Papanagutin ang San Miguel Corporation sa mga paglabag sa karapatang pantao ng mga pambansang minorya sa Bugsuk, Balabac!
Mariing kinukundena ng NDF-Palawan ang mga paglabag ng San Miguel Corporation sa karapatang pantao ng mga pambansang minoryang Molbog at Palaw’an sa Barangay Bugsuk, Balabac, Palawan. Marapat na papanagutin ng mamamayang Palaweño ang SMC sa mga kaso nito ng sapilitang pagpapalayas, pagbabanta, intimidasyon at pandarahas sa mamamayan ng Bugsuk.
Mula Hunyo 29, dumaranas ang mga katutubong Molbog at Palaw’an sa Bugsuk ng nakakaalarmang mga insidente, kabilang ang panunutok ng baril at pagbabanta upang sapilitan silang palayasin sa kanilang lupaing ninuno at mapanghimasok na sarbeylans (intrusive surveillance) at intimidasyon na malubhang nakakaapekto sa kanilang pang-araw-araw na buhay at kabuhayan.
Malala pa, gumagamit din ng mga drone ang mga armadong tauhan ng SMC para gabi-gabing bantayan ang mamamayan sa lugar. Ni hindi makatulog ang mga residente dahil sa pag-aalala sa maaaring masamang gawin sa kanila ng mga armadong tauhan ng SMC. Dahil sa walang humpay na intimidasyon, 30 sa 158 pamilya na ang napilitang umalis sa isla ng Mariahangin.
Nasa likod ng walang-awang pagpapalayas at napipintong demolisyon na ito ng SMC sa mga tahanan ng pambansang minorya sa Bugsuk ang pagbibigay-daan sa pagtatayo ng Bugsuk Island Resort, isang malawakang proyektong ekoturismo na sumasaklaw ng mahigit 5,500 ektarya.
Kinasabwat ng SMC ang mga burukratang kapitalista at mga ahensya ng reaksyunaryong gubyerno upang itulak ang engrandeng proyekto nito sa kapinsalaan ng mga katutubo. Una ay ang Department of Agrarian Reform (DAR), na nag-alis sa 10,821 ektarya ng lupain sa Barangay Bugsuk at Pandanan sa saklaw ng programa sa repormang agraryo, at nag-imporma sa mga lokal na residente ng napipintong demolisyon sa kanilang mga tahanan noong Hunyo 27.
Ikalawa ay ang Department of Environment and Natural Resources (DENR), sa paglalabas ng Environmental Compliance Certificate (ECC) na nagbibigay-pahintulot sa proyektong tinatayang matatapos sa 2038.
At ikatlo ay ang Sangguniang Bayan ng Munisipalidad ng Balabac, na nag-endorso ng isang resolusyon na sumusuporta sa nasabing proyektong ekoturismo at pagrerekomenda ng paglalabas ng Strategic Environment Plan (SEP) Clearance at Environmental Compliance Certificate (ECC) ng DENR.
Bangungot na nauulit sa rehimen ng anak ng diktador ang kasalukuyang banta sa mga residente ng Bugsuk. Pinalayas din sila ng rehimeng Marcos Sr. mula sa Isla ng Bugsuk noong 1974, 50 taon na ang nakararaan, upang ibigay sa kroni nitong si Danding Conjuanco ang 10,821 ektaryang lupain para paburan ang negosyong taniman ng hybrid na niyog. Si Danding Cojuangco ang dating may-ari ng SMC. Mula noon, nagpapatuloy ang dislokasyon sa mga residente ng Bugsuk at pagkakait sa kanila ng tahanan at kabuhayan.
Sa panahon ni Marcos II, mayor na salik sa pagpapalayas at pang-aapi sa mga pambansang minorya sa Balabac at buong Palawan ang pagtatayo ng mga base at pasilidad militar ng US sa Palawan. Desperado ang imperyalismong US na palayasin ang mga residente ng Balabac upang malaya nitong gamitin ang isla bilang estratehikong base at pasilidad militar nito sa nilulutong digma laban sa China. Isa ang Balabac sa siyam na “pinagkasunduang lokasyon” sa ilalim ng EDCA. Sa kasalukuya’y malapit nang matapos ang konstruksyon ng Balabac Military Runway at isang command and control center. Minamadali rin ang pagpapalawak at pagpapalalim ng daungan sa kabilang bahagi ng Balabac Island para gawing himpilan ng malalaking barkong pandigma ng US. Ang itinatayong base sa Balabac ang pinakamalapit sa pinag-aagawang Mischief Reef, kung saan nagtayo ang China ng artipisyal na isla na may mga pasilidad at instalasyong militar.
Dapat patuloy na ipaglaban ng mamamayan ng Bugsuk ang kanilang karapatan sa lupaing ninuno, kabuhayan at panirikan sa iba’t ibang paraan. Ipagtanggol ang lupaing ninuno sa iba’t ibang larangan ng pakikibaka, mula ligal, malaligal, armado at di-armado upang pigilan ang pangangamkam ng mga burgesya kumprador at panghihimasok ng imperyalismong US. Dapat ding igiit na makabalik ang mga nadislokang residente ng Bugsuk sa kanilang lupang ninuno, tahanan at kabuhayan. Dapat na ipanawagan ang pagpapatigil sa proyektong ekoturismo ng SMC at papanagutin ang kumpanya sa mga paglabag nito sa karapatang pantao. Mainam na ang panimulang pagsisikap na makakalap ng mahigit isanlibong pirma ng pagsuporta sa petisyon ng mamamayan ng Bugsuk para igiit ang kanilang mga demanda sa reaksyunaryong gubyerno. Dapat umani ng mas malawak na suporta ng buong mamamayang Palaweño ang pakikibaka ng mga magsasaka, mangingisda at pambansang minorya ng Balabac. Karugtong nito, igiit at ipanawagan ang pagpapalayas sa mga base at pasilidad militar ng US. Makiisa sa laban ng buong Palaweño at mamamayang Pilipino sa imbing pakana ng US na gawing pambala sa kanyon ang mamamayang Palaweño sa posibleng pagputok ng gera laban sa China.
Kasabay nito, itaas pa ang pakikibaka ng mamamayan ng Balabac sa pagsusulong ng tunay na reporma sa lupa na nilalaman ng demokratikong rebolusyong bayan. Malaon nang napatunayang inutil ang mga huwad na programa sa reporma sa lupa ng reaksyunaryong gubyerno. Dapat maunawaan na hangga’t ang namamayaning sistema sa bansa ay malakolonyal at malapyudal na pinaghaharian ng imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo, ang deka-dekadang suliranin ng mga magsasaka at pambansang minorya sa kanilang lupa ay hindi masosolusyunan.
Isulong ang rebolusyong agraryo upang mapasakamay ng uring magsasaka at mga pambansang minorya ang lupang mula’t sapul ay sila ang nagmamay-ari at nagbubungkal. Sumapi sa Bagong Hukbong Bayan at isulong ang armadong pakikibaka upang maparusahan ang mga sagadsaring lumalabag sa karapatang pantao tulad ng SMC at iba pang mga naghaharing-uring panginoong maylupa at malalaking burgesya kumprador, mga armadong tauhan nito at ang armadong pwersa ng pasistang estado. Palawakin at palakasin ang rebolusyonaryong hanay ng uring magsasaka, kakapit-bisig ang iba pang mga uri at sektor, at itayo ang base sa kanayunan at mga binhi ng gubyerno ng mamamayan na nagsusulong ng interes ng anakpawis. Tanging sa pamamagitan lamang ng paglulunsad at pagtatagumpay ng matagalang digmang bayan at pambansa demokratikong rebolusyon na may sosyalistang perspektiba makakalaya ang magsasaka sa pyudal at malapyudal na pang-aapi at pagsasamantala sa kanila at makakamit ang malaya, makatarungan, maunlad at masaganang lipunan.#