Maging konsolidado sa pag abante ng rebolusyon Panatilihing buhay ang diwa at turo ni Kasamang JMS!
Ngayong araw ating ibinibigay ang pinakamataas na pulang saludo at pagpupugay sa dakilang lider at dakilang guro ng Partido Komunista ng Pilipinas at ng rebolusyong Pilipino na si Kasamang Jose Maria Sison. Dalawang taon na mula ng siya’y mamartir noong December 16, 2022 dulot ng karamdaman subalit nananatiling buhay na buhay ang diwang JMS at kanyang mga ginintuang aral sa Pilipinas at saanmang dako may rebolusyong isinusulong.
Sa Mindoro, inilulunsad ngayong araw ng ilang mga organo at komite ng Partido, mga yunit ng BHB, at mga organisasyong masa ang mga kapehan at iba pang aktibidad kung saan magkasabay na ginugunita ang ikalawang taong pagkamartir ni Kasamang Joma at pagbubukas ng month-long celebration ng ika 56 na anibersaryo ng ating mahal na Partido Komunista ng Pilipinas-MLM. Sa pagdiriwang ng ika 56 na taon ng muling tatag na Partido Komunista ng Pilipinas sa pamumuno sa rebolusyong Pilipino, ay pagdiriwang din ang dakilang buhay, alaala, at mga ambag ng tagapangulong tagapagtatag nito, si Kasamang JMS.
Walang kupas, napapanahon, at tumpak ang lahat ng mayamang sulatin at talumpati ni Kasamang JMS mula noon hanggang ngayon. Mula sa Lipunan at Rebolusyong Pilipino, Partikular na Katangian ng Digmang Bayan, Mahigpit Nating Tungkulin, Iwasto ang mga Pagkakamali at Muling Itayo ang Partido, hanggang sa mga isyu sa West Philippines Sea, peacetalks, maging pagsusuri sa Rehimeng US Duterte at iba pang napapanahong mga isyu. Patuloy itong binabalik-aralan ng mga kasapi ng Partido kasabay ng kilusang pagwawasto sapagkat wasto ang pagsusuri at paglalapat nito sa kongkretong kalagayan ng lipunang Pilipino. Matalino niyang ginamit at inilapat sa partikular na kalagayan ng Pilipinas ang teorya ng Marxismo-Leninismo-Maoismo sa kanyang mga sulatin. Pagpapatunay na hanggang ngayon ay buhay, angkop, at wasto ang teorya ng MLM. Pinatunayan niya ang pagsusuring malapyudalismo ang pang-ekonomyang sistemang umiiral sa lipunang Pilipino at kung paano ito nagpapahirap sa mamamayang Pilipino. Kung paano lumalala ang krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista at pagsuhay ng neoliberal na patakaran na lalong nagpapalugmok sa kahirapan ng mga mamamayan sa bansa at daigdig. Kung paanong ang gera ay ginagamit para higit na makapanghuthot ng mas malaking tubo ang imperyalista.
Deka dekada na ang ilan niyang mga sulatin subalit lalo lamang itong nagpapatibay sa kawastuhan ng mga prinsipyo ng Partido, linya, at ng sinusulong nating digmang bayan. Naging pundasyon din ito ng kilusang pagwawasto mula noon at hanggang sa ngayon: noong muling itatag ang Partido noong 1968, ng Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto noong 1992-1998, at ng kasalukuyang inilulunsad na kilusang pagwawasto. Susi ang papel ng mayamang sulatin ni Kasamang JMS upang matukoy ang mga pagkakamali sa ideolohiya, pulitika, at organisasyon at mula dito ay puspusang makapagwasto at makasulong . Habang sabay-sabay na pinagkukunutan ng noo ng mga kasapi ng Partido kung paano babalikwas sa mga pagkabalaho na nararanasan ng rebolusyonaryong kilusan ay sabay sabay din nating balik-aralan ang kanyang mga sulatin upang higit na patalasin ang ating isipan.
Maging inspirasyon nating lahat laluna ng mga kabataan ang buhay, diwa, at pakikibaka ni Kasamang JMS. Hindi siya nag alinlangang iwanan ang marangyang buhay alang alang sa paglilingkod sa bayan at sa uring proletaryado. Sa kabataang edad, binalikat niya kasama ang mga naunang lider at kasapi ng Partido ang mabibigat na hamon ng tungkulin sa muling tatag na Partido noong 1968. Matalas at matapang nilang pinuna at iwinasto ang mga “mas matatanda” sa Partido na sina Lava at Taruc na nagpasimuno ng rebisyunismo sa loob ng Partido. Itinayo nila ang Kabataang Makabayan (KM) na naging balon ng mga rebolusyonaryo na nanguna sa pagmumulat, pag-oorganisa at pakikibaka para sa karapatan, lupa, at kabuhayan. Mapagpasya rin niyang pinangunahang itinayo ang Bagong Hukbong Bayan. Kahit nasa ibang bansa dahil sa pagtugis ng kaaway sa kanya, patuloy at hindi napatlangan ang pagsubaybay niya sa rebolusyong Pilipino at sa tuwina’y nagbibigay ng opinyon sa iba’t ibang isyu. Buong panahon niya’y inialay niya bilang rebolusyonaryong internasyunalista, na naghahangad hindi lamang ng kalayaan ng mamamayang Pilipino mula sa kamay ng imperyalismo, pyudalismo, at burukrata kapitalismo kundi paglaya ng proletaryado at lahat ng inaapi’t pinagsasamantalahan sa buong daigdig.
Kinakaharap natin ngayon ang mabangis, sagad sa kalupitang kontra rebolusyonaryong digma at ng matinding desperasyon ng reaksyunaryong estado para wasakin hanggang ganap na durugin ang buong rebolusyonaryong kilusan. Higit na kailangang maging konsolidado sa ideolohiya, pulitika, at organisasyon ang lahat ng rebolusyonaryong pwersa. Magagawa natin ito sa pamamagitan ng walang patlang at seryosong pag-aaral, paglulunsad ng matapat na pagpuna at pagpuna sa sarili o PPS , pagtatasa, paglalagom, at panlipunang pagsisiyasat. Sa lumalalang krisis ng lipunang Pilipino, tularan natin si Kasamang JMS na sapul namulat sa kalagayan ng mga inaapi’t pinagsasamantalahatan ay hindi na pumikit pa at piniling baguhin ang lipunan. Mapangahas na pinag aralan ang ugat ng kahirapan at nagsulong ng pakikibaka para bunutin ang ugat ng kaapihan upang makamit ang tunay na kalayaan at demokrasya. Tuloy tuloy na nakibaka kahit sa panahon na siya ay ikinulong, tinortyur, at napilitang lisanin ang sariling bansa. Ang kanyang tatag, sipag, dedikasyon, hindi pagiging maka-sarili at katapangan ang ating maging inspirasyon para tuloy tuloy na tahakin ang landas tungong lipunang malaya, mapayapa, at masagana.
JMS Lives!
Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas (MLM)!
Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!
Mabuhay ang National Democratic Front of the Philippines!
Mauhay ang di-magagaping rebolusyong Pilipino!