Pagwawalambisa sa moratorium ng pagmimina sa Occidental Mindoro, malaking banta sa buhay ng mga Mindoreño!
Mariing kinukundena ng rebolusyonaryong mamamayan, kasama ang mga mamamayan sa Mindoro ang desisyon ng Korte Suprema na nagpapawalambisa sa moratoryum sa pagmimina sa prubinsya ng Occidental Mindoro na nagbabawal sa malakihang pagmimina.
Ito ay matapos maghain ng petisyon sa Korte Suprema at kwestyunin ng Agusan Petroleum and Mineral Corporation, isang subsidiyaryo ng San Miguel Corporation (SMC) na pagmamay-ari ni Ramon Ang, ang isa sa pinakamalaking burgesya kumprador at may mahabang rekord sa hindi mabilang na proyekto sa pagmimina, imprastruktura, dam, at iba pang operasyon na mapangwasak sa kalikasan. Ang hakbanging ito ng Kataas taasang Korte ay ipinagdiwang at pinapurihan ng mga dambuhalang kumpanya laluna ng industriya sa pagmimina. Habang malaking dagok at kabiguan para sa mga mamamayang matagal nang ipinaglalaban ang karapatang mabuhay sa malinis at ligtas na kapaligiran. Sa ilalim ng sistemang ito, malinaw na ang natitirang likas-yaman ng Mindoro at bansa ay nagsisilbi lamang na puhunan para sa iilan upang lalo pang maghuthot at kumita ng bilyon bilyong halaga, habang kapalit nito sa mga karaniwang tao ang mawalan ng lupa, kabuhayan, at maging ng buhay.
Hayok na hayok ang Agusan Petroleum at San Miguel Corporation na muling butasin ang kabundukan ng Mindoro at dambungin ang likas na yamang mineral. Ipinagpipilitan ng mga korporasyong ito at kanilang mga tagapagtangkilik na ang pagmimina ay papakinabangan ng buong bansa, ngunit nagdudumilat na ito’y isang malaking kasinungalingan. Hindi na kailangang maging eksperto sa ekonomiya para masuri na ang kita mula sa pagmimina ay hindi kailanman napakinabangan ng mga lokal na komunidad. Insulto sa mamamayang Mindoreño ang dahilan ng Agusan Petroleum na ang pagbabawal ng malakihang pagmimina dahil sa negatibong dulot nito sa kalikasan ay mapanupil at hindi-makatwiran sapagkat ito naman daw ay pinapahintulutan ng batas. Kung babaybayin, sa nagdaang dekada, pinatunayan lamang ng Philippine Mining Act (PMA) of 1995 na kasinungalingan ang pangako nitong responsable at ligtas na pagmimina. Hindi na mabilang ang mga pagkakataon na maiuugnay ang malakihang pagmimina sa pagbaha, pagguho ng lupa, pagkalason ng tubig, pagkasira ng kagubatan, at pagpapalikas sa mga katutubo at komunidad sa kanayunan. Ang batas na ito ay isang mapanlinlang na mekanismo na nagsasabing makikinabang ang buong bansa sa pagmimina, ngunit sa katotohanan, ang mga mamamayan ay patuloy na nagsasakripisyo habang ang mga malalaking kumpanya ay patuloy na kumikita at pinapalawak ang kanilang kapangyarihan. Ang Mining Act of 1995 ay hindi makatarungan, hindi ito makatao, at hindi nakapagbibigay ng tunay na benepisyo sa nakararami.
Ang desisyon ng Korte Suprema na nagbawi sa lokal na moratorium sa pagmimina sa Occidental Mindoro ay hindi lamang isang teknikal na hakbang dahil sa diumanong mga legal na konsiderasyon. Ito rin ay tahasang pagbabalewala sa mga lokal na ordinansa na ipinatupad upang protektahan ang kalikasan at mamamayan. Ang local mining ban na ipinatutupad sa Occidental Mindoro at maging sa iba pang lugar sa bansa ay hindi lamang isang patakarang pangkalikasan, kundi ekspresyon din ng mariing pagtutol ng mga lokal na komunidad sa operasyong pagmimina na ibinunga ng mayamang kasaysayan ng isla sa pakikibaka kontra-mina. Kung babalikan, mahaba na ang kasaysayan ng masang Mindoreño sa pagtutol sa mapangwasak na pagmimina. Matingkad ang paglaban sa pagmimina ng karbon sa FFCruz sa Bulalacao Oriental Mindoro noong dekada 80 at ang Mindoro Nickel Project (MNP). Mula gitnang bahagi ng dekada 90, nagpalit-palit na ang mga dayuhang kumpanyang mamumuhunan sa naturang proyekto dahil lagi silang sinasalubong ng matutunog na protesta ng mga Mindoreño.
Ang Korte Suprema sa kumpas ng rehimeng US Marcos 2 ay nagbibigay lamang ng ligal na batayan sa mga dayuhang korporasyon upang ibayo pang dambungin ang likas-yaman ng Mindoro. Sa halip na pagtibayin ang isang tunay na kaunlaran at nagsasariling ekonomya, isang lipunang nagsusulong ng pambansang industriyalisasyon na nakabatay sa pagpapaunlad ng agrikultura, sa kaibuturan ay lalong itinutulak nito ang Pilipinas na sumandig sa pag-eeksport ng hilaw na mga materyales at pag iimport ng mga yari ng produkto.
Sa harap ng sitwasyong ito, dakilang tungkulin ngayon ng mga Mindoreño ang paglaban sa kontra mahirap, kontra mamamayan, at mapangwasak sa kalikasang patakaran ng Rehimeng US Marcos 2. Dapat buuin ang pinakamalawak na pagkakaisa ng mamamayan, organisahin at pakilusin sila sa pagtutol sa mga operasyong mina. Lalong higit na kailangang palakasin ang armadong paglaban ng mamamayang Mindoreño upang ipagtanggol ang mamamayang inaagawan ng lupa at kabuhayan. Higit na kailangang isulong ang demokratikong rebolusyong bayan bilang natatanging solusyon sa pagkawasak ng kalikasan at pagkakamit ng tunay na kaunlaran!