Pahayag

Mamamayang Pilipino, huwag palilinlang Rice Tarrification Law, RICE Act at iba pang neoliberal na patakaran sa agrikultura, ibasura!

, ,

Nagpapatuloy na pasakit ang hatid ng Rice Tariffication Law (RTL) sa mga magsasaka at karaniwang konsyumer mula nang ipatupad ito noong 2019. Sa ilalim ni Marcos Jr., ipinataw nito ang dagdag na mga pasakit sa tuluyang liberalisasyon at deregulasyon sa industriya ng bigas sa bansa noong Disyembre 2024. Ngayon naman, dahil sa kapalpakan ng batas na ito, nais isulong ng gubyernong Marcos II ang mga pag-aamyenda sa RTL sa tabing muli ng krisis sa bigas at pagsirit ng presyo na umaabot ng hanggang lampas ₱60.

Muling binuhay sa Senado nitong Pebrero ang pagtalakay sa pag-aamyenda sa RTL nang pagpasyahan ng Department of Agriculture (DA) na panatilihin ang dati nitong deklarasyong pambansang emerhensya sa seguridad sa pagkain, partikular sa bigas mula noong Pebrero 2025. Itinakda umano ito ng DA upang gawing istable ang presyo ng bigas. Iginigiit ni Fransisco Tiu Laurel, kalihim ng DA, ang pagsusulong ng Rice Industry and Consumer Empowerment (RICE) Act bilang solusyon.

Tila magandang pakinggan na muling “ire-regulate” o tatakdaan na ng hangganan ng RICE Act ang buyangyang na moda ng pag-iimport ng bigas dahil sa RTL. Mayor na laman ng RICE Act ay: (1) pagbabalik ng kapangyarihan ng National Food Authority kung saan bubuuin ang sistema ng pagrerehistro at superbisyon sa industriya ng bigas at (2) pamamahala ng buffer stock na magtitiyak diumano sa sapat na imbentaryo ng bigas para sa panahon ng emerhensya. Hakbangin umano ito para masuportahan ang lokal na magsasaka ng palay, i-aadjust umano nila. Sa madaling salita, ibabalik sa National Food Authority (NFA) ang kapangyarihan sa direktang pagbili ng palay sa mga magsasaka.

Kung tutuusin, matagal nang umaaray ang mga magsasaka ng palay at mga konsyumer laluna matapos ipatupad ang RTL na unti-unting pagpatay sa industriya ng palay na nagpahintulot sa walang-habas na importasyon at pagsirit ng presyo ng bigas. Ngayon pa ba poposturang may malasakit ang gubyerno ni Marcos Jr. kung kelan baon na baon na sa utang ang mga magsasaka at nawalan na ng kabuhayan at lupain?

Ang hindi binabanggit ng reaksyunaryong gubyerno ay ang imbing layunin sa likod ng RICE Act kung saan gagamitin itong iskema ng mga Marcos upang muling buhayin ang NFA bilang kartel ng bigas sa bansa. Ang NFA bilang may mandatong ireguleyt ang presyo ng bigas at suplay at may awtoridad na ibenta ang bigas sa publiko ay maaaring maglipat ng hawak nitong suplay sa mga ahensya ng gubyerno, lokal na yunit ng gubyerno at Kadiwa stores. Matagal nang nalantad ang paggamit ng mga Marcos sa programang Kadiwa para sa pagpapabango at pamumulitika noong eleksyon 2025. Dito lamang ibinebenta ang ipinamamaraling ₱20 bigas ng rehimeng Marcos II. Nagiging daluyan din ang Kadiwa ng pagbebenta ng mga inismagel na produktong pang-agrikultura.

Dapat malaman ng mamamayang Pilipino na ang problema sa hindi maawat na pagtaas ng presyo ng bigas ay idinulot ng tuluy-tuloy na liberalisasyon sa agrikultura laluna sa industriya ng bigas sa pamamagitan ng pagsasabatas ng RTL, patuloy na pamamayagpag ng mga kartel sa bigas at iba pang mga patakaran ng estado. Bukod sa RTL, ibinaba ni Marcos Jr ng 15% ang taripa sa bigas noong 2024 na lalong naghikayat sa pagpasok at nagpabagsak sa presyo ng imported na bigas. Kasabay nito, sa halos kawalan ng ayuda at sapat na programa para suportahan ang lokal na industriya ng bigas mula sa gobyerno, pumapalo sa napakataas na halaga ang gastos sa produksyon ng palay. Mahal na nga ang binhi, mahal pa ang farm inputs na abono at fertilizer. Kaya naman hilahod ang magsasaka sa palayan sa napakataas na gastos at lalo silang nalulugi sa mababang halaga ng palay sa farmgate dahil sa paghahabol umano ng gubyerno sa mababang presyo ng imported na bigas.

Matindi ang pasakit ng RTL sa masang magsasaka kung saan iniresulta ng pagbaha ng imported na bigas ang pagbagsak ng presyo ng palay sa farm gate. Sa Timog Katagalugan noong 2025, umabot ng ₱11 ang pinakamurang palay sa CALABARZON habang sumadsad pa ng ₱8 sa MIMAROPA. Hindi rin maramdaman ng mga magsasaka ang Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) na ipinatupad kasabay ng RTL para suportahan umano ang mga magsasaka sa pamamagitan ng mekanisasyon, pagbibigay ng mga binhi, pautang at treyning. Ang RCEF ay may pondong ng ₱30 bilyon kada taon. Ayon sa mga magsasaka sa Mindoro, ang mga binhing hybrid na nanggagaling sa DA ay pumapalo pa ng ₱6,000. Samantala, hindi angkop sa aktwal na pagsasaka ang itinuturo sa treyning ng pagtatanim ng mga hybrid na binhi. Sa turo ng DA, lalong nalalagay sa alanganing mapeste ng mga kuhol ang tanim na palay dahil sa maling sukat ng distansya kada binhi.

Hindi dapat magpaloko ang taumbayan sa mga iskema ng pagpapabango ng gubyernong Marcos II para magposturang nagbibigay solusyon sa problema sa bigas sa bansa. Kailangang kumilos upang ipabasura ang RTL, RICE Act, GATT-WTO Agreement on Agriculture at mga katulad na neoliberal na patakaran sa agrikultura na pasakit sa bayan. Ipanawagan ang pagtaas ng presyo ng palay sa farmgate kasabay ng paggigiit ng mas mababang presyo ng farm inputs at bigyan ng sapat na ayuda ang mga magsasaka.

Labanan ang mga hungkag na programa sa agrikultura ng rehimeng US-Marcos II at Department of Agriculture kagaya ng mga huwad na reporma sa lupa at pakitang taong batas sa kondonasyon. Patuloy na tutulan ang programa sa pagpapalit-gamit ng lupa at palakasin ang pagdedepensa sa lupa. Sa halip, isulong ang tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon bilang tunay na solusyon sa krisis sa pagkain at kabuhayan ng sambayanang Pilipino.

Organisahin ang mga magsasaka sa ilalim ng bandila ng Pambansang Katipunan ng Magbubukid at magsagawa ng mga pakikibaka para sa kabuhayan. Likhain ang higanteng lakas ng magsasaka bilang pangunahing pwersa ng rebolusyon na binubuo ng mayorya ng aping mamamayan upang ibagsak ang estado at wakasan ang isang siglo ng kahirapan, kaapihan at pagsasamantala.

Rice Tarrification Law, RICE Act at iba pang neoliberal na patakaran sa agrikultura, ibasura!