Singilin ang rehimeng US-Marcos II sa pagpapabaya sa masang Mindoreño sa panahon ng kalamidad!
Sa panahon man ng tagtuyot o malawakang pagbaha, walang maaasahang makabuluhang tulong mula sa ilehitimong rehimeng US-Marcos II. Puro pagpapapogi sa kakarampot na ayuda, at militarisasyon ang solusyon ni Marcos Jr. sa mga trahedyang sinapit ng mamamayang Pilipino.
Lalong bumulusok ang dati ng naghihikahos na kalagayan ng masang Mindoreño dahil sa malawakang pagkawala ng buhay at kabuhayan dahil sa epektong dulot ng mga kalamidad sa bansa nitong nakaraang mga buwan.
Sa Occidental Mindoro lamang, umabot sa higit P900 milyon ang kabuuang danyos sa sektor ng agrikultura dahil sa El Niño. Dagdag pa ang P500 milyong halaga ng pinsala sa sibuyas at palay sa nasabing probinsya. Ayon sa datos ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), mayroong 39,292 apektadong indibidwal sa 43 barangay ng apat na munisipalidad sa Oriental Mindoro at 153,769 naman ang apektadong indibidwal sa 125 barangay sa buong Occidental Mindoro. Kung tutuusin, konserbatibong datos ito dahil sa aktwal naapektuhan ng delubyong El Niño ang higit 1.5 milyong populasyon ng Mindoro laluna ang mga magsasakang bumubuo sa 90 porsyento ng populasyon. Pinakamasaklap pa ang kaso ng pagpapakamatay ng ilang magsasaka dahil sa desperasyong dulot sa kanilang kabuhayan.
Habang patuloy na lumolobo ang bilang ng apektadong mamamayan at pinsala sa agrikultura ng El Niño, tila pang-iinsulto pa ang ginawa ni Bongbong Marcos sa masang Mindoreño noong personal na bumisita sa Occidental Mindoro para lamang sa mapanlokong programa sa mga naapektuhan ng matinding tagtuyot.
Taas noong ipinagmamayabang ni Marcos Jr. ang diumano’y naitulong niya sa masang Mindoreño. Batay sa huling ulat ng DSWD, nasa P63,451,400 ang kabuuang tulong na pinaabot nito sa Occidental samantalang P23,019,300 naman sa Oriental. Kung tutuusin, napakaliit ng tila limos na mahigit P87 milyong ayuda sa Mindoro na ipinagmamayabang ng gobyerno. Walong porsyento lamang ito ng higit 1 bilyong pisong kabuuang pinsala sa isang probinsya pa lamang ng Mindoro . Hindi na nga sapat sa pantawid gutom ng pamilya sa araw araw, laluna para makabawi ang mga magsasakang nalugi at nasiraan ng mga pananim, mga nawalan ng kita at kabuhayan. Kaya naman karaniwan na ang isa hanggang dalawang beses na pagkain sa maghapon ng bawat pamilyang Mindoreño. Lalabas na aabot lamang ng P400-500 ang ayudang natanggap ng bawat apektadong indibidwal para sa ilang buwang pagkapinsala ng mga pananim at pagkawala ng kabuhayan na hanggang ngayon iniinda pa din ng mamamayan. Halimbawa nito ang mga magniniyog na masyado ng lumiit ang bunga dahil sa sobrang tuyot. Ang dating 4 na buong katumbas ng isang kilo ng kopras ay naging 8-10 buo na. Marami din sa mga tanim na niyog ang hanggang ngayon ay di pa namumunga, nabansot, habang ang iba pa ay namatay na dahil sa sobrang init. Ang mga magsasakang nalugi sa mga itinanim na palay, mais, monggo, sibuyas, melon, gulay at iba pa ay di pa nakakabawi hanggang ngayon at lubog na lubog sa napakalaking utang.
Kakarampot na nga ang ayuda, pahirapan pa ang proseso ng pagkuha nito. Upang patunayan na sila’y napinsala ng El Niño, kailangan pa ng picture bilang ebidensya ng pinsala sa kanilang kabuhayan. Hindi na nga magkandaugaga ang masa kung saan hahagilap ng makakain, ang pagpipicture pa ba naman ang aatupagin nila. Tanging mga rehistradong magsasaka lamang din sa Department of Agriculture (DA) na kalakhan ay yaong mayamang magsasaka at panginoong maylupa ang mabibigyan ng ayuda.
Wala na ngang sapat na tulong, wala pa ring disenteng trabahong maialok ang gubyerno sa mga mamamayan kaya pikit matang tinatanggap ang 200-350 pisong arawang sahod kapalit ng nakakukubang trabaho. Kung anu-ano ding saydlayn ang pinapasok upang mayroon lamang maipangtawid gutom.
Sa panahon ng kalamidad, El Niño man o La Niña, higit na kailangan ang mahusay na serbisyo sa kuryente na deka dekada ng iniinda ng mga Mindoreño subalit wala ding kongkretong solusyon dito ang rehimeng US-Marcos II. Noong tanungin si Marcos Jr. kung ano ang solusyon dito, walang pag-iisip nitong isinagot na solar panels diumano ang kalutasan. Napakababaw ng pag-alam ni Marcos Jr. sa aktwal na kalagayan at hindi nito kailanman matutumbok ang katotohanan sa sitwasyon ng masang anakpawis. Pinatutunayan lamang niya ang malaking agwat sa pagitan ng reaksyunaryong gobyerno at mamamayan na lalong naglalantad kung kaninong interes ang pinagsisilbihan nito.
Hindi pa nga nakakabangon ang mamamayan sa pinsala ng El Niño, pumasok na muli ang panibagong kalamidad, ang malalakas na ulan dulot ng hanging Habagat at mga bagyong Aghon, Butchoy, at Carina. Lumubog sa putik at baha at gumuho ang lupa sa maraming bayan at probinsya sa buong Pilipinas kabilang ang National Capital Region at mga katabi nitong probinsya. Maging ang Mindoro ay matinding binagyo kaya naman nagdeklara ang maraming bayan dito ng state of calamity.
Pangita pa din ang kawalan ng kongkretong solusyon ng reaksyunaryong gubyerno ni Marcos Jr. upang lutasin ang mga epekto ng kalamidad na taon taong dinaranas ng sambayanan. Nagkokoro ang mga burukrata kapitalista upang pagtakpan ang tunay na dahilan at mastermind ng pagkasira sa kalikasan- ang mga malalaking burgesya kumprador, mga panginoong maylupa at imperyalistang mga bansa na syang nagmamay ari ng mga proyektong mapangwasak sa kalikasan kagaya ng mga minahan, mga dam, mga renewable energy projects, mga pabrika’t plantasyon, at mga reclamation project. Sa Mindoro, ibinibintang ng mga LGU’s sa mga nagkakaingin at mga nag uuling ang matinding tagtuyot at pagbaha. Dahil daw sa kanilang pagsusunog at pagpuputol ng kahoy kaya nagaganap ang mga pagguho ng lupa, pagbaha, at sobrang tagtuyot.
Tanging price freeze sa mga batayang pangangailangan at pagkain sa loob ng 60 araw sa mga bayang nagdeklara ng state of calamity ang solusyong inihapag ng gubyerno ni Marcos sa nakaraang bagyo. Kung tutuusin, wala namang epekto sa mamamayan ang price freeze dahil mas malaking problema kung saan kukuha ng pambili ng pangangailangan. Ginagawa ding gatasan ng mga burukrata kapitalista ang mga calamity fund at quick response fund na laang pondo sana upang gamiting ayuda sa panahon ng mga sakuna at kalamidad. Maging ang mga flood control projects at iba pang proyektong imprastruktura ay hindi rin napagsilbi sa layunin nito dahil batbat ito ng korapsyon. Sa nagdaang bagyong Carina, hinahanap ng marami kung nasaan ang mga proyektong ipinagmamayabang ni Marcos Jr. sa kanyang nagdaang SONA dahil hindi ito naramdaman at napakinabangan ng mamamayan.
Hinarabas na nga ng pesteng army worm ang mga pananim ng mga magsasaka dahil sa tindi ng tagtuyot, mas matindi namang pamemeste ang hatid ng mga army at pulis ng 203rd Brigade at PNP MIMAROPA sa kanayunan ng Mindoro. Imbes na maghatid ng tulong sa mga apektado, mas pinaigting na mga operasyong militar, paniniktik, at pananakot ng bayarang AFP-PNP at CAFGU sa mga pamayanan ang pinagwawaldasan ng pondo ng gobyerno. Dahil sa takot sa mga nag ooperasyong sundalo hindi na makapunta sa mga bukid at taniman ang mga magsasaka. Pinagbabawalan o kaya nama’y nililimitahan din ang oras ng pagpunta sa kaingin at bukid. Dahil dito, wala na halos maitanim ang mga magsasaka, kaya naman matinding gutom ang matagalang epekto nito sa masang Mindoreño laluna sa mga katutubo.
Labis na kagutuman, kahirapan, at desperasyon ang dulot ng mga trahedyang ito sa mamamayang Pilipino. Taon taong nararanasan ng mga mahihirap na mamamayan ang paglangoy sa dagat ng basura, lubog sa putik at baha, at nawawasak na mga bahay at kabuhayan dahil sa mga kalamidad. Sawang sawa na ang mamamayan sa ganitong mukha ng mala-pyudal at mala-kolonyal na lipunang Pilipino at nais na ng pagbabago.
Sa harap ng mas tumitinding kapabayaan at pasismo ng rehimeng US-Marcos II, higit na nagiging malinaw sa masang Mindoreño na walang aasahan sa inutil na rehimen. Sa pagpasok ng ikatlo hanggang huling kwarter ng taon, asahan ang mas matitindi pang bagyo dulot ng La Niña. Dahil walang aasahan sa bingi at bulag na ilehitimong pangulo, tanging sa pagkakaisa at sama-samang paglaban makakamit ang karapatan sa ayuda at disenteng kabuhayan.
Dapat itayo, palakasin, at paganahin ang mga organisasyon ng mga magsasaka at iba pang uri at sektor upang sama-samang isulong ang demokratikong interes at karapatan. Pagkaisahin ang pinakamalawak at pinakamarami pang bilang ng mga magsasaka at katutubo Mangyan para sa ultimong interes at pagtatanggol sa lupa at lupaing ninuno. Dapat na iprograma sa mga organisasyong masa at pakilusin ang lahat para sa sama samang pagtatrabaho at pagpapaunlad ng produksyon kagaya ng programang pagtatanim ng apat na libong piraso ng mga halamang ugat upang tugunan ang kakapusan ng pagkain sa panahon ng krisis sa pagkain.
Kailangan malawakang palaganapin at palahukin ang malawak na mamamayan sa demokratikong rebolusyong bayan. Dahil tanging sa pagtatagumpay lamang ng rebolusyon maitatayo ang tunay na gubyernong may malasakit at tunay na naglilingkod sa interes ng mamamayan. Gubyernong lulutas sa kawalan ng lupa, disenteng kabuhayan, mangangalaga sa kalikasan at lulutas sa malalang epekto ng kalamidad kagaya ng El Niño at La Niña.###