rebolusyonaryong mga pwersa. Ang ilan ay labis na nauunahan ng takot sa malaking presensya ng kaaway, na madali silang pinanghihinaan ng loob at nakalilimutan na ito ay isang pwersang bulok sa kaibuturan at nagtatanggol sa naghihingalo at naaagnas na sistema. Nawawala sa isip nila na ito ay lubhang kinamumuhian ng masang magsasaka na higit na mas malaki sa bilang, at malayong higit na malakas kung magkabigkis. Dapat puspusang labanan ang mahatak sa pasibidad dala ng makaisang panig na pananaw ng ilan na itinuturing ang kahinaan ng BHB sa armas bilang permanenteng kaayusan, at bigong gagapin ang diyalektikal na proseso ng pagpapalakas sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan at pakikidigmang gerilya. Tunay na hiningi ng sitwasyon sa mga kadre ng Partido at mga kumander at mandirigma ng BHB ang malalim na rebolusyonaryong talisik, walang-maliw na pananalig at tiwala sa masa, at ang kawalang-takot sa kahirapan at sakripisyo para paglingkuran ang rebolusyonaryong adhikain ng bayan.

Kapag pinag-uusapan natin ang paglulunsad ng armadong pakikibaka at paglaban sa kaaway, nangangahulugan ito ng pagbigwas natin sa armadong mga pwersa ng kaaway, gamit ng lahat ng armas na hawak ng ating mga pwersang gerilya at ng mamamayan. Nangangahulugan ito pangunahin ng paglulunsad ng mga batayang taktikal na opensiba na kaya nating ipagwagi, na nagpapahina sa kaaway sa pamamagitan ng baha-bahaging pagpuksa ng kanyang armadong pwersa, at nagsasamsam sa mga armas nito para masandatahan natin ang mas maraming rekrut at makapaglunsad tayo ng higit na mas malalaking taktikal na opensiba sa hinaharap. Itinataas natin ang kakayahan ng BHB sa pakikidigma sa pamamagitan ng pakikidigma.

Sa harap ng kalupitan at todong mga kampanya ng pagkubkob at paglipol ng kaaway, tungkulin ng mga pwersang rebolusyonaryo na labanan ang kaaway at ipagtanggol ang mamamayan sa pamamagitan ng armadong paglaban. Dapat nating itaas ang hindi magagaping diwa ng hukbong bayan at ng masa na lumaban at gapiin ang kaaway. Dapat nating lutasin at pangibabawan ang mga problema at kahirapang ibinubunga ng maramihang pagpapakat ng tropa ng kaaway laban sa masa at mga pwersang gerilya. Dapat nating itulak ang kaaway na banatin nang manipis ang mga pwersa nito sa pagpapalapad ng saklaw ng ating inisyatiba sa pulitika at militar. Gaanuman kalaki at kalakas ang mga operasyon ng kaaway, parating mayroong ginintuang pagkakataon na maaari nating samantalahin at dapat maingat nating suriin para durugin ang pinakamahinang kawing nito. Dapat mabilis nating kilalanin na habang papalaki ang saklaw ng mga operasyong ng kaaway, mas maraming bahagi ng katawan nito ang nalalantad at nagiging bulnerable sa mga taktikal na opensiba ng BHB. Para matukoy, masuri at masamantala natin ang mga pagkakataong ito, dapat palagiang militante ang BHB, mabilis at maliksi sa pagkilos, upang gawing mabagal na higante ang kaaway na kayang patamaan ng BHB kailan man nito naisin.

Sa harap ng kasalukuyang pananalasa ng kaaway, dapat planuhin ng mga kumand ng BHB sa antas larangan at prubinsya o subrehiyon ang paglulunsad ng pakikidigmang aktibong depensa sa antas ng mga kampanya at labanan, agapan ang pagpapakat ng kaaway at patamaan ang pinakamahihinang bahagi nito. Dapat silang maging handa na ilipat ang pangunahing mga pwersa o sentro de grabidad palabas sa pagkubkob ng kaaway, habang nag-iiwan o nagpapakat ng mga pangkat o komposit na yunit para maglunsad ng iba’t ibang tipo ng mga aksyong gerilya at taktikal na opensiba na kaya nilang ipanalo upang patamaan ng seryosong pinsala ang kaaway.

Sa harap ng kasalukuyang sitwasyon, napakahalaga para sa mga yunit ng BHB at milisyang bayan sa lahat ng antas na kunin ang inisyatiba na magplano ng mga taktikal na opensibang kaya nilang ilunsad at ipanalo. Dapat ilunsad ang mga inisyatibang ito nang may koordinasyon sa nakatataas na kumand at kalapit na mga yunit. Ang mga taktikal na opensiba at aksyong gerilyang ito ay maaaring pagtambang sa mga nagrerekuridang yunit ng kaaway, depensa sa kanilang perimetro o linya sa suplay, pag-atake sa nahihiwalay nilang mga detatsment, pagdis-arma, pag-isnayp, demolisyon, operasyong partisano at pag-aresto, pagpapataw ng mga sangsyon, magkaloob ng nararapat na hustisya sa mga kontra-rebolusyonaryo at kriminal na elementong anti-sosyal, at iba pa. Ang mga taktikal na opensibang ito ay dapat magtagumpay sa pagsamsam ng mga riple at kagamitang pandigma ng kaaway, pagwasak sa kanilang linya sa suplay at komunikasyon, pagparalisa sa kanilang mga kagamitang pangkati, panghimpapawid at pandagat, pagsira sa mga plano ng kaaway o pagpigil sa pag-abante nito, at paghatak sa atensyon ng kaaway palayo sa pangunahing direksyon at plano ng pangunahing mga pwersa ng BHB.

Ang tungkulin ng paglulunsad ng mga taktikal na opensiba na kaya nating ipanalo ay dapat isagawa nang may masinsin na pagpaplano at buong lakas, bilang paraan ng pagpapasigla sa BHB, at bilang unang mapagpasyang hakbang sa pagwawasto.

Alinsunod sa linya ng paglulunsad ng malaganap at masinsing pakikidigmang gerilya sa batayan na papalawak at papalalim na baseng masa, lahat ng mga yunit ng hukbong bayan at milisyang bayan ay tinatawagan na buung-buong tanganan ang inisyatiba sa militar at pulitika, at maging pleksible sa kanilang mga kilos. Dapat palakasin at pasaklawin ng BHB ang kanilang ugnay sa masa. Dapat nilang ipagtanggol ang masang magsasaka at ang mamamayan laban sa mga pasistang nang-aapi at nagsasamantala sa kanila, at ilunsad ang malawakang propaganda, pag-oorganisa at pagpapakilos para isulong ang kanilang anti-pyudal na mga pakikibakang masa at ipatupad ang reporma sa lupa.

Dapat ipakat ang mayorya ng mga platun ng BHB para tumulong sa pagkokonsolida at pagpapalawak ng mga larangang gerilya, at pagtatayo ng dagdag na mga laking-kumpanyang mga larangang gerilya. Dapat bumuo ng malinaw na plano ang mga platung gerilya para magpakat ng mga yunit nito sa isang takdang saklaw na limitado sa isang panahon para iwasan ang labis-labis na pagkabatak, ngunit sapat ang lapad para sa mga maniobrang depensibo at opensibo, na mayroong tiyak na panahon para sumulong nang paalon-alon, o magpalapad ng rebolusyonaryong baseng masa sa batayan ng konsolidasyon. Pinalalawak natin ang erya sa operasyon ng BHB sa paalon na paraan na pagsulong o sa lihim na paglukso sa relatibong paborableng erya kung saan maaari itong magsimula ng pagpupukaw, pag-oorganisa at pagpapakilos sa mamamayan para makaugat. Maaari nating ipakat anumang oras ang mga yunit ng BHB sa mga misyon para pasimulan ang pakikidigmang gerilya at buksan ang bagong mga larangang gerilya kung saan huling pagdududahan at aasahan ng kaaway.

Kasama ang mga organisasyong masa ng mga magsasaka, panteritoryong mga komite ng Partido at iba pang mga pwersang rebolusyonaryo, dapat maglunsad ang BHB ng mga kampanya ng panlipunang pagsisiyasat para matukoy ang pinakakagyat na mga isyu at suliranin ng masa, at pabilisin ang mga pagsisikap sa pagpupukaw, pag-oorganisa at pagpapakilos sa masang magsasaka, na nagsusulong sa kanilang kagyat na demokratikong mga kahingian, habang ikinakawing ang mga ito sa kanilang rebolusyonaryong kilusang agraryo at sa demokratikong rebolusyong bayan.

Dapat nating bigyan ng atensyon ang pagtatayo o muling pagtatayo ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika sa antas ng mga barangay o mas mataas pa, sa pundasyon ng ganap na mga samahan ng magsasaka, kababaihan, kabataan at manggagawang pangkultura at iba pang anakpawis na sumasaklaw sa mga baryo o klaster ng mga baryo o munisipyo, gayundin sa mga lokal na sangay at komiteng seksyon ng Partido. Marami sa mga organo ng kapangyarihang pampulitika na ito ay tinarget ng armadong panunupil ng kaaway. Dapat nating sumahin ang ating mga karanasan at bumuo ng mga patakaran para tiyakin na ang mga organo ng kapangyarihang pampulitika, mga organisasyong masa, at lokal na mga lider ay ligtas at nailalayo sa lambat ng paniktik ng kaaway.

Dapat nating konsolidahin at palakasin ang baseng masa at magbuo ng mga plano para itaas ang kanilang militansya na igiit ang kanilang mga karapatang sibil, pampulitika, panlipunan at pang-ekonomya, at para kolektibo at mapagpasyang ilantad at labanan ang maruruming taktika ng kaaway. Dapat nating biguin ang kasuklam-suklam na mga iskema ng kaaway na basagin ang pagkakaisa ng mamamayan, pwersahin silang isa-isang sumurender, o akitin ang mga Pulang kumander at mandirigma na ipagkanulo ang masa sa huwad na pangako ng maaliwalas na kinabukasan. Sa paglaban sa kampanyang panunupil ng kaaway, hindi dapat hayaang magsarili ang lokal na mga pwersa. Ang kanilang pakikibaka ay dapat iangat sa mas mataas na antas para humugot ng lakas sa dami at mula sa pagkakaisa ng mamamayan, mula sa magkakanugnog na barangay hanggang sa internasyunal na komunidad. Higit sa lahat, dapat gawin ng BHB ang lahat para ipamalas ang kanilang determinasyon na ipagtanggol ang mamamayan sa pamamagitan ng pagbigwas sa mga pasistang nang-aapi sa kanila.

Dapat nating palakasin ang pagbubuo ng popular na pwersang pangdepensa upang palargahin ang pakikidigmang gerilya ng masa. Kabilang sa mga pwersang pandepensa na ito ang mga yunit milisya sa barangay at kumand sa milisya na nagkokoordina sa antas ng inter-barangay o munisipyo, mga yunit pangdepensa sa barangay at komite sa pananggol sa sarili na nakabase sa mga organisasyong masa. Dapat hikayatin ang mga pwersang pandepensang ito ng mamamayan at gabayan na tanganan ang inisyatiba sa paglulunsad ng lahat ng porma ng pakikidigmang gerilya o isang armadong kilusang masa laban sa kaaway, kabilang ang mga operasyong agaw-armas, paghahagis ng granada, o mga bombang panunog, paglalatag ng mga patibong, pag-isnayp, at iba pang operasyong umaasinta sa nahihiwalay na mga yunit ng kaaway o kahit ano pang yunit ng kaaway na kaya nilang iharas, pilayin, talunin o puksain. Dapat nilang gamitin ang lahat ng tipo ng armas kabilang ang mga katutubong paraan at patibong laban sa nag-ooperasyong pwersa ng kaaway at papagbayarin sila nang mahal. Huwag hayaan ang kaaway na makapasok at makapanghalihaw sa mga rebolusyonaryong erya nang hindi binabangungot, hindi nagtatamo ng kaswalti, at hindi napagbabayad sa kanilang pasistang mga krimen.

Dapat tumulong ang BHB sa paglulunsad ng mga kampanyang masa na magpapakilos sa masang magsasaka para harapin ang mga komun nilang mabibigat na suliranin at isyu. Kabilang dito ang pangangamkam ng lupa ng malalaking kumpanyang sangkot sa pagmimina, mga plantasyon, sa real estate, ekoturismo, enerhiya at iba pang mga proyektong imprastruktura. Dapat din silang organisahin at pakilusin para tugunan ang kanilang mga suliranin sa panahon ng pagbaha, tagtuyot o mga pagguho ng lupa at iba pang mga sakuna na sumisira sa kanilang mga kabuhayan. Dapat organisahin at pakilusin ang masang magsasaka, pangunahin ang maralitang magsasaka at manggagawang-bukid para ipaglaban na ibaba ang upa sa lupa, pawiin ang usura, itaas ang sahod sa bukid, makatwirang presyo ng produktong bukid at iba pang kagyat na mga kahingian sang-ayon sa antipyudal na linya at patakarang pang-agraryo ng Partido. Dapat maramihang organisahin ang masang magsasaka para dalhin ang kanilang kahingian sa mga sentrong bayan at syudad.

Saanman sila magpunta, dapat magsagawa ng mga kampanya sa produksyon, edukasyon, kalusugan at kultura ang mga Pulang mandirigma at kumander para tugunan ang praktikal na mga pangangailangan ng masa. Dapat patuloy nilang pandayin ang matatag at hindi malalagot na ugnayan sa masa. Dapat lagi silang makiisa sa pighati ng masang magsasaka at maghanap ng mga solusyon sa dinaranas na pasakit ng masa sa sitwasyong isinadlak sila ng mga nagsasamantala.

Dapat magkonsolida, magpalakas at magpalawak ang mga yunit ng BHB ng kanilang mga pwersa. Lubhang kinakailangan na magkaisa sa isip at kumilos bilang isang katawan ang mga Pulang mandirigma at kumander. Para magawa ito, dapat nilang aralin ang kanilang mga kalakasan at kahinaan, at planuhin ang lahat ng kinakailangang mga hakbang para itaas ang determinasyon at kakayahan ng mga Pulang mandirigma at ng rebolusyonaryong masa na lumaban at biguin ang todong atake ng kaaway.

Dapat nating paunlarin ang istruktura sa kumand ng BHB sa lahat ng antas, natitiyak ang kalidad at komposisyon ng mga yunit kumand kapwa sa mga pwersang horisontal at bertikal, gayundin sa mga panteritoryong kumand sa operasyon sa antas ng rehiyon, prubinsya o subrehiyon. Ang namumunong bag-as sa lahat ng antas ng kumand ng BHB ay dapat binubuo ng mga kumander at mandirigma na huwaran ng katapangan sa harap ng kaaway at uliran ng kababaang loob sa harap ng masa.

Dapat makapagsagawa ng batayang pagsasanay pulitiko-militar ang ating mga pwersang gerilya, gayundin ng mga pagsasanay para sa mga upisyal para mapaunlad ang kakayahan at kaalaman ng ating mga Pulang mandirigma at kumander sa syensyang militar at mga taktika, at ibayong palakasin ang kanilang paninindigan na paglingkuran ang mamamayan. Dapat paunlarin ang sistema ng mga pagsasanay para maisagawa ang mas maiksi o tilad-tilad ang talakayan na mga kurso para makaangkop sa mabilis na nagbabagong sitwasyong militar sa harap ng walang tigil na mga operasyon ng kaaway.

Dapat patuloy na magpakadalubhasa ang BHB sa pleksibilidad sa pagbabago ng kanilang moda ng pagkilos mula sa konsentrasyon, paghihiwa-hiwalay at paglilipat, depende sa sitwasyon at kanilang mga layunin. Ikinokonsentra natin ang ating mga pwersa para bigwasan ang kaaway at para magkonsolida, pinaghihiwa-hiwalay natin para maggawaing masa, mawala sa mata ng kaaway, at upang paramihin ang mga pagmumulan ng inisyatiba, at naglilipat para isulong ang plano para sa pagpapalawak, o umalpas sa pagkubkob ng kaaway.

Dapat umiwas ang lahat ng yunit ng BHB sa hindi planadong labanan at maghanap ng mga paraan para pasuntukin ang kaaway sa hangin at pagurin ang sarili. Dapat silang kagyat at regular na magtasa ng kanilang mga sitwasyon, tapalan ang lahat ng butas sa seguridad at alisin ang lahat ng mga bulnerabilidad. Dapat masugid nilang matyagan ang taktika ng kaaway na magpuslit ng mga elektroniko o GPS tracker. Dapat nilang patatagin ang kanilang determinasyong isapraktika ang mga prinsipyo at pamamaraan ng lihim na gerilyang pagkilos, habang nagmamartsa o nagpapahinga. Dapat tuluy-tuloy na panatilihin nilang mataas ang antas ng disiplina at pagtalima sa mga regulasyong militar sa hanay ng mga Pulang mandirigma, at mataas na antas ng rebolusyonaryong pampulitikang kamulatan para patatagin ang kanilang diwa na balikatin ang kinakailangang mga sakripisyo para panatilihin ang seguridad ng BHB. Dapat isagawa ang pagpupunahan at pagwawasto sa lahat ng paglabag sa mga patakaran at regulasyong panseguridad na nagkokompromiso sa lihim na gerilyang pagkilos.

Dapat mapagpasyang wasakin ng BHB ang lambat paniktik ng kaaway na nagtatago sa hanay ng masa, na pinakikitid ang target sa mga nangungunang lider laluna ang mga gumawa ng malulubhang krimen laban sa mamamayan. Iginigiit ng masa, lalo ang mga hinambalos ng bagsik ng kampanyang panunupil ng kaaway, na patawan ng rebolusyonaryong kapurasahan ang mga taksil na aktibong nakikipagsabwatan sa kaaway bilang mga ahente o espiya, at na lubusang ilantad ang kanilang mga kriminal at kontra-rebolusyonaryong mga kasalanan.

Dapat tasahin ng lahat ng mga yunit ng BHB ang naipong paniktik ng kaaway (na nabuo mula sa impormasyong nakapaloob sa mga nakompromisang dokumento, isinuka ng mga traydor, o nakuha mula sa mahabang panahon ng pagmamanman), at kung paano itong nauugnay sa kondukta ng mga operasyon ng kaaway. Dapat silang magbuo ng kaukulang mga plano at pagbabago sa mga ito para ipawalang-saysay ang impormasyon sa paniktik ng kaaway.

Dapat patuloy na sundin ng BHB ang mahihigpit na alituntunin sa pagtitiyak ng seguridad at pangangalaga sa sensitibong mga impormasyon sa pamamagitan ng kompartmentalisasyon, paggamit ng mga sayper at pagkokoda (encryption), at pagpapahalaga sa umiiral na mga patakarang sumasaklaw sa kontroladong paggamit ng mga kompyuter, smartphone, selpon, radyo sa komunikasyon, at iba pang kagamitang elektroniko. Dapat din tayong magpaunlad ng kasanayan sa sining ng disimpormasyon at panlalansi—kabilang ang pagsusubo ng panlitong impormasyon sa lambat paniktik o elektronikong pagmamanman ng kaaway—para lituhin ang kaaway at biguin ang mga pag-atake nito.

Dapat sistematiko tayong maglunsad ng kampanyang pagpapabaligtad sa ordinaryong mga tauhan ng kaaway, na marami ay nagmula sa uring magsasaka, manggagawa, mala-proletaryado o mababang petiburgesya, na naakit lamang ng mataas na sweldo para sumali sa armadong pwersa ng kaaway. Alam na alam nila ang kabulukan at korapsyon ng organisasyon ng reaksyunaryong militar, at nagkikimkim ng matitinding hinanakit sa mga pag-abusong ginagawa sa kanila ng kanilang mga upisyal, gayundin sa malalalang krimen at paglabag sa karapatang-tao na ipinagagawa sa kanila laban sa masa. Dapat tayong mamahagi ng mga polyeto at magsagawa ng lantad na propaganda mga kampo militar, detatsment o istasyon. Maaari nating mahikayat ang naguguluhang mga tauhan ng pwersang militar at pulis ng kaaway na iwan ang kanilang mga trabaho, lumahok sa rebolusyon, magpasa ng mahahalagang impormasyon o mamuhay bilang mga produktibong sibilyan, at makisalo sa mga bunga ng kolektibong pakikibaka ng mga organisasyong masa ng mga magsasaka.

Dapat patuloy nating buuin at palakasin ang Partido sa loob ng Bagong Hukbong Bayan para gabayan ito sa lahat ng kanyang tungkulin. Dapat patuloy nating rekrutin ang pinakaabanteng mga elemento at tiyakin ang kanilang pagsasanay at pag-unlad sa ideolohiya, pulitika at organisasyon. Dapat buuin ang mga komite ng Partido sa antas ng mga kumpanya; sangay ng Partido sa mga platun; grupo ng Partido sa mga iskwad. Dapat magtalaga ang Partido mula sa hanay nito ng mga upisyal at instruktor sa pulitika sa bawat pormasyon ng BHB para tiyakin na nasa unahan ang pulitika sa baril. Dapat din nating tiyakin ang pagpapakat ng mga kadre at aktibista mula sa kalunsuran, laluna mula sa hanay ng mga manggagawa, gayundin ng mga estudyante, mga guro at iba pang intelektwal at propesyunal na petiburgesya, para itaas ang kakayahan ng BHB sa pagpapatupad ng iba’t ibang tungkulin sa pamumuno at pangangasiwa.

Kritikal ang inilatag na mga tungkulin sa itaas at dapat ipatupad nang may mataas na antas ng pagpapahalaga ng mga kadre ng Partido at mga Pulang kumander na nasa gulugod at pamunuan ng Bagong Hukbong Bayan. Pinakakagyat na tanganan ang inisyatibang militar at pulitika para mabawi ang gerilyang tikas ng mga yunit ng BHB, laluna ang mga dumanas ng mga pag-atras sa nakaraan at nalagay sa pasibong katayuan, biguin ang pananalasa ng kaaway, at iabante ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka. Dapat isagawa ng Partido at BHB ang mga tungkuling ito habang itinataguyod ang kilusang pagwawasto para ugatin ang pang-ideolohiyang batayan ng nagdaan na mga pagkakamali at kahinaan, para malikha ang mga kundisyon para sa panibagong pagsulong ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka.

Muling pagtibayin ang batayang mga prinsipyo sa paglulunsad ng digmang bayan sa Pilipinas

Dapat lagumin ng bawat yunit ng BHB ang kanilang mga karanasan at iwasto ang mga pagkakamali alinsunod sa diwa ng pagpuna at pagpuna-sa-sarili, sa gabay ng pangkabuuang kritikal-sa-sariling pagsusuri na inilatag sa mensahe ng Komite Sentral sa ika-55 anibersaryo ng Partido at sa pagsusuma sa mga karanasan sa saklaw nilang mga gawain at kalagayan sa kanilang erya ng operasyon. Dapat bigyan ng partikular na atensyon ng mga yunit na dumanas ng mga pag-atras na magsuri sa depensibang mga labanan para matukoy ang kanilang mga pagkakamali at kahinaan. Dapat tayong matuto mula sa mga aral na pinagbuwisan ng dugo ng ating mga martir bilang isang paraan ng ating pagkilala sa kanilang mga sakripisyo.

Napakaangkop na pagkakataon ng ika-55 anibersaryo ng BHB para muli nating pagtibayin ang batayang mga prinsipyo at teorya ng paglulunsad ng digmang bayan sa Pilipinas. Labis na mahalaga ito sa panahong kumakaharap tayo sa kritikal na sitwasyon kasunod ng seryosong mga pag-atras sa nagdaang mga taon, na nagtutulak sa atin na iwasto ang ating mga pagkakamali at kahinaan.

Sa paglalapat ng Marxismo-Leninismo-Maoismo sa kongkretong kalagayan ng ating bansa, napaunlad ng Partido ang teorya ng paglulunsad ng digmang bayan sa Pilipinas, at pinamunuan ang Bagong Hukbong Bayan sa paglulunasd ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka mula sa isang antas tungo sa isa pa. Inilatag ng artikulo noong 1974 na Mga Partikular na Katangian ng Ating Digmang Bayan ang batayang teorya, mga prinsipyo, programa at plano para sa paglulunsad ng rebolusyonaryong digma sa Pilipinas. Isinaalang-alang nito ang malakolonyal at malapyudal na sistemang sosyo-ekonomiko, ang katangiang pulu-pulo ng heograpiya at pisikal na kalupaan nito, gayundin ang iba pang mga partikular na katangian ng bansa.

Ang mga nakamit natin sa rebolusyonaryong praktika sa nagdaang 55 taon ay kongkretong patunay ng kawastuhan ng mga teoryang ito. Dagdag pang patunay ng katumpakan ng mga teoryang ito ang dinanas nating mga pag-atras at kabiguan bunga ng ating hindi matapat na paghawak sa mga teoryang ito.

Ang kawastuhan ng pambansa-demokratikong rebolusyon ay napatunayan na sa praktika ng paglulunsad ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka bilang pangunahing anyo ng pakikibaka, at ang rebolusyonaryong kilusang masa na nagkukumbina sa ligal at iligal na mga porma ng pakikibaka sa mga syudad at kanayunan, bilang segundaryo ngunit hindi maisasantabing porma ng paglaban. Sa pagtataguyod ng pambansa-demokratikong linya, nagtagumpay tayo sa pagbubuo ng baseng masang may ilang milyon, sa ilalim ng mahigpit na pamumuno ng proletaryado, pagtatayo ng batayang alyansa ng mga manggagawa at magsasaka pangunahin sa pamamagitan ng pamumuno ng Partido sa BHB, at pagbubuo ng pambansang nagkakaisang prente para labanan ang imperyalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo, na may layuning ibagsak ang naghaharing reaksyunaryong sistema ng malalaking burgesyang kumprador at malalaking panginoong maylupa.

Sa paglulunsad ng matagalang digmang bayan sa kanayunan, pangunahin sa pamamagitan ng pagbubuo ng hukbong bayan at pagsusulong ng armadong pakikibaka, pagtatayo ng baseng masa sa kanayunan at mga organo ng kapangyarihang pampulitika, at pagsusulong ng agraryong rebolusyon, nagawa nating pakilusin ang masang magsasaka na bumubuo sa pinakamalaking bahagi ng mamamayang Pilipino at nagsisilbing pinakamasasaligang alyado ng uring manggagawa. Puspusan nating isinulong ang pakikibaka para sa lupa bilang tugon sa pangunahing demokratikong kahingian ng masang magsasaka. Dahil dito, nagawa nating itatag at palakasin ang Bagong Hukbong Bayan, na nakapagrerekrut pangunahin mula sa mga maralitang magsasakang walang pag-aaring lupa at mga manggagawang-bukid, at umaani gayundin ng suportang materyal at pampulitika. Ang layunin ng paglulunsad ng matagalang digmang bayan sa kanayunan ay para hakbang-hakbang na paunlarin ang ating mga pwersa, baha-bahaging gapiin ang kaaway, at palibutan ang kalunsuran hanggang sa posible nang agawin ang mga syudad at sumulong sa pambansang tagumpay. Dahil dito, nakapagtatag tayo ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika sa kanayunan, na nakatuntong sa pundasyon ng rebolusyonaryong anti-pyudal na nagkakaisang prente ng lahat ng mga pinagsasamantalahan at inaaping uri sa kanayunan ng Pilipinas.

Sa nagdaang 55 taon, napangibabawan natin ang pinakamalalaking kahirapan at balakid sa paglulunsad ng digmang bayan sa Pilipinas bilang isang pulu-pulong bansa. Nagtagumpay tayo na umaasa-sa-sarili sa pagpapaunlad ng mga larangang gerilya sa pambansang saklaw sa kabila ng mga disbentahe ng kawalan ng pisikal na likuran. Nakapagtatag tayo ng mga larangang gerilya at nakapagkonsolida ng base sa kanayunan na mayroong kainamang malalakas na yunit ng BHB sa lahat ng pangunahing isla sa bansa. Ang mga larangang gerilya na ito ay nagsilbing mga teatro ng pakikidigmang gerilya ng mga yunit ng BHB. Nagbubuo muna sila ng mga larangang gerilya at base sa hindi gaanong-mataong bulubunduking lugar, kung saan maaari silang magkonsolida, magsanay at magplano na magpalawak sa mas populadong kapatagan, tabing ilog, pangunahing mga linya ng transportasyon at baybay-dagat.

Nagsimula sa 60 mga Pulang mandirigma na naaarmasan lamang ng siyam na ripleng awtomatik at 26 na mahihinang armas sa ikalawang distrito sa prubinsya ng Tarlac, nagtagumpay tayo sa pagpapaunlad sa ating mga pwersa mula sa mga iskwad at platun, tungong mga lakas-kumpanyang larangang gerilya. Nakapagbuo tayo ng 14 na panrehiyong kumand ng BHB, na bawat isa’y nagrurok sa lakas ng ilandaan hanggang higit-kumulang isanlibong mga Pulang mandirigma, at bawat isa ay mayroong ilang kumand sa subrehiyon o prubinsya na may ilang larangang gerilya.

Nakilala ang pambansa demokratikong rebolusyon sa Pilipinas dahil sa malalaki nitong pagsulong at paglulunsad nito ng armadong pakikibaka sa kasalukuyang panahon ng internasyunal na pag-atras ng pandaigdigang proletaryado. Sa pagkatalo ng sosyalistang rebolusyon at panunumbalik ng kapitalismo sa China at sa Soviet Union sa ilalim ng modernong rebisyunistang paghahari, kinailangan ng mamamayang Pilipino na umasa sa sarili sa pagsusulong ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka.

Nakapagtatag tayo ng Pulang kapangyarihang pampulitika sa libu-libong mga barangay sa buong bansa. Nakapagtayo tayo ng panimulang mga porma ng demokratikong gubyerong bayan sa antas ng baryo o interbaryo, na mayroong mga upisyal na hinalal ng mga pambaryong asembleya ng komunidad o hinirang mula sa lokal na rebolusyonaryong mga organisasyong masa.

Nakapaglunsad tayo ng pakikidigmang gerilya sa buong bansa sa pamamagitan ng pagtupad sa patakaran ng relatibong sentralisadong estratehikong kumand at desentralisadong mga operasyon sa mga kampanya at labanan. Sa nagdaang mga dekada, nakapagpaunlad ang mga panrehiyong komite ng Partido at panrehiyong kumand ng BHB ng sariling-tubong mga kadre at kumander na matataas ang kalidad na may kakayahang mamuno nang nagsasarili sa komprehensibong saklaw ng rebolusyonaryong mga tungkulin, alinsunod sa linyang itinakda ng Komite Sentral. Marami sa kanila ang inihalal sa Komite Sentral ng Partido at sa Pambansang Kumand sa Operasyon ng BHB.

Habang inilulunsad natin ang kilusang pagwawasto, kritikal para sa lahat ng kadre ng Partido, kumander at mandirigma ng BHB, at lahat ng rebolusyonaryong mga pwersa na muling pagtibayin ang ating batayang mga pagsusuri sa malakolonyal at malapyudal na sistema sa bansa, at ang batayang mga prinsipyo at teorya ng paglulunsad ng demokratikong rebolusyong bayan alinsunod sa estratehikong linya ng pagkubkob sa kalunsuran mula sa kanayunan; na pag-aralan ang kasaysayan ng paglulunsad ng rebolusyonaryong pakikibaka sa nagdaang 55 taon para makahalaw ng mga aral mula sa mga nakamit at mga pag-atras nito; na magkaroon ng malayong pagtanaw sa mga tungkulin sa hinaharap para sa kantitatibo at kalitatibong pagsulong ng rebolusyonaryong mga pwersa, hanggang sa mabaligtad natin ang kasalukuyang balanse ng pwersa.

Tulad ng inilatag na ng Partido, ang matagalang digmang bayan sa Pilipinas ay dadaan sa tatlong posibleng yugto ng pag-unlad: ang estratehikong depensiba, estratehikong pagkapatas; at ang estratehikong opensiba. Ang landas na ito ng pagsulong ng digmang bayan sa Pilipinas ay itinakda ng diyalektikong mga batas ng pag-unlad. Ang paghahangad ng ibang landas o kabiguang sumulong sa landas na ito ay halos tiyak na nakamamatay.

Noong dekada 1980, dinala ng hindi nakapagpanibagong-hubog na mga elementong petiburges na nasa pamunuan ng Partido ang mga pananaw para sa mabilis na pagtatagumpay. Kinwestyon nila ang batayang pagsusuri ng Partido sa malakolonyal at malapyudal na sistema, itinaguyod ang ideya na ginawa ng diktadurang Marcos na industriyalisado at kapitalistang bansa ang Pilipinas, pinalaki ang urbanisasyon ng bansa at minaliit ang saklaw ng agraryong ekonomya gamit ang palsipikadong datos ng gubyerno.

Itinulak nila ang linyang paghahangad ng “estratehikong kontra-opensiba” sa panahon ng yugto ng estratehikong depensiba, para bigyang katwiran ang pagbabago ng estratehiya tungong insureksyunismong lunsod kakumbina ang adelantadong regularisasyon at bertikalisasyon ng mga pormasyon ng BHB. Itinaguyod nila ang konsepto ng pakikidigmang partisano bilang natatangi at hiwalay na porma ng pakikidigma sa kalunsuran para lumikha ng mga insureksyunistang pagsiklab. Ikinombina ito sa “regular na pakikidigmang gerilya” gamit ang malalaking pormasyon ng hukbong bayan (mga kumpanya at batalyon) para bigwasan ang kaaway sa matitigas na bahagi at target (mga kumpanya o batalyon, labis na portipikadong mga kampo at hedkwarters). Ang linyang ito ng adbenturismong militar ay nagtulak ng adelantadong regularisasyon ng hukbong bayan sa pamamagitan ng pagkokonsentra at maging likidasyon sa horisontal na pormasyon ng mga yunit ng BHB para magbuo ng mga “regular” na kumpanya at batalyon. Lumikha ito ng tagibang na inat, pakat at sustenidong paglago ng pwersa ng mga bertikal at horisontal na mga yunit ng BHB, na sanhi ng makabuluhang pagliit ng rebolusyonaryong mga base at larangang gerilya nito. Ang maling patakaran na ito ay pagsubo ng sarili sa sitwasyong lantay militar na siyang gusto ng higit na superyor na pwersa ng kaaway. Sa kabila ng inisyal na mga tagumpay sa militar, ang mga pwersa ng BHB ay kalaunan nasadlak sa pasibidad militar at naging bulnerable sa pagkubkob at paglipol ng kaaway, na humantong sa malaking pagbagsak ng mga pwersa at walang kapantay na mga pag-atras noong 1990-1991.

Kinailangan ilunsad ang Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto para isalba ang mga rebolusyonaryong pwersang gerilya mula higit pang malulubhang kabiguan. Sa muling pagpapatibay sa batayang mga prinsipyo ng Partido sa paglulunsad ng demokratikong rebolusyong bayan sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan, ang mga yunit ng BHB ay nireorganisa para kamtin ang tamang balanse ng mga pwersang horisontal at bertikal, para epektibong makagampan kapwa sa gawain sa pulitika at militar. Pinagtibay ng Partido ang taktikal na linyang militar na paglulunsad ng masaklaw at maigting na pakikidigmang gerilya sa batayan ng papalawak at papalalim na baseng masa sa yugto ng estratehikong depensiba.

Matagumpay na binigo ng Bagong Hukbong Bayan ang taunang deklaradong mga target ng kaaway na durugin ang rebolusyonaryong armadong kilusan. Pinangibabawan nito ang magkakasunod na kampanya ng pagkubkob at paglipol kabilang ang Oplan Katatagan, Oplan Lambat Bitag I, II at III, Oplan Gordian Knot, Oplan Makabayan, Oplan Bantay Laya I at II, Oplan Bayanihan at Oplan Kapayapaan, at sa kalakhan, naging mas malakas. Sa tagumpay ng pamunuan ng Partido, inabot ng digmang bayan ang gitnang subyugto ng estratehikong depensiba humigit-kumulang sa kalagitnaan ng dekada 2000, at nagbuo ng mga plano para kamtin ang mga rekisito para abutin ang abanteng subyugto, at tungo sa bungad ng estratehikong pagkapatas.

Gayunpaman, kahit sa panahong iyon ay nababalaho na tayo ng mga suliranin sa konserbatismong militar na naging dahilang napako tayo sa gitnang subyugto. Ang ilang taon ng konserbatismo sa lahat ng aspeto ng rebolusyonaryong gawain, at pagpapakasapat ay humantong sa pagpapakitid ng hukbong bayan at unti-unting paghina at pagliit ng baseng masa, dahilan na naging bulnerable sa pagkubkob at paglipol ng kaaway, na nagresulta sa mga pag-atras at pagkatalo. Isa sa nakapipinsalang epekto ng empirisismo ay ang ating kabiguan na mabilis na humalaw ng mga aral mula sa karanasan para maitaas ang antas ng ating kaalaman at teorya, mula sa antas ng pambansang kumand ng BHB hanggang sa mga rehiyon at larangan, na nagresulta sa kabiguang umangkop sa mga pagbabago sa mga taktika ng kaaway, at sa paulit-ulit na mga pagkakamali.

Sa pamumuno ng Komite Sentral, ang buong Partido, ang Bagong Hukbong Bayan at ang lahat ng rebolusyonaryong mga pwersa ay kasalukuyang naglulunsad ng kilusang pagwawasto para tukuyin at iwaksi ang burges at petiburges na mga ugat sa ideolohiya ng ating mga pagkakamali, kahinaan at pagkukulang sa nakaraan, muling pagtibayin ang ating proletaryadong paninindigan, pananaw at pamamaraan para higit na matatag na isulong ang rebolusyon.

Sa kaibuturan, ang kasalukuyang kilusang pagwawasto ay isang kilusang pag-aaral para balik-aralan at muling pagtibayin ang batayang mga prinsipyo ng Marxismo-Leninismo-Maoismo gaya ng nilalaman ng mga klasikong sulatin ng dakilang mga gurong komunista, at ng mga akda ni Ka Jose Maria Sison; para pag-aralan ang Konstitusyon at Programa ng Partido; para pag-aralan ang mga dokumento ng Una at Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto ng Partido; para lagumin ang mga karanasan sa nagdaang lima at 25 taon; para maglunsad ng kampanya sa panlipunang pagsisiyasat at pagsusuri sa uri; para magsagawa ng pagpuna at pagpuna sa sarili; para tasahin ang paggampan ng mga kadre ng Partido; at para buung-buong ipatupad ang Tatlong-Antas na Kurso ng Partido.

Malugod na binati ng lahat ng mga komiteng rehiyon at organo ng Partido, at mga kumand ng BHB ang panawagan para sa kilusang pagwawasto mula nang inilabas ito ng Komite Sentral noong Disyembre 26, 2023. Inilunsad o nakatakdang ilunsad ng iba’t ibang mga komite ng Partido at kumand ng BHB sa lahat ng antas ang mga paglalagom at pag-aaral, mga kumperensya sa panlipunang pagsisiyasat at mga pulong sa pagpaplano. Kasabay nito, isinasagawa na rin ang kinakailangang pagbabago sa pakat ng mga pwersa ng BHB para lutasin ang iba’t ibang porma ng pagpapakipot-sa-sarili, upang palawakin ang saklaw ng mga operasyon ng BHB, magbukas ng bagong mga erya labas sa pagkubkob ng kaaway, labanan ang pasistang panunupil sa dating mga erya, at masigasig na magmulat, mag-organisa at magpakilos sa masang magsasaka.

Binigo ng deklarasyon ng kilusang pagwawasto noong Disyembre ang rehimeng US-Marcos at ang reaksyunaryong estado na nag-aasam na nasa bingit na ng pagsuko ang Partido kasunod ng pagkahuli at pagkapaslang sa ilang mga susing lider nito, gayundin ng pagpanaw ni Ka Joma, ang tagapangulong tagapagtatag ng Partido at gabay nitong liwanag. Bilang tugon, nagbuhos ang kaaway ng higit na malaking pondo at rekurso sa kontra-rebolusyonaryong gera at simula noon ay higit pang pinatindi ang kampanya ng pagkubkob at paglipol. Naghuhugis ito ngayon sa porma ng walang tigil at malawakang mga kampanya ng panunupil laban sa mga komunidad ng magsasaka, aerial bombing at panganganyon at malakihang mga operasyong kombat sa maraming mga larangang gerilya sa buong bansa.

Gamit ang Marxista-Leninista-Maoistang paraan ng pag-iisip, masusuri natin ang kalakasan ng kaaway at matutukoy ang mga kahinaan nito. Halimbawa, dapat nating intindihin na ang paggamit ng kaaway ng mga kagamitang panghimpapawid, unang-una, ay palatandaan ng kabiguan nitong pangibabawan ang kawalan nito ng pampulitikang suporta sa hanay ng masang magsasaka. Bagaman ang mga helikopter ay nagbibigay sa kaaway ng natatanging bentahe sa mabilis na pagpapadala ng tauhan at suplay, bulnerable naman ang mga ito sa mga isnayper ng BHB kapag nagtatangka itong lumapag o lumipad, kaya’t magiging bulnerable rin na mahiwalay ang mga tropang pangkati nito. Nagbibigay ng natatanging bentahe ang pambobomba mula sa era sa lakas pamutok, subalit may dala ring labis na pinsalang pampulitika sa mga pasista na lalong naghihiwalay sa kanila sa masa. Ginagawa din nitong labis na palaasa ang mga tropang pangkati sa limitadong suportang panghimpapawid, na maaaring madaling kontrahin ng BHB. Maaaring magpaunlad o kumalap ng sandatang pangkontra sa mga sasakyang pang-ere, habang ginagawa ang mga paraan upang pagkaitan ang kaaway ng target mula sa era. Sa masusing pagmamanman at pagsusuri, kaya nating malinaw na makita ang mga limitasyon at bulnerabilidad sa mga kalakasan at bentahe nito. Dapat panatilihin ng mga Pulang kumander at mandirigma ng BHB, kasama ang masa, na bukas ang kanilang mga mata at mahigpit na magmanman sa kaaway, at magbuo ng epektibong estratehiya.

Sa inspirasyon ng kilusang pagwawasto, lalong naging mas matapang at determinado ang mga lider ng Partido at mandirigma ng BHB sa kabila ng sa kasalukuyang tagibang na balanse ng mga pwersa. Dapat mas malalim na kilalanin na ang superyoridad ng kaaway sa usapin ng armas na galing sa US ay tinutumbasan naman ng kabulukan at nagnanaknak na katayuan ng sistemang ipinagtatanggol nito; at ang kahinaan ng BHB sa usapin ng armas ay tinutumbasan naman ng superyoridad nito sa malawak na suporta ng masang Pilipino. Armado ng diyalektikal na paraan ng pag-iisip, kinikilala din natin na ang sitwasyong ito ay panandalian, at sa katapusan ay mababaligtad, habang sumusulong ang digmang bayan mula sa kasalukuyan tungo sa susunod na yugto, at habang nabubulid ang kaaway sa hindi malutas-lutas na krisis ng imperyalismo at ng naghaharing malakolonyal at malapyudal na sistema.

Pinupukaw ng krisis at panunupil ang paglaban ng bayan sa rehimeng US-Marcos

Ang rehimeng US-Marcos ang kasalukuyang konsentradong ekspresyon ng mang-aapi ng sambayanang Pilipino. Kinakatawan nito ang naghihingalong naghaharing sistema at pinakamasasamang aspeto ng mga naghaharing uri. Ang mga patakarang neoliberal nito, garapalang paninikluhod sa heyopulitikal na interes ng US, korapsyon, marangyang pamumuhay, at pasistang panunupil sa mga demokratikong karapatan, ay nagdudulot ng ibayong pasakit sa sambayanang Pilipino at pumupukaw sa kanila na mas masigasig na makibaka para sa pambansang demokrasya.

Tahasang pabor sa interes ng mga dayuhang monopolyo kapitalista at mga bangko, malalaking burgesyang komprador at malalaking panginoong maylupa ang mga patakarang pang-ekonomya ni Marcos, na labis naman ang pahirap sa masang Pilipino. Bilang pagsunod sa mga diktang neoliberal ng mga imperyalistang bangko at iba pang ahensya sa pinansya, ipinatupad ni Marcos ang ibayong liberalisasyon sa kalakalan at pamumuhunan, at deregulasyon sa mga patakarang panlipunan at pangkalikasan. Nagbunga ang mga patakarang ito sa lalong pagpilay sa lokal na manupaktura at produksyon pang-agrikultura, malawakang disempleyo, lalong pagsalalay sa pag-aangkat, mas mataas na presyo ng pagkain at iba pang saligang pangangailangan, mas malaking depisito sa badyet, pagsirit ng utang ng bansa at lalong pagbigat ng pasaning buwis ng taumbayan.

Pinalala ng mga patakarang ito ang dati nang masamang kalagayang sosyo-ekonomiko ng mamamayan. Para paburan ang hayok-sa-tubong mga dayuhan at lokal na malalaking kapitalista, pinapako ng rehimeng Marcos ang arawang sahod ng mga manggagawa, na lubha nang mas mababa sa gastos sa pamumuhay ng mga manggagawa at kanilang mga pamilya. Pinahihintulutan ni Marcos ang malalaking burgesyang komprador at malalaking panginoong maylupa na agawan ng lupa at iba pang pagkakakitaan ang masang magsasaka, mga katutubo, mangingisda, mga manggagawa sa transportasyon at iba pang anakpawis. Nagdurusa sa mababang sweldo ang mga pampublikong guro, mga manggagawang pangkalusugan at iba pang ordinaryong kawani at maliliit na propesyunal. Milyun-milyong mamamayan ang walang hanapbuhay o kabuhayan. Araw-araw, libu-libo ang napupwersang mangibang-bansa para maghanap ng trabaho.

Para makuha ang pabor ng mga dayuhang monopolyo kapitalista, partikular na ng mga kapitalistang Amerikano at European, ipinamamalas ni Marcos ang absolutong pagmamanikluhod sa imperyalismong US. Pinahintulutan niyang palawakin ng militar ng US ang permanenteng presensya ng daan-daang pangkombat na tropang Amerikano at pagpwesto ng mga missile system at iba pang kagamitan militar sa mga kampo militar, paliparan, daungan at iba pang estratehikong lokasyon sa bansa sa tabing ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA). Ang papalaking presensyang militar ng US sa bansa ay alinsunod sa planong “first island chain” para pigilan ang paglakas ng imperyalistang karibal nitong China sa ekonomya at militar.

Sa nagdaang taon, agresibong ginamit ng militar ng US ang mga pwersa ng AFP at Coast Guard upang isagawa ang mga resupply mission, joint patrol at iba pang tipo ng aksyong nabal sa West Philippine Sea, at pagtibayin ang presensya nito sa mga dulong isla ng Pilipinas. Pinalalabas itong bahagi ng paggigiit ng mga karapatang panteritoryo ng Pilipinas, pero ang katotohanan ay bahagi ng plano ng US na gamitin ang Pilipinas na tau-tauhan sa plano nito laban sa China. Sa kabilang panig, sa tulak nitong labanan ang lumalaking presensya ng militar ng US sa kanyang palibot, inaapakan at nilalabag ng imperyalistang China ang teritoryong pandagat at soberanyang pang-ekonomya ng Pilipinas, at gumagawa ng umiigting na agresibong aksyon laban sa bansa.

Ang sitwasyon ng tumitinding ribalang inter-imperyalista ay pumupukaw sa sambayanang Pilipino na ipagtanggol ang kalayaan ng bansa at igiit sa mga higanteng imperyalista—kapwa ang US at China—na wakasan ang pagtatagisang militar at alisin ang mga pwersang militar nito sa teritoryo ng bansa. Sa ngayon, ang anti-imperyalistang rebolusyonaryong armadong pakikibaka ng sambayanang Pilipino ang pinakamalaking salik na pumipigil sa pagsiklab ng inter-imperyalistang gera sa rehiyon. Sa imperyalismong US, ang BHB ay kritikal na sagka na pumipigil ditong lubos na gamitin ang bansa at ang AFP bilang tau-tauhan sa iskema nitong paypayan ang tensyong militar sa South China Sea at kaladkarin ang bansa sa sigalot sa China alinsunod sa heyopulitikal na interes nito.

Idineklara ng mga heneral ni Marcos ang layuning lansagin ang lahat ng larangang gerilya ng BHB hanggang katapusan ng Marso, lahat ng bertikal na yunit sa katapusan ng Hunyo, at lahat ng panrehiyong komite ng Partido sa katapusan ng taon. Ang maiksing nalalabing panahong itinakda ni Marcos ay nagtutulak sa mga yunit nito sa larangan na ituon ang walang-kapantay na bangis sa sambayanan sa anyo ng teroristang mga kampanya ng armadong panunupil laban sa mga komunidad ng magsasaka, paghuhulog ng bomba, panganganyon at malakihang operasyong pangkombat sa ilampung mga larangang gerilya sa buong bansa. Lalong walang pakundangan ang ekstrahudisyal na pamamaslang ng AFP sa mga sibilyan at pagbilang sa kanila na mga kaswalti ng BHB, na alinsunod sa madugong kampanyang saywar. Tulad sa gerang agresyon ng US sa Vietnam, naghahabi ang papet na rehimeng Marcos ng ilusyong nagtatagumpay ito sa pagkabig ng puso at isip ng mamamayan, gamit ang pinalalaki, palsipikado at inuulit-ulit na balita ng tagumpay sa mga laban.

Sa ilalim ng National Security Policy ng 2023-2028, ginagamit ng rehimeng Marcos ang lahat ng paraan ng armado at ligal na panunupil sa mga unyon, at mga organisasyong masang magsasaka at malaproletaryado, mga pwersang kontra-mina at maka-kalikasan, mga tagapagtanggol sa karapatang-tao, mga asosasyong estudyante, mga grupong pangkultura, mga alternatibong midya, mga personaheng relihiyoso at iba pang progresibong indibidwal kapwa sa mga syudad at kanayunan. Bilyun-bilyon ang ibinuhos ni Marcos sa mga “intelligence operation” na nagresulta sa kapansin-pansing pagdami ng mga kaso ng pagsarbeylans, pagdukot, pag-aresto at paninindak sa mga aktibistang panlipunan.

Naghahari si Marcos gamit ang mga paraan ng batas militar na hindi ito pormal na idinedeklara sa tabing ng “paglaban sa terorismo.” Sa ibabaw, mistulang malakas ang naghaharing sistema sa tahasang paggamit ng armadong pagsupil, subalit ito katunayan ay malinaw na palatandaan ng kahinaan o kawalan ng kakayanan ng naghaharing sistema na maghari sa batayan ng sudo-demokratikong pampulitikang panghihimok, at desperasyong panatilihin ang sistema batay sa panunupil at pagsasamantala. Tulad ng kanyang amang diktador, ang paggamit ni Marcos Jr ng mga brutal na taktika ng panunupil sa kalaunan ay makikitang kontraproduktibo dahil lalo lang niyang papaypayan ang poot ng bayan at paaapuyin ang kanilang kagustuhang lumaban na may sandata at sumapi sa BHB.

Lalong pinahihina ang naghaharing sistemang pampulitika ng malalalim na kontradiksyon ng mga nagriribalang paksyon ng naghaharing uri sa harap ng lalong pag-aagawan sa limitadong madadambong at panahon para sa burukratikong korapsyon. Lalong sumisidhi ang sagutan ng pangunahing mga paksyon ng naghaharing pangkatin, ang mga Marcos at Duterte, lalo’t nagsisikuhan sila habang naghahanda sa papalapit na eleksyon sa 2025. Binabakbakan nila ang isa’t isa.

Ang rehimeng Marcos, na dati nang kinamumuhian dahil naluklok sa poder sa pandaraya sa eleksyong 2022, ay lalong inihihiwalay ang sarili sa bayan. Ipinakikita nito ang lubos na pagbabalewala sa pasakit ng bayan, kawalang-aksyon at kapalpakan sa gitna ng tagtuyot, baha, pagguho ng lupa at iba pang kalamidad, habang naglulustay ng pera sa sunud-sunod na pagbyahe sa ibang bansa na wala namang ibinubunga kundi hungkag na mga pangako ng mga pamumuhunan kapalit ng pag-alok ng pagsasamantala sa mga manggagawang Pilipino at yaman ng bansa. Inuupat din nito ang protesta ng mamamayan sa pagtatangka nitong baguhin ang konstitusyong 1987 para idambana doon ang mga patakarang neoliberal at tangkaing tuparin ang pangarap na makapagtagal pa sa Malacañang.

Inuupat ng rehimeng US-Marcos ang galit ng bayan at nililikha ang kundisyon para sa malawakang paglaban. Sa pagpupunyagi at militanteng pakikibaka, lilitaw ang isang nagkakaisang prenteng anti-pasista na may dambuhalang pwersa para lamunin ang rehimeng Marcos II, katulad na ang diktadurang Marcos I ay pinatalsik noong 1986 ng malalaking alon ng armadong paglaban at protestang masa na lumaki sa ilang taon ng mahirap na pakikibaka.

Ang Partido at mga rebolusyonaryong pwersa ay dapat magsilbing solidong ubod at tumayo sa unahan ng mga pakikibakang antipasista, anti-imperyalista at antipyudal ng malawak na masa ng sambayanang Pilipino kapwa sa kalunsuran at kanayunan. Hinihingi ng sitwasyon ang walang kapagurang pagsisikap na pukawin, organisahin at pakilusin ang mamamayan upang isulong ang kanilang mga pakikibaka para sa dagdag sahod at pamamahagi ng lupa, at iba pang kailangang-kailangang pagbabago para iahon sila sa kanilang pasakit at paghihirap, at upang ipagtanggol ang kanilang mga karapatang pampulitika, panlipunan, pang-ekonomya at pangkultura, laban sa pinaigting na pang-aapi sa ilalim ng rehimeng US-Marcos.

Ang mga pakikibakang pang-ekonomya at pampulitika ng malawak na masa ng sambayanan ay dapat iasinta sa rehimeng US-Marcos upang ilantad ito bilang papet at pasista, upang ito’y ihiwalay at labanan. Ang kagyat na mga hinihingi ng taumbayan ay dapat mahigpit na iugnay sa pakikibaka para sa pambansang demokrasya. Dagdag pa, ang rebolusyonaryong pakikibakang masa ng mga ligal at iligal na anyo ng propaganda, pag-oorganisa at pakikibaka, ay dapat mahigpit na ikawing sa rebolusyonaryong armadong pakikibaka sa pamamagitan ng pagpukaw sa bayan, laluna sa kabataan, na sumapi sa Bagong Hukbong Bayan o magbigay dito ng lahat ng posibleng suportang pampulitika, materyal o moral para sa ubos-kayang pagsusulong ng armadong paglaban at para bigyan ng ibayong sigla ang demokratikong rebolusyong bayan.

Anti-imperyalistang paglaban sa gitna ng tumatalim na mga kontradiksyon sa mundo

Sa kabila ng distansya at pagkakahiwalay sa heyograpiya, ang rebolusyonaryong pakikibaka sa Pilipinas ay mahigpit na nakatahi sa rebolusyonaryong mga pakikibaka ng uring manggagawa at masang anakpawis sa buong mundo. Ang mga natamo at tagumpay ng demokratikong rebolusyong bayan sa Pilipinas ay hindi lamang atin, kundi sa lahat din ng manggagawa, magsasaka at lahat ng aping mamamayan sa ibang bansa. Gayundin, ipinagdiriwang natin ang mga tagumpay at natamo ng lahat ng api at pinagsasamantalahang uri sa kanilang rebolusyonaryong pakikibaka laban sa imperyalismo, neokolonyalismo, pasismo at lahat ng anyo ng reaksyon.

Patuloy na lumalakas at kumakalat sa iba’t ibang bansa ang mga pakikibakang manggagawa at paglaban ng masa sa gitna ng nagpapatuloy na pandaigdigang krisis ng kapitalismo, istagnasyong pang-ekonomya, malawakang kawalan ng trabaho, pagbulusok ng antas ng pamumuhay, pagtalim ng panlipunang di pagkakapantay-pantay, umiigting na imperyalistang panghihimasok, at tumitinding inter-imperyalistang sigalot na humahantong sa magastos na mga sigalutang militar at mga gera.

Sa mga sentro ng internasyunal na kapitalismo, maramihang nagbabangon ang mga manggagawa at iba pang mga demokratikong uri sa paghingi nila ng dagdag na sahod at mas mabuting kundisyon sa paggawa, at sa paglaban sa imperyalistang mga gera at pang-aapi. Sumisiklab ang mga demokratikong pakikibakang masa sa US, kung saan mabilis na dumami ang mga welga noong nakaraang taon sa pagharap ng mga manggagawa at anakpawis sa matataas na tantos ng implasyon. Mas malalaki pa ang mga demonstrasyon at koordinadong mga welga ng mga manggagawa sa Europe para sa dagdag-sahod.

Mula nakaraang taon, milyun-milyon sa buong mundo ang lumahok sa mga demonstrasyon na tumutuligsa sa US at Zionistang Israel sa gera ng henosidyo laban sa mamamayang Palestino sa Gaza. May lumalakas ding pagtutol sa patuloy na pagbibigay ng malaking ayudang militar ng US at mga bansa sa NATO para patagalin ang gera sa Ukraine laban sa Russia. Ang lumalalang anyo ng imperyalistang pang-aapi ay pumupukaw sa mamamayan na magtayo ng mga anti-imperyalistang organisasyon, pormasyon at sentro ng pagtutulungan at koordinasyon, at magsulong ng mga kampanya at pakikibaka laban sa imperyalistang panghihimasok, lumalaking gastos sa militar, pang-uupat at paghahanda ng gera.

Patuloy na sumusulong ang armadong pakikibaka sa iba’t ibang bansa. Sa Myanmar, ang mga hukbong etniko ay nagsusulong ng pakikidigmang gerilya laban sa pasistang rehimeng Tatmadaw. Mayroong mga rebolusyonaryong armadong pakikibaka na pinamumunuan ng mga pwersang Marxista-Leninista sa Colombia, India, Kurdistan, Palestine, Peru, Pilipinas, Turkey at iba pang bansa. Laganap ang kundisyon sa malaking bilang ng bansa para magsulong ng digmang bayan.

Ang mga proletaryong rebolusyonaryong pwersa sa buong mundo ay patuloy na nagpapalakas at nagsisikap na magtatag ng mga partido komunista sa teoretikong batayan ng Marxismo-Leninismo-Maoismo. Naglulunsad sila ng mga teoretikong pag-aaral upang lagumin ang kanilang mga kasaysayan, magsagawa ng panlipunang pagsisiyasat, at magsagawa ng malawakang propaganda at pag-oorganisa upang malalim at malawakang umugat sa masang manggagawa at iba pang uring inaapi at pinagsasamantalahan.

Ang walang kalutasang imperyalistang krisis ay nagbubunsod ng kundisyon na pumupukaw sa milyun-milyong mamamayan na magsulong ng lahat ng anyo ng paglaban. Usapin lang ng panahon na, bunga ng pagpupunyagi, ang mga pwersang Marxista-Leninista ay tatayo sa unahan ng mga kilusang masa at armadong pakikibaka, at magbubukas ng bagong kabanata sa kasaysayan ng panibagong pandaigdigang pagdaluyong ng mga sosyalistang rebolusyon at demokratikong rebolusyong bayan.

Pag-apuyin ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka para sa pambansang demokrasya! Tupdin ang kritikal at kagyat na mga tungkulin para iwasto ang mga pagkakamali at isulong ang rebolusyon!