Pagbayarin nang mahal ang AFP-PNP-CAFGU, si Marcos at ang US sa lansakang paglabag sa karapatang pantao at internasyunal na makataong batas sa Timog Katagalugan at buong bansa!
Tinutuligsa ng PKP-TK ang AFP-PNP-CAFGU at ang rehimeng US-Marcos II sa lansakan at walang-pakundangang paglabag ng mga pasistang yunit nito sa karapatan ng mamamayan at rebolusyonaryong pwersa sa rehiyong Timog Katagalugan. Isang malaking kabalintunaang nagaganap ito habang ginugunita sa buong daigdig ang internasyunal na makataong batas (IHL o international humanitarian law). Higit sa lahat, walang-kapatawaran ang ipinapataw nilang dobleng-pasakit sa mamamayan na pang-aatake sa lupa, sahod, trabaho at kabuhayan kasabay ng pangyuyurak sa kanilang karapatan at dignidad bilang tao.
Nito lamang Agosto 7, pinahirapan at tinortyur bago pinaslang si Ising “Ka Mutya” Domingo, isang Pulang mandirigmang nadakip noong Agosto 7 habang ang bangkay ng kasamang si Jomar “Ka Nine/Jonel” Lipalan ay patagong inilibing ng 1st IB at itinangging ibigay sa pamilya para iburol, ipagluksa at ilibing. Si Ka Mutya ay isang hors de combat na nahuli sa proseso ng pag-iigib ng tubig. Wala siyang dalang armas noong mahuli at kung gayon, ay wala sa katayuang lumaban. Si Ka Jonel ay matapang at magiting na mandirigmang nabuwal sa gitna ng paglaban para iligtas si Ka Mutya sa Brgy. Happy Valley, Roxas, Occidental Mindoro. Hindi pa nasapatan dito, hinaras ng 1st IB ang mga grupo sa karapatang taong rumesponde at tumulong sa kaanak ng mga martir na mandirigma na kunin ang kanilang mga bangkay.
Noong Agosto 1, pinaslang ng 4th IBPA si Juan Sumilhig, isang lokal na lider-katutubo at magsasaka sa San Jose, Occidental Mindoro. Halos isang taon nang walang patlang na naghahasik ng teror ang 68th at 4th IBPA sa Brgy. Naibuan at Monteclaro ng nasabing bayan. Notoryus ang 4th IB sa pagpaslang sa mga sibilyan. Sila rin ang pumaslang sa kabataang si Jay-el Maligday at lider-Hanunuong si Hulyo Aytag. Komun sa kanilang tatlo ang paratang na sila ay mga mandirigma ng NPA at napatay sa isang engkwentro.
Ang garapalang kondukta ng 2nd ID at SOLCOM ng AFP ay palatandaang kasinungalingan ang ipinalalabas ng rehimeng US-Marcos II na “tapos na” ang rebolusyong pinamumunuan ng CPP-NPA-NDFP. Hindi ito nagwawakas, at dahil di matapos-tapos, lalung nagiging desperado at mala-halimaw ang papet na GRP. Nilalabag ng GRP sa ilalim ng rehimeng US-Marcos II ang internasyunal na makataong batas, mga pandaigdigang kumbensyon, tuntunin sa labanan at mga kasunduan sa pagitan nito at ng NDFP upang ipataw ang pinakamalupit na atake sa mamamayan. Target nito ang lahat ng itinuturing na kalaban ng estado–walang pagpili kung sibilyan o armado, walang pagpili sa pwersang may kakayahang lumaban o wala tulad ng mga sugatan, walang dalang armas, huli, maysakit at mga retirado nang opisyal at kasapi ng rebolusyonaryong kilusan.
Pinatitindi ang mga focused and sustained military operations na walang-awang nanghahalihaw sa mga komunidad ng magsasaka at katutubo, laluna sa Mindoro, Quezon at Rizal na ilang taon nang nasa pokus ng militar. Ang tumatagal at bumababad na mga yunit ng AFP-PNP sa mga komunidad sa tabing ng community support program ay nagpapatupad ng iba’t ibang antas at tindi ng blokeyo sa kabuhayan at pagkain para “pagkaitan ng suporta ang NPA” sa kapinsalaan ng mamamayan. Sa mga komunidad ng katutubong Mangyan sa Mindoro at Dumagat at Remontado sa Quezon at Rizal, inirereklamo nila ang limitadong pinahihintulutang suplay papasok sa kanilang mga komunidad nang walang pagsasaalang-alang sa lapit at layo ng mga ito sa tindahan o mga tyanggian. Pinagbabawalan din silang pumunta sa kanilang mga kaingin o taniman upang mangalap ng pagkain at produktong pambenta. Apektado nito ang kanilang kakayahang kumita ng pera at makabili kahit papaano ng kanilang pangangailangan. Gutom hanggang pagkakasakit ang inaabot ng mga residente, laluna ang mga bata.
Karaniwang modus operandi ng mga berdugong yunit militar na matapos ang mga labanan ay naglulunsad sila ng pambobomba, panganganyon at istraping nang walang pakundangan at pinipiling target na pumipinsala sa buhay at ari-arian ng mga sibilyan.
Nitong Agosto 12 ng tanghali, naiulat ang pang-iistraping ng militar sa mga barangay sa Baco, Oriental Mindoro—resulta nito, hindi makapaghanapbuhay ang mga residente sa takot na matarget ng pamamasista ng AFP. Ipinatutupad ang sapilitang pagpapalikas at pagpapakonsentra sa mga katutubo sa kabundukan. Ayon sa ulat, aabot na sa libong residente ang sapilitang pinalilikas at pinakokonsentra at apektado ng panliligalig at paghihigpit ng militar sa nasabing bayan para umano sa ngalan ng pagtugis sa magigiting na Pulang hukbo. Mula nakaraang buwan, hindi na nawala ang presensya at pakat ng 76th IB at iba pang yunit ng 203rd Brigade, kabilang ang 15th SRC sa limang barangay ng Victoria, Oriental Mindoro matapos ang matagumpay na taktikal na opensiba ng isang yunit ng Lucio de Guzman Command noong Hulyo 13.
Sa Quezon, nagsagawa ang 16th IB at 201st Brigade ng pang-iistraping, panganganyon at pambobomba matapos ang labanan sa pagitan ng militar at isang yunit ng Apolonio Mendoza Command sa Brgy. Maguibuay, Tagkawayan noong Agosto 2. Nasawi sa nasabing insidente ang rebolusyonaryong si Sandy “Ka Dayne” Broncano. Labis na pangamba ang naramdaman ng mga magsasaka bunsod ng mga dating karanasan sa atake galing himpapawid. Noong Marso 2024, tatlong magsasaka ang muntik mapatay ng pambobomba at pamamaril ng 81st IB mula sa himpapawid sa parehong barangay.
Walang ibang layunin ang mga atake galing sa ere kundi itulak ang sibilyang populasyon na magalit, itaboy at ihiwalay ang mga yunit ng NPA nang sa gayo’y magtagumpay ang AFP na gipitin at isangkot sila sa sunud-sunod na mga labanan. Ngunit kabaligtaran nito ang nangyayari. Sa iba’t ibang panig ng rehiyon, maingat na kinakanlong ng masang magsasaka at katutubo ang kanilang Pulang hukbo na tangi nilang kakampi laban sa karahasan at kalupitan ng estado. Hindi nila magawang itakwil o basta itaboy ang kanilang mga Pulang medik, titser, abogado na tanging nagbigay ng libre at tunay na serbisyo para sa kanila at kasa-kasama nila sa kanilang pakikibaka para sa lupa.
Tinatayang lalupang titindi ang ginagawang pag-atake laban sa mamamayang Mindoreño matapos ianunsyo ni Ramon Zegala, hepe ng 2nd ID ang pokus nila sa isla ng Mindoro hanggang Disyembre ng taon. Dapat panatilihin ng mga yunit ng NPA sa rehiyon ang mataas na pagmamatyag sa mga pakana ng kaaway. Gawin ang lahat upang matagumpay na pasuntukin sa hangin ang berdugong kaaway habang pinadudugo sa libong sugat sa katawan at pana-panahong binibigwasan sa ulo ang halimaw na AFP-PNP. Hinihiling ng mamamayan na gawaran ng rebolusyonaryong hustisya ang lahat ng kalupitang ginagawa sa kanila ng estado at militar.
Kasabay nito, tinatawagan namin ang mamamayan ng rehiyon na lalong pahigpitin ang suporta at pagsalig sa NPA, sa kanilang sariling Hukbo na tangi nilang kakampi at tagapagtanggol. Dapat nilang pasampahin ang pinakamabubuti nilang mga anak sa NPA para higit pa itong palakasin at paramihin. Sa paglakas ng Hukbong bayan, sisingilin at pagbabayarin nila nang mahal ang AFP-PNP-CAFGU, ang rehimeng Marcos II at amo nitong imperyalismong US sa lahat ng kanilang krimen laban sa bayan.
Titiyakin ng Partido na mahigpit na tangan ng NPA ang kanilang rebolusyonaryong paninindigan at sandata upang laging maging handa sa pukpukang pakikipaglaban sa kaaway. Laging hahangarin ng mga rebolusyonaryong armadong pwersa na hawakan ang inisyatiba sa paglaban at pagbigwas sa kaaway. Sa pamamagitan ng kilusang pagwawasto, kumulatibo itong magpapalakas para pamunuan ang demokratikong rebolusyong bayan hanggang sa ganap na tagumpay at itatayo ang sosyalismo.