Pahayag

Palakasin ang anti-pyudal na pakikibaka sa gitna ng pasismo at anti-magsasakang paghahari ni Marcos!

,

Ngayong Buwan ng Magsasaka, tinatanghal ng rebolusyonaryong mamamayan ng TK ang makatarungang pakikibaka ng mga magsasaka para sa lupa at kabuhayan. Sa nagdaang siglo, pinagkaitan ang mga magsasaka ng lupa sa ngalan ng interes ng mga imperyalistang bansa at mga lokal na kasabwat na burgesya komprador at panginoong maylupa. Patuloy pang dinarahas ang mga magsasaka ng pasistang estado sa imbing layuning supilin ang kanilang makatarungang pakikibaka.

Hindi naiiba ang rehimeng US-Marcos II sa mga nagdaang administrasyon, lalo sa kanyang amang diktador sa pambubusabos sa mga magsasaka. Sa konserbatibong taya ng reaksyunaryong gubyerno, binubuo ng mga magsasaka ang isang katlo ng pinakamahihirap na Pilipino. Dahil ito sa programang huwad na reporma sa lupa at neoliberalismo na ipinagpapatuloy ng rehimeng US-Marcos II.

Labis na inilubog ng neoliberalismo ang mga magsasaka sa kumunoy ng kahirapan dahil sa pagbaha ng imported na produktong agrikultural na nagpababa ng presyo ng lokal na produktong bukid laluna ng palay. Perwisyo ito sa kabuhayan ng mga magsasaka habang patuloy na ginagawang dependyente ang Pilipinas sa produkto ng dayuhang merkado. Inengganyo ng EO 62 ni Marcos Jr ang importasyon sa pagbaba ng 35-15% taripa sa importasyon ng bigas at iba pang produkto. Dalawang taon nang nangungunang importer ng bigas ang Pilipinas sa buong mundo. Isang kabalintunaan ito, gayong palay ang isa sa pangunahing produktong agrikultural sa bansa. Hindi rin ito nakatulong sa pagpapababa ng presyo ng bigas sa pamilihan na umaabot na ng ₱60 kada kilo.

Sumisidhi ang malawakang problema sa kawalan ng lupa na pinagtatakpan ng estado sa mga pekeng pamamahagi ng lupa. Palabas lamang ng gubyernong Marcos II ang “matatagumpay” na pamamahagi ng lupa. Patunay rito ang pagpapawalang saysay sa “naipamahagi” nang CLOA sa saklaw ng asyenda Roxas sa Batangas at salaysay ng mga magsasaka sa Palawan noong Abril na ginawaran ng pekeng Certificate of Land Ownership Award (CLOA) na hindi nakapangalan sa mga benepisyaryo habang pinalahok din sa aktibidad ang may mga CLOA na. Sistematikong inaagawan ng lupa pa ang mga magsasaka sa pamamagitan ng butas ng batas sa reporma sa lupa at neoliberal na iskema ng kaunlaran kung saan tinatarget ang mga lupaing agrikultural lalo ang mga produktibong lupa ng magsasaka para ipasok sa pandaigdigang merkado at pagsilbihin sa interes ng mga burgesya komprador at imperyalista.

Sa land use conversion, magkasabwat ang mga panginoong maylupa-burgesya komprador at burukrata kapitalista para ikumbert ang mga lupang agrikultural tungong komersyal, plantasyon, proyektong mina at base militar ng AFP o US. Sa Timog Katagalugan, pinaboran ni Marcos Jr ang mga kroni nitong sina Enrique Razon, Ramon Ang, Manny Villar at pamilya Aboitiz na nasa likod ng mga proyektong renewable na hydropower at solar, mall, subdivision at resort. Katambal ng Masagana 150 o 200 ang programang parselisasyon at pagpapatitulo ng lupa na sinusuportahan ng International Monetary Fund-World Bank. Nililikha nito ang kondisyon para sa pagbebenta ng mga indibidwal na may-ari ng lupa sa panahong bagsak ang presyo ng mga produktong bukid. Sa huli, magsisilbi ito sa pagpapalawak ng mga plantasyon at pagkontrol ng iilang pamilya, korporasyon o ng estado mismo sa malalaking tipak ng lupa.

Hindi pa nasapatan, ginagamit ni Marcos Jr ang programang kondonasyon ng utang ng mga magsasaka para pabanguhin ang sariling pangalan. Subalit sa kabila ng kondonasyon, nananatili pa ring hikahos ang mga magsasaka dahil sa kakulangan ng suporta ng reaksyunaryong gubyerno sa pagsasaka at kainutilan sa pagtugon sa sakuna. Patunay rito ang El Niño kung saan naiulat ang ₱777 milyong pinsala sa agrikultura sa Timog Katagalugan noong Marso at higit pa ang pinsalang natamo sa bagyong Carina at habagat mula Hulyo. Reklamo ng mga magsasaka ang pahirap na sistema para makakuha ng ayuda habang pautang ang “tulong” na ibinigay sa kanila.

Hindi na nakapagtataka kung bakit nag-aaklas ang mga magsasaka sa pahirap na rehimeng US-Marcos II. Upang patahimikin ang mga magsasaka, ginagamit ng estado ang AFP-PNP sa paghahasik ng takot at teror. Sa rehiyon, inaatake ng berdugong militar at pulis ang mga komunidad na may pakikibaka sa lupa kagaya ng Lupang Ramos sa Dasmariñas at Lupang Tartaria sa Silang, Cavite; Hacienda Yulo sa Laguna; Hacienda Almeda sa Occidental Mindoro; at Balabac Island at Coron sa Palawan. Kalakhan sa mga lupa ay aagawin para gawing pook-negosyo habang ang sa Balabac Island ay gagawing base militar ng US. Inaresto ang mga organisador at taga-suporta ng mga magsasaka gaya nina Alexandrea Pacalda, Erlindo Baez, Wilfredo Capareño, Joy Laguardia at Fatima Banjawan sa TK. Hindi malilimutan ng mga magsasaka ang Bloody Sunday kung saan pinaslang ang mga organisador ng mga magsasaka at mangingisda na mag-asawang Chai at Ariel Evangelista. Sinampahan naman ng gawa-gawang kaso sa bisa ng Anti-Terror Law si Alaiza Lemita, kapatid ni Chai, dahil sa paggigiit ng hustisya. Masinsin din ang focused military at retooled community support program operations sa kanayunan.

Sa kabila nito, magiting na hinaharap ng mga magsasaka ang pang-aatake ng estado. Ngayong Buwan ng Magsasaka, binabati ng NDFP-ST ang mga magsasaka sa hindi nagmamaliw nilang pakikibaka para sa lupa at pambansang kalayaan. Marapat lamang na patuloy nilang iputok ang mga anti-pyudal na pakikibaka upang igiit ang karapatan sa lupa, itaas ang antas ng pamumuhay at pahinain ang kapangyarihan ng mga panginoong maylupa at burgesya komprador sa kanayunan.

Sa gitna ng papalapit na eleksyong 2025, maaaring hamunin ng mga magsasaka ang mga lingkod bayan sa pagsusulong ng laban para sa lupa at kabuhayan. Higit na palaparin ang alyansa sa iba pang mga aping uri upang pakitirin at pahinain ang bulok na pangkating Marcos.

Nananawagan ang NDFP-ST na patuloy na suportahan ng mga magsasaka ang pagsusulong ng peace talks sa pagitan ng NDFP at GRP sa gitna ng mga pakana ng mga anti-kapayapaang elemento sa loob ng gubyernong Marcos II na ibahura ito. Isinusulong ng NDFP sa peace talks ang tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon sa ilalim ng Comprehensive Agreement on Socio-economic Reforms (CASER). Dapat ipalaganap ang CASER sa mga magsasaka sa anyo ng mga pag-aaral at propaganda bilang alternatibo sa bulok na kaayusan ng lipunang malakolonyal at malapyudal.

Gayundin, pangunahing programa ng pambansa demokratikong rebolusyon ang pagpapatupad ng tunay na reporma sa lupa. Isinusulong ng rebolusyonaryong kilusan ang rebolusyong agraryo (RA) na may maksimum na programang kumpiskasyon at pamamahagi ng lupa at minimum na pagpapababa ng upa sa lupa, pagpawi sa usura, pagpapataas ng sahod ng manggagawang bukid at presyo ng produktong bukid. Ipagtanggol ang mga tagumpay ng RA sa rehiyon upang patuloy na matamasa ng susunod na henerasyon.

Hindi maihihiwalay ang usapin ng lupa sa pambansang kalayaan. Ganap na makakamit ng mga magsasaka ang tunay na reporma sa lupa kung ang bayan ay malaya sa imperyalistang paghahari. Bilang pangunahing pwersa ng rebolusyon, maaasahan ang mga magsasaka sa pagsusulong ng digmang bayan para ibagsak ang imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo.

Palakasin ang anti-pyudal na pakikibaka sa gitna ng pasismo at anti-magsasakang paghahari ni Marcos!