Pahayag

Singilin at pagbayarin ang rehimeng US-Marcos sa epekto ng kalamidad at pagbaha! Igiit ang sapat at napapanahong ayuda sa mga nasalanta!

,

Sa muling paghambalos sa mamamayang Palaweño ng walang kaparis sa kasaysayan na mga kalamidad at pagbaha, dapat ugatin at itutok ang pagpapanagot sa papet at burukrata-kapitalistang estado pangunahin na sa rehimeng US-Marcos na siyang nagsakatuparan ng mga mapangwasak sa kalikasang mga proyekto at negosyo ng mga dayuhan at lokal na naghaharing uri. Ang mga pagdurusang dinanas ng mga Palaweño nitong mga nakaraang araw at linggo ay nagpapakita na pinalulubha ng imperyalistang pandarambong at kasabwat nitong mga panginoong maylupa at malalaking burgesyang kumprador ang epekto ng tuluy-tuloy na pag-ulan sa probinsya.

Nitong unang hati ng buwan, ginulat ang mamamayang Palaweño ng mga biglaan at malawakang pagbaha at pagragasa ng tubig dulot ng pinagsama-samang epekto ng tatlong sistema ng panahon—ang intertropical convergence zone, ang shear line at ang low pressure area na walang-tigil na nagbuhos ng kabuuang 342 mm ng tubig-ulan. Hindi pa man bagyo ang dumarating pero nalagpasan na nito ang 50-taong rekord ng pinakamaraming naibuhos na tubig-ulan na 269.3 mm noong Disyembre 1975. Maikukumpara na ang lakas ng ulan nito sa Bagyong Ondoy, ang isa sa pinakakilalang malakas na bagyo na dumaan sa bansa, at mas malala pa ang epekto kaysa sa malubhang naranasan ng mga Palaweño noong Bagyong Odette.

Kabilang sa pangunahing naapektuhang probinsya ng nagdaang kalamidad ang Palawan, kung saan lima katao na ang namatay, kasama ang dalawang bata, at pito ang nailigtas na sugatan, matapos maanod ng rumaragasang baha ang sinasakyan nilang van sa hangganan ng Aborlan at Puerto Princesa City noong Pebrero 9 ng gabi. Sa buong bansa, anim na ang naitalang namatay dahil sa nasabing pagbaha.

Tulad sa nakaraan, ang Timog-Kanlurang Palawan pa rin ang pinakasinalanta ng malawakang pagbaha. Nagdulot ito ng pagka-istranded at ebakwasyon ng mga residente ng Aborlan, Narra, Sofronio Española at Brooke’s Point. Sa pagtaya noong Pebrero 12, umaabot na sa 1,754 pamilya o 5,326 indibidwal ang nagbakwit sa nasabing mga bayan, habang 391 pamilya o 1,433 indibidwal sa mga Barangay Bancao-Bancao, San Miguel, San Pedro, San Manuel, San Jose, Sta. Lourdes, Tiniguiban, Sicsican, Irawan, at Iwahig sa Puerto Princesa City ang lumikas matapos ang hanggang-dibdib na pagbaha. Apektado naman ang maraming namamasadang drayber ng tricycle at multicab at mga motorista matapos halos hindi madaanan ang ilang kalsada na nasa mabababang lugar sa Puerto Princesa City at Aborlan dahil sa pagbaha at landslide.

Ayon sa panimulang ulat ng pinsala na naitala ng reaksyunaryong gubyerno sa sektor ng agrikultura noong Pebrero 17, 3,200 ektarya ang apektadong sakahan sa mga bayan ng Narra, Aborlan, Sofronio Española, Bataraza, at Brooke’s Point, habang 317 ektarya angnaitala sa Puerto Princesa. Nasalanta naman ang nasa 155 ektarya ng maisan at 200 ektarya ng taniman ng high-value crops. Sa paghahayupan, nasa 2,000 hayop ang namatay na nagkakahalagang ₱4.5 milyon. Sa kabuuan, umaabot sa panimulang ₱208.3 milyon ang napinsala, kung saan nangunguna ang bayan ng Narra sa may pinakamalaking halaga na ₱82 milyon sa industriya ng palay. Hindi rin ligtas ang mga mamamalakaya at mga may palaisdaan sa mga munisipalidad ng Bataraza, Narra, Sofronio Española, Quezon, at Rizal sa pananalasa ng kalamidad.

Partikular sa bayan ng Brooke’s Point, idineklara na ng lokal na pamahalaan nito ang state of calamity matapos magdulot ang malawakang pagbaha ng pinsala sa kabuhayan at imprastraktura. Umabot na sa 7,546 pamilya ang matinding naapektuhan ng kalamidad sa nasabing bayan. Tinatayang nasa ₱41.7 milyon ang halaga ng pinsala sa imprastraktura, habang nasa ₱24.1 milyon naman ang iniwang pinsala sa sektor ng agrikultura. Samantala, mas maagang nagdeklara ng state of calamity ang Puerto Princesa City.

Himutok din ng maraming residente ang kakulangan ng maayos na drainage system na hindi maagang inasikaso ng mga lokal na gubyerno gayong kapansin-pansin na dumadalas na ang pagbaha sa mga nakaraan.

Bukod sa kakulangan sa paghahanda sa panahon ng kalamidad, mabagal din ang paghahatid ng ayuda at iba pang programa sa rehabilitasyon at pagrekober sa mga nasalanta ng pagbaha, kabaligtaran ng tinatawag ng gubyerno na “quick response funds”. Idinadahilan ng rehimen sa hindi pa paghahatid ng ayuda ang hindi pa kumpletong ulat ng kabuuang pinsala ng kalamidad, na tinatayang sa katapusan pa ng buwan makukumpleto.

Bagamat may panimula nang naipamahaging ayuda, hindi ito sapat at ni wala sa kalingkingan ng halaga ng napinsalang tanim at hayop ng mamamayan dahil tira lang ito sa nakaraang pondo para sa kalamidad na hindi naipamahagi. Limitado lang din ang nabigyan ng ayuda—yaong mga magsasakang kwalipikado at rehistrado lang sa iba’t ibang pakanang programa ng gubyerno, tulad ng Rice Farmer Financial Assistance (RFFA) program na sinusuportahan ng Rice Competitive Enhancement Fund (RCEF), Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA), Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC), The Agriculture Credit Policy Council at iba pa. Hindi pa rin nito naaabot ang mas marami pang residenteng biktima ng kalamidad.

Pinatutunayan ding buladas lamang ang maraming nakapakat na tropang Amerikano sa probinsya na para umano sa disaster response. Matatandaang nagpakitang-gilas ang AFP at among imperyalistang US ng mga kagamitan at pondong nakalaan sa pagsagip sa mga biktima tuwing panahon ng kalamidad pero inilalantad ng nagdaang karanasan na hindi nakikinabang ang mga Palaweño sa presensya ng mga Amerikano. Higit na nakagagalit ito dahil winawasak din ng US ang kapaligiran sa pamamagitan ng tuluy-tuloy na ehersisyong militar sa karagatan at kalupaan ng Palawan.

Kung lilingunin, nagsimula noong huling bahagi ng 2022 na gulantangin ang mamamayang Palaweño, laluna sa Timog Palawan, ng malawakang pagbaha dahil sa malakas na ulan. Mula noon, mapapansin ang naging padron na kahit wala pang bagyo aymabilis na nalulubog sa baha ang nagkakailang bayan. Nagkakaroon din ng malalalang landslide at outbreak ng mga sakit buhat sa pagdumi ng tubig. Ang ganito katinding epekto ng malakas na ulan ay singil na ng kalikasan sa mahabang panahong pangwawasak pangunahin ng mga dambuhalang negosyo at proyekto ng mina at pagpapalit-gamit ng lupa mula agrikultural o porestal tungong pook-ekoturismo, residensyal, pagtatayo ng mga plantasyong monocrop tulad ng oil palm at iba pang cash crops, na malawakang kumakalbo sa kagubatan at pumapatay sa sustansya ng lupain. Pinapatag ng mga ito ang mga bundok, iniiwan ang malalaking hukay ng pinagminahan at nagpapadaloy ng lason sa katubigan—pinalulubha ng epekto ng mga katulad nitong kalamidad-na-gawa-ng-tao ang epekto ng mga natural na kalamidad. Ang mga proyektong ito ay pangunahing nakapugad sa mga bayan na pangunahin ding naaapektuhan ng kalamidad.

Dapat ipanawagan ang pagpapatigil ng operasyon ng mga dayuhan at lokal na mapaminsala-sa-kalikasang mga proyekto at negosyo. Dapat magkaisa ang mamamayang Palaweño upang singilin ang mga ito sa kanilang mahabang panahong pangwawasak sa kalikasan. Dapat tularan ang matatag na kolektibong pakikibaka ng mamamayan ng Ipilan sa Brooke’s Point laban sa kumpanya sa mina na Ipilan Nickel Corporation, gayundin ang walang-tinag na pakikibaka ng mga residente ng Bugsuk sa Balabac laban sa San Miguel Corporation at iba pang mga naunang matatagumpay na protesta’t mobilisasyong masa ng mga progresibo’t demokratikong kilusan at organisasyon laban sa mga mapaminsala at mapandambong na mga proyekto.

Kaugnay nito, panagutin din ang mga burukrata kapitalista na kasabwat ng mga imperyalista at lokal na mandarambong sa kalikasan, pangunahin si Ferdinand Marcos Jr na nagpatupad ng mga patakaran upang mas madali at mas malayang makapasok ang mga kumpanya ng mina. Malaking kasalanan sa taumbayan ang pagpapahintulot nila na mag-opereyt ang mga dambuhalang negosyong ito sa kapinsalaan ng kalikasan at mamamayan.

Sa harap ng matinding pagdurusa, dapat ibayong magkaisa ang mamamayang Palaweño at lumaban para sa kanilang kagalingan. Palakasin ang panawagan at kahingian ng mga biktima ng kamakailang mga kalamidad para sa kumpensasyon kasabay ng paniningil sa kabiguan at kriminal na kapabayaan ng rehimeng US-Marcos na tiyakin ang kaligtasan ng mamamayan. Kasabay nito, dapat pahigpitin lalo ng mamamayang Palaweño ang pagtutulungan upang sama-samang makabangon sa panahon ng sakuna. Malikhaing isagawa ang iba’t ibang anyo ng bayanihan sa kabuhayan o produksyon at iba pang tipo ng kooperasyong agrikultural, itayo ang mga samahang magsasaka o organisasyong masa at magpundar ng kooperatiba ng mamamayan. Sa panahong inutil at pinababayaan ng rehimeng Marcos II ang taumbayan kapag may kalamidad, walang ibang maaasahan kundi ang nagkakaisang lakas ng masang anakpawis.

Sa huli, dapat isulong ng mamamayang Palaweño ang demokratikong rebolusyong bayan na pinamumunuan ng Partido Komunista ng Pilipinas. Itaguyod ang armadong pakikibaka at sumapi sa Bagong Hukbong Bayan! Pakamahalin ang BHB na tunay na tagapagtanggol ng mamamayan at naggagawad ng rebolusyonaryong hustisya para sa mamamayan at kalikasan sa pamamagitan ng pamamarusa sa mga mapaminsala-sa-kalikasan na mga operasyon at aktibidad ng mga naghaharing uri tulad ng mina. Sa pagtatagumpay ng DRB, paghahandaan ng itatayong Demokratikong Gubyernong Bayan at kasunod na sosyalistang estado ang anumang kalamidad at sakuna sa paglalatag ng mga nararapat at angkop na hakbangin kasabay ng rehabilitasyon sa kalikasang sinalanta ng dayuhan at lokal na pangwawasak at pandarambong. Kasabay nito, mahusay na paplanuhin ang paggamit ng likas na yaman at poprotektahan ang kalikasan upang maiwasan ang delubyong hatid ng mga natural na kalamidad.

Singilin at pagbayarin ang rehimeng US-Marcos sa epekto ng kalamidad at pagbaha! Igiit ang sapat at napapanahong ayuda sa mga nasalanta!