Pahayag

Palayain si NDFP Peace Consultant Wigberto Villarico, ibalik ang usaping pangkapayapaan!

Ipinapahayag ng National Democratic Front of the Philippines Laguna ang pinakamataas na pagkundena sa di-makatarungang pang-aaresto at pagdedetine kay Wigberto Villarico at sa kasama niyang si Marjorie Lizada ng mga armadong pwersa militar at pulisya ng estado ng pangkating US-Marcos II noong Oktubre 24, 2024 sa Quezon City.

Si Villarico ay isang NDFP Consultant sa usapang pangkapayapaan sa pagitan ng GRP at ng NDFP na mahigit apat-dekada nang isinusulong ng NDF mula noong 1987. Matatag ang paniniwala ng NDFP na makakamit ang substansyal na usapan sa paglutas sa mga ugat ng 55 taon na armadong labanan sa pagitan ng New People’s Army (NPA) at ng Armed Forces of the Philippines (AFP) kung may sinsedirad sa pagkamit ng makatarungan at matagalang kapayapaan na magsisilbi sa interes ng sambayanang Pilipino alinsunod sa pambansa demokratikong linya.

Si Villarico, 68 anyos, ay isang mahusay na konsultant na may malawak na karanasan at kaalaman sa kalagyan at problema ng mga manggagawa, magsasaka, kabataan-estudyante at guro, maralitang lungsod, at pambansang minorya sa Timog Katagalugan. Maagap at masikhay siyang tumupad ng mga gawain bilang tagapayo sa malawak na pwersa ng NDFP sa rehiyon. Kasalukuyang may iniinda siyang karamdaman na kinakailangan ng agarang pagpapagamot.

Bilang NDFP Consultant, ginagantiya ang kaniyang kaligtasan sa ilalim ng pinirmahang Joint Agreement on Security and Immunity Guarantees (JASIG) ng parehong panig ng GRP at NDFP noong Pebrero 24, 1995. Protektado rin ng Comprehensive Agreement on the Respect for Human Rights and International Humanitarian Law ang kaniyang mga karapatan bilang tagapayo ng NDFP.

Siya ang pangatlong NDFP Consultant na inaresto ng rehimeng US-Marcos II ngayong buwan matapos din nila arestuhin sina Porferio Tuna sa Tagum, Davao del Norte at sa tagapagsalita ng Cordillera People’s Democratic Front na si Simeon “Ka Filiw” Naogsan sa Ilocos Norte.

Isang malaking inhustisya at balakid sa pagkamit ng tunay at pangmatagalang kapayapaan ang pag-aresto kay Villarico. Malinaw na hindi maaaring arestuhin at

idetine ang mga may hawak ng JASIG bilang bahagi ng proseso ng usapang pangkapayapaan. Ang pag-aresto kay Villarico at iba pang mga NDFP Consultant ay malaking sampal sa kabila ng mga pahayag ng estadong Marcos II na bukas ito na pumasok muli sa usaping pangkapayapaan.

Tila hindi alintana ni Marcos II ang usaping pangkapayapaan at agarang sinasaula nito ang mga usapan tulad ng ginawa ng berdugong rehimen ni Duterte. Hindi kapayapaan kundi ang katahimikan ng libingan ang ninanais ng mga berdugong ito, habang wala silang plano para lutasin ang ugat ng limang-dekadang digmaang sibil sa bansa.

Mismo ang rehimeng US-Marcos II ang sumisira sa mga pagkakataon na matuloy ang usaping pangkapayapaan. Pilit nitong pinagpapatuloy ang whole-of-nation approach ng naunang rehimeng Duterte sa hangaring ubusin ang rebolusyonaryong kilusang masa, at kasabay nito, ang lahat ng demokratikong oposisyon sa rehimen niya. Isang halimbawa na lamang ang nagpapatuloy na pagpiit sa mahigit 755 na bilanggong pulitikal sa buong bansa, kabilang ang 18 na NDFP consultant.

Mahalagang ipagpatuloy ang usaping pangkapayapaan para sa kapakanan ng sambayanang Pilipino at sa pagpapaunlad ng pulitikal, ekonomiko, at panlipunang kagalingan ng mamamayang Pilipino. Hamon sa rehimeng US-Marcos II na kilalanin at igalang ang JASIG at ang lahat ng mga nauang kasunduang napirmahan at bumalik sa mesa para sa usapang pangkapayapaan. Kailangan ding palayain ng estado ang lahat ng NDFP Consultant kasama ang mga bilanggong pulitikal na nakadetine sa walang malinaw na dahilan.

Higit na kinakailangan ang usaping pangkapayapaan ngayon sa kabila ng lumalalang kahirapan, kaguluhan, at agwat-langit na hindi pagkakapantay-pantay sa lipunan. Ang pagkamit ng makatarungan at pangmatagalang kapayapaan ang susi sa pagresolba sa lumalalim at lumalalang kronikong krisis ng malakolonyal at malapyudal na lipunang Pilipino.

Palayain si NDFP Peace Consultant Wigberto Villarico, ibalik ang usaping pangkapayapaan!