Pahayag

Pinakamataas na parangal sa BHB, tunay na Hukbo ng mamamayan! Tipunin ang lakas ng mamamayan para isulong at ipagtagumpay ang digmang bayan!

Taas-kamaong nagpupugay ang NDFP-ST kasama ang rebolusyonaryong mamamayan ng Timog Katagalugan sa Bagong Hukbong Bayan na nagdiwang ng ika-56 anibersaryo ng pagkakatatag nito noong Marso 29. Nais naming ipabatid sa BHB ang di nagmamaliw na suporta ng mamamayang api’t pinagsasamantalahan sa armadong pakikibaka sa kanilang tunay na Hukbo. Hangad ng mamamayan na higit pang tumatag, lumakas at lumawak ang BHB sa darating na mga taon upang ibayong sumulong at tumungtong sa mas mataas na antas ang ating digmang bayan.

Kasabay ng pagbubunyi binibigyan natin ng pinakamataas na karangalan ang lahat ng mga martir na kasapi ng BHB sa rehiyon at sa buong bansa. Espesyal na sinasaluduhan ngayong anibersaryo ang pambansang lider ng BHB na si Ka Maria Malaya o Myrna Sularte na pumanaw sa isang labanan sa Butuan City noong Pebrero 12. Ang kanilang dakilang sakripisyo ay hindi matatawarang ambag sa pagkakamit ng mithing tunay na kalayaan at demokrasya at habampanahong gugunitain ng bayan.

Ang anibersaryo ng BHB ay okasyon upang alalahanin ang dapat nating pamalagiang ibandila na maniningning na tagumpay ng mamamayan at rebolusyonaryong kilusan sa larangan ng armadong pakikibaka. Isang napakahalagang panandang-bato sa kasaysayan ng paglaban ng mamamayang Pilipino ang pagbubuo sa BHB noong Marso 29, 1969 dahil naging hudyat ito ng pagmartsa pasulong ng pakikibakang bayan sa landas ng matagalang digmang bayan. Itinuwid nito ang kamalian ng mga Lava at itinaas ang antas ng armadong pakikibaka sa pagpapailalim ng Hukbo sa pamumuno ng proletaryong Partido.

Sa nagdaang 56 taon, ipinamalas ng BHB ang puspusan, masikhay at magiting na paglaban sa tutang reaksyunaryong estado at imperyalismo. Ipinundar mula sa ilampung mandirigma at iilang riple, nagpursige ang binhing pwersa ng BHB sa mahigpit na paggabay ng Partido Komunista ng Pilipinas na abutin ang buong kapuluan ng bansa at paramihin ang lakas-tauhan at kagamitan. Binubuo ito ng pinakamabubuting anak ng bayan, mayorya mula sa hanay ng uring magsasaka. Malaking bilang din ang mula sa aping uri’t sektor ng mga manggagawa at kabataang intelektwal sa kalunsuran.

Nagpalakas ito at nagpalawak habang sabay na nilalabanan hanggang mabigo ang mga kontra-rebolusyonaryong kampanyang supresyon na inilunsad ng mga papet na rehimen mula Operation Nip in the Bud (Kitlin sa Usbong) ni Marcos Sr. Imbes na mapigilan ang pagsuluy ng mga binhi ng armadong pakikibaka, naging salik pa ang brutal na panunupil upang mabilis na tanggapin at suportahan ng mamamayan ang BHB. Inabot ng BHB ang latag na sumaklaw sa higit 100 larangang gerilya, ang lakas ng libu-libong mandirigma at kakayanang makapanguna sa pambansang pagsulong ng digmang bayan.

Sa higit lima’t kalahating dekada, laksa-laksang mamamayan na ang nagbenepisyo sa gawaing edukasyon, medikal, produksyon, pangkultura, at relip at rehabilitasyon ng BHB. Hindi na rin mabilang ang mga kaso at problema sa baryo na nalutas sa tulong ng BHB. Dito sa TK, nakatatak na sa masa ang paglalansag ng BHB sa sindikato ng mga magnanakaw ng hayop, mga asyenda’t pastuhan, at ang pamamarusa ng Pulang hukbo sa mga notoryus na goons ng PML at mga sagadsaring pasistang tropa ng estado. Dahil may BHB, naipagtagumpay ng mamamayan na bawiin at bungkalin ang kanilang lupa para sa kanilang pakinabang. Higit sa lahat, dahil mayroong armadong pwersang magtatanggol at magsisilbing gulugod ng pampulitikang kapangyarihan, nagagawa ng mamamayan na itayo ang kanilang Demokratikong Gubyernong Bayan.

Ang lahat ng mga nakamit at ang dakilang simulain na mahigpit na tinatanganan mula noon hanggang ngayon ang mga dahilan kung bakit naging isang natatangi at prestihiyosong sandatahang pwersa ang Bagong Hukbong Bayan. Lalong nagiging kahanga-hanga ang mga Pulang kumander at mandirigma sa bawat pagsubok at pang-aatake ng kaaway na kanilang binibigo, tulad ng kanilang ipinakita sa pakikihamok sa mabangis na rehimeng US-Duterte at sa pagpapatuloy ng rehimeng Marcos Jr. ng de facto batas militar. Pambihirang katatagan at tapang ang taglay ng BHB sa pagharap sa mga modernong sandata, eroplano, helicopter, bomba at sa ilandaang ulit na mas maraming lakas tauhan kapwa ng AFP at PNP na inaayudahan ng US. Kahit kailan, anupaman ang sabihin ng palalong AFP, hinding-hindi mapapasubalian ang kagitingan ng BHB na sumuong sa buhay-at-kamatayang paglaban nang walang hinihintay na kapalit.

Sa pagsapit ng ika-56 taon, humaharap ang BHB sa malaking hamon. Bagamat hindi nagagapi, nagtamo ng mabibigat na pinsala ang Pulang hukbo. Maraming mga kasama ang nagbuwis ng kanilang buhay. Kasabay nito, ang pasismo-terorismo sa kanayunan ay lumilikha ng mga sagka at lamat sa mahigpit na ugnayan ng masa at Hukbo. Ang malupit na taktikang hibasin ang dagat upang mamatay ang isda na turo ng imperyalismong US sa AFP ay umiiral at nananalasa pa rin hanggang ngayon.

Hindi mag-isang hinaharap ng BHB ang hamong ito. Ang hamon sa BHB ay hamon din sa buong rebolusyonaryong kilusan, dahil mula’t sapul, sa balangkas ng demokratikong rebolusyong bayan, magkakaugnay ang armado at di-armadong pakikibaka, ligal at iligal. Tulad kung paanong malaki ang ginampanang papel ng rebolusyonaryong mamamayan sa pagpupundar ng lakas ng BHB, malaki rin ang gampanin nito sa pagbabangon ng lakas ng BHB at pagsikad ng armadong pakikibaka tungo sa mas mataas at panibagong antas ng digma.

Sa diwa ng pagwawasto, dapat paglimian ng mga rebolusyonaryong pwersa kung paano nila itinaguyod ang armadong pakikibaka bilang pangunahing anyo ng paglaban. Dapat muling balikan ang batayang kaisahan sa pagsapi sa rebolusyonaryong organisasyon—ang pag-sang-ayon sa linya ng DRB. Kailangang siyasatin ng bawat pwersang naniniwala sa kawastuhan ng DRB kung ano ang kanilang naging ambag sa armadong pakikibaka o kung mayroon silang pagkukulang dito.

Dapat akuin ng mga rebolusyonaryong pwersa ang kanilang tungkuling itaguyod at palakasin ang armadong pakikibaka. Sa mga rebolusyonaryong organisasyong masa sa kanayunan at sa kalunsuran, gawing mayor na gawain ang paglilikom ng suporta para sa Hukbo—sa anyo man ito ng paniktik, sandata, pinansya, materyal, at pinakamahalaga, lakas tauhan. Maging aktibo sa pangangampanya sa pagsapi sa Hukbong Bayan ng pinakamabubuting anak ng bayan na nasa pamantayan: may gulang na 18-anyos pataas, may mabuting rekord at malusog na pag-iisip at katawan.

Dapat ding maging daluyan ng propaganda hinggil sa kadakilaan ng BHB at kawastuhan ng digmang bayan ang bawat selula ng rebolusyonaryong kilusang lihim. Itambol ang mensahe ng armadong rebolusyon sa mga bayan, pagawaan, eskwelahan, lalung-lalo na sa kabukiran at kabundukan. Kasabay nito, labanan ang itim na propaganda ng AFP tungkol sa BHB. Ilantad ang mga pekeng balita ng kaaway at singilin ang mga berdugo sa pamiminsala nila sa mga komunidad.

Ang mga pakikibakang masa para sa lupa, kabuhayan at karapatan sa kanayunan ay mahigpit na nakakawing sa ipinaglalaban ng BHB. Sa pamamagitan ng tuluy-tuloy na edukasyon at praktika ng pakikibaka, patagusin sa masang magsasaka na ang problema sa lupa ang ugat ng armadong paglaban, at na walang kalutasan ito kundi sa pamamagitan ng pagtatagumpay ng BHB. Magiging sukatan ng pagyakap ng masang magsasaka sa DRB ang pag-anib ng pinakamaraming bilang ng magsasaka sa BHB.

Bilang bahagi ng pagkalinga sa kanilang hukbo, dapat pangalagaan ng mga rebolusyonaryong pwersa ang pamilya ng mga kasapi ng BHB na nasa lokalidad, lalung lalo na ang mga naulila ng mga martir. Laging target ng pang-aatake ang mga kapamilya ng Hukbo kaya’t dapat may masandigan silang masa para maging matatag.

Sa gitna ng matinding paniniil ng estado, lalong kinakailangang pahigpitin ang ugnayan ng mga pwersa sa kalunsuran at ng BHB. Tinatawagan ang mga manggagawa, kabataan, maralitang lungsod at iba pang mulat na pwersa na mangahas na tumungo sa mga sonang gerilya upang makilala ang BHB at makipag-aralan tungkol sa digmang bayan.

Tiyak na makakamit ang ibayong paglakas at pagtatag ng BHB kasabay ng pagpapaalab ng mga pakikibakang masa laban sa pyudalismo, pasismo, burukrata kapitalismo at imperyalismo. Ngayong anibersaryo ng BHB at maging sa mga karaniwang araw, dapat isapuso ng bawat rebolusyonaryong pwersa ang ultimong kahalagahan ng BHB sa pagtatagumpay ng rebolusyong Pilipino. Ibigay ng bawat isa ang kanyang ganang kaya upang iambag sa pagpapalakas ng armadong pakikibaka at pagsusulong ng digmang bayan!

Pinakamataas na parangal sa BHB, tunay na Hukbo ng mamamayan! Tipunin ang lakas ng mamamayan para isulong at ipagtagumpay ang digmang bayan!