Pambobomba ng AFP Sa Pilar, Abra at Sta. Maria, Ilocos Sur: Higit kailanman ay gawaing terorista

Ang artikulong ito ay may salin sa Iloco

Mariing kinukundena ng National Democratic Front (NDF)-Ilocos ang isinagawang aerial bombing at teroristang pag-atake ng mga yunit ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa mga komunidad sa hangganan ng Pilar, Abra at Sta. Maria, Ilocos Sur noong Abril 2.

Ayon sa mga residente, naganap ang serye ng limang engkuentro sa pagitan ng 50th Infantry Battalion Philippine Army at ng mga pwersa ng NPA na tumagal mula 11:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon. Nagsimula ito sa sitio Paring, barangay Babalasioan, Sta. Maria Ilocos Sur at nagpatuloy hanggang sa barangay Nagcanasan, Pilar, Abra. Tumagal ang sagupaan mula 11:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon kung saan nagsagawa ng aerial bombings ang Philippine Air Force.

Sa ulat at posts sa social media ng mga residente, sobra-sobra ang mga inihulog na bomba at airstrike ng militar, na napakalapit sa mga komunidad. Sobrang dami din ang mga pwersang ibinuhos at dumagsa sa naturang erya para sa operasyong kombat nito.

Ang nasabing pambobomba ay nagdulot ng matinding troma sa mga residente, lalo na ang mga bata at matatanda. Maliban sa mismong ulat ng mga residente at upisyal ng barangay ng Babalasioan, kitang-kita din sa mga nakuhang bidyo ang matinding sindak na idinulot ng mga aerial bombing sa mga residente.

Napilitang lumikas ang nasa 212 pamilya na kinabibilangan ng 650 indibidwal mula sa Barangay Babalasioan, Sta. Maria at Barangay Nagcanasan, Pilar, kabilang ang dalawang nagpapasusong ina at kanilang mga sanggol. Kinansela din ang mga klase sa mga paaralan.

Maliban dito ay nagpahayag sila ng matinding pagkasiphayo sa salanta sa kanilang mga tanim na palay, mais at tabako na idinulot ng operasyong militar, na dumagdag sa salanta sa kanilang kabuhayan dulot ng El Niño. Dahil sa mga operasyon ay di pa nila nababalikan ang kanilang mga pananim, lalo na ang mga dahong tabako na kinakailangan nang anihin.

Kinumpirma mismo ng Commanding Officer ng 102nd Infantry Battalion, na si Lt. Col. Felipe Jaramilla na gumamit sila ng Super Tucano, isang klase ng eroplanong pang-atake sa kanilang airstrike sa nasabing labanan.

Tahasang terorismo ang maghulog ng bomba sa mga bisinidad ng komunidad na nagsasapanganib sa buhay ng masa na hindi naman sangkot sa digmaan. Tahasang paglabag ito sa International Humanitarian Law at Comprehensive Agreement on Human Rights and International Humanitarian Law, na mahigpit na nagbabawal sa mga ganitong tipo ng pag-atake, kung saan nadadamay ang mga inosenteng sibilyan.

Ayon sa mga residente ng Babalasioan ay wala pang naisagawang debriefing sa mga natromang mga bata at mga biktima ng pambobomba, gayundin ay limitado pa ang naihatid na ayuda sa kanila mula sa lokal na gubyerno.

Kaugnay nito, nananawagan ang NDF-Ilocos ng kagyat na ayuda, medical at psychosocial na suporta sa mga biktima ng nasabing aerial bombings at operasyong militar. Nananawagan kami sa mga grupo at organisasyong nagtataguyod ng karapatang-tao na imbestigahan ang nasabing insidente upang idemanda at panagutin ang sangkot na yunit ng AFP na naglunsad ng aerial bombings at iba pang porma ng paglabag sa karapatang-tao. May pananagutan din ang Commission on Human Rights at lokal na gubyerno na tulungan ang mga mamamayan ng komunidad at suportahan sila sa panawagan para sa hustisya at kagyat na ayuda.

Salaula ang NOLCOM na habang nagyayabang na durog na ang mga larangang gerilya ng hukbong bayan sa Cordillera at Ilocos ay naglulunsad pa ng mga mararahas na operasyong militar na tahasang lumalabag sa karapatang-tao. Bago pa ang sagupaan noong Abril 2, tuloy-tuloy ang focused military operations ng 50th IB at 102nd IB sa Abra at Ilocos at ipinaiilalim ng mga ito sa matinding militarisasyon ang mga komunidad, kung saan hinaharas, ginigipit at ni-reredtag ang mga sibilyang hinihinalang tagasuporta ng rebolusyonaryong armadong kilusan.

Bumubula ang bibig ng 501st IBde sa pagsisinungaling sa publiko na ang engkwentro ay naganap dahil sa “sumbong ng taumbayan sa presensya ng NPA na naghahasik ng teror sa komunidad.” Sa mga ganitong klase ng matinding operasyon na sinasabayan ng maitim na propaganda, pagpapakalat ng maling impormasyon at saywar ng militar ay lalo lamang nitong ginagatungan ang galit ng masa. Higit silang nag-aasam na malaman ang katotohanan sa likod ng terorismong militar.

Habang kinakalap pa ang lahat ng impormasyon at inaalam ang kabuuan ng pangyayari, nakatitiyak ang NDF-Ilocos na hindi masasagkaan ng aerial bombing at ano pa mang superyor na kagamitang militar ng AFP ang diwa at dedikasyon ng mga Pulang mandirigma sa Ilocos-Cordillera. Tiyak kaming lalo pa itong magtutulak sa hukbong bayan na magpalakas at ipagtanggol ang masang inaapi at pinagsasamantalahan.#

Pambobomba ng AFP Sa Pilar, Abra at Sta. Maria, Ilocos Sur: Higit kailanman ay gawaing terorista