Opisyal na pahayag ng Kabataang Makabayan-Armando Mendoza sa matagumpay at muling pagkakatatag ng balangay Palakasin ang Kabataang Makabayan-Armando Mendoza!

Ang kasaysayan ng rebolusyonaryong kabataan ay mahaba, mula sa kapanahunan ng mga henerasyon ni Jose Rizal at Andres Bonifacio hanggang sa kabataang sumapi sa Bagong Hukbong Bayan, buhay na buhay ang pagpapatuloy ng rebolusyong Pilipino. Sa pagpapatuloy ng rebolusyonaryong tradisyon ng kabataan at sa tuloy-tuloy na pag-igting ng mga kontradiksyon sa buong mundo, nasisilayan ng kabataan ang karumihan at karumaldumal na epekto ng Imperyalismong US sa daigdig mula sa Palestina hanggang sa Pilipinas. Mula sa kapanahunan ng pagkakatatag ng Kabataang Makabayan noong 1964 sa panahon ng Rehimeng US-Marcos I at hanggang sa Rehimeng US-Marcos-Duterte, hindi nagbago na ang primaryang kalaban pa rin ng sambayanang Pilipino ay ang Imperyalismo, Pyudalismo, at Burukrata-Kapitalismo. Sa panahon na walang pagkukubli ang mga reaksyunaryo sa kanilang mga kasalanan at labis-labis na pagpapahirap sa sambayanang Pilipino, nananatiling ang sagot ng Kabataang Makabayan at buong rebolusyonaryong kilusan ay ang Demokratikong Rebolusyong Bayan.

Sa ngalan ng pagpapatuloy ng rebolusyonaryong tradisyon ng kabataan na maghimagsik sa nabubulok na sistemang panlipunan, sa ngalan at mapulang pagpupugay ng mga Tomasinong Martir na sila Joshua “Ka Kiko” Regalado, Angelo “Ka Kaloy” Del Rosario, at marami pang iba mula sa hanay ng kabataan, muling itinatag ng mga rebolusyonaryong Tomasino ang Kabataang Makabayan – Armando Mendoza noong Oktubre 10, 2023. Sa kabila ng kontra-progresibo at reaksyunaryong katangian ng Unibersidad ng Santo Tomas, ang kasaysayan ng pakikibaka ng mga militante at rebolusyonaryong Tomasino ay mayaman at mahaba. Mula sa dakilang Jose Rizal, sa Filipinization Movement na sinuportahan at tinaguyod ng mga estudyante ng unibersidad, at sa pagbarikada ng mga estudyante sa mga gusali ng unibersidad nang ito’y magtaas ng matrikula noong panahon ng diktaduryang US-Marcos I. Mula sa mga kilusang ito, nawa’y magsilbi itong isang aral at inspirasyon sa mga Tomasinong nais bumaklas at baguhin ang katangian, hindi lang ng unibersidad, kundi ng buong lipunang ginagalawan niya. Totoong malakas ang indibidwalistikong tendensiya ng kabataan lalo na’t ang kanilang mga isip ay hinubog para sa ganansya ng mga naghaharing-uri, ngunit habang ang krisis ay lumalala, lumalabas ang likas na kagustuhan ng kabataan na baguhin ang mundong kanyang mamanahin.

Tunay ngang walang kinabukasan ang Kabataang Pilipino sa ilalim ng Rehimeng US-Marcos-Duterte. Ang kabataan ngayoy’y nasa sangandaan sa kasaysayan. Sa lumulubhang kronikong krisis ng malapyudal at malakolonyal na lipunan, maaaring dalawang landas ang tahakin ng kabataang Pilipino. Kung siya ba’y tatahak sa rebolusyonaryong landas upang ipagtagumpay ang Demokratikong Rebolusyong Bayan at kamtan ang interes ng lahat ng uring-api o makiisa sa mga reaksyunaryo at sapitin ang kapalaran na mabulok sa tambakan ng mga pangalang naging traydor sa hanay ng kabataan at pag-usad ng kasaysayan. Ang rebolusyonaryong landas, bagama’t masalimuot at madugo, kung ito’y ginagawa nang taos-pusong paglingkod sa masa upang ipagwagi ang kanilang interes at puksain ang kanilang mga pundamental na suliraning panlipunan – ang imperyalismo, pyudalismo, at burukrata-kapitalismo – ang tatahak ng landas na ito ay ‘di hamak na bibgigyan ng pinakamataas na pagpupugay katulad ng mga martir na ibinigay ang kanilang buhay para sa Rebolusyong Pilipino.

Kabataan, sumapi sa Bagong Hukbong Bayan! Isulong ang Digmang Bayan upang lansagin ang pasista, papet, at kurap na Rehimeng US-Marcos-Duterte hanggang sa ganap na tagumpay!

Mabuhay ang Kabataang Makabayan!
Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!
Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!
Mabuhay ang Pambansang Demokratikong Nagkakaisang Prente!
Kabataan, tumungo sa kanayunan at sumapi sa hukbo ng mamamayan, ang Bagong Hukbong Bayan!

Palakasin ang Kabataang Makabayan-Armando Mendoza!